Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARAL 59

Apat na Kabataang Sumunod kay Jehova

Apat na Kabataang Sumunod kay Jehova

Nang dalhin ni Nabucodonosor sa Babilonya ang mga prinsipe ng Juda, ang opisyal ng korte na si Aspenaz ang inutusan niyang mag-asikaso sa kanila. Sinabi ni Nabucodonosor kay Aspenaz na piliin sa mga ito ang pinakamalulusog at pinakamatatalinong kabataan. Tatlong taon silang sasanayin para gawing matataas na opisyal sa Babilonya. Tuturuan silang bumasa, sumulat, at magsalita ng wikang Akkadiano ng Babilonya. At pakakainin sila ng pagkain ng hari at ng kaniyang mga opisyal. Kasama sa mga kabataang ito sina Daniel, Hananias, Misael, at Azarias. Binigyan sila ni Aspenaz ng bagong pangalang Babilonyo: Beltesasar, Sadrac, Mesac, at Abednego. Mapapatigil kaya sila ng edukasyong ito na sambahin si Jehova?

Desidido ang apat na kabataang ito na sundin si Jehova. Alam nilang hindi sila dapat kumain ng pagkain ng hari dahil sinasabi ng Kautusan ni Jehova na ang ilan sa mga iyon ay marumi. Kaya sinabi nila kay Aspenaz: ‘Huwag n’yo po kaming pakainin ng pagkain ng hari.’ Sinabi ni Aspenaz: ‘Kapag hindi kayo kumain at nakita ng hari na namamayat kayo, papatayin niya ako!’

May naisip si Daniel. Sinabi niya sa tagapag-alaga nila: ‘Gulay at tubig na lang po ang ibigay n’yo sa amin sa loob ng 10 araw. ’Tapos, ikumpara n’yo po kami sa mga kumakain ng pagkain ng hari.’ Pumayag ang tagapag-alaga.

Pagkalipas ng 10 araw, mas malulusog sina Daniel kaysa sa lahat ng iba pang kabataan. Natuwa si Jehova kasi sumunod sila sa kaniya. Binigyan pa nga ni Jehova si Daniel ng karunungan na makapagpaliwanag ng mga pangitain at panaginip.

Pagkatapos ng pagsasanay, dinala ni Aspenaz kay Nabucodonosor ang mga kabataan. Kinausap sila ng hari at napansin nitong mas matatalino at alisto sina Daniel, Hananias, Misael, at Azarias kaysa sa iba. Silang apat ang pinili ng hari na maglingkod sa kaniyang korte. Sila ang madalas na tinatanong ng hari pagdating sa mga importanteng bagay. Ginawa sila ni Jehova na mas marunong kaysa sa lahat ng marurunong na lalaki at salamangkero.

Kahit nasa ibang lupain, hindi nalimutan nina Daniel, Hananias, Misael, at Azarias na mga lingkod sila ni Jehova. Ikaw, lagi mo rin bang iisipin si Jehova kahit hindi mo kasama ang mga magulang mo?

“Hindi dapat hamakin ng sinuman ang pagiging kabataan mo. Kaya maging halimbawa ka sa mga tapat pagdating sa pagsasalita, paggawi, pag-ibig, pananampalataya, at kalinisan.”​—1 Timoteo 4:12