KABANATA 13
Dumudulog sa Korte ang mga Mángangarál ng Kaharian
1, 2. (a) Ano ang ginawa ng mga lider ng relihiyon may kinalaman sa gawaing pangangaral? Paano tumugon ang mga apostol? (b) Bakit hindi sinunod ng mga apostol ang pagbabawal na mangaral?
KATATAPOS lang ng Pentecostes 33 C.E. at iilang linggo pa lang ang kongregasyong Kristiyano sa Jerusalem. Nakita ni Satanas na ito ang tamang panahon para umatake. Bago pa maging matatag ang kongregasyon, gusto na niya itong buwagin. Agad-agad na minaniobra ni Satanas ang mga bagay-bagay para ipagbawal ng mga lider ng relihiyon ang gawaing pangangaral ng Kaharian. Pero lakas-loob pa ring nagpatuloy ang mga apostol, at maraming lalaki at babae ang naging “mananampalataya sa Panginoon.”—Gawa 4:18, 33; 5:14.
2 Galit na galit ang mga mananalansang kaya ipinakulong nila ang lahat ng apostol. Pero nang gabi ring iyon, binuksan ng anghel ni Jehova ang mga pinto ng bilangguan, at sa pagbubukang-liwayway, nangangaral nang muli ang mga apostol! Inaresto silang muli at dinala sa mga tagapamahala, na nag-akusang nilabag ng mga apostol ang pagbabawal na mangaral. Bilang tugon, matapang na sinabi ng mga apostol: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.” Sa tindi ng galit ng mga tagapamahala, gusto nilang “patayin” ang mga apostol. Sa mainit na sitwasyong iyon, binabalaan ng kinikilalang guro ng Kautusan na si Gamaliel ang mga tagapamahala: “Huwag ninyong panghimasukan ang mga taong ito, kundi pabayaan ninyo sila.” Aba, pinakinggan siya ng mga tagapamahala at pinawalan ang mga apostol. Ano ang ginawa ng tapat na mga lalaking ito? Hindi sila natakot at nagpatuloy sila nang “walang humpay sa pagtuturo at pagpapahayag ng mabuting balita tungkol sa Kristo, si Jesus.”—Gawa 5:17-21, 27-42; Kaw. 21:1, 30.
3, 4. (a) Anong subók na pamamaraan ang ginamit ni Satanas para atakihin ang bayan ng Diyos? (b) Ano ang tatalakayin natin sa kabanatang ito at sa susunod na dalawang kabanata?
3 Ang kasong iyon sa hukuman noong 33 C.E. ang unang pagsalansang ng mga nasa kapangyarihan laban sa kongregasyong Kristiyano, pero hindi iyon ang huli. (Gawa 4:5-8; 16:20; 17:6, 7) Sa panahon natin, inuudyukan pa rin ni Satanas ang mga mananalansang na sulsulan ang mga awtoridad para ipagbawal ang ating gawaing pangangaral. Iba’t ibang paratang ang ibinabato ng mga mananalansang laban sa bayan ng Diyos. Pasimuno raw tayo ng gulo; tayo raw ay sedisyonista, o lumalaban sa pamahalaan; tayo rin daw ay nagnenegosyo, o mga tagapaglako. Sa bawat angkop na pagkakataon, dinadala ng ating mga kapatid ang usapin sa korte para patunayang mali ang mga akusasyon. Ano ang mga resulta? Paano nakaaapekto sa iyo ngayon ang mga desisyon ng korte noong nakalipas na mga dekada? Talakayin natin ang ilang kasong dinala sa korte para malaman kung paano nakatutulong ang mga ito “sa pagtatanggol at sa legal na pagtatatag ng mabuting balita.”—Fil. 1:7.
4 Sa kabanatang ito, magpopokus tayo kung paano natin ipinagtanggol ang ating karapatan na makapangaral nang malaya. Sa susunod na dalawang kabanata, tatalakayin naman natin ang ilang kasong dinala natin sa korte para ipaglaban ang pananatili nating hindi bahagi ng sanlibutan at pamumuhay ayon sa mga pamantayan ng Kaharian.
Pasimuno ng Gulo—O Tapat na Tagapagtaguyod ng Kaharian ng Diyos?
5. Noong huling bahagi ng dekada ng 1930, bakit inaresto ang mga mángangarál ng Kaharian? Ano ang pinag-isipang gawin ng mga nangunguna sa organisasyon?
5 Noong huling bahagi ng dekada ng 1930, inobliga ng mga lunsod at estado sa buong Estados Unidos ng Amerika ang mga Saksi ni Jehova na kumuha ng permit o lisensiya para sa kanilang ministeryo. Pero hindi kumuha ng lisensiya ang mga kapatid. Puwede kasi itong ipawalang-bisa, at naniniwala silang walang pamahalaan ang may awtoridad na humadlang sa utos ni Jesus sa mga Kristiyano na ipangaral ang mensahe ng Kaharian. (Mar. 13:10) Dahil diyan, inaresto ang daan-daang mángangarál ng Kaharian. Kaya pinag-isipan ng mga nangunguna sa organisasyon na dalhin ang usapin sa korte. Umaasa sila na mapatunayang di-makatarungan ang pagbabawal ng Estado sa karapatan ng mga Saksi na isagawa ang kanilang relihiyon. At noong 1938, isang insidente ang humantong sa isang makasaysayang kaso sa korte. Ano ang nangyari?
6, 7. Ano ang nangyari sa pamilyang Cantwell?
6 Isang Martes ng umaga, Abril 26, 1938, ang limang special pioneer—si Newton Cantwell, 60 anyos; ang kaniyang asawang si Esther; at kanilang mga anak na sina Henry, Russell, at Jesse—ay handa na para sa maghapong pangangaral sa lunsod ng New Haven, Connecticut. Ang totoo, handa silang málayo sa kanilang bahay nang higit pa sa isang araw. Bakit? Ilang beses na silang naaresto, kaya alam nilang puwedeng maulit iyon. Pero hindi iyon naging dahilan para tumigil ang pamilyang Cantwell sa pangangaral ng mensahe ng Kaharian. Dumating sila sa New Haven sakay ng dalawang sasakyan. Si Newton ang nagmaneho ng kotse na may kargang mga literatura sa Bibliya at mga ponograpo. Si Henry naman, 22 anyos, ang nagmaneho ng sound car. At gaya ng inaasahan, pinatigil sila ng mga pulis pagkalipas lang ng ilang oras.
7 Unang inaresto si Russell, 18 anyos, at pagkatapos ay sina Newton at Esther. Sa di-kalayuan, natatanaw ni Jesse, 16 anyos, ang pagdakip ng mga pulis sa kaniyang mga magulang at kapatid. Sa ibang lugar nangangaral si Henry, kaya mag-isa na lang si Jesse. Pero kinuha niya ang kaniyang ponograpo at patuloy na nangaral. Dalawang lalaking Katoliko ang pumayag na iparinig sa kanila ni Jesse ang lektyur ni Brother Rutherford na “Enemies.” Habang nakikinig, nagalit ang mga lalaki at gusto nilang suntukin si Jesse. Kalmadong umalis si Jesse, pero mayamaya, isang pulis ang lumapit sa kaniya at ikinulong din siya. Hindi kinasuhan ng mga pulis si Sister Cantwell, pero kinasuhan nila si Brother Cantwell at ang mga anak nito. Nakalaya naman sila nang araw na iyon matapos magpiyansa.
8. Bakit hinatulang nagkasala si Jesse Cantwell ng pagpapasimula ng gulo?
8 Pagkalipas ng ilang buwan, noong Setyembre 1938, humarap sa korte sa New Haven ang pamilyang Cantwell. Sina Newton, Russell, at Jesse ay hinatulang nagkasala ng pangingilak ng donasyon nang walang lisensiya at pagpapasimuno ng gulo. Dinala ang kaso sa Korte Suprema ng Connecticut. Pinawalang-sala sina Newton at Russell sa kasong pagpapasimuno ng gulo, pero hindi si Jesse. Bakit? Tumestigo sa korte ang dalawang Katolikong nakapakinig ng lektyur at sinabing ininsulto nito ang kanilang relihiyon kaya sila nagalit. Pero ang mga responsableng brother sa ating organisasyon ay umapela sa Korte Suprema ng Estados Unidos—ang pinakamataas na korte sa bansa.
9, 10. (a) Ano ang desisyon ng Korte Suprema ng Estados Unidos sa kaso ng pamilyang Cantwell? (b) Paano tayo nakikinabang sa desisyong iyon?
9 Simula Marso 29, 1940, dininig ni Chief Justice Charles E. Hughes at ng walo pang kasamang hukom ang mga argumentong iniharap ni Brother Hayden Covington, isang abogado ng mga Saksi ni Jehova. a Nang iharap ng abogado ng estado ng Connecticut ang kaniyang mga argumento para patunayang pasimuno ng gulo ang mga Saksi, tinanong siya ng isa sa mga hukom: “Hindi ba ayaw ng karamihan sa mensaheng ipinapahayag ni Kristo Jesus noong panahon niya?” Sumagot ang abogado ng estado: “Tama po, at, kung hindi ako nagkakamali, sinasabi rin sa Bibliya kung ano ang nangyari kay Jesus dahil sa pagpapahayag ng mensaheng iyon.” Huling-huli ang abogado sa bibig niya! Itinulad niya ang mga Saksi kay Jesus at ang estado naman ay sa mga nagpapatay kay Jesus. Noong Mayo 20, 1940, nagkaisa ang mga hukom ng Korte sa kanilang desisyon pabor sa mga Saksi.
10 Ano ang kahalagahan ng desisyong ito ng Korte? Napalawak nito ang proteksiyon sa karapatan na malayang isagawa ang relihiyon kaya walang gobyerno, estado, o lokal na pamahalaan ang puwedeng sumikil sa kalayaan sa relihiyon. Bukod diyan, nakita ng Korte na ang ginawa ni Jesse ay “hindi . . . banta sa kapayapaan at kaayusan ng lipunan.” Maliwanag sa desisyong iyon na ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nanggugulo sa kaayusan ng lipunan. Isa ngang napakalaking tagumpay para sa mga lingkod ng Diyos! Paano tayo nakikinabang dito? Sinabi ng isang abogadong Saksi: “Dahil malaya tayong magsagawa ng ating mga relihiyosong gawain nang walang kinatatakutang di-makatarungang mga pagbabawal, naibabahagi natin bilang Saksi ang mensahe ng pag-asa sa mga nakatira sa ating komunidad.”
Sedisyonista—O Tagapaghayag ng Katotohanan?
11. Anong kampanya ang isinagawa ng mga kapatid sa Canada, at bakit?
11 Noong dekada ng 1940, ang mga Saksi ni Jehova sa Canada ay dumanas ng matinding pagsalansang. Kaya noong 1946, para ipaalam sa publiko ang hindi pagkilala ng Estado sa ating kalayaan sa pagsamba, isang kampanya ang isinagawa ng mga kapatid sa loob ng 16 na araw. Ipinamahagi nila ang tract na Quebec’s Burning Hate for God and Christ and Freedom Is the Shame of All Canada. Detalyadong inilantad ng apat-na-pahinang tract na ito kung paano dumanas ang mga kapatid sa probinsiya ng Quebec ng panggugulo, pandarahas ng mga pulis, at pang-uumog dahil sa panunulsol ng klero. “Patuloy ang ilegal na mga pag-aresto sa mga saksi ni Jehova,” ang sabi ng tract. “Mga 800 kaso ang isinampa laban sa mga saksi ni Jehova sa Greater Montreal.”
12. (a) Ano ang reaksiyon ng mga mananalansang sa kampanya ng tract? (b) Ano ang ikinaso sa mga kapatid? (Tingnan din ang talababa.)
12 Kasabuwat ang Romano Katolikong si Cardinal Villeneuve, idineklara ng punong ministro ng Quebec na si Maurice Duplessis ang “walang-awang pakikidigma” sa mga Saksi dahil sa tract. Biglang lumobo ang bilang ng isinampang mga kaso—mula 800 ay naging 1,600. “Paulit-ulit kaming inaaresto ng mga pulis anupat hindi na namin ito mabilang,” ang sabi ng isang sister na payunir. Ang mga Saksi na nahuhuling namamahagi ng tract ay kinakasuhan ng paglalathala ng “paninira na nagsusulsol ng rebelyon sa gobyerno.” b
13. Sino ang mga unang nilitis sa kasong sedisyon? Ano ang desisyon ng korte?
13 Noong 1947, si Brother Aimé Boucher at ang kaniyang mga anak na sina Gisèle, 18 anyos, at Lucille, 11 anyos, ang mga unang nilitis sa kasong sedisyon. Namahagi sila ng tract na Quebec’s Burning Hate malapit sa kanilang bukid sa mga burol sa timog ng Quebec City. Mahirap isipin na totoo ang bintang na sila ay mga pasimuno ng gulo. Si Brother Boucher ay mapagpakumbaba at mahinahon. Tahimik siyang namumuhay sa kaniyang maliit na bukid at paminsan-minsang pumupunta sa bayan sakay ng kaniyang kabayo at karwahe. Pero hindi sila nakaligtas sa ilang pang-aabusong binabanggit sa tract. Galít sa mga Saksi ang hukom, at hindi nito tinanggap ang mga ebidensiyang nagpapatunay na inosente ang mga Boucher. Sa halip, pinanigan nito ang paliwanag ng tagausig na ang tract ay nagpasiklab ng gulo kaya dapat hatulan ang mga Boucher. Kaya lumilitaw na para sa hukom, isang krimen ang pagsasabi ng katotohanan! Sina Aimé at Gisèle ay ibinilanggo sa salang paninira na nagsusulsol ng rebelyon sa gobyerno, at maging ang batang si Lucille ay ikinulong nang dalawang araw. Umapela ang mga kapatid sa Korte Suprema ng Canada, ang pinakamataas na korte sa bansa, at pumayag naman itong dinggin ang kaso.
14. Ano ang reaksiyon ng mga kapatid sa Quebec noong pinag-uusig sila?
14 Samantala, sa kabila ng walang-awa at mararahas na pag-atake, patuloy na nangaral ng mensahe ng Kaharian ang matatapang nating kapatid sa Quebec, at kadalasan nang magaganda ang resulta. Apat na taon matapos simulan ang kampanya ng tract noong 1946, umakyat ang bilang ng mga Saksi sa Quebec—mula 300 ay naging 1,000! c
15, 16. (a) Ano ang desisyon ng Korte Suprema ng Canada sa kaso ng mga Boucher? (b) Ano ang epekto ng tagumpay na ito sa mga kapatid at sa iba pa?
15 Noong Hunyo 1950, dininig ng Korte Suprema ng Canada, na binubuo ng siyam na hukom, ang kaso ni Aimé Boucher. Pagkalipas ng anim na buwan, noong Disyembre 18, 1950, nagdesisyon ang Korte pabor sa atin. Bakit? Ipinaliwanag ni Brother Glen How, abogado ng mga Saksi, na sumang-ayon ang Korte sa argumentong iniharap ng depensa na para masabing “sedisyon,” kailangang may panunulsol ng karahasan o paghihimagsik laban sa gobyerno. Pero ang tract ay “hindi naglalaman ng gayong panunulsol at samakatuwid ay isa lamang legal na anyo ng malayang pagsasalita.” Idinagdag ni Brother How: “Nakita ko mismo kung paano ibinigay ni Jehova ang tagumpay.” d
16 Talagang malaking tagumpay sa Kaharian ng Diyos ang desisyon ng Korte Suprema. Dahil dito, nawalan ng basehan ang 122 nakabinbing kaso ng paninira na nagsusulsol ng rebelyon sa gobyerno na isinampa laban sa mga Saksi sa Quebec. Isa pa, ang desisyon ng Korte ay nangahulugan din na maaari nang ipahayag ng mga mamamayan ng Canada at ng Commonwealth ang kanilang mga hinaing sa pamamalakad ng gobyerno. At higit pa riyan, nabigo nito ang pagsasabuwatan ng Simbahan at Estado ng Quebec laban sa kalayaan ng mga Saksi ni Jehova. e
Tagapaglako—O Masigasig na Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos?
17. Paano sinisikap ng ilang gobyerno na kontrolin ang ating pangangaral?
17 Tulad ng mga Kristiyano noon, ang mga lingkod ni Jehova ngayon ay “hindi . . . mga tagapaglako ng salita ng Diyos.” (Basahin ang 2 Corinto 2:17.) Pero sinisikap ng ilang gobyerno na kontrolin ang ating gawaing pagmiministeryo sa pamamagitan ng mga batas sa komersiyo. Talakayin natin ang dalawang kaso sa korte na sumagot sa tanong kung ang mga Saksi ni Jehova ba ay mga tagapaglako o ministro.
18, 19. Ano ang ginawa ng mga awtoridad sa Denmark para patigilin ang pangangaral?
18 Denmark. Noong Oktubre 1, 1932, isang batas ang ipinatupad na nagbabawal sa pagbebenta ng mga nakaimprentang materyal nang walang lisensiya. Pero hindi kumuha ng lisensiya ang mga kapatid. Kinabukasan, limang mamamahayag ang maghapong nangaral sa Roskilde, isang bayan na mahigit 30 kilometro sa kanluran ng kabisera na Copenhagen. Sa pagtatapos ng araw, nawawala ang isa sa mga mamamahayag, si August Lehmann. Inaresto siya dahil sa pagbebenta nang walang lisensiya.
19 Noong Disyembre 19, 1932, humarap sa korte si August Lehmann. Inamin niya na dumalaw siya sa mga tao para mag-alok ng literatura sa Bibliya, pero itinanggi niyang nagbebenta siya. Sumang-ayon sa kaniya ang korte. Sinabi nito: “Ang nasasakdal . . . ay may kakayahang tustusan ang kaniyang sarili, at . . . walang tinatanggap na anumang pakinabang o umaasa man na tumanggap nito, kundi nagpapaluwal pa nga siya para sa mga gawaing ito.” Pinanigan ng korte ang mga Saksi at sinabing ang gawain ni Lehmann ay hindi “maituturing na negosyo.” Pero determinado ang mga kaaway ng bayan ng Diyos na patigilin ang pangangaral sa buong bansa. (Awit 94:20) Umapela ang tagausig sa Korte Suprema ng bansa. Ano ang ginawa ng mga kapatid?
20. Ano ang desisyon ng Korte Suprema ng Denmark? Ano ang reaksiyon ng mga kapatid?
20 Isang linggo bago ang pagdinig sa Korte Suprema, pinag-ibayo ng mga Saksi sa Denmark ang kanilang gawaing pangangaral. Noong Martes, Oktubre 3, 1933, inilabas ng Korte Suprema ang desisyon nito. Sumang-ayon ito sa mababang hukuman na walang nilabag na batas si August Lehmann. Ibig sabihin, malaya na muling makapangangaral ang mga Saksi. Para maipakita ang pasasalamat nila kay Jehova sa pagbibigay ng tagumpay na ito, lalo pang pinag-ibayo ng mga kapatid ang pangangaral nila. Mula nang ilabas ang desisyong iyan sa Korte, naisasagawa na ng mga kapatid sa Denmark ang kanilang ministeryo nang walang hadlang mula sa gobyerno.
21, 22. Ano ang desisyon ng Korte Suprema ng Estados Unidos sa kaso ni Brother Murdock?
21 Estados Unidos. Noong Pebrero 25, 1940, araw ng Linggo, ang payunir na si Robert Murdock, Jr., at pitong iba pang Saksi ay inaresto habang nangangaral sa Jeannette, isang lunsod malapit sa Pittsburgh, Pennsylvania. Nahatulan sila sa salang pag-aalok ng mga literatura nang walang lisensiya. Umapela sila sa Korte Suprema ng Estados Unidos, na sumang-ayon namang dinggin ang kaso.
22 Noong Mayo 3, 1943, inilabas ng Korte Suprema ang desisyon nito, na nagtanggol sa mga Saksi. Hindi kinatigan ng Korte ang kahilingang kumuha ng lisensiya dahil iyon ay pagpapataw ng “kabayaran para sa karapatang ipinagkaloob ng Konstitusyon ng Estados Unidos.” Pinawalang-bisa ng Korte ang ordinansa ng lunsod at sinabing ito ay “paglilimita sa kalayaan sa pamamahayag at paghadlang sa malayang pagsasagawa ng relihiyon.” Sa pagsasabi ng opinyon ng nakararami sa Korte, binanggit ng hukom na si William O. Douglas na ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay “higit pa kaysa pangangaral; ito’y higit pa kaysa pamamahagi ng relihiyosong literatura. Ito’y kombinasyon ng dalawa.” Idinagdag pa niya: “Ang anyong ito ng relihiyosong gawain ay nagtataglay ng kagalang-galang na katayuan . . . na katulad ng pagsamba sa mga simbahan at ng pangangaral mula sa mga pulpito.”
23. Bakit mahalaga sa atin ngayon ang mga tagumpay natin sa korte noong 1943?
23 Napakalaking tagumpay ng desisyong ito ng Korte Suprema para sa bayan ng Diyos. Pinatunayan nito kung ano talaga tayo—mga ministrong Kristiyano, hindi mga negosyante. Sa makasaysayang araw na iyon noong 1943, naipanalo ng mga Saksi ni Jehova ang 12 sa 13 kaso nila sa Korte Suprema, kasama na ang kasong Murdock. Ang mga desisyong iyon ay nagsilbing matibay na batayan sa kamakailang mga kasong isinampa ng mga mananalansang para muling hamunin ang karapatan nating mangaral ng mensahe ng Kaharian sa pampublikong mga lugar at sa bahay-bahay.
“Dapat Naming Sundin ang Diyos Bilang Tagapamahala sa Halip na mga Tao”
24. Ano ang ginagawa natin kapag ipinagbabawal ng isang pamahalaan ang ating pangangaral?
24 Bilang mga lingkod ni Jehova, talagang pinahahalagahan natin kapag pinagkakalooban tayo ng mga pamahalaan ng legal na karapatan na malayang ipangaral ang mensahe ng Kaharian. Pero kapag ipinagbabawal ng isang pamahalaan ang pangangaral, binabago natin ang pamamaraan at nagpapatuloy pa rin sa gawain. Tulad ng mga apostol, “dapat [nating] sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.” (Gawa 5:29; Mat. 28:19, 20) Kasabay nito, dumudulog tayo sa mga korte para maalis ang pagbabawal. Pansinin ang dalawang halimbawa.
25, 26. Anong mga pangyayari ang naging dahilan ng pag-apela sa Korte Suprema ng mga kapatid sa Nicaragua? Ano ang resulta?
25 Nicaragua. Noong Nobyembre 19, 1952, pumunta ang misyonero at lingkod ng sangay na si Donovan Munsterman sa Office of Immigration sa Managua, ang kabisera. Inutusan siyang humarap sa pinuno ng tanggapang iyon na si Kapitan Arnoldo García. Sinabi ng kapitan kay Donovan na lahat ng Saksi ni Jehova sa Nicaragua ay “pinagbabawalan nang mangaral ng kanilang mga doktrina at magtaguyod ng kanilang relihiyosong mga gawain.” Nang tanungin niya si Kapitan García kung bakit, sinabi nito na walang permiso ang mga Saksi mula sa Ministry of Government and Religions para isagawa ang kanilang ministeryo at inaakusahan sila ng pagiging komunista. Sino ang mga nag-aakusa? Ang klero ng Romano Katoliko.
26 Agad na umapela si Brother Munsterman sa Ministry of Government and Religions, pati na kay Presidente Anastasio Somoza García, pero walang nangyari. Kaya binago ng mga kapatid ang kanilang pamamaraan. Isinara nila ang Kingdom Hall, nagtipon sa maliliit na grupo, at tumigil sa pagpapatotoo sa lansangan, pero nangaral pa rin sila ng mensahe ng Kaharian. Kasabay nito, nagsumite sila ng petisyon sa Korte Suprema ng Nicaragua para hilinging ipawalang-bisa ang pagbabawal. Maraming pahayagan ang nag-ulat tungkol sa pagbabawal at sa nilalaman ng ating petisyon, at sumang-ayon ang Korte na dinggin ang kaso. Ano ang resulta? Noong Hunyo 19, 1953, inilabas ng Korte Suprema ang nagkakaisang desisyon nito na pabor sa mga Saksi. Nakita ng Korte na nilabag ng pagbabawal ang kalayaan ng isa sa pagpapahayag, budhi, at pagsasagawa ng paniniwala na ginagarantiyahan ng Konstitusyon. Iniutos din nito na ibalik ng pamahalaan ng Nicaragua at ng mga Saksi ang dati nilang ugnayan.
27. Bakit takang-taka ang mga taga-Nicaragua sa desisyon ng Korte? Ano ang tingin ng mga kapatid sa tagumpay na ito?
27 Takang-taka ang mga taga-Nicaragua na pumanig sa mga Saksi ang Korte Suprema. Napakalakas kasi ng impluwensiya ng klero kaya iniiwasan ng Korte na sumalungat sa kanila. Napakalakas din ng kapangyarihan ng mga opisyal ng gobyerno kaya bihirang kontrahin ng Korte ang mga desisyon ng mga ito. Alam ng mga kapatid na nagtagumpay sila dahil pinrotektahan sila ng kanilang Hari at dahil patuloy silang nangaral.—Gawa 1:8.
28, 29. Noong kalagitnaan ng dekada ng 1980, anong di-inaasahang pangyayari ang naganap sa Zaire?
28 Zaire. Noong kalagitnaan ng dekada ng 1980, may mga 35,000 Saksi sa Zaire (Democratic Republic of Congo ngayon). Para makasabay sa patuloy na pagsulong ng gawaing pang-Kaharian, nagtayo ang sangay ng mga bagong pasilidad. Noong Disyembre 1985, isang internasyonal na kombensiyon ang idinaos sa istadyum ng kabisera, Kinshasa, at 32,000 delegado mula sa iba’t ibang bansa ang dumalo. Pero nagbago ang mga kalagayan para sa mga lingkod ni Jehova. Ano ang nangyari?
29 Naglilingkod noon sa Zaire si Brother Marcel Filteau, isang misyonero mula sa Quebec, Canada, na nakaranas ng pag-uusig noong panahon ni Duplessis. Ikinuwento niya kung ano ang nangyari: “Noong Marso 12, 1986, ang mga responsableng brother ay may natanggap na liham na nagdedeklarang ilegal ang samahan ng mga Saksi ni Jehova sa Zaire.” Pirmado ito ng presidente ng bansa, si Mobutu Sese Seko.
30. Anong mabigat na desisyon ang kailangang gawin ng Komite ng Sangay? Ano ang naging desisyon nila?
30 Kinabukasan, ipinatalastas sa istasyon ng radyo na napapakinggan sa buong bansa: “Hindi na natin ngayon maririnig kailanman ang tungkol sa mga Saksi ni Jehova sa [Zaire].” Sinundan ito ng pag-uusig. Winasak ang mga Kingdom Hall, at ang mga kapatid ay ninakawan, inaresto, ibinilanggo, at binugbog. Ikinulong din kahit ang mga batang Saksi. Noong Oktubre 12, 1988, inagaw ng gobyerno ang mga pag-aari ng organisasyon, at ang sangay ay inokupahan ng Civil Guard, isang pangkat ng mga sundalo. Umapela ang mga responsableng brother kay Presidente Mobutu, pero wala silang natanggap na sagot. Sa puntong iyon, kailangang gumawa ng mabigat na desisyon ang Komite ng Sangay, “Aapela ba tayo sa Korte Suprema, o maghihintay lang muna?” Sinabi ni Timothy Holmes, na misyonero at koordineytor ng Komite ng Sangay noong panahong iyon, “Humingi kami kay Jehova ng karunungan at patnubay.” Pagkatapos manalangin at mag-usap-usap, naisip ng komite na hindi pa ito ang tamang panahon para dumulog sa Korte. Kaya nagpokus sila sa pangangalaga sa mga kapatid at sa paghahanap ng mga paraan para patuloy na makapangaral.
“Noong panahong iyon ng paglilitis, nakita namin na kayang baguhin ni Jehova ang mga bagay-bagay”
31, 32. Anong kahanga-hangang desisyon ang ginawa ng Korte Suprema ng Zaire? Ano ang epekto nito sa mga kapatid?
31 Lumipas ang mga taon. Hindi na ganoon katindi ang panggigipit sa mga Saksi, at mas mulat na rin ang mga taga-Zaire sa karapatang pantao. Kaya naisip ng Komite ng Sangay na ito na ang panahon para umapela sa Supreme Court of Justice ng Zaire. Sumang-ayon naman ito na dinggin ang kaso. At noong Enero 8, 1993, halos pitong taon mula nang ipatupad ang pagbabawal ng presidente, sinabi ng Korte na paglabag sa batas ang ginawang iyon ng gobyerno laban sa mga Saksi, at inalis nito ang pagbabawal. Isipin na lang kung gaano kadelikado ang ginawang iyon ng mga hukom! Nalagay sa panganib ang buhay nila dahil sa pagpapawalang-bisa sa utos ng presidente ng bansa! Sinabi ni Brother Holmes, “Noong panahong iyon ng paglilitis, nakita namin na kayang baguhin ni Jehova ang mga bagay-bagay.” (Dan. 2:21) Napatibay ng tagumpay na ito ang pananampalataya ng ating mga kapatid. Nadama nila na pinatnubayan ng Haring si Jesus ang kaniyang mga tagasunod kung kailan at kung paano sila kikilos.
32 Nang wala na ang pagbabawal, pinayagan na ang tanggapang pansangay na magpasok ng mga misyonero, magtayo ng mga pasilidad ng sangay, at umangkat ng mga literatura sa Bibliya. f Talagang nakagagalak para sa mga lingkod ng Diyos sa buong daigdig na makita kung paano pinoprotektahan ni Jehova ang espirituwal na kapakanan ng kaniyang bayan!—Isa. 52:10.
“Si Jehova ang Aking Katulong”
33. Ano ang natutuhan natin sa pagtalakay sa ilang kaso sa korte?
33 Pinatutunayan ng mga natalakay nating kaso sa korte na tinupad ni Jesus ang kaniyang pangako: “Bibigyan ko kayo ng bibig at karunungan, na hindi makakayang labanan o tutulan ng lahat ng mga sumasalansang sa inyo.” (Basahin ang Lucas 21:12-15.) May mga pagkakataong naglalaan si Jehova ng mga modernong-panahong Gamaliel para protektahan ang kaniyang bayan o kaya ay inuudyukan niya ang matatapang na hukom at abogado para ipaglaban ang katarungan. Pinapupurol ni Jehova ang mga sandata ng mga sumasalansang sa atin. (Basahin ang Isaias 54:17.) Hindi mapahihinto ng pagsalansang ang gawain ng Diyos.
34. Bakit kahanga-hanga ang tagumpay natin sa mga korte? Ano ang pinatutunayan ng mga ito? (Tingnan din ang kahong “ Mahahalagang Tagumpay sa Mataas na Korte na Nagpasulong sa Pangangaral ng Kaharian.”)
34 Bakit kahanga-hanga ang tagumpay natin sa mga korte? Isipin ito: Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi prominente o maimpluwensiya. Hindi tayo bumoboto, sumusuporta sa politikal na mga kampanya, o nang-iimpluwensiya ng mga politiko. Bukod diyan, ang ilan sa atin na dinadala sa matataas na korte ay itinuturing na mga “walang pinag-aralan at pangkaraniwan.” (Gawa 4:13) Kaya sa pananaw ng tao, walang mapapala ang mga korte sa pagsalungat sa makapangyarihang mga politiko at lider ng relihiyon para saklolohan tayo. Pero paulit-ulit silang nagdedesisyon nang pabor sa atin! Pinatutunayan ng tagumpay natin sa mga korte na lumalakad tayo “sa paningin ng Diyos, kasama ni Kristo.” (2 Cor. 2:17) Kaya masasabi rin natin ang ipinahayag ni apostol Pablo: “Si Jehova ang aking katulong; hindi ako matatakot.”—Heb. 13:6.
a Ang kasong Cantwell v. State of Connecticut ang una sa 43 kaso sa Korte Suprema ng Estados Unidos na hinawakan ni Brother Hayden Covington. Namatay siya noong 1978. Ang kaniyang biyuda, si Dorothy, ay naglingkod nang tapat hanggang sa kamatayan nito noong 2015 sa edad na 92.
b Ang kasong ito ay ibinatay sa batas na ipinatupad noong 1606. Pinahihintulutan nito ang hurado (jury) na hatulan ang isang tao kung sa palagay nila ay nagpasimula ng kaguluhan ang sinabi nito—kahit na ang sinabi nito ay totoo.
c Noong 1950, may 164 na buong-panahong ministro na naglilingkod sa Quebec—kasama na ang 63 nagtapos sa Gilead na kusang-loob na tumanggap ng kanilang atas sa kabila ng matinding pagsalansang na naghihintay sa kanila roon.
d Si Brother W. Glen How ay isang matapang at mahusay na abogado. Mula 1943 hanggang 2003, daan-daang kaso ng mga Saksi ni Jehova sa Canada at iba pang bansa ang hinawakan niya.
e Para sa higit pang detalye sa kasong ito, tingnan ang artikulong “Ang Pagbabaka ay Hindi sa Inyo, Kundi sa Diyos,” sa Abril 22, 2000, ng Gumising! pahina 18-24.
f Nilisan din ng Civil Guard ang pag-aari ng sangay; pero sa ibang lugar na itinayo ang bagong mga pasilidad ng sangay.