KABANATA 10
“Nasusulat”
1-3. Anong napakahalagang katotohanan ang gusto ni Jesus na maintindihan ng mga taga-Nazaret, at anong katibayan ang ipinakita niya sa kanila?
KAKASIMULA pa lang ng ministeryo ni Jesus. Bumalik siya sa sarili niyang bayan, ang Nazaret. Gusto niyang tulungan ang mga tao doon na maintindihan ang napakahalagang katotohanang ito: Siya ang Mesiyas na matagal nang inihula! Anong katibayan ang ipinakita niya sa kanila?
2 Siguradong marami ang umaasang maghihimala si Jesus kasi nabalitaan nila iyon. Pero hindi gumawa si Jesus ng himala noong pagkakataong iyon. Sa halip, nagpunta siya sa sinagoga gaya ng lagi niyang ginagawa. Tumayo siya para magbasa, at ibinigay sa kaniya ang balumbon ni Isaias. Mahaba ang balumbong iyon. Dahan-dahan itong binuksan ni Jesus hanggang sa makita niya ang kasulatang hinahanap niya. Pagkatapos, binasa niya nang malakas ang bahagi ng Kasulatan na makikita ngayon sa Isaias 61:1-3.—Lucas 4:16-19.
3 Siguradong pamilyar ang mga tagapakinig sa kasulatang iyon. Hula iyon tungkol sa Mesiyas. Napakatahimik sa sinagoga, at nakatingin ang lahat kay Jesus. Pagkatapos, detalyadong nagpaliwanag si Jesus: “Ang kasulatang ito na karirinig lang ninyo ay natutupad ngayon.” Namangha ang mga tagapakinig sa mga sinabi niya. Pero marami pa rin ang gustong makakita ng himala. Imbes na gumawa ng himala, lakas-loob na ginamit ni Jesus ang isang halimbawa sa Kasulatan para ipakitang wala silang pananampalataya. Di-nagtagal, binalak siyang patayin ng mga taga-Nazaret!—Lucas 4:20-30.
4. Anong halimbawa sa ministeryo ang ipinakita ni Jesus, at ano ang tatalakayin natin sa kabanatang ito?
4 Magandang halimbawa ang ipinakita ni Jesus. Ginamit niya ang Salita ng Diyos sa ministeryo niya. Napakahalaga ng mga ginawa niyang himala kasi ipinakita nitong ginagabayan siya ng espiritu ng Diyos. Pero mas mahalaga kay Jesus ang paggamit ng Banal na Kasulatan. Tingnan natin kung paano niya iyan ginawa. Tatalakayin natin kung paano siya sumipi sa Salita ng Diyos, kung paano niya ito ipinagtanggol, at kung paano niya ito ipinaliwanag.
Pagsipi sa Salita ng Diyos
5. Ano ang gusto ni Jesus na malaman ng mga tagapakinig niya, at paano niya ipinakita na totoo ang mga sinabi niya?
5 Gusto ni Jesus na malaman ng mga tao kung kanino nanggaling ang mensahe niya. Sinabi niya: “Ang itinuturo ko ay hindi galing sa akin kundi sa nagsugo sa akin.” (Juan 7:16) Sinabi din niya: “Wala akong ginagawa sa sarili kong pagkukusa; kung ano ang itinuro sa akin ng Ama, iyon din ang sinasabi ko.” (Juan 8:28) Sinabi pa niya: “Ang mga sinasabi ko sa inyo ay hindi mula sa sarili ko, kundi sa pamamagitan ko ay isinasakatuparan ng Ama na nananatiling kaisa ko ang kaniyang gawain.” (Juan 14:10) Ipinakita ni Jesus na galing sa Diyos ang mensahe niya dahil paulit-ulit siyang sumipi sa Salita ng Diyos.
6, 7. (a) Gaano kadalas sumipi si Jesus sa Hebreong Kasulatan, at bakit kahanga-hanga iyan? (b) Paano naiiba sa pagtuturo ng mga eskriba ang pagtuturo ni Jesus?
6 Kapag pag-aaralan natin ang mga sinabi ni Jesus, makikita natin na gumamit o sumipi siya sa mahigit kalahati ng mga aklat sa Hebreong Kasulatan. Baka isipin mo, ‘Ano naman ang kahanga-hanga doon?’ Baka maisip mo na hindi naman niya nagamit ang lahat ng aklat ng Hebreong Kasulatan kahit tatlo at kalahating taon siyang nagturo at nangaral. Pero posibleng nagawa niya ito. Bakit natin nasabi iyan? Kasi hindi naman naisulat sa Bibliya ang lahat ng sinabi at ginawa ni Jesus. (Juan 21:25) Mababasa mo nga sa loob lang ng ilang oras ang lahat ng naiulat na sinabi ni Jesus. Pag-isipan ito: Ilang oras ka lang nagsalita tungkol sa Diyos at sa Kaharian niya. Pero nasipi o nagamit mo ang mahigit sa kalahati ng lahat ng aklat ng Hebreong Kasulatan. Madalas din na walang dalang balumbon si Jesus. Sa Sermon sa Bundok, maraming beses siyang sumipi sa Hebreong Kasulatan kasi kabisadong-kabisado niya iyon!
7 Ipinapakita ng mga pagsipi ni Jesus na nirerespeto niya ang Salita ng Diyos. “Hangang-hanga ang mga tao sa paraan niya ng pagtuturo, dahil nagtuturo siya sa kanila bilang isa na may awtoridad, at hindi gaya ng mga eskriba.” (Marcos 1:22) Kapag nagtuturo ang mga eskriba, gustong-gusto nilang bumanggit ng mga berbal na batas at sumipi sa mga sinabi ng mga naunang rabbi. Pero hindi iyan ginawa ni Jesus! Alam kasi niya na ang Salita ng Diyos ang may pinakamataas na awtoridad. Paulit-ulit niyang sinabi: “Nasusulat.” Madalas niyang gamitin ang salitang iyan o ang iba pang katulad na mga salita kapag nagtuturo sa mga tagasunod niya at sa pagtutuwid ng mga maling kaisipan nila.
8, 9. (a) Paano ipinakita ni Jesus na may awtoridad ang Salita ng Diyos nang linisin niya ang templo? (b) Paano ipinakita ng mga lider ng relihiyon sa templo na hindi nila nirerespeto ang Salita ng Diyos?
8 Nang linisin ni Jesus ang templo sa Jerusalem, sinabi niya: “Nasusulat, ‘Ang bahay ko ay tatawaging bahay-panalanginan,’ pero ginagawa ninyo itong pugad ng mga magnanakaw.” (Mateo 21:12, 13; Isaias 56:7; Jeremias 7:11) Bago ang araw na iyon, gumawa siya ng maraming himala doon. Humanga ang mga bata at pinuri siya. Pero galit na galit ang mga lider ng relihiyon at tinanong si Jesus kung narinig niya ang mga batang iyon. Sumagot siya: “Oo. Hindi pa ba ninyo nabasa ang ganito, ‘Mula sa bibig ng mga bata at sanggol ay pinalabas mo ang papuri’?” (Mateo 21:16; Awit 8:2) Gusto ni Jesus na makita ng mga lalaking iyon na nakahula sa Salita ng Diyos ang mga papuring iyon.
9 Di-nagtagal, nagtipon ang mga lider ng relihiyon para tanungin si Jesus: “Ano ang karapatan mong gawin ang mga ito?” (Mateo 21:23) Sinabi ni Jesus kung sino ang Pinagmumulan ng awtoridad niya. Hindi siya gumawa o nag-imbento ng mga bagong doktrina. Ipinaliwanag lang niya ang sinasabi sa Salita ng Ama niya, na isinulat sa tulong ng banal na espiritu. Kaya naman, kitang-kita na walang respeto kay Jehova at sa Salita niya ang mga saserdote at eskriba. Dapat lang silang sawayin ni Jesus at ipakita ang napakasamang motibo nila.—Mateo 21:23-46.
10. Paano natin matutularan si Jesus sa paggamit niya sa Salita ng Diyos, at anong mga pantulong ang mayroon na ngayon?
10 Gaya ni Jesus, nangangaral din ngayon ang mga tunay na Kristiyano gamit ang Salita ng Diyos. Kilala ang mga Saksi ni Jehova sa buong mundo sa sigasig nila sa pangangaral. Madalas gamitin at sipiin ang Bibliya sa mga publikasyon natin. At sinisikap nating gamitin ang Bibliya kapag may nakakausap tayo sa ministeryo. (2 Timoteo 3:16) Masayang-masaya tayo kapag pumayag ang kausap natin na magbasa tayo ng teksto sa Bibliya at ipaliwanag ito sa kaniya. Perpekto ang memorya ni Jesus. Pero tayo, hindi. Ano ang makakatulong sa atin? Mayroon tayong kumpletong Bibliya ngayon, na inilalathala sa napakaraming wika. Marami din tayong pantulong na magagamit para mahanap ang mga teksto. Maging determinado tayong laging gamitin at sipiin ang Bibliya!
Pagtatanggol sa Salita ng Diyos
11. Bakit madalas ipagtanggol ni Jesus ang Salita ng Diyos?
11 Alam ni Jesus na ginagamit ni Satanas at ng mga tagasunod nito ang Salita ng Diyos sa maling paraan. Pero hindi niya ito ipinagtaka. Sinabi ni Jesus sa panalangin niya sa kaniyang Ama, “Ang iyong salita ay katotohanan.” (Juan 17:17) At alam na alam ni Jesus na si Satanas, “ang tagapamahala ng mundo,” ay “sinungaling at . . . ama ng kasinungalingan.” (Juan 8:44; 14:30) Nang tanggihan ni Jesus ang tatlong tukso ni Satanas, tatlong beses siyang sumipi sa Kasulatan. Sumipi din si Satanas ng teksto mula sa Mga Awit, pero ginamit niya ito sa maling paraan. Ano ang ginawa ni Jesus? Ipinagtanggol niya ang Salita ng Diyos.—Mateo 4:6, 7.
12-14. (a) Paano makikita sa mga lider ng relihiyon na hindi nila nirerespeto ang Kautusang Mosaiko? (b) Paano ipinagtanggol ni Jesus ang Salita ng Diyos?
12 Laging ipinagtatanggol ni Jesus ang Banal na Kasulatan mula sa maling paggamit at maling interpretasyon. Noong panahon niya, ginagamit ng mga guro ng relihiyon sa maling paraan ang Salita ng Diyos. Napakahalaga sa kanila ng maliliit na detalye ng Kautusang Mosaiko, pero winawalang-halaga naman nila ang mga simulain sa mga kautusang ito. Mapagkunwari at pakitang-tao ang pagsamba nila, at hindi nakapokus sa mas mahahalagang bagay gaya ng katarungan, awa, at katapatan. (Mateo 23:23) Paano ipinagtanggol ni Jesus ang Kautusan ng Diyos?
13 Sa Sermon sa Bundok, paulit-ulit na sinasabi ni Jesus ang mga salitang “alam ninyo na sinabi” kapag tinutukoy niya ang isang batas sa Kautusang Mosaiko. Susundan niya ito ng “pero sinasabi ko sa inyo.” Pagkatapos, ipapaliwanag niya ang simulain na mas mahalaga kaysa sa pakitang-taong pagsunod sa Kautusan. Sinasabi ba niyang mali ang Kautusan? Hindi naman. Ipinagtatanggol lang niya ito. Halimbawa, alam na alam ng mga tao ang kautusang “Huwag kang papatay.” Pero sinabi ni Jesus na nilalabag na ng isa ang simulain sa kautusang iyan kapag napopoot siya sa isang tao. Sinabi rin niyang nilalabag na ng isa ang simulain sa kautusan tungkol sa pangangalunya kapag tumitingin siya nang may pagnanasa sa hindi niya asawa.—Mateo 5:17, 18, 21, 22, 27-39.
14 Sinabi rin ni Jesus: “Alam ninyo na sinabi noon: ‘Dapat mong mahalin ang iyong kapuwa at kapootan ang iyong kaaway.’ Pero sinasabi ko sa inyo: Patuloy na mahalin ang inyong mga kaaway at ipanalangin ang mga umuusig sa inyo.” (Mateo 5:43, 44) Galing ba sa Salita ng Diyos ang utos na “kapootan ang iyong kaaway”? Hindi. Galing ito sa mga lider ng relihiyon. Hinaluan nila ng kaisipan ng tao ang perpektong Kautusan ng Diyos. Pero lakas-loob na ipinagtanggol ito ni Jesus laban sa mga tradisyon ng tao.—Marcos 7:9-13.
15. Paano ipinagtanggol ni Jesus ang Kautusan ng Diyos laban sa mga nagsasabing napakaistrikto nito, at malupit pa nga?
15 Pinalabas din ng mga lider ng relihiyon na napakaistrikto at malupit pa nga ang Kautusan ng Diyos. Nang mamitas ng mga uhay ng butil ang mga alagad ni Jesus habang naglalakad sila, sinabi ng ilang Pariseo na nilalabag nila ang Sabbath. Para ipagtanggol ang Salita ng Diyos sa maling paggamit na ito, ginamit niya ang nag-iisang ulat sa Kasulatan kung saan kinain ang tinapay na panghandog sa labas ng templo. Ito ang ulat nang kainin iyon ni David at ng gutom na mga kasama niya. Ipinakita ni Jesus sa mga Pariseong iyon na hindi talaga nila naiintindihan ang tunay na malasakit at awa ni Jehova.—Marcos 2:23-27.
16. Paano ginamit ng mga lider ng relihiyon sa maling paraan ang sinabi ni Moises sa diborsiyo, at ano ang sinabi ni Jesus?
16 Hinanapan din ng butas ng mga lider ng relihiyon ang Kautusan ng Diyos. Halimbawa, pinapayagan lang ng Kautusan ang diborsiyo kung may makitang “napakasamang bagay” ang isang lalaki sa asawa niya, gaya ng isang seryosong problema na puwedeng magdala ng kahihiyan sa pamilya. (Deuteronomio 24:1) Ginamit ng mga lider ng relihiyon noong panahon ni Jesus ang kautusang iyan para pahintulutan ang isang lalaki na diborsiyuhin ang asawa niya sa kahit anong dahilan—kahit na nasunog lang ng asawang babae ang pagkain nila! a Ipinakita ni Jesus na mali ang paggamit ng mga lider ng relihiyon sa mga sinabing ito ni Moises na isinulat sa gabay ng banal na espiritu. Pagkatapos, nilinaw ni Jesus ang orihinal na layunin ni Jehova sa pag-aasawa. Sinabi niya na ang pag-aasawa ay para lang sa isang lalaki at isang babae at na ang nag-iisang saligan ng diborsiyo ay seksuwal na imoralidad.—Mateo 19:3-12.
17. Paano matutularan ng mga Kristiyano ngayon si Jesus sa pagtatanggol sa Salita ng Diyos?
17 Gusto ring ipagtanggol ng mga tagasunod ni Kristo ngayon ang Banal na Kasulatan. Kapag sinasabi ng mga lider ng relihiyon na makaluma na ang mga pamantayang moral na nasa Salita ng Diyos, ipinapakita nilang hindi na nila ito kailangan. Nagtuturo din sila ng mga kasinungalingan at pinapalitaw na mga doktrina ito ng Bibliya. Pribilehiyo talaga natin na ipagtanggol ang mga katotohanan sa Salita ng Diyos. Halimbawa, ipinapakita natin mula sa Bibliya na hindi bahagi ng Trinidad ang Diyos. (Deuteronomio 4:39) Ginagawa natin ito sa mataktikang paraan, mahinahon, at may matinding paggalang.—1 Pedro 3:15.
Ipinapaliwanag ang Salita ng Diyos
18, 19. Anong mga halimbawa ang nagpapakita na kayang ipaliwanag ni Jesus sa mahusay na paraan ang Salita ng Diyos?
18 Nasa langit pa si Jesus nang isulat ang Hebreong Kasulatan. Tiyak na tuwang-tuwa siyang bumaba sa lupa at maipaliwanag ang Salita ng Diyos! Halimbawa, matapos siyang buhaying muli, nagpakita siya sa dalawang alagad niya sa daan papuntang Emaus. Kahit hindi pa nila kilala ang kausap nila, sinabi nilang naguguluhan sila at sobrang nalulungkot dahil namatay ang Panginoon nila. Ano ang ginawa ni Jesus? “Pasimula kay Moises at sa lahat ng Propeta, ipinaliwanag niya sa kanila ang lahat ng sinasabi ng Kasulatan tungkol sa kaniya.” Ano ang naging epekto nito sa dalawang alagad? Sinabi nila sa isa’t isa: “Hindi ba nagniningas ang puso natin habang kinakausap niya tayo sa daan, habang malinaw niyang ipinapaliwanag sa atin ang Kasulatan?”—Lucas 24:15-32.
19 Nang araw ding iyon, nagpakita si Jesus sa mga apostol at iba pa. Ano ang ginawa niya para sa kanila? “Binuksan niya ang isip nila para lubusan nilang maintindihan ang kahulugan ng Kasulatan.” (Lucas 24:45) Napakasaya ng araw na iyon! Siguradong naalala nila ang napakaraming beses na tinulungan sila ni Jesus, pati na ang iba pa, na maintindihan ang Kasulatan. Madalas niyang ipinapaliwanag ang pamilyar na mga teksto sa mahusay na paraan, kaya hangang-hanga ang mga nakikinig sa kaniya dahil mas naiintindihan nila ang Salita ng Diyos.
20, 21. Paano ipinaliwanag ni Jesus ang mga sinabi ni Jehova kay Moises?
20 Sa isa sa mga pagkakataong iyon, kausap ni Jesus ang isang grupo ng mga Saduceo. Isang sekta sila ng Judaismo na may malapit na kaugnayan sa mga saserdoteng Judio at hindi naniniwala sa pagkabuhay-muli. Sinabi sa kanila ni Jesus: “Tungkol sa pagkabuhay-muli ng mga patay, hindi ba ninyo nabasa ang sinabi sa inyo ng Diyos: ‘Ako ang Diyos ni Abraham at ang Diyos ni Isaac at ang Diyos ni Jacob’? Siya ang Diyos, hindi ng mga patay, kundi ng mga buháy.” (Mateo 22:31, 32) Pamilyar ang tekstong ito sa mga Saduceo, kasi isinulat ito ng isang taong kinikilala nila—si Moises. Napakapuwersa ng pagpapaliwanag ni Jesus! Bakit natin nasabi iyan?
21 Nakipag-usap si Jehova kay Moises mula sa isang nagliliyab na apoy sa matinik na halaman noong mga 1514 B.C.E. (Exodo 3:2, 6) Nang panahong iyon, 329 na taon nang patay si Abraham, 224 na taon nang patay si Isaac, at 197 taon nang patay si Jacob. Pero sinabi pa rin ni Jehova: “Ako ang” Diyos nila. Alam ng mga Saduceo na iba si Jehova sa mga paganong diyos ng mga patay, na sinasabing namamahala sa mundo ng mga patay. Siya ang Diyos “ng mga buháy,” gaya ng sinabi ni Jesus. Ano ang ibig sabihin nito? Ito ang gustong sabihin ni Jesus: “Silang lahat ay buháy sa kaniya.” (Lucas 20:38) Kahit namatay na ang mga lingkod ni Jehova, naaalala pa rin niya sila sa perpektong memorya niya. Para sa kaniya, buháy sila. (Roma 4:16, 17) Talagang tutuparin ni Jehova ang layunin niyang buhayin silang muli. Napakagandang paliwanag iyan sa Salita ng Diyos! Iyan ang dahilan kung bakit ‘humanga sa turo’ ni Jesus ang mga tao.—Mateo 22:33.
22, 23. (a) Paano natin matutularan si Jesus sa pagpapaliwanag sa Salita ng Diyos? (b) Ano ang tatalakayin natin sa susunod na kabanata?
22 Pribilehiyo ng mga Kristiyano ngayon na tularan ang paraan ni Jesus ng pagpapaliwanag sa Salita ng Diyos. Hindi iyan madali kasi hindi tayo perpekto. Pero marami tayong pagkakataon na sabihin sa iba ang isang tekstong pamilyar na sa kanila at ipaliwanag iyon sa paraang hindi pa nila naririnig. Halimbawa, baka pamilyar sila sa “Sambahin nawa ang pangalan mo” at “Dumating nawa ang kaharian mo,” pero hindi naman nila alam ang pangalan ng Diyos o kung ano ang Kaharian niya. (Mateo 6:9, 10, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Kapag may nakikinig sa atin, napakagandang pagkakataon iyon para ipaliwanag ang katotohanan sa Bibliya sa simple at malinaw na paraan.
23 Matutularan natin ang halimbawa ni Jesus sa pagtuturo kung sisipi tayo mula sa Salita ng Diyos, ipagtatanggol ito, at ipapaliwanag. Talakayin naman natin sa susunod na kabanata kung paano tinulungan ni Jesus ang mga tagapakinig niya na maintindihan at mahalin ang mga katotohanan sa Bibliya.
a Ayon kay Josephus, isang unang-siglong istoryador at diborsiyadong Pariseo, pinapayagan ang diborsiyo sa “kahit anong dahilan (at sinasabi ng mga lalaki na maraming dahilan sa pakikipagdiborsiyo).”