ARAL 37
Nakipag-usap si Jehova kay Samuel
Ang mataas na saserdoteng si Eli ay may dalawang anak na lalaki na mga saserdote sa tabernakulo. Sila ay sina Hopni at Pinehas. Hindi sila sumusunod sa mga batas ni Jehova, at mga salbahe sila. Kapag nagdadala ang mga Israelita ng hain para kay Jehova, kinukuha nina Hopni at Pinehas ang pinakamasarap na parte ng karne. Alam ni Eli ang ginagawa ng mga anak niya, pero hindi niya sila sinasaway. Hahayaan na lang kaya ito ni Jehova?
Kahit mas bata si Samuel kaysa kina Hopni at Pinehas, hindi siya gumaya sa kanila. Natuwa si Jehova kay Samuel. Isang gabi habang natutulog si Samuel, narinig niyang may tumatawag sa kaniya. Bumangon siya, tumakbo kay Eli, at sinabi: ‘Bakit po?’ Pero sinabi ni Eli: ‘Hindi kita tinatawag. Matulog ka ulit.’ Bumalik sa higaan si Samuel. Naulit na naman iyon. Nang marinig ni Samuel sa ikatlong pagkakataon ang boses, naisip ni Eli na si Jehova ang tumatawag kay Samuel. Sinabi niya kay Samuel na kapag narinig ulit nito ang boses, dapat nitong sabihin: ‘Ano po iyon, Diyos na Jehova? Nakikinig po ako.’
Bumalik ulit si Samuel sa higaan. ’Tapos, narinig niya: ‘Samuel! Samuel!’ Sumagot siya: ‘Ano po iyon? Nakikinig po ako.’ Sinabi sa kaniya ni Jehova: ‘Sabihin mo kay Eli na paparusahan ko siya at ang
pamilya niya. Alam niyang gumagawa ng masama ang mga anak niya sa aking tabernakulo, pero hindi niya sila sinasaway.’ Kinaumagahan, binuksan ni Samuel ang mga pinto ng tabernakulo, na lagi niyang ginagawa. Natatakot siyang sabihin sa mataas na saserdote ang sinabi ni Jehova. Pero ipinatawag siya ni Eli at tinanong: ‘Anak ko, ano ang sinabi ni Jehova? Sabihin mo’ng lahat sa akin.’ Kaya sinabi ni Samuel kay Eli ang lahat.Habang lumalaki si Samuel, patuloy siyang sinusuportahan ni Jehova. Alam ng buong Israel na si Samuel ang pinili ni Jehova na maging propeta at hukom.
“Alalahanin mo ngayon ang iyong Dakilang Maylalang habang kabataan ka pa.”—Eclesiastes 12:1