Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARAL 42

Ang Tapat at Matapang na si Jonatan

Ang Tapat at Matapang na si Jonatan

Si Jonatan ang panganay na anak ni Haring Saul. Isa siyang matapang na mandirigma. Sinabi ni David na mas mabilis pa si Jonatan kaysa sa agila at mas malakas pa kaysa sa leon. Isang araw, may nakita si Jonatan na 20 sundalong Filisteo sa isang buról. Sinabi niya sa sundalong kasama niya: ‘Sasalakayin lang natin sila kapag nagbigay si Jehova ng tanda. Kapag sinabihan tayo ng mga Filisteo na umakyat, iyon na ang tanda.’ Sumigaw ang mga Filisteo: ‘Umakyat kayo at makipaglaban sa amin!’ Kaya umakyat ang dalawa at tinalo ang mga Filisteo.

Dahil si Jonatan ang panganay na anak ni Saul, siya dapat ang susunod na hari. Pero alam ni Jonatan na si David ang pinili ni Jehova na maging susunod na hari ng Israel. Imbes na mainggit, naging matalik na kaibigan ni Jonatan si David. Nangako silang poprotektahan nila at ipagtatanggol ang isa’t isa. Ibinigay ni Jonatan kay David ang kaniyang damit, espada, pana, at sinturon bilang tanda ng pagkakaibigan nila.

Noong panahong tumatakas si David kay Saul, pinuntahan siya ni Jonatan at sinabi: ‘Huwag kang matakot. Ikaw ang pinili ni Jehova na maging hari, at alam ’yan ng aking ama.’ Gusto mo bang magkaroon ng mabuting kaibigan na gaya ni Jonatan?

Ilang beses ding nanganib ang buhay ni Jonatan dahil sa pagtulong sa kaibigan niya. Alam niyang gustong patayin ni Haring Saul si David, kaya sinabi niya sa kaniyang ama: ‘Magkakasala ka kapag pinatay mo si David; wala naman siyang kasalanan sa iyo.’ Nagalit si Saul kay Jonatan. Makalipas ang ilang taon, magkasamang namatay sa digmaan sina Saul at Jonatan.

Hinanap ni David ang anak ni Jonatan na si Mepiboset. Nang magkita sila, sinabi ni David kay Mepiboset: ‘Matalik kong kaibigan ang iyong ama, kaya hindi kita pababayaan. Maninirahan ka sa palasyo ko at kakain sa mesa ko.’ Hindi nalimutan ni David ang kaibigan niyang si Jonatan.

“Ibigin ninyo ang isa’t isa kung paanong inibig ko kayo. Walang pag-ibig na hihigit pa kaysa sa pag-ibig ng isa na nagbibigay ng sarili niyang buhay para sa mga kaibigan niya.”​—Juan 15:12, 13