Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Latin

Latin

Wikang Indo-Europeo at ang pinagmulan ng mga wikang Romanse, gaya ng French, Italian, Portuguese, Romanian, at Spanish. Ang salitang “Latin” ay isang beses lang lumitaw sa Bibliya, sa Ju 19:20, kung saan binanggit na ang inskripsiyon sa bandang itaas ng pahirapang tulos ni Jesus ay nakasulat sa Hebreo, Latin, at Griego.

Noong nasa lupa si Jesus, Latin ang wikang ginagamit ng mga Romanong awtoridad sa Israel. Hindi ito ang wikang karaniwang ginagamit ng mga tao, pero ito ang ginagamit sa opisyal na mga inskripsiyon. Kaya hindi kataka-takang may mababasa sa Kristiyanong Griegong Kasulatan na iba’t ibang salita mula sa Latin. Mayroon ditong mahigit 40 pangalang Latin ng mga tao at lugar, gaya ng Aquila, Lucas, Marcos (Marcus), Pablo (Paulus), Cesarea (Caesarea), at Tiberias. Sa bahaging ito ng Bibliya, may mga salitang Griego na ipinanumbas sa mga 30 salitang Latin. Ang mga salitang ito ay may kaugnayan sa militar, hukuman, pananalapi, at sa pang-araw-araw na buhay, gaya ng centurio (Mar 15:39, opisyal ng hukbo), denarius (Mat 20:2, denario), at speculator (Mar 6:27, sundalo). May ginamit din ditong mga ekspresyon o idyomang Latin, gaya ng “pagbigyan” (Mar 15:15) at “kumuha ng sapat na seguridad” (Gaw 17:9, “pagpiyansahin”). Ang karamihan ng salitang mula sa Latin na ginamit sa Bibliya ay nasa mga Ebanghelyo nina Mateo at Marcos. Sa katunayan, sa lahat ng manunulat ng Bibliya, si Marcos ang pinakamadalas na gumamit ng ganitong mga salita. Sinusuportahan nito ang paniniwalang isinulat niya ang kaniyang Ebanghelyo sa Roma at pangunahin nang para sa mga Gentil, partikular na sa mga Romano. Di-gaanong gumamit si Pablo ng mga salitang mula sa Latin, at walang ganitong mga salita sa Griegong Septuagint. Ang mga salitang mula sa Latin na mababasa sa Kasulatan ay hindi lang basta karagdagang impormasyon para sa mga mambabasa ng Bibliya. Malinaw na makikita sa mga ulat ng mga manunulat ng Bibliya na nasa ilalim ng pamamahala ng Roma ang Israel noong nasa lupa si Jesus. Isa pa, may sekular na mga Griegong manunulat noong panahong iyon na gumamit din ng mga ekspresyong ito at ng iba pang salitang mula sa Latin. Ipinapakita lang nito na talagang isinulat ang Kristiyanong Griegong Kasulatan sa panahon ding iyon. Sumusuporta ito sa kredibilidad ng Kristiyanong Griegong Kasulatan.