Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALIN 3

Kailangang Matutuhan Mo ang Tungkol sa Diyos

Kailangang Matutuhan Mo ang Tungkol sa Diyos

Upang maging kaibigan ng Diyos, kailangang matutuhan mo ang tungkol sa kaniya. Alam ba ng iyong mga kaibigan ang pangalan mo at ginagamit iyon? Oo. Nais din ng Diyos na iyong alamin at gamitin ang kaniyang pangalan. Ang pangalan ng Diyos ay Jehova. (Awit 83:​18; Mateo 6:9) Dapat na matutuhan mo rin kung ano ang gusto niya at hindi niya gusto. Dapat mong malaman kung sino ang kaniyang mga kaibigan at kung sino ang kaniyang mga kaaway. Nangangailangan ng panahon upang makilala mo ang isa. Ang Bibliya ay nagsasabi na isang katalinuhan na maglaan ng panahon upang matuto tungkol kay Jehova.​—Efeso 5:​15, 16.

Ginagawa ng mga kaibigan ng Diyos kung ano ang nakalulugod sa kaniya. Isipin mo ang iyong mga kaibigan. Kung sila’y pinakikitunguhan mo nang masama at ginagawa ang mga bagay na kinapopootan nila, sila ba’y patuloy na magiging mga kaibigan mo? Tunay na hindi! Sa gayunding paraan, kung gusto mong maging kaibigan ng Diyos, kailangan mong gawin kung ano ang nakalulugod sa kaniya.​—Juan 4:24.

Hindi lahat ng relihiyon ay umaakay sa pakikipagkaibigan sa Diyos. Si Jesus, ang pinakamatalik na kaibigan ng Diyos, ay bumanggit ng dalawang daan. Ang isang daan ay malapad at punô ng mga tao. Ang daang iyon ay umaakay sa pagkapuksa. Ang isa pang daan ay makipot at iilang tao lamang ang dumaraan doon. Ang daang iyon ay umaakay sa buhay na walang hanggan. Nangangahulugan ito na kung nais mong matamo ang pakikipagkaibigan ng Diyos, kailangang matutuhan mo ang tamang paraan ng pagsamba sa kaniya.​—Mateo 7:​13, 14.