KABANATA 20
Pagbibigay ng Tulong—Lumuluwalhati kay Jehova
1, 2. (a) Ano ang sitwasyon noon ng mga Kristiyano sa Judea? (b) Paano nila naranasan ang pag-ibig ng kanilang mga kapatid?
MGA 46 C.E. noon, at matindi ang taggutom sa Judea. Dahil sa sobrang kaunti ng suplay ng mga butil, napakamahal ng presyo nito at walang pambili ang mga Judiong alagad ni Kristo na naninirahan doon. Nagugutom sila at nangangalumata. Pero mararanasan nila ang dampi ng kamay ni Jehova sa paraang hindi pa nararanasan ng ibang mga alagad ni Kristo noon. Tingnan natin kung ano ang nangyari.
2 Nabalitaan ng mga Kristiyanong Judio at Gentil sa Antioquia, Sirya, ang tungkol sa taggutom. Kaya lumikom sila ng pondo para sa kanilang mga kapananampalataya sa Jerusalem at Judea. Pagkatapos ay pumili sila ng dalawang responsableng kapatid, sina Bernabe at Saul, para dalhin ang tulong sa matatandang lalaki ng kongregasyon sa Jerusalem. (Basahin ang Gawa 11:27-30; 12:25.) Isipin na lang ang nadama ng mga kapatid sa Judea dahil sa ipinakitang pag-ibig ng kanilang mga kapatid sa Antioquia!
3. (a) Paano tinutularan ng bayan ng Diyos sa ngayon ang parisang iniwan ng mga Kristiyano sa Antioquia? Magbigay ng halimbawa. (Tingnan din ang kahong “ Ang Pinakaunang Malawakang Pagbibigay ng Tulong sa Modernong Panahon.”) (b) Anong mga tanong ang tatalakayin sa kabanatang ito?
3 Ang pangyayaring iyan noong unang siglo C.E. ang pinakaunang nairekord na pagpapadala ng tulong ng mga Kristiyano sa isang bahagi ng mundo sa kanilang kapatid na nakatira sa ibang lugar. Sa ngayon, tinutularan natin ang parisang iniwan ng mga kapatid sa Antioquia. Kapag nabalitaan nating dumaranas ng sakuna o trahedya ang mga kapatid sa ibang lugar, tinutulungan natin sila. a Para maintindihan kung paano nauugnay sa pagmiministeryo ang pagbibigay ng tulong, talakayin natin ang tatlong tanong na ito: Bakit natin itinuturing na bahagi ng ating ministeryo ang pagtulong? Ano ang mga tunguhin natin sa pagtulong? Paano tayo nakikinabang sa ginagawang pagtulong kapag may sakuna?
Kung Bakit “Sagradong Paglilingkod” ang Pagtulong
4. Ano ang sinabi ni Pablo sa mga taga-Corinto tungkol sa ministeryong Kristiyano?
4 Sa kaniyang ikalawang liham sa mga taga-Corinto, ipinaliwanag ni Pablo na may dalawang bahagi ang ministeryong Kristiyano. Bagaman ang liham ni Pablo ay para sa mga pinahirang Kristiyano, kapit din ang sinabi niya sa “ibang mga tupa” ni Kristo. (Juan 10:16) Ang isang bahagi ng ating ministeryo ay ang “ministeryo ng pakikipagkasundo,” o ang gawaing pangangaral at pagtuturo. (2 Cor. 5:18-20; 1 Tim. 2:3-6) Ang isa naman ay ang binabanggit ni Pablo na “ministeryong itinalaga para sa mga banal,” o ang pagtulong natin sa ating mga kapananampalataya. (2 Cor. 8:4) Nang banggitin niya ang “ministeryo ng pakikipagkasundo” at “ministeryong itinalaga para sa mga banal,” ang ginamit niyang termino para sa “ministeryo” ay salin ng isang anyo ng salitang Griego na di·a·ko·niʹa. Bakit ito mahalaga?
5. Ano ang ibig sabihin ni Pablo nang tukuyin niyang ministeryo ang pagtulong?
5 Sa paggamit ng iisang salitang Griego para sa dalawang gawain, sinasabi ni Pablo na ang pagtulong ay isa ring anyo ng ministeryo na isinasagawa ng kongregasyong Kristiyano. Sa una niyang liham, sinabi niya: “May sari-saring ministeryo, at gayunma’y may iisang Panginoon; at may sari-saring gawain, . . . Ngunit ang lahat ng gawaing ito ay isinasagawa ng mismong espiritu ring iyon.” (1 Cor. 12:4-6, 11) Sa katunayan, iniugnay ni Pablo sa “sagradong paglilingkod” ang iba’t ibang anyo ng ministeryo na isinasagawa ng kongregasyon. b (Roma 12:1, 6-8) Tiyak na iyan ang dahilan kung bakit naisip niyang maglaan ng panahon para “maglingkod sa mga banal”!—Roma 15:25, 26.
6. (a) Gaya ng ipinaliwanag ni Pablo, bakit bahagi ng pagsamba natin ang pagtulong? (b) Ipaliwanag kung paano isinasagawa ngayon sa buong mundo ang pagtulong kapag may sakuna. (Tingnan ang kahong “ Kapag May Sakuna!” sa pahina 214.)
6 Tinulungan ni Pablo ang mga taga-Corinto na maintindihan kung bakit ang pagtulong ay bahagi ng kanilang ministeryo at pagsamba kay Jehova. Pansinin ang kaniyang pangangatuwiran: Ang mga Kristiyano ay naglalaan ng tulong dahil “mapagpasakop [sila] sa mabuting balita tungkol sa Kristo.” (2 Cor. 9:13) Dahil gusto nilang isabuhay ang mga turo ni Kristo, tinutulungan ng mga Kristiyano ang kanilang mga kapananampalataya. Sinabi ni Pablo na ang kabaitan nila sa kanilang mga kapatid ay kapahayagan ng “nakahihigit na di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos.” (2 Cor. 9:14; 1 Ped. 4:10) May kinalaman sa paglilingkod sa mga kapatid na nangangailangan, kasama na ang pagtulong kapag may sakuna, sinabi ng Disyembre 1, 1975, ng The Watchtower: “Hinding-hindi natin dapat pag-alinlanganan na napakahalaga sa Diyos na Jehova at sa kaniyang Anak na si Jesu-Kristo ang uring ito ng paglilingkod.” Oo, ang pagtulong ay isang mahalagang anyo ng sagradong paglilingkod.—Roma 12:1, 7; 2 Cor. 8:7; Heb. 13:16.
Pangunahing mga Tunguhin sa Pagtulong
7, 8. Ano ang unang tunguhin natin sa pagtulong? Ipaliwanag.
7 Ano ang mga tunguhin natin sa pagtulong? Sinagot iyan ni Pablo sa kaniyang ikalawang liham sa mga taga-Corinto. (Basahin ang 2 Corinto 9:11-15.) Sa mga talatang iyan, idiniin ni Pablo ang tatlong pangunahing tunguhin na naaabot natin sa pakikibahagi sa “ministeryo ng pangmadlang paglilingkod na ito,” o pagbibigay ng tulong. Isa-isahin natin ang mga ito.
8 Una, maluwalhati si Jehova sa pamamagitan ng ating pagtulong. Sa limang talatang binanggit, pansinin kung gaano kadalas inakay ni Pablo sa Diyos na Jehova ang pansin ng kaniyang mga kapatid. Ipinaalala sa kanila ng apostol ang tungkol sa “kapahayagan ng pasasalamat sa Diyos” at “maraming kapahayagan ng pasasalamat sa Diyos.” (Talata 11, 12) Binanggit niya na “niluluwalhati [ng mga Kristiyano] ang Diyos” at pinupuri ang “nakahihigit na di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos” dahil sa tinanggap nilang tulong. (Talata 13, 14) At sa pagtatapos ng pagtalakay ni Pablo hinggil sa pagtulong, sinabi niya: “Salamat sa Diyos.”—Talata 15; 1 Ped. 4:11.
9. Paano maaaring magbago ang pananaw ng ilan dahil sa ating pagtulong sa panahon ng sakuna? Magbigay ng halimbawa.
9 Gaya ni Pablo, itinuturing ng mga lingkod ng Diyos sa ngayon ang pagbibigay ng tulong bilang pagkakataon para luwalhatiin si Jehova at gayakan ang kaniyang mga turo. (1 Cor. 10:31; Tito 2:10) Ang totoo, kadalasan nang malaking tulong ito para mabago ang negatibong tingin ng ilang tao kay Jehova at sa kaniyang mga Saksi. Halimbawa, isang babaeng nakatira sa lugar na sinalanta ng bagyo ang may ganitong paskil sa kaniyang pinto: “Bawal Dito ang mga Saksi ni Jehova.” Isang araw, nakita niyang kinukumpuni ng mga boluntaryo ang nasirang bahay sa tapat niya. Matapos obserbahan nang ilang araw ang palakaibigang mga boluntaryong iyon, pinuntahan niya ang mga ito para malaman kung sino sila. Humanga siya nang malamang Saksi ni Jehova ang mga boluntaryo. Sinabi niya: “Nagkamali ako ng impresyon sa inyo.” Ang resulta? Inalis niya ang paskil sa kaniyang pinto.
10, 11. (a) Anong mga halimbawa ang nagpapakitang naaabot natin ang ikalawang tunguhin natin sa pagtulong? (b) Anong publikasyon ang nakatutulong sa mga boluntaryo? (Tingnan ang kahong “ Isa Pang Pantulong sa mga Boluntaryo.”)
10 Ikalawa, “ilaan nang sagana ang mga pangangailangan” ng ating mga kapananampalataya. (2 Cor. 9:12a) Gustong-gusto nating matugunan agad ang pangangailangan ng ating mga kapatid at matulungan silang ibsan ang kanilang pagdurusa. Bakit? Dahil ang mga miyembro ng kongregasyong Kristiyano ay bahagi ng “iisang katawan,” kaya “kung ang isang sangkap ay nagdurusa, ang lahat ng iba pang sangkap ay nagdurusang kasama nito.” (1 Cor. 12:20, 26) Ang pagmamahal na pangkapatid at habag ay nagpapakilos sa maraming kapatid na iwan agad ang kanilang mga gawain, kunin ang kanilang mga kagamitan, at pumunta sa mga lugar na sinalanta ng sakuna para tulungan ang kanilang mga kapananampalataya. (Sant. 2:15, 16) Halimbawa, nang hagupitin ng tsunami ang Japan noong 2011, sumulat ang tanggapang pansangay ng Estados Unidos sa mga Regional Building Committee sa kanilang bansa para tanungin kung may “ilang kuwalipikadong kapatid” na puwedeng makatulong sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall sa Japan. Ang tugon? Sa loob lang ng ilang linggo, halos 600 boluntaryo ang nag-aplay at pumayag na pumunta ng Japan sa sarili nilang gastos! “Hangang-hanga kami sa pagtugon,” ang sabi ng tanggapang pansangay ng Estados Unidos. Nang tanungin ng isang kapatid sa Japan ang isang boluntaryo mula sa ibang bansa kung bakit siya pumunta para tumulong, sinabi nito: “Ang mga kapatid sa Japan ay bahagi ng ‘aming katawan.’ Nadarama namin ang kanilang kirot at pagdurusa.” Dahil sa pag-ibig, isinasapanganib pa nga kung minsan ng ilang boluntaryo ang kanilang buhay para matulungan ang kanilang mga kapananampalataya. c—1 Juan 3:16.
11 Kahit ang mga di-Saksi ay nagpapahalaga sa ating pagtulong. Halimbawa, nang tamaan ng isang sakuna ang estado ng Arkansas, E.U.A., noong 2013, ganito ang iniulat ng isang pahayagan tungkol sa mabilis na pagresponde ng mga boluntaryong Saksi: “Napakahusay at napakabilis ng pag-oorganisa ng mga Saksi ni Jehova sa pagtulong kapag may sakuna.” Tunay nga, gaya ng sinabi ni Pablo, ‘naglalaan tayo nang sagana’ para sa ating mga kapatid na nangangailangan.
12-14. (a) Bakit napakahalagang maabot ang ikatlong tunguhin natin sa pagtulong? (b) Anong komento ng mga kapatid ang nagdiriin na mahalagang maibalik agad ang espirituwal na rutin?
12 Ikatlo, tulungan ang mga biktima na maibalik ang kanilang espirituwal na rutin. Bakit ito mahalaga? Sinabi ni Pablo na ang mga nakatatanggap ng tulong ay mapapakilos na mag-ukol ng “maraming kapahayagan ng pasasalamat sa Diyos.” (2 Cor. 9:12b) Wala nang mas magandang paraan para ipahayag ng mga biktima ng sakuna ang pasasalamat nila kay Jehova, kundi ang ibalik ang kanilang espirituwal na rutin sa pinakamadaling panahon! (Fil. 1:10) Sinabi ng The Watchtower noong 1945: “Sinang-ayunan . . . ni Pablo ang pangongolekta ng abuloy para mapaglaanan ng materyal na tulong ang . . . mga nangangailangang mga kapatid na Kristiyano, nang sa gayon ay magamit ng mga ito ang kanilang panahon at lakas sa iniatas ni Jehova na gawaing pagpapatotoo.” Iyan pa rin ang tunguhin natin sa ngayon. Kapag nangangaral na silang muli, mapapatibay ng mga kapatid hindi lang ang kanilang mga nababagabag na kapuwa, kundi pati ang kanilang mga sarili.—Basahin ang 2 Corinto 1:3, 4.
13 Pansinin ang komento ng ilang tumanggap ng kinakailangang tulong, nakibahaging muli sa pangangaral, at napatibay sa paggawa nito. “Isang pagpapala na makalabas sa larangan ang pamilya namin,” ang sabi ng isang brother. “Nalimutan namin kahit sandali ang mga alalahanin namin habang sinisikap naming aliwin ang iba.” Sinabi ng isang sister: “Dahil nagpokus ako sa espirituwal na gawain, hindi ko naiisip ang mga epekto ng trahedya. Napapanatag ang loob ko.” Sinabi ng isa pang sister: “Maraming bagay ang hindi namin kontrolado, pero malaking tulong ang ministeryo para manatiling nakapokus ang aming pamilya. Kapag ipinapakipag-usap namin sa iba ang tungkol sa aming pag-asa na bagong sanlibutan, napapatibay ang aming pagtitiwala na gagawing bago ang lahat ng bagay.”
14 Ang pagdalo sa mga pulong ang isa pang espirituwal na gawain na kailangang maibalik agad ng mga kapatid na biktima ng sakuna. Pansinin ang karanasan ni Kiyoko na malapit nang mag-60 anyos nang salantain ng tsunami ang kanilang lugar. Walang natira sa kaniya maliban sa suot niyang damit at sandalyas. Hindi niya alam kung paano pa siya mabubuhay. Pagkatapos, sinabi sa kaniya ng isang elder na magdaraos sila ng pulong sa kotse nito. Sinabi ni Kiyoko: “Naupo ako, ang elder at asawa niya, at isa pang sister sa loob ng kotse. Simple lang ang pulong, pero parang himala, nalimutan ko ang tsunami. Napayapa ang isip ko. Sa pulong na iyon, nakita ko kung gaano kahalaga ang Kristiyanong pagsasamahan.” Sinabi naman ng isang sister tungkol sa nadaluhan niyang mga pulong matapos ang isang trahedya: “Napakalaking tulong nito sa akin!”—Roma 1:11, 12; 12:12.
Namamalaging mga Pakinabang sa Pagtulong
15, 16. (a) Anong pakinabang ang puwedeng matanggap ng mga Kristiyano sa Corinto at sa iba pang lugar dahil sa pagbibigay nila ng tulong? (b) Paano rin tayo nakikinabang sa pagtulong sa ngayon?
15 Ipinaliwanag din ni Pablo sa mga taga-Corinto ang magiging mga pakinabang nila at ng ibang mga Kristiyano sa pakikibahagi sa pagbibigay ng tulong. Sinabi niya: “Lakip ang pagsusumamo para sa inyo ay nananabik sila [mga Judiong Kristiyano sa Jerusalem na tumanggap ng tulong] sa inyo dahil sa nakahihigit na di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos sa inyo.” (2 Cor. 9:14) Oo, ang pagkabukas-palad ng mga taga-Corinto ay mag-uudyok sa mga Judiong Kristiyano na ipanalangin ang mga kapatid nilang Judio at Gentil sa Corinto at magpapalalim sa pagmamahal nila sa mga ito.
16 Ang mga pakinabang na binanggit ni Pablo ay nararanasan din sa ngayon. Hinggil diyan, sinabi ng Disyembre 1, 1945, ng The Watchtower: “Kapag ang isang grupo ng nakaalay na mga lingkod ng Diyos ay nag-abuloy para sa mga pangangailangan ng isa pang grupo, lalong tumitibay ang pagkakaisa!” Ganiyan nga ang nararanasan ng mga boluntaryo sa ngayon. “Dahil sa pagtulong, mas napapalapít pa ako sa aking mga kapatid,” ang sabi ng elder na tumulong sa mga nasalanta ng baha. Ganito naman ang sinabi ng isang sister na nakatanggap ng tulong, “Dahil sa ating kapatiran, parang Paraiso na rin.”—Basahin ang Kawikaan 17:17.
17. (a) Paano natutupad ang Isaias 41:13 sa ginagawa nating pagtulong kapag may sakuna? (b) Bumanggit ng ilang halimbawa kung paano napararangalan si Jehova at napapatibay ang bigkis ng ating pagkakaisa dahil sa pagtulong. (Tingnan din ang kahong “ Pagtulong ng mga Boluntaryo Mula sa Iba’t Ibang Panig ng Mundo.”)
17 Kapag dumarating ang mga boluntaryo sa lugar ng sakuna, damang-dama ng naapektuhang mga kapatid ang pangakong ito ng Diyos: “Ako, si Jehova na iyong Diyos, ay nakahawak sa iyong kanang kamay, ang Isa na nagsasabi sa iyo, ‘Huwag kang matakot. Ako ang tutulong sa iyo.’” (Isa. 41:13) Pagkatapos makaligtas sa sakuna, sinabi ng isang sister: “Nawalan ako ng pag-asa dahil sa nakikita kong nangyari sa paligid, pero iniabot ni Jehova ang kaniyang kamay. Sobrang laki ng naitulong sa akin ng mga kapatid.” Sa ngalan ng buong kongregasyon, sumulat ang dalawang elder matapos salantain ng sakuna ang kanilang lugar: “Napakasakit ng epekto ng lindol, pero ginamit ni Jehova ang mga kapatid para tulungan kami. Nababasa lang namin dati ang tungkol sa pagtulong kapag may sakuna, pero ngayon, nakita na mismo namin.”
Puwede Ka Bang Tumulong?
18. Ano ang puwede mong gawin kung gusto mong magboluntaryo sa pagtulong kapag may sakuna? (Tingnan din ang kahong “ Nabago Nito ang Buhay Niya.”)
18 Gusto mo bang maranasan ang kaligayahang dulot ng pagbibigay ng tulong? Kung gayon, tandaan na ang mga boluntaryo ay karaniwan nang pinipili mula sa mga tumutulong sa mga proyekto ng pagtatayo ng Kingdom Hall. Kaya banggitin sa inyong mga elder na gusto mong humingi ng application form. Ganito ang paalala ng isang elder na marami nang karanasan sa pagtulong kapag may sakuna: “Pumunta lang sa lugar ng sakuna kapag may natanggap ka nang opisyal na paanyaya mula sa Disaster Relief Committee.” Sa gayong paraan, magiging organisado ang pagbibigay natin ng tulong.
19. Paano nakatutulong nang malaki ang mga boluntaryo para mapatunayang mga alagad tayo ni Kristo?
19 Ang pagtulong kapag may sakuna ay isang natatanging paraan ng pagsunod natin sa utos ni Kristo na ‘ibigin ang isa’t isa.’ Sa pagpapakita ng gayong pag-ibig, napatutunayan nating mga alagad tayo ni Kristo. (Juan 13:34, 35) Isa ngang pagpapala sa atin ngayon ang napakaraming boluntaryo na lumuluwalhati kay Jehova sa pamamagitan ng pagbibigay ng kinakailangang tulong sa mga tapat na sumusuporta sa Kaharian ng Diyos!
a Tinatalakay sa kabanatang ito ang pagbibigay ng tulong sa mga kapananampalataya. Pero sa maraming pagkakataon, nakikinabang din dito ang mga di-Saksi.—Gal. 6:10.
b Ginamit ni Pablo ang anyong pangmaramihan ng di·aʹko·nos (ministro) para tukuyin ang “mga ministeryal na lingkod.”—1 Tim. 3:12.
c Tingnan ang artikulong “Pagtulong sa Ating Sambahayan ng mga Mananampalataya sa Bosnia,” sa Nobyembre 1, 1994, ng Ang Bantayan, pahina 23-27.