Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALIN 5

Mabubuhay sa Paraiso ang mga Kaibigan ng Diyos

Mabubuhay sa Paraiso ang mga Kaibigan ng Diyos

Ang Paraiso ay hindi makakatulad ng daigdig na kinabubuhayan natin sa ngayon. Hindi kailanman nais ng Diyos na ang lupa ay mapuno ng kaguluhan at dalamhati, kirot at pagdurusa. Sa hinaharap, gagawin ng Diyos ang lupa na isang paraiso. Ano ang magiging kalagayan sa Paraiso? Tingnan natin kung ano ang sinasabi ng Bibliya:

Mabubuting tao. Ang Paraiso ang magiging tahanan ng mga kaibigan ng Diyos. Sila’y gagawa ng mabubuting bagay para sa isa’t isa. Sila’y mamumuhay alinsunod sa matutuwid na daan ng Diyos.​—Kawikaan 2:21.

Saganang pagkain. Sa Paraiso, wala nang gutom. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Magkakaroon ng saganang butil [o, pagkain] sa lupa.”​—Awit 72:16.

Maiinam na tahanan at kasiya-siyang gawain. Sa Paraisong lupa, ang lahat ng pamilya ay magkakaroon ng sariling tahanan. Ang lahat ay magsasagawa ng gawain na magdudulot ng tunay na kaligayahan.​—Isaias 65:​21-23.

Pambuong-daigdig na kapayapaan. Hindi na maglalabanan ang mga tao at mamamatay sa digmaan. Ang Salita ng Diyos ay nagsasabi: “Pinatitigil [ng Diyos] ang mga digmaan.”​—Awit 46:​8, 9.

Mabuting kalusugan. Ipinangangako ng Bibliya: “Walang sinumang tumatahan [sa Paraiso] ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’” (Isaias 33:24) Gayundin, walang sinuman ang magiging pilay o bulag o bingi o hindi makapagsalita.​—Isaias 35:​5, 6.

Wakas ng kirot, dalamhati, at kamatayan. Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”​—Apocalipsis 21:4.

Mawawala na ang masasamang tao. Si Jehova ay nangangako: “Kung tungkol sa mga balakyot, lilipulin sila mula sa mismong lupa; at kung tungkol sa mga mapandaya, bubunutin sila mula rito.”​—Kawikaan 2:22.

Iibigin at igagalang ng mga tao ang isa’t isa. Hindi na magkakaroon ng kawalang-katarungan, pang-aapi, kasakiman, at kapootan. Ang mga tao ay magkakaisa at mamumuhay na kasuwato ng matutuwid na daan ng Diyos.​—Isaias 26:9.