ARAL 53
Ang Katapangan ni Jehoiada
May anak na babae si Jezebel na ang pangalan ay Athalia, at napakasama niya gaya ng kaniyang ina. Naging asawa ni Athalia ang hari ng Juda. Pagkamatay ng hari, ang anak nila ang namahala. Pero nang mamatay din ito, ginawa ni Athalia ang sarili niya bilang tagapamahala ng Juda. Pagkatapos, tinangka niyang patayin ang lahat ng tagapagmana ng kaharian na dapat mamahala sa halip na siya, kahit pa nga sarili niyang mga apo. Takót na takót sa kaniya ang lahat.
Alam ng mataas na saserdoteng si Jehoiada at ng asawa niyang si Jehosheba ang kasamaang ginagawa ni Athalia. Kahit mapanganib, itinago nila ang isa sa mga apo ni Athalia, ang sanggol na si Jehoas. Pinalaki nila ito sa templo.
Nang pitong taóng gulang na si Jehoas, ipinatawag ni Jehoiada ang lahat ng pinuno at mga Levita at sinabi sa kanila: ‘Magbantay kayo sa pinto ng templo, at huwag kayong magpapapasok ng kahit sino.’ Pagkatapos, nilagyan ni Jehoiada ng korona si Jehoas bilang hari ng Juda. Sumigaw ang mamamayan ng Juda: “Mabuhay ang hari!”
Narinig ni Reyna Athalia ang sigaw ng mga tao kaya dali-dali siyang pumunta sa templo. Nang makita niya ang bagong hari, sumigaw siya: “Sabuwatan! Sabuwatan!” Sinunggaban ng mga pinuno ang napakasamang reyna, inilabas ito sa templo, at pinatay. Pero paano ang masamang impluwensiyang iniwan niya sa bayan?
Tinulungan ni Jehoiada ang bayan na makipagtipan kay Jehova, na nangangakong si Jehova lang ang sasambahin nila. Inutusan sila ni Jehoiada na gibain ang templo ni Baal at durugin ang mga diyos-diyusan.
Inatasan niya ang mga saserdote at mga Levita na maglingkod sa templo para muling sumamba doon ang mga tao. Naglagay siya ng mga bantay sa pasukan ng templo para hindi makapasok ang sinumang marumi. Pagkatapos, si Jehoas ay dinala ni Jehoiada at ng mga pinuno sa palasyo at pinaupo ito sa trono. Masayang-masaya ang mga taga-Juda. Masasamba na nila si Jehova nang walang impluwensiya ng napakasamang si Athalia at ng pagsamba kay Baal. Nakita mo ba kung paano nakatulong sa mga tao ang katapangan ni Jehoiada?“Huwag kayong matakot sa makapapatay sa katawan pero hindi makapupuksa sa buhay; sa halip, matakot kayo sa makapupuksa sa buhay at katawan sa Gehenna.”—Mateo 10:28