ARALIN 4
Bakit Namin Ginawa ang Bagong Sanlibutang Salin?
Sa loob ng maraming dekada, ang mga Saksi ni Jehova ay gumamit, naglimbag, at namahagi ng iba’t ibang bersiyon ng Bibliya. Pero nakita namin ang pangangailangan na gumawa ng isang bago at tumpak na salin na mas makatutulong sa mga tao na matutuhan ang “tumpak na kaalaman sa katotohanan”—iyan ang gusto ng Diyos para sa lahat. (1 Timoteo 2:3, 4) Kaya noong 1950, sinimulan naming ilathala sa Ingles ang ilang bahagi ng aming makabagong-wikang Bibliya, ang Bagong Sanlibutang Salin. Ang Bibliyang ito ay tumpak na naisalin sa mahigit 170 wika.
Kailangan ang isang Bibliya na madaling maintindihan. Nagbabago ang wika, at maraming salin ang gumagamit ng mga salitang makaluma at mahirap maintindihan. Bukod diyan, may mga natuklasan ding mas sinauna at mas tumpak na mga manuskrito ng Bibliya, kaya mas nauunawaan na ang Hebreo, Aramaiko, at Griego na ginamit sa pagsulat ng Bibliya.
Kailangan ang isang salin na hindi lumilihis sa mensahe ng Diyos. Ang mga tagapagsalin ay hindi dapat gumawa ng mga pagbabago sa mensahe ng Diyos. Pero sa maraming salin ng Banal na Kasulatan, inalis ang banal na pangalang Jehova.
Kailangan ang isang Bibliya na nagbibigay-kapurihan sa Awtor nito. (2 Samuel 23:2) Ibinalik ng Bagong Sanlibutang Salin ang pangalan ni Jehova nang mga 7,000 ulit kung saan ito lumitaw sa pinakamatatandang manuskrito, gaya ng makikita sa larawan sa ibaba. (Awit 83:18) Bilang resulta ng maraming taon ng maingat na pag-aaral, ang Bibliyang ito ay masarap basahin at malinaw nitong naitatawid ang kaisipan ng Diyos. May kopya ka man ng Bagong Sanlibutang Salin o wala, pinasisigla ka naming sanayin ang iyong sarili na magbasa ng Salita ni Jehova araw-araw.—Josue 1:8; Awit 1:2, 3.
-
Bakit namin napagpasiyahang gumawa ng isang bagong salin ng Bibliya?
-
Kung nais mong malaman ang kalooban ng Diyos, ano ang magandang gawin araw-araw?