ARAL 38
Galing kay Jehova ang Lakas ni Samson
Maraming Israelita ang sumamba na naman sa mga idolo, kaya hinayaan ni Jehova na sakupin sila ng mga Filisteo. Pero may ilang Israelitang nagmamahal kay Jehova. Isa na dito si Manoa. Silang mag-asawa ay walang anak. Isang araw, pinapunta ni Jehova ang isang anghel sa asawa ni Manoa. Sinabi ng anghel: ‘Magkakaanak ka ng lalaki. Ililigtas niya ang Israel mula sa mga Filisteo. Magiging Nazareo siya.’ Alam mo ba kung ano ang mga Nazareo? Mga espesyal na lingkod sila ni Jehova. Ang mga Nazareo ay hindi puwedeng magpaputol ng buhok.
Nang maglaon, isinilang ang anak na lalaki ni Manoa, at pinangalanan niya itong Samson. Nang lumaki si Samson, ginawa siyang malakas ni Jehova. Kayang pumatay ni Samson ng isang leon gamit lang ang mga kamay niya. Minsan, 30 Filisteo ang pinatay niyang mag-isa. Galít na galít sa kaniya ang mga Filisteo at gusto nila siyang patayin. Isang gabi, habang natutulog si Samson sa Gaza, pumunta sila sa may pasukan ng lunsod at inabangan siya doon para patayin siya kinaumagahan. Pero nang maghatinggabi, bumangon si Samson at pumunta sa may pasukan ng lunsod at tinanggal ang napakalaking pinto ng lunsod. Pinasan niya ito at dinala sa tuktok ng bundok na malapit sa Hebron!
Nang maglaon, pinuntahan ng mga Filisteo ang nobya ni Samson, si Delaila, at sinabi: ‘Bibigyan ka namin ng libo-libong piraso ng pilak kapag nalaman mo kung bakit napakalakas ni Samson. Gusto namin siyang hulihin at ikulong.’ Mukhang pera si Delaila, kaya pumayag siya. Noong una, ayaw sabihin ni Samson kung bakit napakalakas niya. Pero kinulit siya ni Delaila kaya sinabi na rin niya ang sekreto niya. ‘Hindi pa nagugupitan ang buhok ko kahit kailan kasi Nazareo ako,’ ang sabi ni Samson. ‘Kapag ginupit ang buhok ko, manghihina ako.’ Napakalaking pagkakamali na sinabi iyon ni Samson kay Delaila, ’di ba?
Dali-daling sinabi ni Delaila sa mga Filisteo: ‘Alam ko na ang sekreto niya!’ Pinatulog niya si Samson sa kandungan niya, at ipinaputol ang buhok nito. Sumigaw si Delaila: ‘Samson, may mga Filisteo!’ Paggising ni Samson, wala na ang lakas niya. Sinunggaban siya ng mga Filisteo, binulag, at ikinulong.
Isang araw, nagsama-sama ang libo-libong Filisteo sa templo ng diyos nilang si Dagon, at sumigaw: ‘Ibinigay sa atin ng ating diyos si Samson! Ilabas si Samson! Gawin natin siyang katatawanan.’ Pinatayo nila siya sa pagitan ng dalawang haligi, at inasar siya. Nanalangin si Samson nang malakas: ‘O Jehova, bigyan n’yo po ulit ako ng lakas, kahit ngayon lang.’ Nang panahong ito, mahaba na ulit ang buhok ni Samson. Itinulak niya nang buong lakas ang mga haligi ng templo. Nagiba ang templo, at namatay ang lahat ng nasa loob nito, pati na si Samson.
“May lakas akong harapin ang anumang bagay dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.”—Filipos 4:13