ARAL 79
Gumawa si Jesus ng Maraming Himala
Dumating si Jesus sa lupa para ipahayag ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Para ipakita ang gagawin ni Jesus kapag Hari na siya, binigyan siya ni Jehova ng banal na espiritu para makagawa ng mga himala. Ang lahat ng sakit ay kaya niyang pagalingin. Kahit saan siya pumunta, sinusundan siya ng mga maysakit, at pinagaling niya silang lahat. Nakakita ang mga bulag, nakarinig ang mga bingi, nakalakad ang mga paralisado, at nakalaya ang mga sinapian ng demonyo. Mahawakan lang nila ang dulo ng damit niya, gumagaling na sila. Sinundan ng mga tao si Jesus kahit saan. Kahit noong gusto niyang mapag-isa, hindi itinaboy ni Jesus ang sinuman.
Minsan, isang lalaking paralisado ang dinala ng mga tao sa bahay na tinutuluyan ni Jesus. Pero punong-puno ng tao ang bahay kaya hindi sila makapasok. Kaya binutas nila ang bubong at ibinaba ang lalaki kay Jesus. Sinabi ni Jesus sa lalaki: ‘Tumayo ka at lumakad.’ Nang makalakad ito, humanga ang mga tao.
Minsan naman, pagpasok ni Jesus sa isang nayon, may 10 lalaking ketongin sa malayo na sumisigaw: ‘Jesus, tulungan mo kami!’ Noon, ang mga ketongin ay hindi pinapayagang lumapit sa mga tao. Sinabihan ni Jesus ang mga lalaki na pumunta sa templo. Iyon kasi ang sinasabi ng Kautusan ni Jehova na dapat gawin ng mga may ketong kapag magaling na sila. Naglalakad pa lang sila papunta sa templo, gumaling na sila. Nang makita ng isa sa mga lalaking may ketong na
magaling na siya, bumalik siya para magpasalamat kay Jesus at purihin ang Diyos. Sa 10 ketongin, ang isang ito lang ang nagpasalamat kay Jesus.Isang babaeng 12 taon nang may sakit ang gustong-gusto nang gumaling. Nagpunta siya sa likuran ni Jesus at hinawakan ang dulo ng damit nito. Gumaling siya agad. Nagtanong si Jesus: “Sino ang humipo sa akin?” Takót na takót ang babae, pero lumapit siya kay Jesus at sinabi ang totoo. Pinakalma ni Jesus ang babae at sinabi: ‘Anak, umuwi ka na at huwag nang mag-alala.’
Isang opisyal na ang pangalan ay Jairo ang nagmakaawa kay Jesus: ‘Pumunta ka sa amin! Malubha ang anak ko.’ Pero bago pa man makarating si Jesus sa bahay ni Jairo, namatay na ang bata. Nang dumating si Jesus, nakita niyang marami ang nandoon para makiramay sa pamilya. Sinabi ni Jesus: ‘Huwag kayong umiyak; natutulog lang siya.’ Pagkatapos ay hinawakan niya ang kamay ng bata at sinabi: “Dalagita, bumangon ka!” Agad na umupo ang bata, at sinabi ni Jesus sa mga magulang na pakainin ito. Tiyak na ang saya-saya ng mga magulang niya!
“Inatasan siya ng Diyos sa pamamagitan ng banal na espiritu at binigyan ng kapangyarihan, at lumibot siya sa lupain habang gumagawa ng mabuti at pinagagaling ang lahat ng pinahihirapan ng Diyablo, dahil sumasakaniya ang Diyos.”—Gawa 10:38