Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 15

Pakikipaglaban Para sa Malayang Pagsamba

Pakikipaglaban Para sa Malayang Pagsamba

POKUS NG KABANATA

Kung paano tinutulungan ni Kristo ang mga tagasunod niya na makipaglaban para sa legal na pagkilala at karapatang sundin ang mga batas ng Diyos

1, 2. (a) Ano ang katibayan na isa kang mamamayan ng Kaharian ng Diyos? (b) Bakit kailangang makipaglaban kung minsan ang mga Saksi ni Jehova para sa kalayaan sa relihiyon?

 MAMAMAYAN ka ba ng Kaharian ng Diyos? Kung isa kang Saksi ni Jehova, tiyak na oo ang sagot! At ano ang katibayan ng iyong pagkamamamayan? Hindi pasaporte o iba pang legal na dokumento. Ang katibayan ay makikita sa paraan ng pagsamba mo sa Diyos na Jehova. Higit pa sa paniniwala ang sangkot sa tunay na pagsamba. Kasama riyan ang mga ginagawa mo​—ang pagsunod mo sa mga batas ng Kaharian ng Diyos. Para sa ating lahat, ang pagsamba natin ay nakaaapekto sa bawat aspekto ng ating buhay, kasama na ang pagpapalaki sa mga anak at maging ang pagpapasiya natin hinggil sa ating kalusugan.

2 Pero hindi laging iginagalang ng sanlibutang kinabubuhayan natin ang ating pinakamamahal na pagkamamamayan o mga kahilingan nito. Sinubukan ng ilang pamahalaan na higpitan ang ating pagsamba o sugpuin pa nga ito. Kung minsan, ang mga tagasunod ni Kristo ay kailangang makipaglaban para sa karapatang mamuhay ayon sa mga batas ng Mesiyanikong Hari. Dapat ba natin itong ikagulat? Hindi. Ang bayan ni Jehova noong panahon ng Bibliya ay madalas makipaglaban para malaya silang makasamba kay Jehova.

3. Bakit kinailangang makipaglaban ng bayan ng Diyos noong panahon ni Reyna Esther?

3 Halimbawa, noong panahon ni Reyna Esther, ang bayan ng Diyos ay kailangang makipaglaban para manatili silang buháy. Bakit? Iminungkahi ng napakasamang punong ministro ng Persia na si Haman kay Haring Ahasuero na patayin ang lahat ng Judio na nakatira sa teritoryo ng hari dahil ang kanilang “mga kautusan ay kakaiba sa lahat niyaong sa ibang bayan.” (Es. 3:8, 9, 13) Pinabayaan ba ni Jehova ang kaniyang mga lingkod? Hindi, pinagpala niya ang mga pagsisikap nina Esther at Mardokeo nang makiusap sila sa hari ng Persia na protektahan ang bayan ng Diyos.​—Es. 9:20-22.

4. Ano ang tatalakayin natin sa kabanatang ito?

4 Kumusta naman ngayon? Gaya ng natalakay natin sa nakaraang kabanata, sinasalansang kung minsan ng mga nasa kapangyarihan ang mga Saksi ni Jehova. Sa kabanatang ito, tatalakayin natin ang ilang paraan na ginagamit ng mga gobyernong iyon para higpitan ang ating pagsamba. Magpopokus tayo sa tatlong bagay: (1) ang karapatan nating umiral bilang isang organisasyon at sumamba ayon sa paraang pinili natin, (2) ang kalayaang pumili ng paraan ng paggamot na kaayon ng mga simulain sa Bibliya, at (3) ang karapatan ng mga magulang na palakihin ang kanilang mga anak ayon sa mga pamantayan ni Jehova. Sa bawat isa sa mga ito, malalaman natin kung paano nakipaglaban ang mga tapat na mamamayan ng Mesiyanikong Kaharian para protektahan ang kanilang pagkamamamayan at kung paano pinagpala ang kanilang mga pagsisikap.

Pakikipaglaban Para sa Legal na Pagkilala at Saligang mga Kalayaan

5. Ano ang mga pakinabang ng legal na pagkilala para sa mga tunay na Kristiyano?

5 Kailangan ba natin ng legal na pagkilala ng mga pamahalaan ng tao para masamba si Jehova? Hindi, pero kapag legal tayong kinikilala, mas madali para sa atin na ipagpatuloy ang ating pagsamba​—gaya halimbawa ng malayang pagtitipon sa sarili nating mga Kingdom Hall at Assembly Hall, pag-iimprenta at pag-aangkat ng mga literatura sa Bibliya, at pagbabahagi ng mabuting balita sa ating kapuwa. Sa maraming bansa, ang mga Saksi ni Jehova ay legal na nakarehistro at malayang nakasasamba gaya rin ng mga miyembro ng ibang mga nakarehistrong relihiyon. Pero ano ang nangyayari kapag hindi tayo legal na kinikilala ng mga gobyerno o hinihigpitan ang ating saligang mga kalayaan?

6. Paano sinalansang ang mga Saksi ni Jehova sa Australia noong pasimula ng dekada ng 1940?

6 Australia. Sa pasimula ng dekada ng 1940, inisip ng gobernador-heneral ng Australia na ang ating mga paniniwala ay “hadlang” sa kanilang mga pagsisikap noong panahon ng digmaan. Kaya ipinatupad ang pagbabawal. Hindi na makapagtipon o makapangaral nang hayagan ang mga Saksi, ipinasara ang Bethel, at inagaw ang mga Kingdom Hall. Kahit ang pagtataglay ng mga literatura sa Bibliya ay ipinagbawal. Ilang taon din na naging palihim ang gawain ng mga Saksi sa Australia. Pero noong Hunyo 14, 1943, inalis ng High Court ng Australia ang pagbabawal.

7, 8. Ilahad kung paano nakipaglaban sa nakalipas na mga taon ang mga kapatid sa Russia para sa kanilang kalayaan sa pagsamba.

7 Russia. Sa loob ng maraming dekada, ipinagbawal ng mga Komunista ang mga Saksi ni Jehova. Pero legal tayong nairehistro noong 1991. Nang mabuwag ang Unyong Sobyet, pinagkalooban tayo ng legal na pagkilala sa Russian Federation noong 1992. Pero hindi pa nagtatagal, ang ilang sumasalansang​—partikular na ang mga kabilang sa Simbahang Ruso Ortodokso—​ay natakot sa mabilis na pagdami ng mga Saksi. Limang sunod-sunod na kasong kriminal ang isinampa ng mga sumasalansang sa mga Saksi ni Jehova sa pagitan ng 1995 at 1998. Sa bawat kasong iyon, ang tagausig ay walang nakitang ebidensiya ng pagkakasala. Noong 1998, nagsampa naman ng kasong sibil ang mga pursigidong mananalansang. Noong una, nanalo ang mga Saksi. Pero umapela ang mga kalaban at natalo ang mga Saksi noong Mayo 2001. Muling dininig ang kaso noong Oktubre nang taóng iyon. At noong 2004, lumabas ang desisyon​—buwagin ang legal na korporasyon na ginagamit ng mga Saksi sa Moscow at ipagbawal ang kanilang mga gawain.

8 Sinundan ito ng sunod-sunod na pag-uusig. (Basahin ang 2 Timoteo 3:12.) Tinakot at sinalakay ang mga Saksi. Kinumpiska ang mga literatura; hinigpitan nang sobra ang pag-upa o pagtatayo ng mga dako ng pagsamba. Isipin na lang ang pasakit na idinulot nito sa mga kapatid! Dumulog ang mga Saksi sa European Court of Human Rights (ECHR) noong 2001 at nagsumite ng karagdagang impormasyon noong 2004. Noong 2010, naglabas ng desisyon ang ECHR. Malinaw na nakita ng Korte na diskriminasyon dahil sa relihiyon ang nasa likod ng pagbabawal ng Russia sa mga Saksi. Sinabi nito na walang dahilan para katigan ang desisyon ng mga korte sa Russia dahil walang ebidensiya ng pagkakasala sa bahagi ng sinumang Saksi. Sinabi rin ng Korte na layunin ng pagbabawal na ipagkait sa mga Saksi ang kanilang legal na mga karapatan. Pinagtibay ng desisyon ng Korte ang kalayaan sa relihiyon ng mga Saksi. Bagaman hindi sinunod ng iba’t ibang awtoridad sa Russia ang desisyon ng ECHR, lumakas naman ang loob ng bayan ng Diyos sa lupaing iyon dahil sa mga tagumpay na iyan.

Titos Manoussakis (Tingnan ang parapo 9)

9-11. Paano ipinaglaban ng bayan ni Jehova sa Greece ang kanilang kalayaang sumamba nang sama-sama? Ano ang resulta?

9 Greece. Noong 1983, si Titos Manoussakis ay umupa ng isang silid sa Heraklion, Crete, para doon magpulong ang isang maliit na grupo ng mga Saksi ni Jehova. (Heb. 10:24, 25) Pero di-nagtagal, isang paring Ortodokso ang nagreklamo sa mga awtoridad ng gobyerno dahil sa paggamit ng mga Saksi sa silid na iyon para sa pagsamba. Bakit? Dahil lang sa iba ang paniniwala ng mga Saksi sa paniniwala ng Simbahang Ortodokso! Ang mga awtoridad ay nagsampa ng kaso laban kay Titos Manoussakis at sa tatlo pang Saksi sa lugar na iyon. Pinagmulta sila at sinentensiyahan ng dalawang-buwang pagkabilanggo. Bilang mga tapat na mamamayan ng Kaharian ng Diyos, ang desisyon ng korte ay itinuring ng mga Saksi na isang paglabag sa kalayaan sa pagsamba, kaya inilaban nila ang kanilang kaso sa iba pang korte sa Greece at nang maglaon ay sa ECHR.

10 Sa wakas, noong 1996, ang ECHR ay naglabas ng desisyon na ikinagulat ng mga sumasalansang sa dalisay na pagsamba. Sinabi ng Korte na “ang mga Saksi ni Jehova ay umaangkop sa kahulugan ng ‘kilalang relihiyon’ gaya ng isinasaad sa ilalim ng batas ng [Greece]” at na ang desisyon ng mga korte sa Greece ay may “direktang epekto sa kalayaan sa relihiyon ng umaapela.” Nakita rin ng Korte na hindi para sa gobyerno ng Greece na “tumiyak kung ang relihiyosong mga paniniwala o ang mga pamamaraang ginagamit upang ipahayag ang gayong paniniwala ay ayon sa batas.” Pinawalang-bisa ang sentensiya sa mga Saksi, at pinagtibay ang kanilang kalayaan sa relihiyon!

11 Tapos na ba ang problema sa Greece dahil sa tagumpay na iyan? Nakalulungkot mang sabihin, pero hindi. Noong 2012, isang katulad na kaso ang dinesisyunan sa Kassandreia, Greece, matapos ang halos 12-taóng labanan sa korte. Ang nagpakana sa kasong ito ay isang obispong Ortodokso. Pumabor sa bayan ng Diyos ang Council of State, ang pinakamataas na administratibong hukuman sa Greece. Binanggit sa desisyon na ginagarantiyahan ng mismong Konstitusyon ng Greece ang kalayaan sa relihiyon at pinabulaanan ang paulit-ulit na bintang sa mga Saksi ni Jehova na hindi sila kilalang relihiyon. Sinabi ng Korte: “Ang mga doktrina ng ‘mga Saksi ni Jehova’ ay hindi lihim kaya sila ay masasabing isang kilalang relihiyon.” Ang mga miyembro ng maliit na kongregasyon sa Kassandreia ay nagsasaya dahil puwede na silang magpulong sa kanilang sariling Kingdom Hall.

12, 13. Sa Pransiya, paano sinubukan ng mga sumasalansang na magpakana ng “kaguluhan sa pamamagitan ng batas”? Ano ang resulta?

12 Pransiya. Ang ilang sumasalansang sa bayan ng Diyos ay “nagpapanukala . . . ng kaguluhan sa pamamagitan ng batas.” (Basahin ang Awit 94:20.) Halimbawa, noong kalagitnaan ng dekada ng 1990, ang mga awtoridad ng buwis sa Pransiya ay nag-audit sa pananalapi ng Association Les Témoins de Jéhovah (ATJ), isa sa mga legal na korporasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Pransiya. Isiniwalat ng ministro sa badyet ang tunay na layunin ng audit: “Ang audit ay maaaring humantong sa hudisyal na pagbuwag [sa asosasyon] o pagsasampa ng mga kasong kriminal . . . , na malamang na paparalisa sa operasyon ng asosasyon o pupuwersa rito na ihinto ang kanilang mga gawain sa bansa.” Bagaman walang nakitang iregularidad sa ginawang audit, pinatawan pa rin ng napakalaking buwis ang ATJ. Sakaling magtagumpay ito, walang magagawa ang mga kapatid kundi isara ang tanggapang pansangay at ibenta ang mga gusali para mabayaran ang napakalaking buwis. Napakatinding dagok nito sa bayan ng Diyos, pero hindi sila sumuko. Nakipaglaban ang mga Saksi dahil sa di-makatarungang pakikitungong ito hanggang sa dumulog sila sa ECHR noong 2005.

13 Inilabas ng Korte ang desisyon noong Hunyo 30, 2011. Sinabi nito na dahil sa kalayaan sa relihiyon, hindi puwedeng saklawin ng Estado ang pagpapasiya kung naaayon sa batas o hindi ang mga relihiyosong paniniwala o paraan ng pagsamba, maliban na lang kung talagang kinakailangan. Sinabi pa ng Korte: “Ang pagpapataw ng buwis . . . ay sumasaid sa napakahalagang pondo ng asosasyon, kung kaya hindi na maisasagawa ng mga miyembro nito ang kanilang kalayaang sumamba sa halos lahat ng paraan.” Nagkaisa ang buong Korte sa kanilang desisyon pabor sa mga Saksi ni Jehova! Tuwang-tuwa ang bayan ni Jehova dahil sa wakas ay isinauli na ng gobyerno ng Pransiya ang siningil na buwis sa ATJ kasama ang interes at, bilang pagsunod sa utos ng Korte, inalis ang lahat ng pataw na sagutin (lien) sa mga pag-aari ng sangay.

Puwede mong ipanalangin nang regular ang iyong mga kapatid sa espirituwal na dumaranas ng kawalang-katarungan

14. Paano ka magkakaroon ng bahagi sa pakikipaglaban para sa kalayaan sa pagsamba?

14 Tulad nina Esther at Mardokeo, ang bayan ni Jehova sa ngayon ay nakikipaglaban din para sa kalayaang sambahin si Jehova sa paraang iniutos niya. (Es. 4:13-16) Puwede ka bang magkaroon ng bahagi rito? Oo. Puwede mong ipanalangin nang regular ang iyong mga kapatid sa espirituwal na dumaranas ng kawalang-katarungan. Ang gayong mga panalangin ay malaking tulong sa mga kapatid na napapaharap sa mga problema at pag-uusig. (Basahin ang Santiago 5:16.) Sinasagot ba ni Jehova ang gayong mga panalangin? Ang mga tagumpay natin sa korte ang nagpapatunay riyan!​—Heb. 13:18, 19.

Kalayaang Pumili ng Paraan ng Paggamot na Kaayon ng Ating Paniniwala

15. Ano ang mga isinasaalang-alang ng bayan ng Diyos may kinalaman sa paggamit ng dugo?

15 Gaya ng binanggit sa Kabanata 11, ang mga mamamayan ng Kaharian ng Diyos ay tumanggap ng malinaw na tagubilin mula sa Kasulatan hinggil sa maling paggamit ng dugo, na karaniwan na lang sa ngayon. (Gen. 9:5, 6; Lev. 17:11; basahin ang Gawa 15:28, 29.) Bagaman hindi tayo nagpapasalin ng dugo, gusto natin ng pinakamahusay na paraan ng paggamot para sa atin at sa ating mga mahal sa buhay hangga’t hindi ito salungat sa mga batas ng Diyos. Kinikilala ng pinakamatataas na korte sa maraming bansa ang karapatan ng isang tao na piliin o tanggihan ang isang paraan ng paggamot, depende sa kaniyang budhi at relihiyosong paniniwala. Pero sa ilang lupain, ang bayan ng Diyos ay napapaharap sa malalaking hamon sa bagay na ito. Talakayin natin ang ilang halimbawa.

16, 17. Ano ang ikinagulat ng isang sister sa Japan hinggil sa paraan ng paggamot sa kaniya? Paano sinagot ang kaniyang mga panalangin?

16 Japan. Kailangang sumailalim sa maselang operasyon si Misae Takeda, isang 63-anyos na maybahay. Bilang tapat na mamamayan ng Kaharian ng Diyos, nilinaw niya sa kaniyang doktor na hindi siya magpapasalin ng dugo. Pero pagkalipas ng ilang buwan, laking gulat niya na sinalinan pala siya ng dugo sa panahon ng kaniyang operasyon. Pakiramdam ni Sister Takeda ay nilapastangan siya at nilinlang kaya idinemanda niya ang mga doktor at ang ospital noong Hunyo 1993. Di-matinag ang pananampalataya ng mahinhin at malumanay na babaing ito. Sa loob ng punong-punong korte, lakas-loob niyang ipinagtanggol ang kaniyang paninindigan nang mahigit isang oras sa kabila ng kaniyang humihinang katawan. Isang buwan bago siya mamatay, dumalo pa siya sa pagdinig sa korte. Hindi ba kahanga-hanga ang kaniyang lakas ng loob at pananampalataya? Sinabi ni Sister Takeda na lagi siyang nakikiusap kay Jehova na pagpalain ang kaniyang pakikipaglaban. Tiwala siya na sasagutin ang kaniyang mga panalangin. Sinagot kaya siya ni Jehova?

17 Tatlong taon pagkamatay ni Sister Takeda, nagpasiya ang Korte Suprema ng Japan pabor sa kaniya at sumang-ayon na mali ang pagsasalin sa kaniya ng dugo dahil labag ito sa kaniyang espesipikong mga kahilingan. Sinabi sa desisyon na may petsang Pebrero 29, 2000, na “ang karapatang magpasiya” sa gayong mga bagay ay “dapat igalang bilang personal na karapatan.” Dahil sa determinasyon ni Sister Takeda na ipaglaban ang kaniyang karapatang pumili ng paraan ng paggamot ayon sa kaniyang budhing sinanay sa Bibliya, makatatanggap na ngayon ng paggamot ang mga Saksi sa Japan nang hindi natatakot na sapilitang masalinan ng dugo.

Pablo Albarracini (Tingnan ang parapo 18 hanggang 20)

18-20. (a) Sa Argentina, paano pinagtibay ng Korte Suprema ang karapatan ng isang tao na tumangging magpasalin ng dugo sa tulong ng medical directive? (b) Hinggil sa maling paggamit ng dugo, paano natin maipapakita na nagpapasakop tayo sa pamamahala ni Kristo?

18 Argentina. Paano makapaghahanda ang mga mamamayan ng Kaharian sakaling may kailangang pagpasiyahan tungkol sa kanilang pagpapagamot kapag wala silang malay? Puwede tayong magdala ng isang legal na dokumento na magsasalita para sa atin, gaya ng ginawa ni Pablo Albarracini. Noong Mayo 2012, nagtamo siya ng maraming tama ng baril dahil sa isang insidente ng tangkang pagnanakaw. Wala siyang malay nang isugod sa ospital kaya hindi niya naipaliwanag ang kaniyang paninindigan hinggil sa pagsasalin ng dugo. Pero dala niya ang kaniyang medical directive na wastong napunan at napirmahan mahigit apat na taon na ang nakararaan. Bagaman malubha ang kaniyang kalagayan at iniisip ng ilang doktor na kailangan siyang salinan ng dugo para mabuhay, handa ang mga doktor at nars ng ospital na igalang ang kaniyang mga kahilingan. Pero ang tatay ni Pablo, na hindi Saksi ni Jehova, ay kumuha ng utos sa korte na kumokontra sa mga kahilingan ng kaniyang anak.

19 Umapela agad ang abogado na kumakatawan sa asawa ni Pablo. Sa loob lang ng ilang oras, binaligtad ng korte sa pag-apela ang utos ng mababang hukuman at sinabing dapat igalang ang mga kahilingan ng pasyente gaya ng nakasaad sa medical directive. Umapela ang tatay ni Pablo sa Korte Suprema ng Argentina. Pero nakita ng Korte Suprema na “walang dahilan para pag-alinlanganan kung [ang medical directive ni Pablo na nagsasaad ng pagtanggi niya sa pagsasalin ng dugo] ay pinag-isipang mabuti at sariling kapasiyahan.” Sinabi ng Korte: “Ang sinumang may-kakayahan at adultong tao ay makagagawa ng patiunang mga tagubilin para sa [kaniyang] kalusugan, at maaari niyang tanggapin o tanggihan ang isang paraan ng paggamot . . . Ang mga tagubiling ito ay dapat igalang ng kaniyang doktor.”

Napunan mo na ba ang iyong medical directive?

20 Naka-recover na si Brother Albarracini. Nagpapasalamat silang mag-asawa na pinunan ni Pablo ang kaniyang medical directive. Sa pamamagitan ng simple pero mahalagang hakbang na iyan, ipinakita niyang nagpapasakop siya kay Kristo, ang Hari ng Kaharian ng Diyos. Napunan mo na rin ba at ng iyong pamilya ang inyong medical directive?

April Cadoreth (Tingnan ang parapo 21 hanggang 24)

21-24. (a) Paano nakabuo ng isang mahalagang desisyon ang Korte Suprema ng Canada hinggil sa mga menor-de-edad at sa paggamit ng dugo? (b) Paano mapapatibay ng kasong ito ang mga kabataang lingkod ni Jehova?

21 Canada. Karaniwan na, kinikilala ng mga korte ang karapatan ng mga magulang na pumili ng pinakamahusay na paraan ng paggamot para sa kanilang mga anak. Kung minsan, kinikilala ng mga korte maging ang karapatan ng mga may-gulang na menor-de-edad na magdesisyon hinggil sa paggamot sa kanila. Iyan ang nangyari kay April Cadoreth. Sa edad na 14, isinugod sa ospital si April dahil sa matinding internal bleeding. Ilang buwan bago iyan, pinunan niya ang kaniyang Advance Medical Directive card kung saan may nasusulat na tagubilin na ayaw niyang magpasalin ng dugo kahit sa panahon ng emergency. Pero binale-wala ng doktor ang malinaw na mga kahilingan ni April. Pagkakuha ng utos sa korte, sinalinan niya si April ng pulang selula ng dugo. Nang maglaon, itinulad ni April sa rape ang ginawa sa kaniya.

22 Dinala ni April at ng kaniyang mga magulang ang usapin sa mga korte. Pagkalipas ng dalawang taon, umabot ang kaso sa Korte Suprema ng Canada. Bagaman natalo si April sa isyung ibinangon niya may kinalaman sa Konstitusyon, ang Korte ay nagpasiya na dapat siyang bayaran sa kaniyang naging mga legal na gastusin at kinilala nito ang karapatan niya at ng iba pang may-gulang na menor-de-edad na malayang pumili ng gusto nilang paraan ng paggamot. Sinabi ng Korte: “May kinalaman sa pagpapagamot, ang mga kabataang wala pang 16 anyos ay dapat pahintulutang ipakita na ang pagpili nila ng partikular na paraan ng paggamot ay nagpapahiwatig na may kakayahan silang gumawa ng sarili nilang desisyon.”

23 Mahalaga ang kasong ito dahil nabigyang-pansin ng Korte Suprema ang karapatan ng mga may-gulang na menor-de-edad ayon sa Konstitusyon. Bago ang desisyong iyon, ang isang korte sa Canada ay puwedeng magpahintulot ng isang paraan ng paggamot para sa mga kabataang wala pang 16 anyos kung iniisip ng korte na ito ang pinakamabuti para sa kanila. Pero pagkatapos ng desisyong iyon, hindi na maaaring magpahintulot ang isang korte ng anumang paggamot na labag sa kagustuhan ng mga kabataang wala pang 16 anyos nang hindi muna sila binibigyan ng pagkakataong patunayan na may-gulang na sila para gumawa ng sariling mga desisyon.

“Talagang napakasaya ko na nagkaroon ako ng maliit na bahagi sa pagluwalhati sa pangalan ng Diyos at sa pagpapatunay na sinungaling si Satanas”

24 Sulit ba ang tatlong-taóng pakikipaglaban? Ayon kay April, “Oo!” Isa na siyang regular pioneer ngayon at may mabuting kalusugan. Sinabi niya: “Talagang napakasaya ko na nagkaroon ako ng maliit na bahagi sa pagluwalhati sa pangalan ng Diyos at sa pagpapatunay na sinungaling si Satanas.” Ipinapakita ng karanasan ni April na puwedeng makapanindigan ang mga kabataan at mapatunayang sila ay mga tunay na mamamayan ng Kaharian ng Diyos.​—Mat. 21:16.

Kalayaang Palakihin ang mga Anak Ayon sa mga Pamantayan ni Jehova

25, 26. Anong sitwasyon ang maaaring bumangon kapag nagdiborsiyo ang mag-asawa?

25 Ipinagkatiwala ni Jehova sa mga magulang ang pananagutang palakihin ang kanilang mga anak ayon sa kaniyang mga pamantayan. (Deut. 6:6-8; Efe. 6:4) Mahirap ang atas na iyan, pero maaaring maging mas mahirap iyan kapag nagdiborsiyo ang mag-asawa. Baka magkasalungat ang mga pananaw nila sa pagpapalaki ng anak. Halimbawa, baka para sa magulang na Saksi, dapat niyang mapalaki ang kaniyang anak ayon sa mga pamantayang Kristiyano, pero kontra naman dito ang di-Saksing magulang. Pero siyempre, dapat tandaan ng magulang na Saksi na bagaman napuputol ng diborsiyo ang ugnayan ng mag-asawa, hindi nito napuputol ang ugnayan ng anak at magulang.

26 Baka dumulog sa korte ang di-Saksing magulang para makuha ang kustodiya sa anak o mga anak upang mapalaki niya ang mga bata ayon sa kaniyang relihiyon. Sinasabi ng ilan na nakasasamâ sa mga anak na mapalaki bilang Saksi ni Jehova. Baka ikatuwiran nila na naipagkakait sa mga bata ang pagdiriwang ng kaarawan at iba pang kapistahan at maging ang “nagliligtas-buhay” na pagsasalin ng dugo sa panahon ng emergency. Buti na lang, humahatol ang karamihan sa mga korte batay sa kung ano ang pinakamabuti para sa mga bata at hindi sa kung itinuturing nilang nakasasamâ ang relihiyon ng isang magulang. Tingnan natin ang ilang halimbawa.

27, 28. Paano nagpasiya ang Korte Suprema ng Ohio sa akusasyong nakasasamâ sa bata ang mapalaki bilang Saksi ni Jehova?

27 Estados Unidos. Noong 1992, dininig ng Korte Suprema ng Ohio ang isang kaso kung saan sinasabi ng isang di-Saksing ama na makasasamâ sa kaniyang maliit na anak na mapalaki bilang Saksi ni Jehova. Kinatigan siya ng mababang hukuman at ibinigay sa kaniya ang kustodiya sa anak. Binigyan naman ng karapatang dumalaw ang nanay ng bata na si Jennifer Pater, pero inutusan siyang huwag “turuan o ihantad ang anak sa mga paniniwala ng mga Saksi ni Jehova sa anumang paraan.” Dahil napakalawak ng saklaw ng utos ng korte, puwede itong mangahulugan na hindi man lang maaaring ipakipag-usap ni Sister Pater sa kaniyang anak na si Bobby ang tungkol sa Bibliya o sa moral na mga pamantayan nito. Naiisip mo ba kung gaano kahirap iyon para sa kaniya? Lungkot na lungkot si Jennifer, pero sinabi niyang natuto siyang maging matiisin at maghintay kay Jehova. Naalala niya, “Hindi ako iniwan ni Jehova.” Umapela sa Korte Suprema ng Ohio ang kaniyang abogado na tinulungan ng organisasyon ni Jehova.

28 Hindi sumang-ayon ang korte sa desisyon ng mababang hukuman at sinabi nito na “may karapatan ang mga magulang na turuan ang kanilang mga anak, at kasama riyan ang pakikipag-usap tungkol sa mga pamantayan sa moral at relihiyon.” Sinabi ng korte na malibang mapatunayan na ang mga pamantayan sa relihiyon na itinataguyod ng mga Saksi ni Jehova ay makasasamâ sa mental at pisikal na kalusugan ng bata, ang korte ay walang karapatang magpasiya tungkol sa kustodiya salig sa relihiyon. Ang korte ay walang nakitang katibayan na makasasamâ sa mental o pisikal na kalusugan ng bata ang relihiyosong paniniwala ng mga Saksi.

Maraming korte ang nagdesisyong ibigay sa mga Kristiyanong magulang ang kustodiya sa anak

29-31. Bakit nabigo ang isang sister sa Denmark na makuha ang kustodiya sa kaniyang anak? Ano ang desisyon ng Korte Suprema ng Denmark sa kaso?

29 Denmark. Ganiyan din ang sitwasyon ni Anita Hansen nang hilingin sa korte ng kaniyang dating asawa ang kustodiya sa kanilang pitong-taóng-gulang na anak na si Amanda. Noong 2000, ibinigay ng district court kay Sister Hansen ang kustodiya sa bata. Pero dumulog ang ama ng bata sa mataas na hukuman at binaligtad nito ang desisyon ng district court at ibinigay ang kustodiya sa kaniya. Sinabi ng mataas na hukuman na dahil magkaiba ang pananaw sa buhay ng mga magulang ng bata dahil sa kanilang mga relihiyosong paniniwala, ang ama ang nasa kalagayan para magpasiya kung ano ang magiging relihiyon ni Amanda. Kaya masasabing nabigo si Sister Hansen na makuha ang kustodiya kay Amanda dahil isa siyang Saksi ni Jehova!

30 Dahil sa problemang ito, hindi na alam kung minsan ni Sister Hansen kung ano ang sasabihin niya sa panalangin. “Pero,” ang sabi niya, “talagang naaliw ako ng Roma 8:26 at 27. Alam ko na laging naiintindihan ni Jehova kung ano ang gusto kong sabihin. Binantayan niya ako at hindi niya ako iniwan.”​—Basahin ang Awit 32:8; Isaias 41:10.

31 Umapela si Sister Hansen sa Korte Suprema ng Denmark. Sa desisyon nito, sinabi ng Korte: “Ang isyu tungkol sa kustodiya ay dapat lutasin sa pamamagitan ng pagtiyak kung ano ang pinakamabuti sa kapakanan ng bata.” Sinabi pa ng Korte na ang desisyon tungkol sa kustodiya sa anak ay dapat ibatay sa kakayahan ng magulang na lumutas ng problema, at hindi sa “mga doktrina at paninindigan” ng mga Saksi ni Jehova. Napakasaya ni Sister Hansen dahil kinilala ng Korte ang kakayahan niyang gampanan ang papel ng isang magulang at ibinalik sa kaniya ang kustodiya kay Amanda.

32. Paano pinrotektahan ng European Court of Human Rights ang mga magulang na Saksi laban sa diskriminasyon?

32 Iba’t ibang bansa sa Europa. Sa ilang kaso, ang mga legal na usapin hinggil sa kustodiya sa anak ay lumampas pa sa pinakamataas na korte ng mga bansa. Dinirinig din ito maging sa European Court of Human Rights (ECHR). Sa dalawang kaso, nakita ng ECHR na magkaiba ang pakikitungo ng mga korte ng mga bansa sa mga magulang na Saksi at di-Saksi dahil lang sa kanilang relihiyon. Tinawag iyon ng ECHR na diskriminasyon at sinabi na “ang pagtatangi na pangunahin nang salig sa pagkakaiba lamang ng relihiyon ay hindi katanggap-tanggap.” Dahil nabunutan ng tinik sa dibdib, sinabi ng isang Saksing ina na nakinabang sa desisyong iyan ng ECHR: “Napakasakit na maparatangang gumagawa ako ng masama sa mga anak ko, gayong sinisikap ko lamang ibigay sa kanila ang alam kong pinakamabuti para sa kanila​—ang mapalaki sila bilang Kristiyano.”

33. Paano maikakapit ng mga magulang na Saksi ang simulain sa Filipos 4:5?

33 Siyempre pa, ang mga magulang na Saksi na napapaharap sa legal na usapin tungkol sa karapatang maitimo sa puso ng kanilang mga anak ang mga pamantayan ng Bibliya ay nagsisikap na magpakita ng pagkamakatuwiran. (Basahin ang Filipos 4:5.) Pinahahalagahan nila ang karapatang sanayin ang mga anak sa daan ng Diyos, pero kinikilala nila na may karapatan din sa pagpapalaki sa kanilang mga anak ang di-Saksing magulang, kung gugustuhin nito. Gaano kaseryoso para sa isang magulang na Saksi ang pananagutan niyang sanayin ang kaniyang anak?

34. Paano makikinabang ang mga magulang na Kristiyano sa halimbawa ng mga Judio noong panahon ni Nehemias?

34 May matututuhan tayo sa halimbawa noong panahon ni Nehemias. Nagtrabahong mabuti ang mga Judio para makumpuni at maitayong muli ang mga pader ng Jerusalem. Alam nila na sa paggawa nito, mapoprotektahan nila ang kanilang sarili at kanilang pamilya mula sa mga kaaway na bansang nakapalibot sa kanila. Kaya hinimok sila ni Nehemias: “Ipakipaglaban ninyo ang inyong mga kapatid, ang inyong mga anak na lalaki at ang inyong mga anak na babae, ang inyong mga asawa at ang inyong mga tahanan.” (Neh. 4:14) Para sa mga Judio, sulit ang pakikipaglaban. Gayundin sa ngayon, ang mga magulang na Saksi ni Jehova ay nagsisikap na mabuti para mapalaki ang kanilang mga anak sa daan ng katotohanan. Alam nilang napalilibutan ang kanilang mga anak ng masasamang impluwensiya sa paaralan at komunidad. Puwede rin itong makapasok sa sariling tahanan sa pamamagitan ng media. Mga magulang, huwag na huwag ninyong kalilimutan na sulit na ipakipaglaban ang inyong mga anak para mapaglaanan sila ng ligtas na kapaligiran kung saan sila susulong sa espirituwal.

Magtiwala na Sinusuportahan ni Jehova ang Tunay na Pagsamba

35, 36. Ano ang mga pakinabang ng mga Saksi ni Jehova sa pakikipaglaban nila sa kanilang legal na mga karapatan? Ano ang determinado mong gawin?

35 Talagang pinagpapala ni Jehova ang mga pagsisikap ng kaniyang makabagong-panahong organisasyon sa pakikipaglaban nito para sa karapatan sa malayang pagsamba. Sa pakikipaglabang ito, madalas na ang bayan ng Diyos ay nakapagbibigay ng matibay na patotoo sa korte at sa publiko. (Roma 1:8) Napagtitibay rin nito ang karapatang sibil ng maraming di-Saksi. Pero bilang bayan ng Diyos, hindi natin gustong repormahin ang lipunan; hindi rin tayo interesadong ipagbangong-puri ang sarili. Ipinakikipaglaban ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang legal na mga karapatan sa korte para maitatag at maitaguyod ang dalisay na pagsamba.​—Basahin ang Filipos 1:7.

36 Huwag na huwag sana nating bale-walain ang mga aral sa pananampalataya na natututuhan natin sa mga nakipaglaban para malayang masamba si Jehova! Manatili rin nawa tayong tapat at magtiwalang sinusuportahan ni Jehova ang ating gawain at patuloy niya tayong binibigyan ng lakas na gawin ang kaniyang kalooban.​—Isa. 54:17.