Justin Martyr
(mga 100–mga 165 C.E.) Pilosopong Griego at teologo na sumulat para ipagtanggol ang Kristiyanismo. Ipinanganak siya sa Flavia Neapolis (Nablus ngayon). Posibleng sa Efeso naging Kristiyano si Justin noong mga 132 C.E., at pinugutan siya ng ulo sa Roma bilang isang martir.
Ang natira lang sa mga isinulat ni Justin ay ang Apologies at ang Dialogue With Trypho, a Jew. Sa Apologies, sinubukang ipagtanggol ni Justin ang mga Kristiyano laban sa paratang na lumalaban sila sa Estado ng Roma at na ateista sila. Ipinaliwanag din niya rito ang mga paniniwala niya, na batay sa Kasulatan at pilosopiyang Griego. Naniniwala siyang walang personal na pangalan ang Diyos. Sa Dialogue naman, sinabi niyang si Jesus ang Mesiyas at lipás na ang Judaismo.
Nang paghaluin ni Justin ang mga turo ng Kristiyanismo at ang pilosopiya, binale-wala niya ang utos ng Diyos na “huwag higitan ang mga bagay na nasusulat.” (1Co 4:6) Tinularan siya ng iba pang tinatawag na Ama ng Simbahan, kaya mas mabilis na lumaganap ang inihulang apostasya. (Mat 13:38, 39; 2Pe 2:1) Pero dahil nabuhay si Justin noong kamamatay pa lang ng mga apostol, naging mahalaga ang mga isinulat niya. Halimbawa, makikita sa mga iyon na kinilala niya ang Judiong kanon at hindi niya tinanggap ang apokripal na mga aklat.