Paglingkuran si Jehova, Hindi si Satanas
Lahat tayo ay maaaring pumili. Ang paglingkuran si Jehova o ang paglingkuran si Satanas at ang kaniyang mga demonyo. Hindi natin maaaring gawin pareho. Anong katalinuhan na paglingkuran si Jehova!
Si Jehova ay Mabuti
Gaya ng ating nakita, natutuwa ang mga demonyo sa pananakit at pagdaya sa mga tao. Hindi gayon si Jehova. Minamahal niya ang sangkatauhan gaya ng isang ama na nagmamahal sa kaniyang mga anak. Siya ang Tagapagbigay ng “bawat mabuting kaloob at bawat sakdal na handog.” (Santiago 1:17) Wala siyang ipinagkakait na mabuti sa sangkatauhan, kahit ito’y mangahulugan ng napakalaking halaga para sa kaniya.—Efeso 2:4-7.
Isipin ang mga bagay na ginawa rito sa lupa ni Jesus, ang Anak ng Diyos. Kaniyang pinagsalita ang pipi at binigyan ng paningin ang bulag. Pinagaling niya ang mga ketongin at mga lumpo. Nagpalayas siya ng mga demonyo at pinagaling ang lahat ng uri ng sakit. Si Jesus, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, ay bumuhay pa man din ng patay.—Mateo 9:32-35; 15:30, 31; Lucas 7:11-15.
Sa halip na magsabi ng mga kasinungalingan upang iligaw tayo, palaging sinasabi ng Diyos ang katotohanan. Kailanma’y hindi siya nangdaraya ng sinuman.—Bilang 23:19.
Iwasan ang Maruruming Gawain
Kung paanong pinipigil ng sapot ng gagamba ang langaw, angaw-angaw na mga tao ang pinipigilan ng pamahiin at kasinungalingan. Kinatatakutan nila ang patay. Kinatatakutan nila ang mga demonyo. Nag-aalala sila sa mga sumpa, mga masamang pangitain, mga agimat, at mga galíng. Nakagapos sila sa mga paniniwala at mga tradisyong salig sa mga kasinungalingan ni Satanas na Diyablo. Ang mga lingkod ng Diyos ay hindi napasisilo sa mga bagay na ito.
Si Jehova ay higit na makapangyarihan kaysa kay Satanas. Kung paglilingkuran ninyo si Jehova, ipagsasanggalang niya kayo mula sa mga demonyo. (Santiago 4:7) Ang mga pangkukulam ay hindi tatalab sa inyo. Halimbawa, sa Nigeria, tatlong makapangyarihang mangkukulam ang kumulam upang mamatay ang isang Saksi ni Jehova na ayaw umalis sa bayan. Nang ang pangkukulam ay nabigo, isa sa mga mangkukulam ang natakot, nagpunta sa Saksi, at nagmakaawa.
Kung ginugulo kayo ng mga demonyo, maaari kayong tumawag sa pangalan ni Jehova at kaniyang ipagsasanggalang kayo. (Kawikaan 18:10) Ngunit upang magkaroon kayo ng proteksiyon ng Diyos, dapat kayong lubusang kumalas mula sa lahat ng bagay na may kaugnayan sa espiritismo at pagsamba sa demonyo. Gayon ang ginawa ng mga mananamba ng Diyos sa sinaunang Efeso. Inipon nila ang lahat ng kanilang mga aklat tungkol sa mahiko at sinunog ang mga yaon. (Gawa 19:19, 20) Ganoon din ang dapat gawin ng mga lingkod ng Diyos sa ngayon. Alisan ang inyong sarili ng mga agimat, mga anting-anting, mga pising “pananggalang”, mga galíng, mga aklat sa mahiko, at anupamang may kaugnayan sa espiritistikong mga gawain.
Isagawa ang Tunay na Pagsamba
Kung nais ninyong palugdan ang Diyos, hindi sapat ang basta talikdan ang huwad na pagsamba at ihinto ang pagsasagawa ng masasamang bagay. Dapat ninyong masiglang isagawa ang dalisay na pagsamba. Ipinakikita ng Bibliya kung ano ang hinihiling:
Makisama sa mga Saksi ni Jehova
Si Satanas at ang mga demonyo ay may mga tauhan sa lupa na nagtuturo at nagsasagawa ng mga maling bagay. Ngunit si Jehova ay mayroon ding mga tauhan. Sila ang mga Saksi ni Jehova. (Isaias 43:10) Sa buong lupa, may mahigit anim na milyong Saksi. Lahat sila ay nagsisikap na gumawa ng mabubuting bagay at nagtuturo sa mga tao ng katotohanan. Sa halos lahat ng lupain, matatagpuan ninyo sila sa Kingdom Hall, kung saan magiliw nila kayong tatanggapin.
Gawain nila ang tulungan ang iba na paglingkuran ang Diyos. Tuturuan nila kayo sa Bibliya sa inyong tahanan, tutulungan kayong matutunang sambahin si Jehova sa tamang paraan. Hindi ninyo ito kailangang bayaran. Natutuwa ang mga Saksi na magturo ng katotohanan dahil minamahal nila ang mga tao at mahal nila ang Diyos na Jehova.