Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 2

Talaga Bang ‘Makalalapit Ka sa Diyos’?

Talaga Bang ‘Makalalapit Ka sa Diyos’?

1, 2. (a) Ano ang tila malayong mangyari para sa marami, subalit ano ang tinitiyak sa atin ng Bibliya? (b) Ipinagkaloob kay Abraham ang anong matalik na ugnayan, at bakit?

 ANO ang madarama mo kung ang Maylalang ng langit at lupa ay magsabi patungkol sa iyo, “Ito ang aking kaibigan”? Para sa marami, iyan ay tila malayong mangyari. Kung sa bagay, paano nga ba maaaring makipagkaibigan ang isang hamak na tao sa Diyos na Jehova? Gayunman, tinitiyak sa atin ng Bibliya na talagang maaari tayong mapalapít sa Diyos.

2 Si Abraham noon ay isa na nagtamasa ng gayong malapít na ugnayan. Tinukoy ni Jehova ang patriyarkang ito bilang “kaibigan ko.” (Isaias 41:8) Oo, itinuring ni Jehova si Abraham na isang personal na kaibigan. Ipinagkaloob kay Abraham ang matalik na ugnayang iyan sapagkat siya’y “nanampalataya kay Jehova.” (Santiago 2:23) Gayundin sa ngayon. Si Jehova ay naghahanap ng mga pagkakataon upang maging malapít at ‘magpakita ng pag-ibig’ sa mga naglilingkod sa kaniya. (Deuteronomio 10:15) Ang kaniyang Salita ay humihimok: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.” (Santiago 4:8) Masusumpungan natin sa mga salitang ito ang isang paanyaya at isang pangako.

3. Anong paanyaya ang ipinaaabot ni Jehova sa atin, at anong pangako ang kaugnay nito?

3 Inaanyayahan tayo ni Jehova na lumapit sa kaniya. Siya ay handa at may pagnanais na tanggapin tayo bilang mga kaibigan. Nangangako din siya na kung tayo’y gagawa ng mga hakbang upang maging malapít sa kaniya, gayundin ang gagawin niya. Lalapit siya sa atin. Kaya tayo ay makakapasok sa isang bagay na totoong napakahalaga—ang maging “matalik niyang kaibigan.” (Awit 25:14) Ang pagiging ‘matalik na kaibigan’ ay nagbibigay ng ideya ng pribadong pakikipag-usap sa isang natatanging kaibigan.

4. Paano mo ilalarawan ang isang matalik na kaibigan, at sa anong paraan pinatunayan ni Jehova na siya’y gayong uri ng kaibigan doon sa mga malapít sa kaniya?

4 May matalik ka bang kaibigan na maaari mong sabihan ng niloloob mo? Ang gayong kaibigan ay isa na nagmamalasakit sa iyo. May tiwala ka sa kaniya sapagkat napatunayan mong siya’y tapat. Tumitindi ang iyong kagalakan kapag ibinabahagi mo iyon sa kaniya. Gumagaan ang pinapasan mong kalungkutan dahil sa kaniyang madamaying pakikinig. Kahit sa wari’y wala nang nakauunawa sa iyo, inuunawa ka niya. Sa katulad na paraan, kung ikaw ay malapít sa Diyos, nagkakaroon ka ng isang natatanging Kaibigan na tunay na nagpapahalaga sa iyo, taimtim na nagmamalasakit, at lubos na nakauunawa sa iyo. (Awit 103:14; 1 Pedro 5:7) Ipinagkakatiwala mo sa kaniya ang niloloob mo, sapagkat batid mong siya’y tapat sa mga tapat sa kaniya. (Awit 18:25) Gayunman, natatamo natin ang pribilehiyong ito ng matalik na pakikipagkaibigan sa Diyos dahil ginawa niya itong posible.

Binuksan ni Jehova ang Daan

5. Ano ang ginawa ni Jehova upang maging posible para sa atin na mapalapít sa kaniya?

5 Kung sa ating sarili lamang, tayo bilang mga makasalanan ay hindi kailanman mapapalapít sa Diyos. (Awit 5:4) “Pero ipinakita sa atin ng Diyos ang kaniyang pag-ibig sa ganitong paraan: Namatay si Kristo para sa atin habang makasalanan pa tayo,” isinulat ni apostol Pablo. (Roma 5:8) Oo, isinaayos ni Jehova na “ibigay [ni Jesus] ang buhay niya bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Mateo 20:28) Naging posible tayong mapalapít sa Diyos dahil sa pananampalataya natin sa haing pantubos na iyan. Yamang ang Diyos ang “unang umibig sa atin,” inilatag niya ang pundasyon upang maging posible ang pakikipagkaibigan natin sa kaniya.​—1 Juan 4:19.

6, 7. (a) Paano natin nalalaman na si Jehova ay hindi isang Diyos na nakatago at imposibleng makilala? (b) Sa anong mga paraan ipinakilala ni Jehova ang kaniyang sarili?

6 May ginawa pa si Jehova. Ipinakilala niya ang kaniyang sarili sa atin. Sa anumang pagkakaibigan, ang pagiging malapít ay nakasalig sa tunay na pagkakilala sa isang tao, na pinahahalagahan ang kaniyang mga katangian at pamamaraan. Kaya kung si Jehova ay isang Diyos na nakatago at imposibleng makilala, hindi tayo kailanman maaaring maging malapít sa kaniya. Subalit, sa halip na itago ang kaniyang sarili, ninais niyang makilala natin siya. (Isaias 45:19) Bukod diyan, ang kaniyang isiniwalat tungkol sa kaniyang sarili ay para sa lahat, maging sa ilan sa atin na maaaring itinuturing ng sanlibutan na hamak.​—Mateo 11:25.

Isiniwalat ni Jehova ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng kaniyang mga nilalang at ng kaniyang nasusulat na Salita

7 Paano ipinakilala ni Jehova ang kaniyang sarili sa atin? Ipinababatid ng kaniyang mga nilalang ang ilang aspekto ng kaniyang personalidad—ang kadakilaan ng kaniyang kapangyarihan, ang kalaliman ng kaniyang karunungan, ang kasaganaan ng kaniyang pag-ibig. (Roma 1:20) Subalit hindi natatapos sa mga nilalang niya ang pagpapakilala ni Jehova ng kaniyang sarili. Bilang ang Dakilang Tagapagpabatid, naglaan siya ng isang nasusulat na pagsisiwalat tungkol sa kaniyang sarili sa kaniyang Salita, ang Bibliya.

Ipinakilala ni Jehova sa Kaniyang Salita ang Sarili Niya

8. Bakit masasabi na ang Bibliya mismo ay ebidensiya ng pag-ibig ni Jehova sa atin?

8 Ang Bibliya mismo ay ebidensiya ng pag-ibig ni Jehova sa atin. Dito, ipinakilala niya ang kaniyang sarili sa paraang mauunawaan natin—patotoo na hindi lamang niya tayo iniibig kundi nais din niyang siya’y makilala at ibigin natin. Ang ating mababasa sa mahalagang aklat na ito ay tutulong sa atin na mapalapít sa kaniya. (Awit 1:1-3) Talakayin natin ang ilang kasiya-siyang paraan ng pagsisiwalat ni Jehova ng kaniyang sarili sa kaniyang Salita.

9. Ano ang ilang halimbawa ng tuwirang mga pangungusap sa Bibliya na nagpapakilala sa mga katangian ng Diyos?

9 Ang Kasulatan ay naglalaman ng maraming tuwirang pangungusap na nagpapakilala sa mga katangian ng Diyos. Pansinin ang ilang halimbawa. “Iniibig ni Jehova ang katarungan.” (Awit 37:28) “Napakalakas ng kapangyarihan” ng Diyos. (Job 37:23) “‘Tapat ako,’ ang sabi ni Jehova.” (Jeremias 3:12) “Marunong siya.” (Job 9:4) Siya ay “isang Diyos na maawain at mapagmalasakit, hindi madaling magalit at sagana sa tapat na pag-ibig at katotohanan.” (Exodo 34:6) “Ikaw, O Jehova, ay mabuti at handang magpatawad.” (Awit 86:5) At, gaya ng binanggit sa naunang kabanata, isang katangian ang nangingibabaw: “Ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Habang minumuni-muni mo ang kalugod-lugod na mga katangiang ito, hindi ka ba naaakit sa walang-kapantay na Diyos na ito?

10, 11. (a) Upang matulungan tayong mailarawan sa isip ang kaniyang personalidad, ano ang inilakip ni Jehova sa kaniyang Salita? (b) Anong halimbawa sa Bibliya ang tumutulong sa atin na mailarawan sa isip ang aktibong kapangyarihan ng Diyos?

10 Bukod sa pagsasabi sa atin kung ano ang kaniyang mga katangian, maibiging inilakip ni Jehova sa kaniyang Salita ang espesipikong mga halimbawa kung paano niya ipinakita ang mga katangiang ito. Makatutulong sa atin ang mga salaysay na ito para mailarawan sa isip ang iba’t ibang pitak ng kaniyang personalidad. Iyan naman ang tumutulong sa atin upang maging malapít sa kaniya. Tingnan ang isang halimbawa.

Ang Bibliya ay tumutulong sa atin na maging malapít kay Jehova

11 Sa Bibliya, nabasa mo na “kamangha-mangha ang kapangyarihan” ng Diyos. (Isaias 40:26) Pero isipin na lang kapag nabasa mo kung paano niya iniligtas ang Israel sa Dagat na Pula at pagkatapos ay tinustusan ang bansa sa ilang sa loob ng 40 taon. Maaari mong gunigunihin ang umaalimbukay na tubig habang ito’y nahahati. Mailalarawan mo sa iyong isip ang bansa—marahil ay 3,000,000 lahat-lahat—na tumatawid sa tuyong sahig ng dagat, habang nasa magkabilang panig nila ang tubig na parang matataas na pader. (Exodo 14:21; 15:8) Makikita mo ang katibayan ng maingat na pangangalaga ng Diyos habang nasa ilang. Ang tubig ay dumaloy mula sa bato. Ang pagkain, na tulad ng mapuputing buto, ay lumitaw sa ibabaw ng lupa. (Exodo 16:31; Bilang 20:11) Isinisiwalat dito ni Jehova hindi lamang ang pagtataglay niya ng kapangyarihan kundi ang paggamit niya nito alang-alang sa kaniyang bayan. Hindi ba’t nakapagpapalakas-loob na malaman na ang ating mga panalangin ay pumapailanlang sa isang makapangyarihang Diyos na “ating kanlungan at lakas, [at] handa siyang tumulong kapag may mga problema”?​—Awit 46:1.

12. Paano tayo tinutulungan ni Jehova na “makita” siya sa paraang mauunawaan natin?

12 Si Jehova, na isang Espiritu, ay gumawa ng higit pa upang tulungan tayo na makilala siya. Bilang mga tao, limitado tayo sa nakikita lamang ng ating mga mata at sa gayo’y hindi natin nakikita ang mga espiritung nilalang. Kung ilalarawan ng Diyos ang kaniyang sarili sa atin sa mga terminong ginagamit ng mga espiritu, para na ring sinisikap mong ipaliwanag ang mga detalye ng iyong hitsura, gaya ng kulay ng iyong mata o mga pekas, sa isang ipinanganak na bulag. Sa halip, buong kabaitang tinutulungan tayo ni Jehova na “makita” siya sa mga terminong mauunawaan natin. Kung minsan, gumagamit siya ng mga metapora at paghahalintulad, anupat inihahambing niya ang kaniyang sarili sa mga bagay na alam natin. Inilalarawan pa nga niya ang kaniyang sarili na parang nagtataglay ng ilang sangkap ng tao. a

13. Anong larawan sa isipan ang nililikha ng Isaias 40:11, at paano iyon nakaaapekto sa iyo?

13 Pansinin ang paglalarawan kay Jehova na masusumpungan sa Isaias 40:11: “Gaya ng isang pastol, aalagaan niya ang kawan niya. Titipunin ng kaniyang bisig ang mga kordero, at bubuhatin niya sila sa kaniyang dibdib.” Dito ay inihahalintulad si Jehova sa isang pastol na bumubuhat sa mga kordero sa pamamagitan ng “kaniyang bisig.” Ito ay tumutukoy sa kakayahan ng Diyos na protektahan at suportahan ang kaniyang bayan, maging yaong lubhang mahihina. Madarama nating ligtas tayo sa kaniyang malalakas na bisig, sapagkat kung tayo’y tapat sa kaniya, hinding-hindi niya tayo pababayaan. (Roma 8:38, 39) Binubuhat ng Dakilang Pastol ang mga kordero “sa kaniyang dibdib”—isang ekspresyon na tumutukoy sa maluluwag na tupi sa bandang itaas ng damit, na kung minsan ay ginagamit ng pastol upang kargahin ang isang bagong-silang na kordero. Kung gayon ay nakatitiyak tayo na si Jehova ay nagmamahal at nagmamalasakit sa atin. Natural lamang na naisin nating mapalapít sa kaniya.

‘Gustong Ituro ng Anak ang Tungkol sa Ama’

14. Bakit masasabi na inilalaan ni Jehova ang pinakamalinaw na pagsisiwalat ng kaniyang sarili sa pamamagitan ni Jesus?

14 Sa kaniyang Salita, inilalaan ni Jehova ang pinakamalinaw na pagsisiwalat ng kaniyang sarili sa pamamagitan ng kaniyang minamahal na Anak, si Jesus. Walang sinuman ang mas tumpak na makapagpapakilala sa pag-iisip at damdamin ng Diyos o mas malinaw na makapagpapaliwanag tungkol sa Kaniya maliban kay Jesus. Ang panganay na Anak na iyan ay kasama na ng kaniyang Ama bago pa man lalangin ang ibang espiritung nilalang at ang pisikal na uniberso. (Colosas 1:15) Kilalang-kilala ni Jesus si Jehova. Kaya naman masasabi niya: “Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang sinumang gustong turuan ng Anak tungkol sa Ama.” (Lucas 10:22) Nang nasa lupa bilang tao, isiniwalat ni Jesus ang kaniyang Ama sa dalawang mahalagang paraan.

15, 16. Sa anong dalawang paraan isiniwalat ni Jesus ang kaniyang Ama?

15 Una, ang mga turo ni Jesus ay tumutulong sa atin na makilala ang kaniyang Ama. Inilarawan ni Jesus si Jehova sa paraang nakaaantig sa ating puso. Halimbawa, upang ipaliwanag ang maawaing Diyos na muling tumatanggap sa mga nagsisising makasalanan, itinulad ni Jesus si Jehova sa isang mapagpatawad na ama na lubhang naantig nang makita ang kaniyang nagbabalik na alibughang anak anupat tumakbo siya at niyakap ang kaniyang anak at hinalikan ito. (Lucas 15:11-24) Inilarawan din ni Jesus si Jehova bilang isang Diyos na ‘naglalapit’ sa matuwid-pusong mga tao sapagkat iniibig niya sila bilang mga indibidwal. (Juan 6:44) Alam pa nga niya kapag nahuhulog sa lupa ang isang maliit na maya. “Huwag kayong matakot,” paliwanag ni Jesus, “mas mahalaga kayo kaysa sa maraming maya.” (Mateo 10:29, 31) Tiyak na nanaisin nating maging malapít sa gayong mapagmalasakit na Diyos.

16 Ikalawa, ipinapakita sa atin ng halimbawa ni Jesus kung anong uri ng Diyos si Jehova. Ganap na nasasalamin kay Jesus ang kaniyang Ama kaya nasabi niya: “Ang sinumang nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.” (Juan 14:9) Kaya kapag nababasa natin sa mga Ebanghelyo ang tungkol kay Jesus—ang damdaming ipinamalas niya at ang paraan ng pakikitungo niya sa iba—sa diwa ay nakikita natin ang isang buháy na larawan ng kaniyang Ama. Wala nang iba pang mas maliwanag na pagsisiwalat ng kaniyang mga katangian ang maibibigay ni Jehova sa atin maliban diyan. Bakit?

17. Ilarawan kung ano ang ginawa ni Jehova upang tulungan tayong maunawaan kung anong uri siya ng Diyos.

17 Isipin na sinisikap mong ipaliwanag kung ano ang kabaitan. Maaari mong bigyang-kahulugan ito sa pamamagitan ng mga salita. Subalit kung may maituturo kang isang tao na aktuwal na gumagawa ng kabaitan at sasabihing “Iyan ang isang halimbawa ng kabaitan,” ang salitang “kabaitan” ay nagkakaroon ng higit na kahulugan at nagiging mas madaling maunawaan. Ganiyan din ang ginawa ni Jehova upang tulungan tayong maunawaan kung anong uri siya ng Diyos. Bukod sa paglalarawan sa kaniyang sarili sa pamamagitan ng mga salita, pinaglaanan niya tayo ng buháy na halimbawa ng kaniyang Anak. Nakita kay Jesus kung paano aktuwal na ipinamamalas ang mga katangian ng Diyos. Sa pamamagitan ng mga ulat ng Ebanghelyo na naglalarawan kay Jesus, sa diwa, si Jehova ay nagsasabi: “Ganiyan ako.” Paano inilalarawan ng Bibliya si Jesus noong siya’y nasa lupa?

18. Paano ipinamalas ni Jesus ang mga katangian ng kapangyarihan, katarungan, at karunungan?

18 Makikita kay Jesus ang apat na pangunahing katangian ng Diyos. Siya’y may kapangyarihan sa sakit, gutom, maging sa kamatayan. Gayunman, di-gaya ng sakim na mga tao na umaabuso sa kanilang kapangyarihan, hinding-hindi siya gumamit ng makahimalang kapangyarihan para sa kaniyang sariling kapakanan o para saktan ang iba. (Mateo 4:2-4) Mahal niya ang katarungan. Ang kaniyang puso ay napuno ng matuwid na pagkagalit nang makitang pinagsasamantalahan ng di-makatarungang mga negosyante ang mga tao. (Mateo 21:12, 13) Pinakitunguhan niya ang mahihirap at ang naaapi nang walang pagtatangi, anupat tinutulungan ang mga ito na ‘maginhawahan.’ (Mateo 11:4, 5, 28-30) Walang kapantay na karunungan ang nasa mga turo ni Jesus, na “higit pa kay Solomon.” (Mateo 12:42) Subalit hindi kailanman ipinagparangya ni Jesus ang kaniyang karunungan. Ang kaniyang mga salita ay nakaabot sa puso ng karaniwang mga tao, sapagkat ang kaniyang mga turo ay maliwanag, simple, at praktikal.

19, 20. (a) Paanong si Jesus ay isang namumukod-tanging halimbawa ng pag-ibig? (b) Habang ating binabasa at binubulay-bulay ang halimbawa ni Jesus, ano ang dapat nating laging isaisip?

19 Si Jesus ay isang namumukod-tanging halimbawa ng pag-ibig. Sa buong ministeryo niya, nagpamalas siya ng pag-ibig sa maraming pitak nito, lakip na ang empatiya at awa. Hindi siya makatingin sa pagdurusa ng iba nang hindi naaawa. Paulit-ulit siyang napakilos ng awa at empatiya. (Mateo 14:14) Bagaman pinagaling niya ang mga maysakit at pinakain ang mga nagugutom, si Jesus ay nagpakita ng awa sa isang lalo pang mahalagang paraan. Tinulungan niya ang iba na kilalanin, tanggapin, at ibigin ang katotohanan tungkol sa Kaharian ng Diyos, na magdudulot ng permanenteng pagpapala sa sangkatauhan. (Marcos 6:34; Lucas 4:43) Higit sa lahat, si Jesus ay nagpakita ng mapagsakripisyong pag-ibig sa pamamagitan ng kusang pagbibigay ng sarili niyang buhay para sa iba.​—Juan 15:13.

20 Nakapagtataka ba kung ang mga taong may iba’t ibang edad at pinagmulan ay magnais na maging malapít sa lalaking ito na may magiliw na pagmamahal at masidhing damdamin? (Marcos 10:13-16) Gayunman, habang binabasa natin at binubulay-bulay ang buháy na halimbawa ni Jesus, lagi nating isaisip na nakikita natin sa Anak na ito ang isang malinaw na larawan ng kaniyang Ama.​—Hebreo 1:3.

Isang Pantulong sa Ating Pag-aaral

21, 22. Ano ang nasasangkot sa paghahanap kay Jehova, at ano ang nilalaman ng pantulong na ito upang matulungan tayo sa pagsisikap na ito?

21 Sa pamamagitan ng napakalinaw na pagsisiwalat niya ng kaniyang sarili sa kaniyang Salita, tinitiyak ni Jehova na nais niyang tayo ay mápalapít sa kaniya. Magkagayunman, hindi niya tayo pinipilit na magsikap na magkaroon ng isang sinang-ayunang kaugnayan sa kaniya. Pananagutan natin na hanapin si Jehova “habang makikita pa siya.” (Isaias 55:6) Ang paghahanap kay Jehova ay nagsasangkot sa pag-alam ng kaniyang mga katangian at pamamaraan gaya ng isiniwalat sa Bibliya. Ang pantulong sa pag-aaral na binabasa mo ngayon ay dinisenyo upang tulungan ka sa pagsisikap na iyan.

22 Mapapansin mo na ang aklat na ito ay nahahati sa mga seksiyon may kaugnayan sa apat na pangunahing katangian ni Jehova: kapangyarihan, katarungan, karunungan, at pag-ibig. Bawat seksiyon ay nagsisimula sa isang sumaryo ng katangian. Ang sumunod na ilang kabanata ay tumatalakay kung paano ipinamamalas ni Jehova ang katangiang iyan sa iba’t ibang aspekto nito. Bawat seksiyon ay naglalaman din ng isang kabanata na nagpapamalas kung paanong si Jesus ay naging halimbawa sa katangiang iyon, at gayundin ng isang kabanata na nagsusuri kung paano natin ito maipapakita sa ating buhay.

23, 24. (a) Ipaliwanag ang tampok na bahagi na “Mga Tanong Para sa Pagbubulay-bulay.” (b) Paano nakatutulong sa atin ang pagbubulay-bulay upang naisin na lalo pang mapalapít sa Diyos?

23 Simula sa kabanatang ito, may isang tampok na bahagi na pinamagatang “Mga Tanong Para sa Pagbubulay-bulay.” Halimbawa, tingnan ang  kahon sa pahina 28. Ang mga kasulatan at mga tanong ay hindi dinisenyo bilang isang repaso ng kabanata. Sa halip, ang layunin ng mga ito ay upang tulungan kang mag-isip-isip sa iba pang mahahalagang aspekto ng paksa. Paano mo mabisang magagamit ang bahaging ito? Tingnan ang bawat binanggit na teksto, at maingat na basahin ang mga talata. Pagkatapos ay isaalang-alang ang tanong na kalakip sa bawat binanggit na teksto. Pag-isipang mabuti ang mga sagot. Maaari kang magsaliksik. Itanong sa iyong sarili ang ilang karagdagang tanong: ‘Ano ang sinasabi sa akin ng impormasyong ito tungkol kay Jehova? Paano ito nakaaapekto sa aking buhay? Paano ko ito magagamit upang tulungan ang iba?’

24 Ang gayong pagbubulay-bulay ay makatutulong sa atin upang lalo pang mapalapít kay Jehova. Bakit? Iniuugnay ng Bibliya sa puso ang pagbubulay-bulay. (Awit 19:14) Kapag buong pagpapahalaga nating minumuni-muni ang ating natututuhan tungkol sa Diyos, ang impormasyon ay tumatagos sa ating puso, kung saan naaapektuhan nito ang ating pag-iisip, naaantig ang ating damdamin, at tayo ay napakikilos. Tumitindi ang ating pag-ibig sa Diyos, at dahil sa pag-ibig na iyan, napakikilos tayo na hangaring mapaluguran siya bilang ating pinakamamahal na Kaibigan. (1 Juan 5:3) Upang matamo ang gayong ugnayan, dapat na malaman natin ang mga katangian at pamamaraan ni Jehova. Gayunman, talakayin muna natin ang isang aspekto ng personalidad ng Diyos na naglalaan ng matibay na dahilan upang maging malapít sa kaniya—ang kaniyang kabanalan.

a Halimbawa, binabanggit sa Bibliya ang mukha, mata, tainga, ilong, bibig, bisig, at paa ng Diyos. (Awit 18:15; 27:8; 44:3; Isaias 60:13; Mateo 4:4; 1 Pedro 3:12) Ang gayong matalinghagang mga pangungusap ay hindi dapat unawain sa literal na paraan, gaya rin ng mga pagtukoy kay Jehova bilang “ang Bato” o isang “kalasag.”​—Deuteronomio 32:4; Awit 84:11.