KABANATA 18
“Sisiklab ang Matinding Galit Ko”
POKUS: Sisiklab ang galit ni Jehova dahil sa pagsalakay ni Gog; ipagtatanggol ni Jehova ang bayan niya sa digmaan ng Armagedon
1-3. (a) Ano ang magiging resulta ng “matinding galit” ni Jehova? (Tingnan din ang larawan sa simula ng kabanata.) (b) Ano ang tatalakayin natin?
ANG mga lalaki, babae, at bata ay nakatayo at umaawit ng Kingdom song. Pagkatapos, taimtim na nanalangin ang isang elder para sa proteksiyon ni Jehova. Nagtitiwala ang lahat ng nasa kongregasyon na iingatan sila ni Jehova, pero kailangan pa rin nila ng pampatibay. Naririnig nila ang ingay ng digmaan na nanggagaling sa labas. Nagsimula na ang Armagedon!—Apoc. 16:14, 16.
2 Sa digmaan ng Armagedon, mamumuksa si Jehova dahil sa “matinding galit” niya. (Basahin ang Ezekiel 38:18.) Ibubuhos niya ang galit niya, hindi sa isang hukbo o bansa, kundi sa maraming indibidwal sa buong mundo. Ang mapapatay ni Jehova sa araw na iyon ay “mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo ng lupa.”—Jer. 25:29, 33.
3 Bakit sisiklab ang “matinding galit” ni Jehova, ang Diyos ng pag-ibig, na inilalarawan bilang “maawain at mapagmalasakit” at “hindi madaling magalit”? (Ex. 34:6; 1 Juan 4:16) Ang sagot sa tanong na iyan ay magpapatibay sa atin, magpapalakas ng loob natin, at tutulong sa atin na maging masigasig sa pangangaral ngayon.
Ano ang Nagpapasiklab sa “Matinding Galit” ni Jehova?
4, 5. Bakit masasabing iba ang galit ng Diyos sa galit ng di-perpektong mga tao?
4 Dapat nating tandaan na ang galit ni Jehova ay iba sa galit ng di-perpektong mga tao. Kapag galit na galit ang isang tao, kadalasan nang nagiging padalos-dalos siya at hindi maganda ang resulta nito. Halimbawa, “galit na galit” ang panganay na anak ni Adan na si Cain dahil hindi tinanggap ni Jehova ang handog niya pero sinang-ayunan naman ang kay Abel. Ang resulta? Pinatay ni Cain ang matuwid na kapatid niya. (Gen. 4:3-8; Heb. 11:4) Isipin din si David, na tinukoy bilang isang lalaking kalugod-lugod kay Jehova. (Gawa 13:22) Kahit mabuting tao si David, muntik na siyang makagawa ng krimen nang siya at ang mga tauhan niya ay insultuhin ng mayamang si Nabal. Dahil sa galit, “nagsakbat ng . . . espada” si David at ang mga tauhan niya para patayin si Nabal at ang lahat ng lalaki sa sambahayan nito. Mabuti na lang, nakumbinsi sila ng asawa ni Nabal na si Abigail na huwag maghiganti. (1 Sam. 25:9-14, 32, 33) Talagang totoo ang ipinasulat ni Jehova kay Santiago: “Ang galit ng tao ay hindi nagbubunga ng katuwiran ng Diyos.”—Sant. 1:20.
Laging kontrolado ni Jehova ang galit niya at malinaw kung bakit siya nagagalit
5 Di-gaya ng tao, laging kontrolado ni Jehova ang galit niya at malinaw kung bakit siya nagagalit. Kahit galit na galit siya, ginagawa pa rin niya kung ano ang tama. Hindi niya nililipol “ang mga matuwid kasama ng masasama.” (Gen. 18:22-25) Isa pa, laging matuwid ang dahilan ng galit ni Jehova. Talakayin natin ang dalawang dahilan at ang mga aral na makukuha natin sa mga ito.
6. Ano ang reaksiyon ni Jehova kapag nalalapastangan ang pangalan niya?
6 Dahilan: Nalalapastangan ang pangalan ni Jehova. Ang mga taong nagsasabing kumakatawan sila kay Jehova pero gumagawa naman ng masama ay nakakasira sa reputasyon niya at nagpapagalit sa kaniya. (Ezek. 36:23) Gaya ng tinalakay sa naunang mga kabanata, ang bansang Israel ay nagdulot ng matinding kadustaan sa pangalan ni Jehova dahil sa mga ugali at ginagawa nila. Kaya naman nagalit si Jehova sa kanila. Pero laging kontrolado ang galit niya—nasa tamang antas ang pagpaparusa niya sa bayan. (Jer. 30:11) At kapag naisakatuparan na ang layunin ni Jehova sa pagpaparusa, hindi na siya naghihinanakit.—Awit 103:9.
7, 8. Anong mga aral ang nakuha natin sa pakikitungo ni Jehova sa Israel?
7 Mga aral: Ang pakikitungo ni Jehova sa mga Israelita ay isang seryosong babala para sa atin. Gaya ng mga Israelita noon, may pribilehiyo tayong dalhin ang pangalan niya bilang mga Saksi ni Jehova. (Isa. 43:10) Ang sinasabi at ginagawa natin ay may epekto sa iisipin ng mga tao tungkol sa kaniya. Hinding-hindi tayo mangangahas na gumawa ng masama at magdulot ng kadustaan sa pangalan niya. Dahil kung gagawin natin iyan, talagang sisiklab ang galit ni Jehova, at di-magtatagal, talagang kikilos siya para ingatan ang reputasyon niya.—Heb. 3:13, 15; 2 Ped. 2:1, 2.
8 Dapat ba tayong matakot na lumapit kay Jehova ngayong alam nating puwedeng sumiklab ang “matinding galit” niya? Hindi. Alam natin na matiisin at mapagpatawad si Jehova. (Isa. 55:7; Roma 2:4) Pero alam din natin na nagdidisiplina siya kung kailangan. Ang totoo, mas iginagalang natin siya dahil alam nating nagagalit siya sa mga namimihasa sa pagkakasala at na hindi niya hahayaang manatili sila sa bayan niya. (1 Cor. 5:11-13) Malinaw na sinabi ni Jehova kung ano ang mga nagpapagalit sa kaniya. Nasa sa atin na kung iiwasan natin ang mga iyon.—Juan 3:36; Roma 1:26-32; Sant. 4:8.
9, 10. Ano ang ginagawa ni Jehova kapag nanganganib ang tapat na mga lingkod niya? Magbigay ng mga halimbawa.
9 Dahilan: Nanganganib ang tapat na mga lingkod ni Jehova. Nagagalit si Jehova kapag sinasalakay ng mga kaaway ang mga tapat na nanganganlong sa kaniya. Halimbawa, pagkaalis ng mga Israelita sa Ehipto, sinundan ng Paraon at ng kaniyang makapangyarihang hukbo ang bayan na mukhang walang kalaban-laban sa baybayin ng Dagat na Pula. Pero nang habulin ng mga Ehipsiyo ang mga Israelita sa tuyong sahig ng dagat, tinanggal ni Jehova ang mga gulong ng mga karwahe nila at ipinalamon sila sa dagat. “Walang isa man sa kanila ang nakaligtas.” (Ex. 14:25-28) Sumiklab ang galit ni Jehova sa mga Ehipsiyo dahil sa kaniyang “tapat na pag-ibig” sa bayan niya.—Basahin ang Exodo 15:9-13.
10 Iyan din ang nagpakilos kay Jehova noong panahon ni Haring Hezekias. Ang mga Asiryano, ang pinakamakapangyarihan at malupit na hukbo noon, ay nasa labas na ng Jerusalem at nakahandang sumalakay. Ang tapat na mga lingkod ni Jehova ay nanganganib na dumanas ng isang malupit na kamatayan. (2 Hari 18:27) Dahil dito, nagsugo si Jehova ng isang anghel; pinatay nito ang 185,000 kaaway na sundalo sa loob lang ng isang gabi! (2 Hari 19:34, 35) Isipin ang eksena kinaumagahan sa kampo ng mga Asiryano. Hindi nagamit ang mga sibat, kalasag, at espada. Walang trumpetang gumising sa mga sundalo. Walang panawagan para magtipon ang hukbo. Nakakakilabot ang katahimikan sa kampo at nagkalat ang mga bangkay.
11. Bakit nakapagpapatibay at nakapagpapalakas ng loob ang mga ulat sa Bibliya tungkol sa ginawa ni Jehova nang manganib ang bayan niya?
11 Mga aral: Ang mga ginawang iyon ni Jehova nang manganib ang bayan niya ay isang malinaw na babala sa mga kaaway natin: “Nakakatakot isipin ang mahulog sa mga kamay ng Diyos” kapag galit siya. (Heb. 10:31) Para sa atin naman, ang mga iyon ay nakapagpapatibay at nakapagpapalakas ng loob. Napapatibay tayo dahil alam nating hindi magtatagumpay ang pangunahing kaaway natin na si Satanas. Malapit nang matapos ang ‘kaunting panahon’ ng pamamayagpag niya! (Apoc. 12:12) Pero habang hinihintay natin iyan, lakas-loob tayong makapaglilingkod kay Jehova, dahil alam nating walang tao, organisasyon, o gobyerno na makahahadlang sa atin sa paggawa ng kalooban Niya. (Basahin ang Awit 118:6-9.) Ang determinasyon natin ay gaya ng isinulat ni apostol Pablo: “Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang lalaban sa atin?”—Roma 8:31.
12. Sa malaking kapighatian, ano ang magpapasiklab sa galit ni Jehova?
12 Sa malaking kapighatian, ipagtatanggol tayo ni Jehova gaya ng ginawa niya sa mga Israelitang nasukol ng mga Ehipsiyo at sa mga Judio sa Jerusalem na kinubkob ng mga Asiryano. Kapag tinangka ng mga kaaway natin na lipulin tayo, sisiklab ang galit ni Jehova dahil mahal na mahal niya tayo. Ang mga magtatangkang gumawa nito ay para bang humihipo sa itim ng mata ni Jehova. Agad siyang kikilos. (Zac. 2:8, 9) Walang katulad ang mangyayaring pagpuksa. Pero hindi na dapat magulat ang mga kaaway ni Jehova kapag inilabas niya ang galit niya sa kanila. Bakit?
Anong mga Babala ang Ibinigay ni Jehova?
13. Anong mga babala ang ibinigay ni Jehova?
13 “Hindi madaling magalit” si Jehova, at nagbabala siya na pupuksain niya ang mga kumakalaban sa kaniya at gustong manakit sa bayan niya. (Ex. 34:6, 7) Ginamit niya ang mga propetang gaya nina Jeremias, Ezekiel, Daniel, at Kristo Jesus, at ang mga apostol na sina Pedro, Pablo, at Juan para magbabala tungkol sa isang matindi at makasaysayang digmaan.—Tingnan ang kahong “Mga Babala ni Jehova Tungkol sa Nalalapit na Matinding Digmaan.”
14, 15. Ano ang mga naisagawa ni Jehova, at bakit?
14 Ipinasulat ni Jehova ang mga babalang ito sa kaniyang Salita. Tiniyak din niya na sa buong kasaysayan, ang Bibliya ang aklat na may pinakamaraming salin at kopyang naipamahagi. Gumamit siya ng isang malaking grupo ng mga boluntaryo sa buong lupa na tutulong sa iba na maging malapít sa kaniya at magbababala tungkol sa nalalapit na “dakilang araw ni Jehova.” (Zef. 1:14; Awit 2:10-12; 110:3) Pinasigla niya ang bayan niya na isalin sa daan-daang wika ang mga publikasyong ginagamit sa pag-aaral ng Bibliya at gumugol nang daan-daang milyong oras bawat taon sa pagsasabi sa iba ng mga pangako at babala sa kaniyang Salita.
15 Ginawa ni Jehova ang lahat ng ito “dahil hindi niya gustong mapuksa ang sinuman kundi gusto niya na ang lahat ay magsisi.” (2 Ped. 3:9) Isa ngang pribilehiyo na maging kinatawan ng ating mapagmahal at matiising Diyos at na magkaroon ng maliit na bahagi sa paghahayag ng mensahe niya! Pero di-magtatagal, ang mga hindi nagbibigay-pansin sa babala ay mawawalan na ng pagkakataong magbago.
Kailan “Sisiklab” ang Galit ni Jehova?
16, 17. Paano nalaman ni Jehova kung kailan sasalakayin ang bayan niya?
16 Nagtakda si Jehova ng araw para sa huling digmaan. Alam niya kung kailan sasalakayin ng mga kaaway ang bayan niya. (Mat. 24:36) Paano niya ito nalaman?
17 Gaya ng tinalakay sa naunang kabanata, sinabi ni Jehova kay Gog: “Lalagyan ko ng mga kawit ang mga panga mo.” Gagabayan ni Jehova ang mga bagay-bagay para sumalakay ang mga bansa. (Ezek. 38:4) Hindi ito nangangahulugang si Jehova ang magpapasimula ng labanan o na aalisan niya ng kalayaang magpasiya ang mga kumakalaban sa kaniya. Sa halip, ipinapakita nito na nakababasa si Jehova ng puso at alam niya kung paano kikilos ang mga kaaway niya sa isang partikular na sitwasyon.—Awit 94:11; Isa. 46:9, 10; Jer. 17:10.
18. Bakit kakalabanin ng mga tao ang Makapangyarihan-sa-Lahat?
18 Kung hindi si Jehova ang magpapasimula ng digmaan at hindi niya pipiliting sumalakay ang mga kaaway niya, bakit naman kakalabanin ng mga tao ang Makapangyarihan-sa-Lahat? Ang isang dahilan ay sa panahong iyon, malamang na nakumbinsi na ng mga tao ang sarili nila na walang Diyos o na hindi siya makikialam sa ginagawa ng mga tao. Posibleng maisip nila ito dahil katatapos lang nilang puksain ang lahat ng huwad na relihiyosong organisasyon sa lupa. Kaya baka isipin nila na kung talagang may Diyos, ipinagtanggol niya sana ang mga institusyon na nagsasabing kumakatawan sa kaniya. Hindi nila maiisip na ang Diyos mismo ang naglagay sa puso nila ng kaisipang puksain ang mga relihiyong sumira sa pangalan niya.—Apoc. 17:16, 17.
19. Ano ang posibleng mangyari kapag bumagsak na ang huwad na relihiyon?
19 Kapag bumagsak na ang huwad na relihiyon, posibleng iutos ni Jehova sa bayan niya na ihayag ang isang mabigat na mensahe. Itinulad ito ng Apocalipsis sa pag-ulan ng malalaking tipak ng yelo, na ang bawat tipak ay tumitimbang ng mga 20 kilo. (Apoc. 16:21, tlb.) Posibleng tungkol ito sa pagbagsak ng sistema ng politika at komersiyo. Masasaktan ang mga makakarinig nito kaya mamumusong sila sa Diyos. Malamang na ang mensaheng ito ang maging mitsa ng pagsalakay ng mga bansa sa bayan ng Diyos—gusto nila tayong patahimikin. Iisipin nila na wala tayong kalaban-laban at madali tayong pabagsakin. Pero nagkakamali sila!
Paano Ilalabas ni Jehova ang Galit Niya?
20, 21. Sino si Gog, at ano ang mangyayari sa kaniya?
20 Gaya ng tinalakay sa Kabanata 17, ginamit ni Ezekiel ang titulong “Gog ng lupain ng Magog” para tukuyin ang koalisyon ng mga bansang sasalakay sa atin. (Ezek. 38:2) Pero ang pagkakaisa ng koalisyong ito ay singnipis lang ng sinulid. Kahit mukhang nagtutulungan sila, iiral pa rin sa kanila ang kompetisyon, pride, at pagiging makabayan. Napakadali lang para kay Jehova na gawing “laban sa sarili niyang kapatid” ang espada ng bawat isa. (Ezek. 38:21) Pero hindi mga tao ang pupuksa sa mga bansa.
21 Bago sila mapuksa, makikita ng mga kaaway natin ang tanda ng Anak ng tao, na malamang na isang makahimalang paghahayag ng kapangyarihan ni Jehova at ni Jesus. Matatakot ang mga kaaway sa mga makikita nila. Gaya ng inihula ni Jesus, “ang mga tao ay mahihimatay sa takot at sa paghihintay sa mga bagay na mangyayari sa lupa.” (Luc. 21:25-27) Maiisip nilang nagkamali sila sa pagsalakay sa bayan ni Jehova. Mapipilitan silang kilalanin na ang Maylalang ay isa ring kumandante—si Jehova ng mga hukbo! (Awit 46:6-11; Ezek. 38:23) Siguradong gagamitin ni Jehova ang makalangit na mga hukbo at likas na mga puwersa para maingatan ang tapat na mga lingkod niya at puksain ang mga kaaway niya.—Basahin ang 2 Pedro 2:9.
22, 23. Sino-sino ang poprotekta sa bayan ng Diyos, at ano ang madarama nila sa atas nila?
Dahil sa mga natutuhan natin tungkol sa araw ni Jehova, ano ang mapapakilos tayong gawin?
22 Isipin kung gaano kasabik si Jesus na pangunahan ang pagsalakay sa mga kaaway ng Diyos at ingatan ang mga nagmamahal at naglilingkod sa kaniyang Ama. Isipin din ang madarama ng mga pinahiran. Bago magsimula ang Armagedon, ang mga pinahiran na narito pa sa lupa ay bubuhayin sa langit para ang lahat ng 144,000 ay makasama sa pakikipagdigma ni Jesus. (Apoc. 17:12-14) Siguradong marami sa mga pinahiran ang naging malapít sa ibang mga tupa habang magkasama silang gumagawa sa mga huling araw. Sa Armagedon, ang mga pinahiran ay may awtoridad at kapangyarihan nang ipagtanggol ang mga tapat na sumuporta sa kanila noong panahon ng pagsubok.—Mat. 25:31-40.
23 Ang mga anghel ay magiging bahagi rin ng makalangit na hukbo ni Jesus. (2 Tes. 1:7; Apoc. 19:14) Nakatulong na sila sa pagpapalayas kay Satanas at sa mga demonyo sa langit. (Apoc. 12:7-9) Nakatulong din sila para matipon ang mga nasa lupa na gustong sumamba kay Jehova. (Apoc. 14:6, 7) Kaya angkop nga na hahayaan ni Jehova ang mga anghel na protektahan ang tapat na mga taong ito! At para sa lahat ng kasama sa hukbo ni Jehova, isang karangalan na mapabanal at maipagbangong-puri ang kaniyang pangalan, o reputasyon, sa pamamagitan ng pagtulong sa pagpuksa sa mga kaaway niya.—Mat. 6:9, 10.
24. Ano ang gagawin ng malaking pulutong?
24 Sa ilalim ng proteksiyon ng makapangyarihan at determinadong hukbo na ito, ang malaking pulutong ay walang dahilan para matakot. Ang totoo, ‘tatayo sila nang tuwid at itataas ang kanilang mga ulo, dahil nalalapit na ang kaligtasan nila.’ (Luc. 21:28) Napakahalaga nga na bago dumating ang araw ni Jehova, matulungan natin ang marami na makilala at mahalin ang ating maawaing Ama na pumoprotekta sa atin!—Basahin ang Zefanias 2:2, 3.
25. Ano ang tatalakayin sa susunod na kabanata?
25 Ang epekto ng mga digmaan ng tao ay kaguluhan at paghihirap. Pero ang magiging resulta ng Armagedon ay kaayusan at kaligayahan. Ano kaya ang magiging kalagayan kapag humupa na ang galit ni Jehova, naibalik na ang espada ng kaniyang mga mandirigma sa lalagyan nito, at wala na ang ingay ng matinding digmaan? Tatalakayin sa susunod na kabanata ang magandang kinabukasang iyan.