ARAL 89
Hindi Inamin ni Pedro na Kilala Niya si Jesus
Noong kasama ni Jesus ang mga apostol sa isang kuwarto bago siya arestuhin, sinabi niya sa kanila: ‘Iiwan n’yo akong lahat ngayong gabi.’ Sinabi ni Pedro: ‘Ako hindi! Kahit iwan ka nilang lahat, hinding-hindi kita iiwan.’ Pero sinabi ni Jesus kay Pedro: ‘Bago tumilaok ang tandang, tatlong beses mong sasabihing hindi mo ako kilala.’
Nang dalhin ng mga sundalo si Jesus sa bahay ni Caifas, tumakas ang karamihan sa mga apostol. Pero dalawa sa kanila ang sumunod. Isa dito si Pedro. Pumunta siya sa bakuran ng bahay ni Caifas at nagpainit sa tabi ng apoy. Namukhaan ng isang babaeng tagapaglingkod si Pedro at sinabi: ‘Kilala kita! Kasama ka ni Jesus!’
Sinabi ni Pedro: ‘Hindi, a! Hindi ko alam ang sinasabi mo!’ Pumunta si Pedro sa may pinto. Pero nakita siya ng isa pang babaeng tagapaglingkod, at sinabi nito sa mga tao: ‘Kasama siya ni Jesus!’ Sinabi ni Pedro: ‘Hindi ko nga kilala si Jesus!’ Sinabi ng isang lalaki: ‘Kasama ka niya! Kasi ’yang pagsasalita mo, halatang taga-Galilea ka, gaya ni Jesus.’ Pero sumumpa si Pedro: ‘Hindi ko siya kilala!’
Biglang tumilaok ang tandang. Nakita ni Pedro na tumingin sa kaniya si Jesus. Naalaala niya ang sinabi ni Jesus, kaya lumabas siya at umiyak nang umiyak.
Samantala, nagtipon ang Sanedrin para litisin si Jesus sa bahay ni Caifas. Bago pa man ang paglilitis, may desisyon na silang patayin si Jesus, at ngayon ay naghahanap sila ng dahilan para gawin iyon. Pero wala silang makita. Bandang huli, tinanong ni Caifas si Jesus: ‘Ikaw ba ang Anak ng Diyos?’ Sumagot si Jesus: ‘Oo.’ Sinabi ni Caifas: ‘Hindi na natin kailangan ng anumang ebidensiya. Paglapastangan ito sa Diyos!’ Nagkaisa ang korte: ‘Dapat mamatay ang taong ito.’ Sinampal nila si Jesus, dinuraan, nilagyan ng piring ang mga mata,
at sinuntok. Sinabi nila: ‘Kung propeta ka, hulaan mo kung sino’ng sumuntok sa iyo!’Pagsikat ng araw, dinala nila si Jesus sa Sanedrin at tinanong siya ulit: “Ikaw ba ang Anak ng Diyos?” Sumagot si Jesus: “Kayo mismo ang nagsasabi niyan.” Sinabi nilang nagkasala siya ng paglapastangan sa Diyos at dinala nila siya sa palasyo ni Poncio Pilato, ang Romanong gobernador. Ano ang nangyari pagkatapos nito? Tingnan natin.
“Malapit nang dumating ang oras na mangangalat kayo, bawat isa sa sarili niyang bahay, at iiwan ninyo akong mag-isa. Pero hindi ako nag-iisa dahil kasama ko ang Ama.”—Juan 16:32