Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARAL 43

Ang Kasalanan ni Haring David

Ang Kasalanan ni Haring David

Nang mamatay si Saul, naging hari si David. Siya ay 30 taóng gulang noon. Pagkaraan ng ilang taóng paghahari niya, isang gabi ay may natanaw siyang magandang babae mula sa bubong ng palasyo niya. Nalaman ni David na Bat-sheba ang pangalan nito at na asawa ito ng sundalong si Uria. Ipinatawag ni David sa palasyo si Bat-sheba. Gumawa sila ng imoralidad, at nagdalang-tao si Bat-sheba. Gustong isekreto ni David ang ginawa niya. Inutusan niya ang heneral ng hukbo na ilagay si Uria sa unahan ng labanan at pagkatapos ay iwanan ito. Nang mapatay si Uria sa digmaan, pinakasalan ni David si Bat-sheba.

Pero nakita ni Jehova ang lahat ng nangyari. Ano kaya ang gagawin niya? Pinapunta ni Jehova kay David si propeta Natan. Sinabi ni Natan: ‘May isang mayamang lalaki na may maraming tupa, at may isang mahirap na lalaki na iisa lang ang tupa; mahal na mahal niya ito. Pero kinuha ng mayaman ang tupa ng lalaking mahirap.’ Nagalit si David at sinabi: ‘Dapat mamatay ang mayamang lalaking iyon!’ Pagkatapos, sinabi ni Natan kay David: ‘Ikaw ang mayamang lalaking iyon!’ Hiyang-hiya si David sa ginawa niya, at inamin niya kay Natan: “Nagkasala ako kay Jehova.” Dahil sa kasalanang ito, nagkaroon ng maraming problema si David at ang pamilya niya. Pinarusahan ni Jehova si David pero hinayaan pa rin niya itong mabuhay dahil ito ay tapat at mapagpakumbaba.

Gusto ni David na magtayo ng templo para kay Jehova, pero ang anak niyang si Solomon ang pinili ni Jehova na magtayo nito. Inihanda ni David ang mga kakailanganin ni Solomon at sinabi: ‘Dapat na maging magandang-maganda ang templo ni Jehova. Bata pa si Solomon kaya tutulungan ko siya. Ihahanda ko ang mga kailangan niya.’ Nagbigay si David ng napakalaking pera para sa pagtatayo. Naghanap siya ng magagaling na trabahador. Nag-ipon siya ng mga ginto at pilak, at nagpakuha ng mga sedro mula sa Tiro at Sidon. Noong malapit na siyang mamatay, ibinigay ni David kay Solomon ang plano para sa pagtatayo ng templo. Sinabi niya: ‘Ipinasulat ito sa akin ni Jehova para sa iyo. Tutulungan ka ni Jehova. Huwag kang matakot. Simulan mo na ang trabaho.’

“Ang nagtatago ng kaniyang mga kasalanan ay hindi magtatagumpay, pero ang nagtatapat at tumatalikod sa mga iyon ay kaaawaan.”​—Kawikaan 28:13