KAHON 1A
Ano ang Ibig Sabihin ng Pagsamba?
Ang pagsamba ay maaaring mangahulugang “pagpapakita ng paggalang at pag-ibig sa isang diyos.” Sa Bibliya, ang mga salita sa orihinal na wika na isinaling “pagsamba” ay puwedeng tumukoy sa pagpapakita ng matinding paggalang, o pagpapasakop, sa mga nilalang. (Mat. 28:9) Puwede rin itong tumukoy sa pagsamba sa Diyos o sa isang bathala. (Juan 4:23, 24) Depende sa konteksto ang magiging kahulugan nito.
Si Jehova lang, ang Maylalang at Kataas-taasan ng Uniberso, ang karapat-dapat sa ating bukod-tanging debosyon. (Apoc. 4:10, 11) Sinasamba natin siya sa pamamagitan ng paggalang sa kaniyang soberanya at pagpaparangal sa pangalan niya. (Awit 86:9; Mat. 6:9, 10) Ang dalawang temang ito—ang soberanya ni Jehova at ang pangalan niya—ay itinatampok sa aklat ng Ezekiel. Sa Ezekiel pa lang, ang pananalitang “Kataas-taasang Panginoong Jehova” ay ginamit na nang 217 ulit, at ang pananalitang “malalaman ninyo na ako si Jehova” at ang ibang anyo nito ay 55 ulit.—Ezek. 2:4; 6:7.
Pero ang ating pagsamba ay hindi lang basta emosyon; may kasama itong pagkilos. (Sant. 2:26) Nang ialay natin ang ating buhay kay Jehova, nangako tayo na lagi natin siyang susundin bilang ating Kataas-taasang Diyos at igagalang natin ang pangalan niya. Tandaan na sa sagot ni Jesus sa ikatlong tukso, iniugnay niya ang pagsamba sa “sagradong paglilingkod.” (Mat. 4:10, tlb.) Bilang mananamba ni Jehova, gustong-gusto nating paglingkuran siya. a (Deut. 10:12) Nagsasagawa tayo ng sagradong paglilingkod kapag nakikibahagi tayo sa mga gawain na may direktang kaugnayan sa ating pagsamba at na nangangailangan ng sakripisyo. Ano-ano iyon?
May iba’t ibang uri ang sagradong paglilingkod, at lahat ay mahalaga kay Jehova. Kasama rito ang pangangaral, pakikibahagi sa pulong, at pagtulong sa pangangalaga at pagtatayo ng mga lugar ng pagsamba. Kasama rin dito ang pakikibahagi sa pampamilyang pagsamba, pagtulong sa mga kapatid na nasalanta, pagboboluntaryo sa kombensiyon, at paglilingkod sa Bethel. (Heb. 13:16; Sant. 1:27) Kapag laging laman ng ating puso’t isip ang dalisay na pagsamba, magsasagawa tayo ng ‘sagradong paglilingkod araw at gabi.’ Maligaya tayong sambahin ang ating Diyos na Jehova!—Apoc. 7:15.