ARAL 94
Tumanggap ng Banal na Espiritu ang mga Alagad
Sampung araw pagkabalik ni Jesus sa langit, tumanggap ng banal na espiritu ang kaniyang mga alagad. Iyon ay noong Pentecostes 33 C.E., at nagdatingan sa Jerusalem ang mga tao mula sa maraming lugar para magdiwang. Mga 120 alagad ni Jesus ang nagtitipon sa kuwarto sa itaas ng isang bahay. Biglang may nangyari. May lumitaw na parang apoy sa ulo ng bawat alagad, at nakapagsalita sila ng iba’t ibang wika. Dinig na dinig sa buong bahay ang ingay na parang malakas na bugso ng hangin.
Narinig iyon ng mga tagaibang bansa na bumisita sa Jerusalem, at tumakbo sila papunta sa bahay para tingnan kung ano ang nangyayari. Humanga sila nang marinig nilang nagsasalita ng iba’t ibang wika ang mga alagad. Sinabi nila: ‘Mga taga-Galilea sila, ’di ba? Paano sila nakapagsalita ng wika natin?’
Pagkatapos, tumayo si Pedro at ang iba pang apostol sa harap ng mga tao. Sinabi ni Pedro sa kanila na si Jesus ay pinatay at na binuhay
siyang muli ni Jehova. Sinabi ni Pedro: ‘Nasa langit na ngayon si Jesus sa kanan ng Diyos, at ibinuhos niya ang ipinangakong banal na espiritu. Iyan ang dahilan kung bakit nakita n’yo at narinig ang mga himalang ito.’Napakilos ang mga tao sa pananalita ni Pedro, kaya nagtanong sila: ‘Ano’ng gagawin namin?’ Sinabi niya sa kanila: ‘Magsisi kayo at magpabautismo sa pangalan ni Jesus. Makakatanggap din kayo ng banal na espiritu.’ Nang araw na iyon, mga 3,000 ang nabautismuhan. Mula noon, mabilis na dumami ang mga alagad sa Jerusalem. Sa tulong ng banal na espiritu, nagtatag ang mga apostol ng marami pang kongregasyon para maituro nila sa mga alagad ang lahat ng iniutos ni Jesus sa kanila.
“Kung hayagan mong sinasabi sa pamamagitan ng iyong bibig na si Jesus ay Panginoon, at nananampalataya ka sa puso mo na binuhay siyang muli ng Diyos, ikaw ay maliligtas.”—Roma 10:9