ARALIN 12
Ano ang Nangyayari Pagsapit ng Kamatayan?
Ang kamatayan ay kabaligtaran ng buhay. Ang kamatayan ay katulad ng isang mahimbing na pagtulog. (Juan 11:11-14) Ang mga patay ay hindi nakaririnig, nakakakita, nakapagsasalita, o nakapag-iisip ng anuman. (Eclesiastes 9:5, 10) Ang huwad na relihiyon ay nagtuturo na ang mga patay ay nagtutungo sa isang daigdig ng mga espiritu upang mamuhay roon kasama ng kanilang mga ninuno. Hindi ito ang itinuturo ng Bibliya.
Ang mga namatay ay hindi makatutulong sa atin, at sila’y hindi makapipinsala sa atin. Karaniwan na sa mga tao na magsagawa ng mga ritwal at mga hain na pinaniniwalaan nilang makalulugod sa mga namatay. Ito’y hindi nakalulugod sa Diyos sapagkat ito’y salig sa isa sa mga kasinungalingan ni Satanas. Hindi rin ito makalulugod sa mga patay, yamang sila’y walang buhay. Hindi natin dapat katakutan o sambahin ang mga patay. Ang Diyos lamang ang dapat nating sambahin.—Mateo 4:10.
Mabubuhay-muli ang mga patay. Gigisingin ni Jehova ang mga patay tungo sa buhay sa isang paraisong lupa. Ang panahong iyon ay sa hinaharap pa. (Juan 5:28, 29; Gawa 24:15) Maaaring gisingin ng Diyos yaong mga namatay kung paanong tiyak na magigising mo ang isang taong natutulog.—Marcos 5:22, 23, 41, 42.
Ang ideya na hindi tayo namamatay ay isang kasinungalingang pinalaganap ni Satanas na Diyablo. Pinangyayari ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo na mag-isip ang mga tao na ang mga espiritu ng mga namatay ay buháy at nagdudulot ng sakit at iba pang mga problema. Dinadaya ni Satanas ang mga tao, kung minsan ay sa pamamagitan ng mga panaginip at mga pangitain. Hinahatulan ni Jehova ang mga nagsisikap na makipag-usap sa mga patay.—Deuteronomio 18:10-12.