KABANATA 4
“Ang Leon Mula sa Tribo ni Juda”
1-3. Anong panganib ang napaharap kay Jesus, at ano ang naging reaksiyon niya?
HINAHANAP ng mga mang-uumog si Jesus. Napakarami nila at may dala silang mga espada at pamalo. May kasama rin silang mga sundalo. May masamang balak sila. Dumaan sila sa madidilim na lansangan ng Jerusalem at sa Lambak ng Kidron para marating ang Bundok ng mga Olibo. Kabilugan ng buwan pero may dala silang mga sulo at lampara. Kailangan kaya nila ng liwanag sa daan dahil natatakpan ng ulap ang buwan? O baka iniisip nilang nagtatago sa dilim ang hinahanap nila? Isang bagay ang tiyak: Sinumang nag-iisip na matatakot si Jesus ay hindi nakakakilala sa tunay na pagkatao niya.
2 Alam ni Jesus na may nagbabantang panganib. Pero hindi siya tumakas. Sa halip, nanatili siya roon at naghintay. Palapit na ang mga mang-uumog na pinapangunahan ni Hudas, isang dating pinagkakatiwalaang kaibigan. Tinraidor ni Hudas si Jesus, at itinuro ang kaniyang dating panginoon sa pamamagitan ng pakitang-taong pagbati at halik. Pero kalmado pa rin si Jesus. Pagkatapos, hinarap niya ang mga mang-uumog. “Sino ang hinahanap ninyo?” ang tanong niya. “Si Jesus na Nazareno,” ang sagot nila.
3 Tiyak na matatakot ang mga tao kapag nakakita sila ng isang armadong grupo. Posibleng iyan ang inaasahan ng mga taong iyon na magiging reaksiyon ni Jesus. Pero hindi siya natakot o tumakas, at hindi niya ikinaila kung sino siya. Sa halip, sinabi niya: “Ako ang hinahanap ninyo.” Kalmadong-kalmado siya at napakalakas ng loob, kaya nagulat ang mga lalaking iyon. Napaatras sila at natumba!—Juan 18:1-6; Mateo 26:45-50; Marcos 14:41-46.
4-6. (a) Saan inihalintulad ang Anak ng Diyos, at bakit? (b) Sa anong tatlong paraan nagpakita ng lakas ng loob si Jesus?
4 Kahit ganoon ang sitwasyon, paano nanatiling kalmado si Jesus? Mayroon siyang lakas ng loob. Isa ito sa pinakakailangan at pinakahinahangaang katangian sa isang lider. At walang sinumang tao ang nakahigit o nakapantay man lang kay Jesus sa bagay na ito. Sa nakaraang kabanata, nalaman natin na talagang mapagpakumbaba si Jesus. Tama lang na tawagin siyang “ang Kordero.” (Juan 1:29) Pero dahil sa lakas ng loob ni Jesus, may isa pang paglalarawan sa kaniya. Sinasabi ng Bibliya tungkol sa Anak ng Diyos: “Ang Leon mula sa tribo ni Juda.”—Apocalipsis 5:5.
5 Madalas na iniuugnay ang leon sa lakas ng loob. Nakakita ka na ba sa malapitan ng isang adultong lalaking leon? Kung oo, baka hindi naman nanganib ang buhay mo dahil nakakulong ito sa zoo. Pero baka medyo natakot ka pa rin. Habang tinitingnan mo ang mukha ng malaki at malakas na nilalang na ito na nakatitig sa iyo, iisipin mo bang may kinakatakutan ang leon? Sinasabi ng Bibliya na “ang leon, ang pinakamalakas na hayop, [ay] walang inaatrasan.” (Kawikaan 30:30) Ganiyan ang lakas ng loob ni Kristo.
6 Talakayin natin kung paano nagpakita ng tulad-leong lakas ng loob si Jesus sa tatlong paraan: nang ipagtanggol niya ang katotohanan, nang itaguyod niya ang katarungan, at nang mapaharap siya sa pag-uusig. Makikita rin natin na puwede nating matularan ang lakas ng loob ni Jesus.
Lakas-Loob Niyang Ipinagtanggol ang Katotohanan
7-9. (a) Ano ang nangyari noong 12 taóng gulang si Jesus, at bakit posibleng mahirap ang sitwasyong iyon? (b) Paano nagpakita si Jesus ng lakas ng loob nang kausapin niya ang mga guro sa templo?
7 Sa mundong ito ni Satanas, ang “ama ng kasinungalingan,” kailangan natin ang lakas ng loob para maipagtanggol ang katotohanan. (Juan 8:44; 14:30) Kahit noong bata pa si Jesus, ipinagtanggol na niya ang katotohanan. Noong 12 taóng gulang siya, napahiwalay siya sa mga magulang niya pagkatapos ng kapistahan ng Paskuwa sa Jerusalem. Tatlong araw na nataranta sina Maria at Jose sa paghanap kay Jesus. Sa wakas, nakita nila siya sa templo. Ano ang ginagawa niya roon? “Nakaupo siya sa gitna ng mga guro habang nakikinig at nagtatanong sa kanila.” (Lucas 2:41-50) Isipin mong nandoon ka sa sitwasyon ni Jesus.
8 Sinasabi ng mga istoryador na nakaugalian na ng ilan sa mga kilalang lider ng relihiyon na manatili sa templo pagkatapos ng mga kapistahan at magturo sa isa sa maluluwang na lugar doon. Umuupo ang mga tao sa may paanan nila para makinig at magtanong. Mataas ang pinag-aralan ng mga gurong ito. Marami silang alam sa Kautusang Mosaiko, pati na sa komplikadong mga batas at tradisyon ng tao, na dumami sa paglipas ng mga taon. Ano kaya ang madarama mo kung ikaw ang nakaupo sa gitna nila? Baka matakot ka. Paano naman kung 12 taóng gulang ka lang? Marami sa mga kabataan ang mahiyain. (Jeremias 1:6) Iniiwasan pa nga ng ilan na mapansin sila ng mga guro nila sa paaralan. Takot ang mga kabataang ito na matawag, mapansin, mapahiya, o tuyain ng iba.
9 Pero nakaupo si Jesus sa gitna ng mga edukadong lalaking iyon. Lakas-loob siyang nagtanong sa kanila. At hindi lang iyan. Sinasabi sa atin ng ulat: “Ang lahat ng nakikinig sa kaniya ay hangang-hanga sa kaniyang unawa at mga sagot.” (Lucas 2:47) Hindi sinasabi ng Bibliya kung ano ang mga sinabi niya, pero makakatiyak tayo na hindi niya ginaya ang mga kasinungalingang pinapaboran ng mga gurong iyon ng relihiyon. (1 Pedro 2:22) Sa halip, ipinagtanggol niya ang katotohanan ng Salita ng Diyos, at tiyak na namangha ang mga tagapakinig niya sa kaunawaan at lakas ng loob na ipinakita ng isang 12-taóng-gulang na bata.
10. Paano tinutularan ng mga kabataang Kristiyano ngayon ang lakas ng loob ni Jesus?
10 Tinutularan ng maraming kabataang Kristiyano ngayon si Jesus. Hindi gaya ni Jesus, na isang perpektong kabataan, hindi perpekto ang mga kabataan ngayon. Pero gaya ni Jesus, ipinagtatanggol na nila ang katotohanan kahit kabataan pa lang sila. Sa paaralan man o sa komunidad, mataktikang tinatanong ng mga kabataang ito ang mga tao, pinapakinggan ang mga sagot nila, at magalang na sinasabi sa kanila ang katotohanan. (1 Pedro 3:15) Natulungan ng marami sa mga kabataang ito ang mga kaklase, guro, at kapitbahay nila na maging tagasunod ni Kristo. Tiyak na tuwang-tuwa si Jehova sa lakas ng loob nila! Sinasabi sa Bibliya na gaya ng napakarami at nakakaginhawang patak ng hamog ang mga kabataang ito.—Awit 110:3.
11, 12. Paano nagpakita si Jesus ng lakas ng loob sa pagtatanggol sa katotohanan noong adulto na siya?
11 Noong adulto na si Jesus, paulit-ulit siyang nagpakita ng lakas ng loob sa pagtatanggol sa katotohanan. Sa katunayan, nagsimula ang kaniyang ministeryo sa isang komprontasyon na para sa marami ay nakakatakot. Kailangang harapin ni Jesus si Satanas, ang pinakamakapangyarihan at pinakamapanganib na kaaway ni Jehova. At nang mangyari iyon, hindi makapangyarihang arkanghel si Jesus, kundi isang tao. Pero hindi nagpadala si Jesus sa mga tukso ni Satanas at pinatunayang mali ang paggamit nito sa Salita ng Diyos. Tinapos ni Jesus ang pag-uusap nila nang mag-utos siya: “Lumayas ka, Satanas!”—Mateo 4:2-11.
12 Sa simula pa lang ng ministeryo ni Jesus, lakas-loob na niyang ipinagtanggol ang Salita ng kaniyang Ama laban sa mga pagsisikap na pilipitin o gamitin ito sa maling paraan. Gaya noon, laganap din ngayon ang kasinungalingan sa relihiyon. Sinabi ni Jesus sa mga lider ng relihiyon noong panahon niya: “Winawalang-halaga ninyo ang salita ng Diyos dahil sa tradisyong ipinamamana ninyo.” (Marcos 7:13) Iginagalang ng maraming tao noon ang mga lider ng relihiyon, pero lakas-loob silang tinawag ni Jesus na mga bulag na tagaakay at mga mapagkunwari. a (Mateo 23:13, 16) Paano natin matutularan ang lakas ng loob ni Jesus?
13. Ano ang dapat nating tandaan kapag tinutularan natin si Jesus, at ano ang pribilehiyo natin?
13 Dapat nating tandaan na hindi tayo katulad ni Jesus na nakakabasa ng mga puso at may awtoridad na humatol. Pero matutularan pa rin natin ang lakas ng loob niya sa pagtatanggol ng katotohanan. Halimbawa, kapag pinapatunayan natin na mali ang mga itinuturo ng mga relihiyon tungkol sa Diyos, sa mga layunin niya, at sa Salita niya, tinutulungan natin ang mga tao na makita ang katotohanan. (Mateo 5:14; Apocalipsis 12:9, 10) Tinutulungan natin silang mapalaya sa mga turo na nagiging dahilan para makadama sila ng sobrang pagkatakot at masira ang kaugnayan nila sa Diyos. Napakagandang pribilehiyo na makita natin ang katuparan ng pangako ni Jesus: “Ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo”!—Juan 8:32.
Lakas-Loob Niyang Itinaguyod ang Katarungan
14, 15. (a) Paano ipinakita ni Jesus “kung ano talaga ang katarungan”? (b) Bakit natin masasabing hindi nagtangi si Jesus nang kausapin niya ang isang Samaritana?
14 Inihula sa Bibliya na ipapakita ng Mesiyas sa mga bansa “kung ano talaga ang katarungan.” (Mateo 12:18; Isaias 42:1) Sinimulan itong gawin ni Jesus noong nandito siya sa lupa. Kailangan niya ng lakas ng loob para maging pantay-pantay at makatarungan ang pakikitungo niya sa mga tao. Halimbawa, hindi siya nagtangi o naging panatiko na karaniwang ugali ng mga tao noon.
15 Nang makipag-usap si Jesus sa isang Samaritana sa tabi ng balon ng Sicar, nagulat ang mga alagad niya. Bakit? Noong mga panahong iyon, iniiwasan ng karamihan sa mga Judio ang mga Samaritano; napakatagal nang umiiral ang ganitong paghamak. (Ezra 4:4) Mababa rin ang tingin ng ilang rabbi sa mga babae. Ayon sa kautusan ng mga rabbi na isinulat nang maglaon, hindi dapat makipag-usap ang isang lalaki sa isang babae. Sinasabi pa nga nila na hindi karapat-dapat turuan ng Kautusan ng Diyos ang mga babae. Itinuturing na marumi ang mga Samaritana. Pero hindi iyon sinang-ayunan ni Jesus. Sa halip, hayagan niyang tinuruan ang Samaritana, kahit may imoral itong pamumuhay. Sinabi pa nga ni Jesus sa kaniya na Siya ang Mesiyas.—Juan 4:5-27.
16. Bakit kailangan ng mga Kristiyano ang lakas ng loob para maiwasan ang pagtatangi na karaniwan ngayon?
16 May nakasama ka na bang may matinding pagtatangi o diskriminasyon? Baka mapang-insulto nilang ginagawang katatawanan ang mga taong iba ang lahi o bansang pinagmulan, nilalait ang mga di-kasekso, o minamaliit ang mahihirap o nakakababa sa lipunan. Hindi iyan sinasang-ayunan ng mga tagasunod ni Kristo, at sinisikap nilang alisin sa puso nila ang anumang uri ng pagtatangi. (Gawa 10:34) Kailangan natin ang lakas ng loob para maging makatarungan.
17. Anong ginawa ni Jesus sa templo, at bakit?
17 Lakas ng loob din ang nagpakilos kay Jesus para ipaglaban ang kalinisan ng bayan ng Diyos at ang dalisay na pagsamba. Sa pasimula ng ministeryo niya, pumasok siya sa templo sa Jerusalem at nagalit siya nang makita niya ang mga nagtitinda at mga nagpapalit ng pera na nagnenegosyo sa bahay ng Diyos. Kaya pinalayas niya ang sakim na mga taong iyon mula sa templo at itinapon ang mga paninda nila. (Juan 2:13-17) Iyon din ang ginawa niya noong malapit nang matapos ang ministeryo niya. (Marcos 11:15-18) Tiyak na nagkaroon siya ng ilang maiimpluwensiyang kaaway dahil sa mga ginawa niya, pero hindi siya umurong. Bakit? Dahil mula noong bata pa siya, tinawag niya ang templong iyon na bahay ng kaniyang Ama—at talagang minahal niya ang templo. (Lucas 2:49) Hindi niya kayang palampasin ang kawalang-katarungan sa dalisay na pagsamba na nangyayari sa loob ng templo. Ang sigasig niya ang nagpalakas ng kaniyang loob na gawin kung ano ang dapat.
18. Paano makakapagpakita ng lakas ng loob ang mga Kristiyano ngayon para mapanatiling malinis ang kongregasyon?
18 Napakahalaga rin sa mga tagasunod ni Kristo ngayon ang kalinisan ng bayan ng Diyos at ang dalisay na pagsamba. Kapag nalaman nilang nakagawa ng malubhang kasalanan ang isang kapuwa Kristiyano, hindi sila nagbubulag-bulagan. Lakas-loob nilang kinakausap ang kapatid na iyon. (1 Corinto 1:11) Tinitiyak din nilang maipapaalám ito sa mga elder sa kongregasyon. Tutulungan naman ng mga elder ang may sakit sa espirituwal, at gagawa sila ng mga hakbang para mapanatiling malinis ang kongregasyon.—Santiago 5:14, 15.
19, 20. (a) Anong mga kawalang-katarungan ang laganap noong panahon ni Jesus, at ano ang gusto ng mga tao na gawin niya? (b) Bakit ayaw ng mga tagasunod ni Kristo na makibahagi sa politika at karahasan, at ano ang isa sa mga resulta ng paninindigan nila?
19 Dapat ba nating isipin na nakipaglaban si Jesus para alisin ang kawalang-katarungan sa mundo? Tiyak na may mga kawalang-katarungang nagaganap sa palibot niya. Halimbawa, sinakop ng ibang bansa ang bayan niya. Ginamit ng Roma ang makapangyarihang hukbo nito para takutin ang mga Judio. Pinagbayad din sila ng malaking buwis, at pinakialaman pa nga ang kanilang relihiyosong mga kaugalian. Hindi kataka-takang gusto ng maraming tao na pumasok si Jesus sa politika noong panahon iyon. (Juan 6:14, 15) Kaya kailangan niya ulit ng lakas ng loob.
20 Ipinaliwanag ni Jesus na hindi bahagi ng sanlibutan ang Kaharian niya. Nagpakita si Jesus ng magandang halimbawa. Tinuruan niya ang kaniyang mga tagasunod na huwag makisangkot sa mga gulo sa politika noong panahong iyon, at sinabi niyang dapat silang magpokus sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Juan 17:16; 18:36) Isang mapuwersang aral ang itinuro niya tungkol sa pagiging neutral. Nang dumating ang mga taong aaresto kay Jesus, kumilos kaagad si Pedro. Bigla niyang hinugot ang kaniyang espada at sinugatan ang isang lalaki. Baka isipin mo na tama naman ang ginawa ni Pedro. Baka masabi mo na makatuwirang makipaglaban noong gabing iyon para ipagtanggol ang Anak ng Diyos na walang kasalanan. Pero nag-iwan si Jesus ng pamantayan para sa kaniyang mga tagasunod dito sa lupa hanggang sa panahong ito: “Ibalik mo ang espada mo sa lalagyan nito, dahil ang lahat ng gumagamit ng espada ay mamamatay sa espada.” (Mateo 26:51-54) Kailangan ng mga tagasunod ni Kristo noon at ngayon ang lakas ng loob para mapanatili ang determinasyong maging mapayapa. Dahil sa paninindigan ng bayan ng Diyos sa Kristiyanong neutralidad, hindi sila kailanman nasangkot sa mga digmaan, lansakang pagpatay, kaguluhan, at iba pang karahasan. Ang napakahusay na rekord na iyan ay dahil sa kanilang lakas ng loob.
Lakas-Loob Niyang Hinarap ang Pagsalansang
21, 22. (a) Anong tulong ang tinanggap ni Jesus bago mapaharap sa pinakamatinding pagsubok sa kaniya? (b) Paano pinatunayan ni Jesus na malakas ang kaniyang loob hanggang sa wakas?
21 Patiuna nang alam ng Anak ni Jehova na mapapaharap siya sa matinding pagsalansang dito sa lupa. (Isaias 50:4-7) Madalas pagbantaan ang kaniyang buhay, na humantong sa pangyayaring inilarawan sa pasimula ng kabanatang ito. Bakit nanatiling malakas ang loob ni Jesus sa harap ng gayong mga panganib? Ano ang ginagawa ni Jesus bago dumating ang grupong iyon ng mga mang-uumog para arestuhin siya? Marubdob siyang nananalangin kay Jehova. At ano ang ginawa ni Jehova? Sinasabi sa atin ng Bibliya na si Jesus ay “pinakinggan.” (Hebreo 5:7) Nagsugo si Jehova ng anghel mula sa langit para palakasin ang kaniyang matapang na Anak.—Lucas 22:42, 43.
22 Di-nagtagal matapos palakasin si Jesus, sinabi niya sa kaniyang mga apostol: “Tumayo kayo, at umalis na tayo.” (Mateo 26:46) Napansin mo ba ang kaniyang katapangan sa mga pananalitang iyan? Sinabi niyang “umalis na tayo” kahit alam niyang hihilingin niya sa mga mang-uumog na huwag saktan ang kaniyang mga kaibigan. Alam din niya na tatakas ang mga kaibigan niyang iyon at iiwan siya, at na mag-isa niyang haharapin ang pinakamatinding pagsubok sa buhay niya. Mag-isa niyang hinarap ang ilegal at di-makatarungang paglilitis, panunuya, pagpapahirap, at napakasakit na kamatayan. Sa kabila ng lahat ng ito, hindi nanghina ang loob niya.
23. Ipaliwanag kung bakit hindi naman naging padalos-dalos si Jesus sa pagharap niya sa panganib at banta sa kaniyang buhay.
23 Naging padalos-dalos lang ba si Jesus? Hindi. Walang kaugnayan ang pagiging padalos-dalos sa tunay na lakas ng loob. Sa katunayan, tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na maging maingat, at mataktikang umiwas sa panganib para maipagpatuloy nila ang paggawa ng kalooban ng Diyos. (Mateo 4:12; 10:16) Pero sa pagkakataong ito, alam ni Jesus na hindi puwedeng umiwas. Alam niyang nasasangkot dito ang kalooban ng Diyos. Determinado si Jesus na manatiling tapat, at walang ibang paraan kundi ang tuwirang harapin ang pagsubok na ito.
24. Bakit tayo makakatiyak na magiging malakas ang loob natin sa pagharap sa anumang pagsubok na posibleng dumating?
24 Laging lakas-loob na sinusundan ng mga tagasunod ni Jesus ang mga yapak niya. Marami na ang nakapanindigan sa harap ng panunuya, pag-uusig, pag-aresto, pagkabilanggo, pagpapahirap, at kahit pa sa kamatayan. Saan kumukuha ng lakas ng loob ang di-perpektong mga indibidwal na ito? Hindi ito nagmumula sa kanilang sarili lang. Kung paanong tinulungan ng Diyos si Jesus, iyon din ang maaasahan ng mga tagasunod niya. (Filipos 4:13) Kaya huwag na huwag kang matakot sa puwedeng mangyari sa hinaharap. Maging determinadong manatiling tapat, at bibigyan ka ni Jehova ng lakas ng loob na kailangan mo. Patuloy na kumuha ng lakas ng loob mula sa halimbawa ng ating Lider, si Jesus, na nagsabi: “Lakasan ninyo ang inyong loob! Dinaig ko ang sanlibutan.”—Juan 16:33.
a Napansin ng mga istoryador na pinaparangalang gaya ng mga libingan ng propeta at patriyarka ang mga libingan ng rabbi.