Mundo; Sanlibutan
Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang mga terminong “mundo” at “sanlibutan” ay ipinanunumbas sa salitang Griego na koʹsmos. Ang pangunahing kahulugan ng salitang Griego na ito ay “kaayusan,” at tumutukoy ito noong una sa “proseso ng pagsasama-sama ng iba’t ibang bagay para magkaroon ng kaayusan, o sa resulta ng ganitong proseso,” gaya ng sinabi ng isang iskolar. Kaya ang koʹsmos ay puwedeng gamitin para ilarawan ang pagpupuwesto ng mga sundalo para sa pakikipaglaban, paghahanda ng pagkain, o pagbuo ng isang kanta. At dahil madalas na iniuugnay sa kagandahan ang kaayusan at symmetry (pagiging balanse at pantay), ginamit din ng mga Griego ang koʹsmos para tumukoy sa “ganda,” lalo na sa kagandahan ng mga babae. (1Pe 3:3) Ang salitang Ingles na “cosmetic” ay nagmula sa salitang Griego na ito. Ayon sa mga manunulat na Griego noon, unti-unting naiugnay ang salitang ito sa uniberso. (Ihambing ang Gaw 17:24 [at study note], kung saan posibleng ginamit ni Pablo ang terminong ito sa ganitong diwa.) Pero nang maglaon, tumukoy na rin ito sa sangkatauhan.
Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang koʹsmos ay pangunahin nang tumutukoy sa sangkatauhan. Depende sa konteksto, puwede itong tumukoy sa: (1) Buong sangkatauhan, anuman ang moralidad nila o paraan ng pamumuhay. (Mat 5:14; 26:13; Ju 3:16 at study note; Ro 5:12; 1Ju 4:14) (2) Organisadong lipunan ng tao kung saan ipinanganak at namumuhay ang isa. (Luc 9:25 at study note; Ju 16:21 at study note; 1Ti 6:7; San 2:5; 1Ju 3:17) (Sa diwang ito, halos pareho ng kahulugan ang koʹsmos at ang salitang Griego na ai·onʹ, “sistema.” Tingnan ang SISTEMA.) (3) Mga tao na hindi lingkod ni Jehova; ang di-matuwid na lipunan ng tao na hiwalay sa Diyos. (Mat 4:8; Ju 15:19 at study note; 17:14 at study note; 1Co 2:12 at study note; Heb 11:7; 2Pe 2:5; 3:6; 1Ju 5:19) Sa lahat ng pagkakagamit na ito, saklaw pa rin ng salitang koʹsmos ang pangunahing kahulugan nito na “kaayusan,” dahil ang sangkatauhan ay mayroon ding kaayusan—binubuo ito ng iba’t ibang kultura, tribo, at bansa, at may sinusunod itong sistemang pang-ekonomiya.—Apo 7:9; 14:6.