Normal Bang Makadama Nang Ganito?
ISANG naulila ang sumulat: “Bilang isang bata sa Inglatera, tinuruan akong huwag ipahalata ang aking damdamin sa harap ng mga tao. Naaalaala ko pa ang aking ama, isang dating militar, na sinasabi sa akin habang pinagtitiim ang mga ngipin na, ‘Huwag kang iiyak!’ kapag nasasaktan ako. Hindi ko matandaan kung nahagkan o nayakap kailanman ng aking ina ang sinuman sa aming magkakapatid (apat kaming lahat). Ako’y 56 na taon nang masaksihan ko ang pagkamatay ng aking ama. Nakadama ako ng matinding pangungulila. Gayunman, sa pasimula, hindi ako makaiyak.”
Sa ibang kultura, ang mga tao ay hayagang nagpapamalas ng kanilang damdamin. Masaya man sila o malungkot, nalalaman ng iba ang kanilang nadarama. Sa kabilang dako naman, sa ilang bahagi ng daigdig, lalo na sa hilagang Europa at Britanya, ang mga tao, lalo na ang mga lalaki, ay nasanay nang kuyumin ang kanilang damdamin, pigilin ang kanilang emosyon, magtiim-bagang at magkimkim sa sarili. Subalit kapag nakaranas kang mawalan ng minamahal, mali nga kayang ibulalas mo ang iyong pagdadalamhati? Ano ang sinasabi ng Bibliya?
Yaong mga Tumangis sa Bibliya
Ang Bibliya ay isinulat ng mga Hebreo sa rehiyon ng silangang Mediteraneo, na mga taong lantarang nagpapamalas ng kanilang damdamin. Ito’y naglalaman ng maraming halimbawa ng mga taong hayagang nagpamalas ng kanilang pagdadalamhati. Namighati si Haring David sa pagkamatay ng kaniyang pinaslang na anak na si Amnon. Sa katunayan, siya’y “umiyak na mainam.” (2 Samuel 13:28-39) Nagdalamhati pa nga siya sa pagkamatay ng kaniyang taksil na anak na si Absalom, na nagtangkang kamkamin ang pagkahari. Ganito ang sabi sa atin ng ulat ng Bibliya: “Nang magkagayon [si David] ang hari ay nabagabag at umakyat sa silid sa bubungan sa ibabaw ng pintuang-daan at nanangis; at ganito ang sinabi niya habang siya ay naglalakad: ‘Anak kong Absalom, anak ko, anak kong Absalom! Oh ako na sana ang namatay, ako mismo, sa halip na ikaw, Absalom na anak ko, anak ko!’” (2 Samuel 18:33) Si David ay namighati gaya ng sinumang karaniwang ama. At madalas na nanaisin pa ng mga magulang na sila na sana ang namatay sa halip na ang kanilang mga anak! Wari bang totoong di-karaniwan na mauna pang mamatay ang anak kaysa sa isang magulang.
Ano ang naging damdamin ni Jesus sa kamatayan ng kaniyang kaibigang si Lazaro? Siya’y tumangis habang papalapit siya sa libingan niya. (Juan 11:30-38) Pagkaraan, tumangis si Maria Magdalena habang papalapit sa libingang-dako ni Jesus. (Juan 20:11-16) Tunay, ang isang Kristiyano na may kaunawaan sa pag-asa ng pagkabuhay-muli sa Bibliya ay hindi nagdadalamhati nang ganoon na lamang anupat hindi na siya kailanman maaaliw, na gaya ng iba na walang maliwanag na saligan sa Bibliya hinggil sa kanilang paniniwala sa kalagayan ng patay. Ngunit bilang isang tao na may normal na damdamin, ang tunay na Kristiyano, bagaman taglay ang pag-asa ng pagkabuhay-muli, ay nagdadalamhati at namimighati sa pagkamatay ng sinumang minamahal.—1 Tesalonica 4:13, 14.
Tumangis o Huwag Tumangis
Kumusta naman ang ating ikinikilos sa ngayon? Nahihirapan ka ba o nahihiyang ipahalata ang iyong nadarama? Ano ang iminumungkahi ng mga tagapayo? Ang kanilang modernong pangmalas ay madalas na umuulit lamang sa sinaunang karunungan ng Bibliya na kinasihan. Sinasabi nila na dapat nating ibulalas ang ating pagdadalamhati, huwag pigilin iyon. Ito’y nagpapaalaala sa atin sa tapat na mga lalaki noon, gaya nina Job, David, at Jeremias, na ang pagpapahayag ng dalamhati ay masusumpungan sa Bibliya. Tiyak na hindi nila pinigil ang kanilang damdamin. Kaya nga, hindi matalinong ibukod mo ang iyong sarili sa mga tao. (Kawikaan 18:1) Sabihin pa, ang pamimighati ay ipinahihiwatig sa iba’t ibang paraan sa iba’t ibang kultura, gayundin depende sa karaniwang mga paniniwalang relihiyoso. *
Ano kaya kung napapaiyak ka? Bahagi ng kalikasan ng tao ang umiyak. Alalahaning muli ang pangyayari ng kamatayan ni Lazaro, nang si Jesus “ay dumaing sa espiritu at . . . lumuha.” (Juan 11:33, 35) Kaya ipinakita niyang ang pagluha ay isang normal na pagkilos sa kamatayan ng isang minamahal.
Ito’y pinatunayan ng halimbawa ng isang ina, si Anne, na namatayan ng kaniyang sanggol na si Rachel dahil sa SIDS (Sudden Infant Death Syndrome). Ganito ang sabi ng kaniyang asawa: “Ang nakapagtataka ay na si Anne at ako ay hindi man lamang napaiyak sa libing. Ang lahat ay umiyak.” Ukol dito, sumagot si Anne: “Oo nga, pero nakaiyak na ako nang husto para sa ating dalawa. Sa palagay ko’y gayon na lamang ang aking nadamang sakít mga ilang linggo pagkatapos ng malungkot na pangyayari, nang sa wakas ay mapag-isa ako sa bahay isang araw. Maghapon akong umiyak. Ngunit naniniwala akong nakatulong iyon sa akin. Naginhawahan ako pagkatapos noon. Kinailangan kong mamighati dahil sa pagkamatay ng aking sanggol. Lubusan akong naniniwala na dapat mong hayaan ang isang namimighating tao na lumuha. Bagaman karaniwan na sa iba na sabihing, ‘Huwag ka nang umiyak,’ hindi makatutulong iyan.”
Kung Papaano Kumikilos ang Ilan
Papaano kumikilos ang ilan kapag nangungulila sa pagkamatay ng isang minamahal? Halimbawa, isaalang-alang si Juanita. Alam niya kung papaano mamatayan ng isang sanggol. Limang ulit na siyang nakunan. Ngayon ay nagdadalantao na naman siya. Kaya nang siya’y kinailangang maospital dahil sa isang aksidente sa sasakyan, natural lamang na siya’y mabahala. Pagkaraan ng dalawang linggo humilab ang tiyan—nang kulang sa buwan. Di-nagtagal pagkaraan ang munting si Vanessa ay ipinanganak—tumitimbang lamang nang mahigit dalawang libra. “Tuwang-tuwa ako,” naaalaala ni Juanita. “Sa wakas ay naging nanay rin ako!”
Subalit ang kaniyang katuwaan ay hindi nagtagal. Pagkaraan ng apat na araw namatay si Vanessa. Nagugunita
ni Juanita: “Nadama kong wala akong kabuluhan. Inagaw sa akin ang aking pagiging ina. Nadama kong may kulang sa akin. Napakasakit umuwi sa silid na aming inihanda para kay Vanessa at tingnan ang maliliit na kamisetang binili ko para sa kaniya. Nang sumunod na dalawang buwan, naguguniguni ko pa ang araw ng kaniyang pagsilang. Ayokong makipag-usap kahit kanino.”Labis-labis na pamimighati ba? Baka mahirap para sa iba na maunawaan, subalit yaong nakaranas nito, gaya ni Juanita, ay nagpapaliwanag na sila’y nagdadalamhati para sa kanilang sanggol katulad din ng sa isang nabuhay nang ilang panahon. Matagal pa bago isilang ang isang sanggol, sabi nila, iyon ay minahal na ng kaniyang mga magulang. May isang natatanging buklod sa ina. Kapag namatay ang sanggol na iyan, ang pakiramdam ng ina ay isang tunay na persona ang nawala. At iyan ang dapat unawain ng iba.
Kung Papaano Makaaapekto ang Galit at Pagkadama ng Kasalanan
Ipinahayag ng isa pang ina ang kaniyang nadama nang pagsabihang ang kaniyang anim-na-taóng anak na lalaki ay biglang namatay dahil sa sakit sa puso na kaniyang taglay sapol sa pagkabata. “Iba’t iba ang aking nadama—pamamanhid, di-makapaniwala, pagkadama ng kasalanan, at galit sa aking asawa at sa doktor dahil hindi niya nalaman kung gaano kaselan ang kaniyang kalagayan.”
Ang galit ay maaaring isa pang sintoma ng pagdadalamhati. Maaaring pagkagalit sa mga doktor at nars, na inaakalang may magagawa pa sana sila sa pangangalaga sa namatay. O baka pagkagalit sa mga kaibigan at mga kamag-anak na, waring, nakapagsalita o nakagawa ng mali. Ang ilan ay nagagalit sa namatay dahil hindi iningatan ang kaniyang kalusugan. Nagunita ni Stella: “Naaalaala ko pa na nagagalit ako sa aking asawa dahil alam kong hindi sana nangyari iyon. Malubha ang kaniyang sakit, pero hindi niya pinansin ang babala ng mga doktor.” At kung minsan ay nagagalit sa namatay dahil sa pasaning idinudulot sa naiwan bunga ng kaniyang kamatayan.
Ang ilan ay nakadarama ng kasalanan dahil sa pagkagalit—alalaong baga’y, isinusumpa ang kani-kanilang sarili dahil nagagalit sila. Ang iba’y sinisisi ang sarili sa pagkamatay ng kanilang minamahal. “Hindi sana siya namatay,” pinapaniniwala nila ang kanilang sarili, “kung pinapunta ko agad siya sa doktor” o “pinapunta ko siya sa ibang doktor” o “pinapag-ingat ko pa siyang lalo sa kaniyang kalusugan.”
Para sa iba ang pagkadama ng kasalanan ay higit pa sa riyan, lalo na kung bigla, di-inaasahan ang kamatayan
ng kanilang minamahal. Sinisimulan na nilang gunitain ang mga pagkakataong nagalit sila sa namatay o kaya’y nakipagtalo sa kaniya. O maaaring madama nilang sila’y nagkulang sa namatay.Ang mahabang pagdadalamhati ng maraming ina ay sinusuhayan ng sinasabi ng maraming eksperto, na ang pagkawala ng isang anak ay nag-iiwan ng isang namamalaging pangungulila sa buhay ng mga magulang, lalo na sa ina.
Kapag Namatayan Ka ng Asawa
Ang pagkamatay ng asawa ay isa pang uri ng malubhang karanasan, lalo na kung sila’y palaging magkasama. Iyon ay baka mangahulugan ng wakas ng isang istilo ng buhay na kanilang pinagsamahan, ng paglalakbay, pagtatrabaho, paglilibang, at pagtutulungan.
Ipinaliwanag ni Eunice ang nangyari nang biglang mamatay ang kaniyang asawa dahil sa atake sa puso. “Nang unang linggo, ako’y nawalan ng pakiramdam, para bang nawala na ako sa mundo. Ni hindi ako makalasa o makaamoy. Gayunman, ang aking pangangatuwiran ay nagpatuloy sa isang naiibang paraan. Palibhasa’y nasa tabi ako ng aking asawa habang sinisikap nila siyang iligtas sa pamamagitan ng CPR at mga gamot, di-inaasahang natanggap ko iyon. Gayunman,
naroroon ang matinding pagkadama ng siphayo, para bang pinanonood ko ang isang kotse habang ito’y nahuhulog sa bangin at wala akong magawa.”Lumuha ba siya? “Siyempre naman, lalo na nang basahin ko ang daan-daang kard ng pakikiramay na aking tinanggap. Iniyakan ko ang bawat isa nito. Nakatulong iyon upang maharap ko ang nalalabing maghapon. Subalit walang naitulong ang paulit-ulit na pagtatanong sa akin kung ano ang aking nadama. Walang-duda, ako’y naging kahabag-habag.”
Ano ang nakatulong kay Eunice upang mapaglabanan ang kaniyang pagdadalamhati? “Walang kamalay-malay, sa di-sinasadya’y nagpasiya akong ipagpatuloy ang aking buhay,” sabi niya. “Gayunman, nananatili pa ring masakit sa akin kapag nagugunita kong ang aking asawa, na gustung-gustong mabuhay, ay wala na rito upang tamasahin iyon.”
“Huwag Mong Hayaang Diktahan Ka ng Iba . . .”
Ang mga awtor ng Leavetaking—When and How to Say Goodbye ay nagpapayo: “Huwag mong hayaang diktahan ka ng iba kung papaano ka dapat kumilos o kung ano ang dapat mong madama. Iba-iba ang paraan ng pagdadalamhati ng bawat isa. Ang iba’y baka nag-iisip—at ipinaaalam sa iyo na sa palagay nila’y—sobra ang pagdadalamhati mo o kaya’y hindi ka gaanong nagdadalamhati. Patawarin mo sila at kalimutan ang tungkol doon. Sa pagsisikap mo na ipilit sa iyong sarili ang ayon sa gusto ng iba o ng lipunan bilang kabuuan, sinusugpo mo ang iyong pagsulong tungo sa panunumbalik ng iyong kalusugan sa damdamin.”
Mangyari pa, kinakaharap ng iba’t ibang tao ang kanilang pamimighati sa iba’t ibang paraan. Hindi naman natin sinasabing ang isang paraan ay mas mabuti kaysa sa iba para sa bawat tao. Gayunman, lumilitaw ang panganib kapag wala nang pagbabago, kapag hindi na makayanang harapin ng namimighati ang katotohanan ng kalagayan. Kung gayon ay kailangan na ang tulong mula sa nahahabag na mga kaibigan. Ang Bibliya’y nagsasabi: “Ang isang tunay na kasamahan ay umiibig sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganganak kapag may kabagabagan.” Kaya huwag matakot na humingi ng tulong, makipag-usap, at tumangis.—Kawikaan 17:17.
Ang pagdadalamhati ay isang normal na pagkilos kapag namatayan, at hindi maling mapansin ng iba ang iyong pamimighati. Subalit may mga katanungan pang dapat sagutin: ‘Papaano ko mapaglalabanan ang aking pagdadalamhati? Normal bang makadama ng kasalanan at magalit? Papaano ko haharapin ang ganitong damdamin? Ano ang makatutulong sa akin upang mapagtiisan ang pangungulila at ang pagdadalamhati?’ Sasagutin ang mga ito at ang iba pang mga katanungan ng susunod na bahagi.
^ par. 8 Halimbawa, ang mga Yoruba ng Nigeria ay may tradisyunal na paniniwala sa reinkarnasyon ng kaluluwa. Kaya kapag namatayan ng anak ang isang ina, may matinding pagdadalamhati ngunit sa isang maigsing panahon lamang, yamang gaya ng sabi ng isang bahagi ng awiting Yoruba: “Ang tubig ang natapon. Ang kalabasa ay hindi nabasag.” Ayon sa mga Yoruba, ito’y nangangahulugan na ang kalabasang may lamang tubig, ang ina, ay manganganak pang muli—marahil ang reinkarnasyon ng isang namatay. Hindi sumusunod ang mga Saksi ni Jehova sa anumang tradisyong salig sa pamahiin na nagmumula sa maling mga idea ng pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa at reinkarnasyon, na walang saligan sa Bibliya.—Eclesiastes 9:5, 10; Ezekiel 18:4, 20.