Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 15

“Dahil sa Awa”

“Dahil sa Awa”

“Panginoon, gusto naming makakita”

1-3. (a) Ano ang ginawa ni Jesus nang humingi ng tulong ang dalawang bulag sa kaniya? (b) Ano ang ibig sabihin ng “dahil sa awa”? (Tingnan ang talababa.)

 NAKAUPO sa tabi ng daan malapit sa Jerico ang dalawang lalaking bulag. Araw-araw silang nandoon para mamalimos sa mga dumadaan. Pero sa araw na ito, magkakaroon ng malaking pagbabago sa buhay nila.

2 Bigla na lang may narinig na kaguluhan ang mga lalaki. Dahil bulag sila, nagtanong ang isa sa kanila kung bakit nagkakagulo. Sinabi sa kaniya: “Dumadaan si Jesus na Nazareno!” Ito ang huling pagpunta ni Jesus sa Jerusalem. Sinusundan siya ng maraming tao. Nang malaman ng dalawang bulag kung sino ang dumadaan, sumigaw sila: “Panginoon, maawa ka sa amin, Anak ni David!” Nainis ang mga tao kaya sinabihan nila sila na tumahimik. Pero ayaw manahimik ng mga lalaki dahil gustong-gusto nilang tulungan sila ni Jesus.

3 Kahit napakaraming tao, narinig pa rin sila ni Jesus. Ano kaya ang gagawin niya? Marami siyang iniisip noong panahong iyon. Malapit na siyang mamatay. Alam niyang papahirapan siya at papatayin sa Jerusalem. Pero hindi niya binale-wala ang paghingi ng tulong ng mga lalaki. Huminto siya at sinabing dalhin sila sa kaniya. Sinabi ng dalawang lalaki: “Panginoon, gusto naming makakita.” “Dahil sa awa,” hinipo ni Jesus ang mga mata nila at nakakita sila agad. a Pagkatapos, agad silang sumunod kay Jesus.—Lucas 18:35-43; Mateo 20:29-34.

4. Paano tinupad ni Jesus ang hulang “maaawa siya sa hamak”?

4 Hindi lang ito ang pagkakataong naawa si Jesus. Nagpakita siya ng awa sa maraming pagkakataon at sa iba’t ibang paraan. Inihula ng Bibliya na “maaawa siya sa hamak.” (Awit 72:13) Talagang naging makonsiderasyon si Jesus sa damdamin ng iba. Nagkusa siyang tumulong sa mga tao. Naawa siya kaya nangaral siya sa kanila. Tingnan natin mula sa mga Ebanghelyo kung ano ang mga sinabi at ginawa ni Jesus na nagpapakitang maawain siya. Tingnan din natin kung paano natin matutularan ang pagpapakita niya ng awa.

Maging Makonsiderasyon sa Iba

5, 6. Anong mga halimbawa ang nagpapakitang may empatiya si Jesus?

5 Talagang may empatiya si Jesus. Naiintindihan niya ang damdamin ng mga nagdurusa at nakikiramay siya sa kanila. Hindi niya naranasan ang lahat ng pinagdaraanan nila, pero ramdam niya ang kirot na nararamdaman nila na para bang nararanasan din niya ang pagdurusa nila. (Hebreo 4:15) Nang pagalingin ni Jesus ang isang babaeng 12 taon nang dinudugo, alam niyang “nagpapahirap” sa babae ang sakit na iyon. (Marcos 5:25-34) Nang makita niyang umiiyak si Maria at ang mga kasama nito dahil namatay si Lazaro, talagang naawa siya at nalungkot. Alam niyang bubuhayin niyang muli si Lazaro pero lumuha pa rin siya.—Juan 11:33, 35.

6 Minsan, may lumapit na isang ketongin kay Jesus at nakiusap: “Kung gugustuhin mo lang, mapagagaling mo ako.” Perpekto si Jesus at hindi kailanman nagkasakit, pero nagpakita pa rin siya ng empatiya sa ketongin. “Naawa siya.” (Marcos 1:40-42) Gumawa siya ng isang bagay na di-pangkaraniwan. Alam na alam niyang sa ilalim ng Kautusan, itinuturing na marumi ang mga ketongin at hindi dapat makisama sa iba. (Levitico 13:45, 46) Mapapagaling naman ni Jesus ang lalaking ito kahit hindi niya hawakan. (Mateo 8:5-13) Pero hinawakan pa rin niya ang ketongin at sinabi: “Gusto ko! Gumaling ka.” Nawala agad ang ketong ng lalaki. Kitang-kita ang empatiya ni Jesus!

“Magdamayan” sa isa’t isa

7. Ano ang makakatulong sa atin na makadama ng empatiya, at paano natin ito maipapakita?

7 Dapat tularan ng mga Kristiyano si Jesus sa pagpapakita ng empatiya. Sinasabi ng Bibliya na “magdamayan” tayo sa isa’t isa. b (1 Pedro 3:8) Hindi madaling maintindihan ang damdamin ng mga dumaranas ng nagtatagal na sakit o depresyon, lalo na kung hindi pa natin iyon nararanasan. Pero tandaan na hindi mo kailangang maranasan muna ang mga iyon bago ka makapagpakita ng empatiya. May empatiya si Jesus sa mga maysakit kahit hindi siya kailanman nagkasakit. Kaya paano natin maipapakita ang empatiya? Magagawa natin iyan kapag nakikinig tayong mabuti sa mga may problema habang sinasabi nila ang mga nararamdaman nila. Puwede nating tanungin ang sarili natin, ‘Kung ako ang nasa kalagayan nila, ano kaya ang mararamdaman ko?’ (1 Corinto 12:26) Mas magagawa nating “patibayin ang mga pinanghihinaan ng loob” kung iintindihin natin sila. (1 Tesalonica 5:14) Kung minsan, maipapakita natin ang empatiya hindi lang sa salita kundi sa gawa. “Makiiyak sa mga umiiyak,” ang sabi ng Roma 12:15.

8, 9. Paano nagpakita si Jesus ng konsiderasyon sa damdamin ng iba?

8 Laging makonsiderasyon si Jesus sa damdamin ng iba. Baka naaalala pa ninyo nang dalhin kay Jesus ang isang taong bingi at halos hindi makapagsalita. Napansin ni Jesus na nahihiya ang lalaki. Ano ang ginawa ni Jesus? “Inilayo niya ang lalaki mula sa mga tao.” Hindi niya iyan laging ginagawa. Pinagaling niya ang lalaki noong silang dalawa na lang.—Marcos 7:31-35.

9 Nagpakita rin ng konsiderasyon si Jesus nang dalhin sa kaniya ang isang lalaking bulag. Hiniling ng mga tao na pagalingin niya ito. “Hinawakan [ni Jesus] sa kamay ang lalaking bulag at dinala ito sa labas ng nayon.” Unti-unti niyang pinagaling ang lalaki para hindi ito mabigla sa liwanag at sa napakaraming bagay sa palibot nito. (Marcos 8:22-26) Talagang makonsiderasyon si Jesus!

10. Paano tayo puwedeng maging makonsiderasyon sa damdamin ng iba?

10 Bilang mga tagasunod ni Jesus, dapat din tayong maging makonsiderasyon sa damdamin ng iba. Nag-iingat tayo sa mga sinasabi natin. Alam kasi natin na puwede tayong makasakit sa iba kapag nagsalita tayo nang hindi pinag-iisipan. (Kawikaan 12:18; 18:21) Dahil mga Kristiyano tayo, hindi tayo magsasalita nang masakit, mapanghamak, o mapanuya sa iba. (Efeso 4:31) Paano naman magiging makonsiderasyon sa damdamin ng iba ang mga elder? Dapat na mabait magsalita ang mga elder kapag nagpapayo at hindi nila ipapahiya ang pinapayuhan. (Galacia 6:1) Paano magiging makonsiderasyon ang mga magulang sa damdamin ng mga anak nila? Iwasang mapahiya sila kapag dinidisiplina sila.—Colosas 3:21.

Magkusang Tumulong sa Iba

11, 12. Anong mga ulat sa Bibliya ang nagpapakitang hindi na kailangang sabihan si Jesus na maawa sa iba?

11 Hindi nagpakita si Jesus ng awa dahil lang sa sinabihan siya. Ang totoo, kusang tumutulong sa iba ang isang taong maawain. Kaya hindi na tayo dapat magtakang dahil sa awa, nagkusa si Jesus na tulungan ang iba. Halimbawa, noong tatlong araw nang kasama ni Jesus ang maraming tao, wala na silang pagkain. Walang nagsabi kay Jesus na nagugutom na ang mga tao o nagsabing gumawa siya ng paraan. Sinasabi ng ulat: “Tinawag ni Jesus ang mga alagad niya at sinabi: ‘Naaawa ako sa mga tao. Tatlong araw ko na silang kasama at wala na silang makain. Ayokong pauwiin sila nang gutom dahil baka manghina sila sa daan.’” Pagkatapos, nagkusa siyang gumawa ng himala para pakainin ang mga tao.—Mateo 15:32-38.

12 Tingnan pa ang isang halimbawa. Noong 31 C.E., habang papalapit si Jesus sa lunsod ng Nain, nakakita siya ng isang malungkot na eksena. May prusisyon ng libing na papalabas ng lunsod. Papunta ito sa malapit na mga libingan sa dalisdis ng burol para ilibing ang “kaisa-isang anak ng isang . . . biyuda.” Nadama mo ba ang kirot na nararamdaman ng nanay? Ililibing na ang kaisa-isa niyang anak na lalaki. Wala na rin siyang asawa na aalalay sa kaniya. Sa dami ng tao sa prusisyon, ‘nakita’ ni Jesus ang biyuda na wala nang anak. Talagang “naawa siya rito.” Hindi na kailangan pang may magsabi kay Jesus na tulungan ang biyuda. Nagkusa siya. “Lumapit siya at hinipo ang hinihigaan ng patay.” Pagkatapos, binuhay niyang muli ang binata. Ano ang sumunod na nangyari? Hindi sinabi ni Jesus sa binata na sumama sa mga taong naglalakbay kasama Niya. “Ibinigay siya ni Jesus sa kaniyang ina” para hindi na ito mag-isa at para maalagaan ito ng anak niya.—Lucas 7:11-15.

Magkusang tulungan ang mga nangangailangan

13. Paano natin matutularan ang halimbawa ni Jesus sa pagkukusang tumulong sa mga nangangailangan?

13 Paano natin matutularan ang halimbawa ni Jesus? Hindi natin kayang gumawa ng himala para magpakain ng mga tao o bumuhay ng mga patay. Pero matutularan natin si Jesus na nagkusang tumulong sa mga nangangailangan. Baka may kapatid na naghihirap o nawalan ng trabaho. (1 Juan 3:17) Baka kailangang ayusin agad ang bahay ng isang biyuda. (Santiago 1:27) Baka may kilala tayong namatayan na nangangailangan ng pampatibay o praktikal na tulong. (1 Tesalonica 5:11) Kapag nalaman nating may ganitong sitwasyon ang iba, hindi na natin hihintayin pang lapitan nila tayo para humingi sila ng tulong. (Kawikaan 3:27) Dahil sa awa, gagawin natin ang lahat para tumulong. Pero kung wala tayong kakayahang tumulong, may magagawa pa rin tayo para maipakita ang kabaitan. Puwede pa rin natin silang patibayin. Kahit simpleng bagay lang ang gawin natin, malaking tulong pa rin ito.—Colosas 3:12.

Nangaral Siya Dahil sa Awa

14. Bakit nagpokus si Jesus sa pangangaral ng mabuting balita?

14 Gaya ng nakita natin sa Seksiyon 2 ng aklat na ito, napakagandang halimbawa ni Jesus sa pangangaral ng mabuting balita. Sinabi niya: “Dapat ko ring ihayag sa ibang lunsod ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos dahil isinugo ako para dito.” (Lucas 4:43) Bakit siya nagpokus sa gawaing ito? Ang pinakamahalagang dahilan ay ang pag-ibig niya sa Diyos. Pero may isa pang dahilan: Naaawa siya sa mga tao kaya gusto niya silang tulungang makilala ang Diyos. Tingnan natin ang dalawang pangyayari na nagpapakita kung ano ang tingin ni Jesus sa mga taong pinangaralan niya. Makakatulong ang mga ito sa atin para makita kung bakit tayo dapat mangaral.

15, 16. Ano ang dalawang pangyayari na nagpapakita kung ano ang tingin ni Jesus sa mga pinangaralan niya?

15 Noong 31 C.E., pagkatapos ng mga dalawang taóng lubusang pangangaral ni Jesus, may ginawa pa siya. “Lumibot [siya] sa lahat ng lunsod at nayon” sa Galilea. Ano ang naramdaman niya? Ito ang sinabi ni apostol Mateo: “Pagkakita sa napakaraming tao, naawa siya sa kanila dahil sila ay sugatán at napabayaan tulad ng mga tupang walang pastol.” (Mateo 9:35, 36) Naawa si Jesus sa mga tao. Alam niyang gusto nilang mapalapít sa Diyos pero kulang ang kaalaman nila. Alam din niyang hindi sila tinuturuan ng mga lider ng relihiyon tungkol sa Diyos, at na hindi maganda ang pagtrato ng mga ito sa kanila. Dahil sa matinding awa, ginawa ni Jesus ang lahat para sabihin sa mga tao ang mensahe ng pag-asa. Talagang kailangan nila ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.

16 Pagkalipas ng ilang buwan, nang malapit na ang Paskuwa noong 32 C.E., may ganiyan ding pangyayari. Sumakay si Jesus at ang mga apostol niya sa isang bangka para tumawid sa Lawa ng Galilea. Naghahanap kasi sila ng lugar kung saan puwedeng magpahinga. Pero dumaan ang mga tao sa may baybayin at nauna pa sa kanila. Ano ang ginawa ni Jesus? “Pagkababa sa bangka, nakita niya ang napakaraming tao. Naawa siya sa kanila dahil para silang mga tupa na walang pastol. At tinuruan niya sila ng maraming bagay.” (Marcos 6:31-34) “Naawa” ulit si Jesus dahil nakita niyang gustong-gustong matuto ng mga tao tungkol sa Diyos. Gaya sila ng “mga tupa na walang pastol.” Kailangan silang turuan tungkol kay Jehova kasi walang nagtuturo sa kanila. Tinuruan niya sila, hindi lang dahil kailangan niyang gawin iyon, kundi dahil naawa rin siya sa kanila.

Mangaral nang may awa

17, 18. (a) Bakit tayo nangangaral ng mabuting balita? (b) Paano natin maipapakitang naaawa tayo sa mga tao?

17 Bakit nangangaral ng mabuting balita ang mga tagasunod ni Jesus? Gaya ng nakita natin sa Kabanata 9 ng aklat na ito, may atas tayo, o pananagutang mangaral at gumawa ng mga alagad. (Mateo 28:19, 20; 1 Corinto 9:16) Pero hindi ito ang pangunahing dahilan kung bakit tayo nangangaral. Ang pag-ibig kay Jehova ang pinakadahilan kung bakit natin ipinapangaral ang mabuting balita ng Kaharian. Nangangaral din tayo dahil naaawa tayo sa mga taong iba ang paniniwala. (Marcos 12:28-31) Paano natin maipapakitang naaawa tayo sa mga tao?

18 Dapat na pareho sa tingin ni Jesus ang tingin natin sa mga tao—“sugatán at napabayaan tulad ng mga tupang walang pastol.” Isipin mong may nakita kang naliligaw na tupa. Kung walang pastol na aakay sa kaniya sa tubig at pastulan, mauuhaw at magugutom ang kawawang tupa. Hindi ba’t maaawa ka at gagawin ang lahat para pakainin at painumin ang tupang iyon? Parang nawawalang tupa ang maraming tao ngayon. Hindi pa nila alam ang mabuting balita. At dahil hindi sila tinuturuan ng mga lider ng relihiyon, gutom sila at uhaw sa katotohanan mula sa Salita ng Diyos at wala silang tunay na pag-asa sa hinaharap. Maibibigay natin ang kailangan nila: ang masustansiyang espirituwal na pagkain at nakakarepreskong tubig ng katotohanan sa Salita ng Diyos. (Isaias 55:1, 2) Kapag nakikita nating kailangang-kailangan nila ang Diyos, talagang maaawa tayo sa kanila. At kung maaawa tayo sa kanila, gaya ni Jesus, gagawin din natin ang lahat para sabihin sa kanila ang pag-asang ibibigay ng Kaharian.

19. Ano ang puwede nating gawin para mapakilos na mangaral ang isang Bible study?

19 Paano natin matutulungan ang iba na tularan si Jesus? Halimbawa, baka may Bible study tayo na kuwalipikado nang mangaral sa bahay-bahay. O baka may kilala tayong di-aktibo na gusto nating tulungang mangaral ulit. Paano natin sila matutulungan? Kailangan natin silang tulungang makita kung gaano kahalagang malaman ng mga tao ang tungkol sa Diyos. Tandaan na “naawa” si Jesus sa mga tao, kaya tinuruan niya sila. (Marcos 6:34) Kung matutulungan natin ang isang Bible study o isang di-aktibo na makadama ng awa, malamang na mapakilos sila nito na tularan si Jesus at ipangaral ang mabuting balita. Puwede natin silang tanungin: “Paano nagbago ang buhay mo mula nang tanggapin mo ang mensahe ng Kaharian? Kumusta naman ang mga taong hindi pa nakakarinig ng mensaheng ito? Kailangan din kaya nila ang mabuting balita? Ano kaya ang puwede mong gawin?” Pero ang talagang makakatulong sa kanila na mangaral ay ang pag-ibig sa Diyos at ang kagustuhang paglingkuran siya.

20. (a) Ano ang kailangan para maging tagasunod ni Jesus? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na kabanata?

20 Para maging tagasunod ni Jesus, hindi lang natin basta uulitin ang mga sinabi niya o gagawin ang mga ginawa niya. Kailangan din nating tularan ang “pag-iisip” ni Jesus. (Filipos 2:5) Talagang nagpapasalamat tayo dahil mababasa natin sa Bibliya ang mga dahilan sa mga sinabi at ginawa ni Jesus! Kapag alam natin ang “pag-iisip ni Kristo,” magiging mas maunawain at maawain tayo. Matutularan din natin ang pakikitungo ni Jesus sa mga tao. (1 Corinto 2:16) Sa susunod na kabanata, tatalakayin natin ang iba’t ibang paraan kung paano nagpakita si Jesus ng pag-ibig sa mga tagasunod niya.

a Ang salitang Griego na isinaling “dahil sa awa” ay itinuturing na isa sa pinakamapuwersang salita sa Griego para sa pagkadama ng awa. Binanggit ng isang reperensiya na ipinapahiwatig ng salitang ito na “hindi lang makakadama ng kirot ang isa dahil sa nakikita niyang pagdurusa ng iba, kundi gusto rin niyang alisin ang pagdurusa.”

b Ang pang-uring Griego na isinaling “magdamayan” ay literal na nangangahulugang “pagdurusang kasama” ng iba.