ARAL 92
Nagpakita si Jesus sa mga Mangingisda
Ilang araw matapos magpakita si Jesus sa mga apostol, nagpasiya si Pedro na mangisda sa Lawa ng Galilea. Sumama sa kaniya sina Tomas, Santiago, Juan, at iba pang alagad. Buong gabi silang nangisda, pero wala silang nahuli.
Kinaumagahan, may nakita silang lalaking nakatayo sa dalampasigan. Sumigaw ang lalaki: ‘May huli ba kayo?’ Sinabi nila: “Wala!” Sinabi ng lalaki: ‘Ihagis n’yo ang lambat sa gawing kanan ng bangka.’ Nang ihagis nila ang lambat, napuno ito ng isda, at sa sobrang dami, hindi nila ito maisampa sa bangka. Nakilala ni Juan na si Jesus iyon at sinabi niya: “Ang Panginoon iyon!” Agad na tumalon si Pedro sa tubig at lumangoy papunta sa dalampasigan. Sumunod naman ang ibang alagad sakay ng bangka.
Pagdating nila sa dalampasigan, nakita nilang may nilulutong tinapay at isda. Sinabi ni Jesus sa kanila na kumuha ng isdang nahuli nila para
idagdag sa pagkain. ’Tapos, sinabi niya: ‘Tara, mag-almusal tayo.’Pagkatapos kumain, tinanong ni Jesus si Pedro: ‘Mas mahal mo ba ako kaysa sa pangingisda?’ Sinabi ni Pedro: ‘Opo, Panginoon. Alam mong mahal kita.’ Sinabi ni Jesus: ‘Pakainin mo ang aking mga tupa.’ Nagtanong ulit si Jesus: ‘Pedro, mahal mo ba ako?’ Sinabi ni Pedro: “Panginoon, alam mong mahal kita.” Sinabi ni Jesus: “Pastulan mo ang aking maliliit na tupa.” Nagtanong si Jesus sa ikatlong pagkakataon. Nalungkot si Pedro, kaya sinabi niya: ‘Panginoon, alam mo ang lahat ng bagay. Alam mong mahal kita.’ Sinabi ni Jesus: “Pakainin mo ang aking maliliit na tupa.” Idinagdag pa niya: “Patuloy kang sumunod sa akin.”
“Sinabi [ni Jesus] sa kanila: ‘Sumunod kayo sa akin, at gagawin ko kayong mangingisda ng tao.’ Agad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kaniya.”—Mateo 4:19, 20