Codex Alexandrinus
Ang codex na ito, na mula noong unang bahagi ng ikalimang siglo C.E., ay naglalaman ng buong Bibliya sa wikang Griego. Mula noong ika-11 siglo hanggang ika-17 siglo (1627), pagmamay-ari ito ng patriyarka ng Alejandria, sa Ehipto—kaya tinawag itong Codex Alexandrinus. Gawa sa magandang klase ng vellum ang mga pahina ng manuskritong ito, at ginamit sa pagsulat nito ang istilong uncial. (Tingnan ang MANUSKRITO; UNCIAL.) Sa tinatayang 820 pahina ng codex na ito, 773 pahina ang naingatan. Sa ngayon, ang codex ay may apat na tomo at iniingatan sa British Library sa London. Makikita sa unang tatlong tomo ang salin ng Hebreong Kasulatan sa Septuagint, at nasa ikaapat na tomo naman ang Kristiyanong Griegong Kasulatan.
Ang codex na ito ang isa sa pinakaunang mga manuskritong Griego ng Bibliya na pinag-aralan ng mga iskolar. Dahil dito at sa magandang kalidad nito, itinuturing ito na isa sa pinakamaaasahang mga manuskrito ng Griegong Septuagint at ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Isa ito sa pangunahing basehan ng pagsasalin ng Bibliya sa ngayon. Ginamit ng mga iskolar ang mapananaligang manuskritong ito, kasama ang Codex Sinaiticus at Codex Vaticanus, para matukoy at maitama ang mga pagkakamali at naidagdag ng mga eskriba sa sumunod na mga manuskrito.—Tingnan ang study note sa Luc 10:1 at Ap. A5.