Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Introduksiyon

Introduksiyon

“Ako ay lumaki sa isang maliit na nayon sa hilagang lalawigan,” ang saysay ni Dauda na taga-Sierra Leone. “Minsan, noong ako ay bata pa, ang aking pamilya at isa pang pamilya ay nag-aagawan sa isang lupain. Kapuwa namin inaangkin ang parehong lote. Upang lutasin ang bagay na yaon, isang albolaryo ang sinangguni. Binigyan niya ng salamin ang isang lalaki, at tinakluban niya ng puting tela. Mayamaya’y nagsimulang mangatal at pagpawisan ang lalaking natatakluban ng tela. Nang tumingin siya sa salamin, naibulalas niya: ‘Nakikita ko ang isang matandang lalaki na lumalapit! Nakadamit siya ng puti. Matangkad siya at matanda na, puti ang buhok, at naglalakad na medyo nakatungo.’

“Inilalarawan niya si Lolo! Pagkatapos siya ay nag-isterika at sumigaw: ‘Kung hindi ninyo pinaniniwalaan ang sinasabi ko, halikayo at tingnan ninyo mismo!’ Siyempre pa, wala sa amin ang maglakas-loob na gawin iyon! Pinakalma siya ng albolaryo sa pamamagitan ng pagwiwisik sa kaniya ng isang makamahikong timplada ng dahon at tubig, na nasa isang sisidlang yari sa kalabasa.

“Nagsasalita sa pamamagitan ng taong humarap sa salamin, sinabi ni ‘Lolo’ na sa aming pamilya ang lupaing yaon. Sinabi niya sa aking lola na huwag siyang mag-alala sa pagtatrabaho sa lupaing yaon. Tinanggap ng kabilang pamilya ang hatol. Ang isyu ay nalutas.”

Ang gayong mga karanasan ay pangkaraniwan sa Kanlurang Aprika. Dito, tulad sa iba pang bahagi ng daigdig, angaw-angaw ang naniniwala na ang mga patay ay nagtutungo sa daigdig ng mga espiritu, kung saan sila ay maaaring magmasid at makaimpluwensiya sa buhay ng mga tao dito sa lupa. Totoo ba ang paniniwalang ito? Talaga bang buháy ang mga patay? Kung hindi, sino ba talaga yaong nagpapanggap na mga espiritu ng mga patay? Ang pagkaalam sa tumpak na mga kasagutan sa mga tanong na ito ay lubhang mahalaga. Buhay o kamatayan ang nasasangkot dito.