KABANATA 8
Pagbabalik sa Dati—‘Ginagawang Bago ni Jehova ang Lahat’
1, 2. Anong mga kawalan ang nagpapahirap sa pamilya ng sangkatauhan sa ngayon, at paano ito nakaaapekto sa atin?
NAIWALA o nasira ng isang bata ang pinakamamahal na laruan at ito’y humagulgol. Totoong makabagbag-puso ang iyak na iyon! Subalit, nakita mo na ba kung paano umaaliwalas ang mukha ng isang bata kapag naibalik ng magulang ang naiwala? Para sa magulang, isang simpleng bagay lamang na mahanap ang laruan o kaya’y makumpuni ito. Subalit ang bata ay tuwang-tuwa at manghang-mangha. Ang inakalang talagang nawala na ay naibalik!
2 Si Jehova, ang pinakadakilang Ama, ay may kapangyarihang magbalik ng isang bagay na maaaring para sa kaniyang mga anak sa lupa ay lubusan nang nawala. Mangyari pa, hindi basta mga laruan lamang ang ating tinutukoy. Sa ganitong “mapanganib at mahirap [na] kalagayan,” napapaharap tayo sa mga kawalan na higit pang napakalubha. (2 Timoteo 3:1-5) Karamihan sa pinakaiingatan ng mga tao ay waring patuloy na nanganganib—tahanan, mga pag-aari, trabaho, maging kalusugan. Baka nadidismaya rin tayo kapag naiisip natin ang pagkawasak ng kapaligiran at ang resultang pagkawala ng maraming uri ng nabubuhay na mga kinapal dahil sa pagkalipol ng mga ito. Gayunman, wala nang sasakit pa sa pagkamatay ng isa nating minamahal. Ang pagkadama ng pangungulila at kawalang-magagawa ay maaaring napakatindi.—2 Samuel 18:33.
3. Anong nakaaaliw na pag-asa ang nakabalangkas sa Gawa 3:21, at paano ito isasakatuparan ni Jehova?
3 Kung gayon, kay laking kaaliwan nga na malaman ang tungkol sa kapangyarihan ni Jehova na magbalik ng mga bagay-bagay! Gaya ng makikita natin, kagila-gilalas ang lawak ng kayang ibalik ng Diyos at ng talagang ibabalik niya sa kaniyang mga anak sa lupa. Sa katunayan, ipinapakita ng Bibliya na layunin ni Jehova na “ibalik sa dati ang lahat ng bagay.” (Gawa 3:21) Upang maisagawa ito, gagamitin ni Jehova ang Mesiyanikong Kaharian, na pinamamahalaan ng kaniyang Anak na si Jesu-Kristo. Ipinakikita ng katibayan na ang Kahariang ito ay nagsimula nang mamahala sa langit noong 1914. a (Mateo 24:3-14) Tingnan natin ang ilang kamangha-manghang bagay na ginagawang bago ni Jehova. Ang isa sa mga ito ay nakikita at nararanasan na natin. Ang iba naman ay sa hinaharap pa magaganap sa malawakang paraan.
Ang Pagbabalik ng Dalisay na Pagsamba
4, 5. Ano ang nangyari sa bayan ng Diyos noong 607 B.C.E., at anong pag-asa ang inialok ni Jehova sa kanila?
4 Ang isang bagay na naibalik na ni Jehova ay ang dalisay na pagsamba. Upang maunawaan ang kahulugan nito, sandali nating suriin ang naging kasaysayan ng kaharian ng Juda. Ang paggawa nito ay magbibigay sa atin ng nakapananabik na kaunawaan kung paano ginagamit ni Jehova ang kaniyang kapangyarihang magbalik sa dati.—Roma 15:4.
5 Isip-isipin na lamang ang nadama ng tapat na mga Judio noong 607 B.C.E. nang mawasak ang Jerusalem. Ang kanilang pinakamamahal na lunsod ay nasira at ang mga pader nito ay nagiba. Mas masahol pa, ang maluwalhating templo na itinayo ni Solomon, ang nag-iisang sentro ng dalisay na pagsamba kay Jehova sa buong lupa, ay naguho. (Awit 79:1) Ang mga nakaligtas ay itinapon sa Babilonya, anupat ang kanilang bayang tinubuan ay naging tiwangwang na dakong pinamumugaran ng mababangis na hayop. (Jeremias 9:11) Mula sa pananaw ng tao, wari ngang naglaho na ang lahat. (Awit 137:1) Subalit si Jehova, na malaon nang humula sa pagpuksang ito, ay naglaan ng pag-asa na ibabalik sa dati ang mga bagay-bagay.
6-8. (a) Anong paulit-ulit na tema ang masusumpungan sa mga sulat ng mga propetang Hebreo, at paano unang natupad ang gayong mga hula? (b) Sa makabagong panahon, paano naranasan ng bayan ng Diyos ang katuparan ng maraming hula tungkol sa pagbabalik sa dati?
6 Sa katunayan, ang pagbabalik sa dati ay isang paulit-ulit na tema sa mga sulat ng mga propetang Hebreo. b Sa pamamagitan nila, ipinangako ni Jehova ang isang lupaing ibinalik sa dati at muling pinanahanan, mabunga, pinoprotektahan mula sa pagsalakay ng mababangis na hayop at ng mga kaaway. Inilarawan niya ang lupain nilang ito bilang isa ngang tunay na paraiso! (Isaias 65:25; Ezekiel 34:25; 36:35) Higit sa lahat, ang dalisay na pagsamba ay muling itatatag, at ang templo ay muling itatayo. (Mikas 4:1-5) Ang mga hulang ito ay nagbigay ng pag-asa sa mga tapong Judio, anupat tumulong sa kanila upang matiis ang kanilang 70-taóng pagkabihag sa Babilonya.
7 Sa wakas, dumating na rin ang panahon ng pagbabalik sa dati. Matapos mapalaya mula sa Babilonya, ang mga Judio ay nagbalik sa Jerusalem at itinayong muli ang templo ni Jehova roon. (Ezra 1:1, 2) Habang sila’y naninindigan sa dalisay na pagsamba, sila’y pinagpapala noon ni Jehova at pinagiging mabunga at masagana ang kanilang lupain. Pinoprotektahan niya sila sa mga kaaway at sa mababangis na hayop na namugad sa kanilang lupain sa loob ng ilang dekada. Tiyak na tuwang-tuwa sila sa kapangyarihang magbalik sa dati ni Jehova! Subalit ang mga pangyayaring iyon ay isang pasimula at limitadong katuparan lamang ng mga hula tungkol sa pagbabalik sa dati. Mayroon pang darating na mas malaking katuparan “sa huling bahagi ng mga araw,” sa atin mismong panahon, kapag ang malaon-nang-ipinangakong Tagapagmana ni Haring David ay iniluklok na sa trono.—Isaias 2:2-4; 9:6, 7.
8 Di-nagtagal matapos iluklok si Jesus sa Kaharian sa langit noong 1914, inasikaso niya ang espirituwal na mga pangangailangan ng tapat na bayan ng Diyos sa lupa. Kung paanong pinalaya ng Persianong manlulupig na si Ciro ang isang nalabi ng mga Judio mula sa Babilonya noong 537 B.C.E., gayundin pinalaya ni Jesus ang isang nalabi ng espirituwal na mga Judio—ang kaniyang sariling mga tagasunod-yapak—mula sa impluwensiya ng “Babilonyang Dakila,” ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. (Apocalipsis 18:1-5; Roma 2:29) Mula 1919 patuloy, naibalik na ang dalisay na pagsamba sa wastong lugar nito sa buhay ng tunay na mga Kristiyano. (Malakias 3:1-5) Mula noon, ang bayan ni Jehova ay sumamba na sa kaniya sa kaniyang nilinis na espirituwal na templo—ang kaayusan ng Diyos para sa dalisay na pagsamba. Bakit ito mahalaga sa atin sa ngayon?
Kung Bakit Mahalagang Ibalik ang Tamang Paraan ng Pagsamba
9. Matapos ang panahon ng mga apostol, ano ang ginawa ng mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan sa pagsamba sa Diyos, subalit ano ang ginawa ni Jehova sa ating kapanahunan?
9 Isaalang-alang ang mga nangyari ayon sa kasaysayan. Ang mga Kristiyano noong unang siglo ay nagtamasa ng maraming espirituwal na pagpapala. Subalit inihula ni Jesus at ng mga apostol na ang tunay na pagsamba ay mapapasamâ at maglalaho. (Mateo 13:24-30; Gawa 20:29, 30) Matapos ang panahon ng mga apostol, bumangon ang Sangkakristiyanuhan. Tinanggap ng mga klerigo nito ang mga paganong turo at mga gawain. Ginawa rin nilang halos imposible ang paglapit sa Diyos, anupat inilalarawan siya bilang isang mahirap-unawaing Trinidad at tinuturuan ang mga tao na mangumpisal sa mga pari at magdasal kay Maria at sa iba’t ibang “santo” sa halip na kay Jehova. Ngayon, matapos ang gayong pagpapasamâ sa loob ng maraming siglo, ano ang ginawa ni Jehova? Sa gitna ng daigdig sa ngayon—isang daigdig na tigib ng relihiyosong kabulaanan at pinarumi ng di-makadiyos na mga gawain—kumilos na siya at ibinalik niya ang dalisay na pagsamba! Walang-halong pagmamalabis, masasabi natin na ang pagbabalik na ito ay isa sa pinakamahalagang pangyayari sa makabagong panahon.
10, 11. (a) Anong dalawang elemento ang kasangkot sa espirituwal na paraiso, at paano ka apektado? (b) Anong uri ng mga tao ang tinitipon ni Jehova sa espirituwal na paraiso, at ano ang pribilehiyo nilang masaksihan?
10 Dahil sa ginawa ni Jehova, ang espirituwal na paraiso ng tunay na mga Kristiyano ay lalo pang gumaganda. Ano ang kasangkot sa paraisong ito? Pangunahin nang may dalawang elemento. Ang una ay ang dalisay na pagsamba sa tunay na Diyos, si Jehova. Biniyayaan niya tayo ng isang paraan ng pagsamba na malaya sa kasinungalingan at pagpilipit sa katotohanan. Pinaglaanan niya tayo ng espirituwal na pagkain. Nakatulong ito upang matutuhan natin ang tungkol sa ating Ama sa langit, upang mapaluguran siya, at upang mapalapít sa kaniya. (Juan 4:24) Ang ikalawang aspekto ng espirituwal na paraiso ay nagsasangkot sa mga tao. Gaya ng inihula ni Isaias, “sa huling bahagi ng mga araw,” tinuruan ni Jehova ang kaniyang mga mananamba ng mga daan ng kapayapaan. Inalis niya ang digmaan sa gitna natin. Sa kabila ng ating pagiging di-perpekto, tinutulungan niya tayo na magbihis ng “bagong personalidad.” Pinagpapala niya ang ating mga pagsisikap sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaniyang banal na espiritu, na nagluluwal ng magagandang katangian sa atin. (Efeso 4:22-24; Galacia 5:22, 23) Kapag ikaw ay gumagawang kasuwato ng espiritu ng Diyos, ikaw ay talagang bahagi ng espirituwal na paraiso.
11 Tinitipon ni Jehova sa espirituwal na paraisong ito ang uri ng mga taong iniibig niya—yaong mga umiibig sa kaniya, mga umiibig sa kapayapaan, at mga “nakauunawa na kailangan nila ang Diyos.” (Mateo 5:3) Sila ang mga taong magkakapribilehiyo na masaksihan ang isang higit pang kahanga-hangang pagbabalik—yaong sa sangkatauhan at sa buong lupa.
“Tingnan Mo! Ginagawa Kong Bago ang Lahat ng Bagay”
12, 13. (a) Bakit masasabing may isa pang katuparan ang mga hula tungkol sa pagbabalik sa dati? (b) Ano ang layunin ni Jehova para sa lupa gaya ng sinabi sa Eden, at bakit ito’y nagbibigay sa atin ng pag-asa sa hinaharap?
12 Marami sa mga pangako ni Jehova ng pagbabalik sa dati ay matutupad sa pisikal na paraan. Halimbawa, isinulat ni Isaias ang isang panahon na ang mga maysakit, ang pilay, ang bulag, at ang bingi ay pagagalingin at pati na ang kamatayan mismo ay lalamunin magpakailanman. (Isaias 25:8; 35:1-7) Ang gayong mga pangako ay hindi nagkaroon ng literal na katuparan sa sinaunang Israel. At bagaman nakita natin ang espirituwal na katuparan ng mga pangakong ito sa ating kapanahunan, may matibay na dahilan upang maniwala na sa hinaharap, magkakaroon ito ng isang literal at pangmalawakang katuparan. Paano natin ito nalalaman?
13 Sa Eden noon, niliwanag ni Jehova ang kaniyang layunin para sa lupa: Ito’y tatahanan ng isang maligaya, malusog, at nagkakaisang pamilya ng sangkatauhan. Ang lalaki at babae ay mangangalaga sa lupa at sa lahat ng nilalang na naroroon, at gagawing isang paraiso ang buong planeta. (Genesis 1:28) Ibang-iba iyan sa kasalukuyang kalagayan. Gayunman, makatitiyak tayo na ang mga layunin ni Jehova ay hindi kailanman mahahadlangan. (Isaias 55:10, 11) Pangyayarihin ni Jesus, bilang ang Mesiyanikong Hari na inatasan ni Jehova, ang pangglobong Paraisong ito.—Lucas 23:43.
14, 15. (a) Paano gagawin ni Jehova na “bago ang lahat ng bagay”? (b) Ano ang magiging buhay sa Paraiso, at aling aspekto ang pinakagusto mo?
14 Gunigunihin na nakita mong ang buong lupa ay ginawang Paraiso! Sinabi ni Jehova ang tungkol sa panahong iyon: “Tingnan mo! Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.” (Apocalipsis 21:5) Isaalang-alang ang magiging kahulugan nito. Kapag naisagawa na ni Jehova ang kaniyang kapangyarihang pumuksa laban sa masamang sistemang ito, mananatili ang “bagong langit at bagong lupa.” Nangangahulugan ito na isang bagong pamahalaan ang maghahari mula sa langit sa isang bagong lipunan sa lupa na binubuo niyaong mga umiibig kay Jehova at gumagawa ng kaniyang kalooban. (2 Pedro 3:13) Si Satanas, kasama ang kaniyang mga demonyo, ay ibibilanggo. (Apocalipsis 20:3) Sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng libo-libong taon, ang sangkatauhan ay maliligtas na mula sa tiwali at nakasusuklam na negatibong impluwensiyang iyan. Siguradong nag-uumapaw ang kaginhawahan doon.
15 Sa wakas, mapangangalagaan na natin ang magandang planetang ito gaya ng dapat na ginawa natin sa pasimula. Ang lupa ay may likas na kakayahang ayusin ang sarili nito. Ang narumhang mga lawa at ilog ay may kakayahang maglinis ng sarili nito kapag naalis na ang pinanggagalingan ng dumi; ang napinsalang mga lupain ay may kakayahang magbalik sa dati kapag wala nang mga digmaan. Kay laking kasiyahan nga na gumawa ayon sa kalikasan ng lupa, anupat tumutulong na gawin itong isang tulad-harding parke, isang pangglobong Eden ng walang-katapusang bilang ng sari-saring pananim at mga hayop! Sa halip na walang patumanggang sirain ang mga uring ito ng hayop at pananim, ang tao ay makikipagpayapaan sa lahat ng nilalang sa lupa. Maging ang mga bata ay hindi na matatakot sa mababangis na hayop.—Isaias 9:6, 7; 11:1-9.
16. Sa Paraiso, anong pagbabalik sa dati ang makaaapekto sa bawat tapat na indibidwal?
16 Bilang mga indibidwal, mararanasan din natin ang pagbabalik sa dati. Pagkatapos ng Armagedon, makakakita ang mga nakaligtas ng makahimalang mga pagpapagaling sa pangglobong lawak. Gaya ng ginawa niya habang nasa lupa, gagamitin ni Jesus ang kaniyang bigay-Diyos na kapangyarihan upang ibalik ang paningin ng mga bulag, ang pandinig ng mga bingi, ang malusog na pangangatawan ng mga lumpo at may karamdaman. (Mateo 15:30) Ang matatanda ay malulugod sa panibagong lakas, kalusugan, at sigla ng kabataan. (Job 33:25) Mawawala na ang mga kulubot, maiuunat na ang mga binti at braso, at mababanat na ang mga kalamnan taglay ang panibagong lakas. Madarama ng tapat na sangkatauhan na unti-unti nang humuhupa at naglalaho ang mga epekto ng kasalanan at pagiging di-perpekto. Nagpapasalamat tayo sa Diyos na Jehova dahil sa kapangyarihan niyang baguhin ang mga bagay-bagay! Ituon natin ngayon ang ating pansin sa isang lalo nang nakapagpapasiglang aspekto ng kapana-panabik na panahong ito ng pagbabalik sa dati.
Ibabalik ang Buhay ng mga Namatay
17, 18. (a) Bakit pinagwikaan ni Jesus ang mga Saduceo? (b) Anong sitwasyon ang umakay kay Elias upang hilingin kay Jehova na magsagawa ng pagbuhay-muli?
17 Noong unang siglo C.E., ang ilang lider ng relihiyon, na tinatawag na mga Saduceo, ay hindi naniniwala sa pagkabuhay-muli. Pinagwikaan sila ni Jesus sa pamamagitan ng mga salitang ito: “Mali ang iniisip ninyo, dahil hindi ninyo alam ang Kasulatan o ang kapangyarihan ng Diyos.” (Mateo 22:29) Oo, isinisiwalat ng Kasulatan na taglay ni Jehova ang gayong kapangyarihang magbalik sa dati. Paano?
18 Ilarawan sa isip ang nangyari noong kapanahunan ni Elias. Yakap ng isang biyuda ang katawan ng kaniyang kaisa-isang anak. Patay na ang batang lalaki. Si propeta Elias, na naging panauhin ng biyuda nang kaunting panahon, ay tiyak na nagulat. Bago iyon, tumulong siyang mailigtas ang batang ito mula sa pagkagutom. Malamang na napamahal na rin kay Elias ang bata. Halos madurog ang puso ng ina. Ang batang ito ang tanging buháy na alaala ng kaniyang namatay na asawa. Maaaring inasahan niya na ang kaniyang anak ang mag-aalaga sa kaniya pagtanda niya. Palibhasa’y gulong-gulo ang isip, nangamba ang biyuda na baka siya’y pinarurusahan dahil sa may nagawa siyang pagkakamali. Hindi matiis ni Elias na makita ang gayong paglala ng trahedyang ito. Dahan-dahan niyang kinuha ang bangkay mula sa dibdib ng ina, binuhat ito patungo sa kaniyang silid, at hiniling sa Diyos na Jehova na ibalik ang buhay ng bata.—1 Hari 17:8-21.
19, 20. (a) Paano ipinakita ni Abraham na siya’y may pananampalataya sa kapangyarihang bumuhay-muli ni Jehova, at ano ang saligan ng gayong pananampalataya? (b) Paano ginantimpalaan ni Jehova ang pananampalataya ni Elias?
19 Hindi si Elias ang unang taong naniwala sa pagkabuhay-muli. Mga ilang siglo bago nito, naniwala si Abraham na si Jehova ay nagtataglay ng gayong kapangyarihang bumuhay-muli. Bakit siya nakatitiyak? Nang si Abraham ay 100 taon na at si Sara naman ay 90, ibinalik ni Jehova ang kanilang kakayahang mag-anak na noon ay patay na, anupat makahimalang nagsilang si Sara ng isang anak na lalaki. (Genesis 17:17; 21:2, 3) Nang maglaon, nang nasa hustong gulang na ang bata, hiniling ni Jehova kay Abraham na ihain ang anak nito. Si Abraham ay nagpakita ng pananampalataya, anupat iniisip niya na maibabalik ni Jehova ang buhay ng kaniyang pinakamamahal na si Isaac. (Hebreo 11:17-19) Ang gayong masidhing pananampalataya ay maaaring magpaliwanag kung bakit si Abraham, bago umakyat sa bundok upang ihandog ang kaniyang anak, ay tumiyak sa kaniyang mga lingkod na sila ni Isaac ay magkasamang babalik.—Genesis 22:5.
20 Iniligtas ni Jehova si Isaac, kaya hindi nangailangan ng pagbuhay-muli noong pagkakataong iyon. Gayunman, sa pangyayari kay Elias, ang anak ng biyuda ay patay na—ngunit hindi ito nagtagal. Ginantimpalaan ni Jehova ang pananampalataya ng propeta sa pamamagitan ng pagbuhay-muli sa bata! Pagkatapos ay ibinigay ni Elias ang bata sa kaniyang ina, habang sinasabi ang di-malilimot na mga salitang ito: “Tingnan mo, buháy ang anak mo.”—1 Hari 17:22-24.
21, 22. (a) Ano ang layunin ng mga pagkabuhay-muli na nakaulat sa Kasulatan? (b) Sa Paraiso, gaano karami ang gagawing pagbuhay-muli, at sino ang magsasagawa nito?
21 Kaya sa kauna-unahang pagkakataon sa ulat ng Bibliya, nakita natin ang paggamit ni Jehova ng kaniyang kapangyarihang bumuhay-muli ng tao. Nang dakong huli, binigyang-kapangyarihan din ni Jehova sina Eliseo, Jesus, Pablo, at Pedro na bumuhay-muli ng namatay. Mangyari pa, yaong mga binuhay-muling iyon ay namatay muli nang dakong huli. Gayunman, ang gayong mga salaysay sa Bibliya ay nagbibigay sa atin ng isang kamangha-manghang patiunang pagtanaw sa mga bagay na darating.
22 Sa Paraiso, gagampanan ni Jesus ang kaniyang papel bilang “ang pagkabuhay-muli at ang buhay.” (Juan 11:25) Bubuhayin niyang muli ang di-mabilang na milyon-milyon, anupat binibigyan sila ng pagkakataon na mabuhay magpakailanman sa Paraiso sa lupa. (Juan 5:28, 29) Isip-isipin na lamang ang muling pagkikita habang ang pinakamamahal na mga kaibigan at mga kamag-anak, na matagal na pinaghiwalay ng kamatayan, ay nagyayakapan, taglay ang walang-kahulilip na kagalakan! Ang buong sangkatauhan ay pupuri kay Jehova dahil sa kaniyang kapangyarihang magbalik sa dati ng mga bagay-bagay.
23. Ano ang pinakadakila sa lahat ng pagtatanghal ni Jehova ng kaniyang kapangyarihan, at paano ito gumagarantiya sa ating pag-asa sa hinaharap?
23 Si Jehova ay nagbigay ng isang napakatibay na garantiya na ang gayong mga pag-asa ay tiyak. Bilang pinakadakilang pagtatanghal ng kaniyang kapangyarihan, binuhay niyang muli ang kaniyang Anak na si Jesus bilang isang makapangyarihang espiritung nilalang, anupat pumapangalawa lamang kay Jehova. Ang binuhay-muling si Jesus ay nagpakita sa daan-daang saksi. (1 Corinto 15:5, 6) Kahit sa mga mapag-alinlangan, ang gayong patotoo ay dapat na maging sapat na. Si Jehova ay may kapangyarihang magbalik ng buhay.
24. Bakit makapagtitiwala tayo na bubuhaying muli ni Jehova ang mga patay, at anong pag-asa ang maaaring pakamahalin ng bawat isa sa atin?
24 Hindi lamang taglay ni Jehova ang kapangyarihang bumuhay ng patay kundi taglay rin niya ang pagnanais na gawin ito. Ginabayan ng banal na espiritu ang tapat na lalaking si Job para sabihin na talagang nananabik si Jehova na buhayin ang mga patay. (Job 14:15) Hindi ka ba naaakit sa ating Diyos, na gustong-gustong gamitin sa gayong maibiging paraan ang kaniyang kapangyarihang magbalik sa dati? Gayunman, tandaan na isa lang ito sa mga gagawing bago ni Jehova sa hinaharap. Habang higit kang napapalapít sa kaniya, pakamahaling lagi ang mahalagang pag-asa na ikaw ay posibleng naroroon upang makitang ‘ginagawang bago ni Jehova ang lahat ng bagay.’—Apocalipsis 21:5.
a Sinimulang “ibalik sa dati ang lahat ng bagay” nang itatag ang Mesiyanikong Kaharian na ang nakaupo sa trono ay ang tagapagmana ng tapat na si Haring David. Ipinangako ni Jehova kay David na isa sa mga tagapagmana niya ang mamamahala magpakailanman. (Awit 89:35-37) Subalit matapos wasakin ng Babilonya ang Jerusalem noong 607 B.C.E., walang taong inapo ni David ang naupo sa trono ng Diyos. Si Jesus, na isinilang sa lupa bilang isang tagapagmana ni David, ay naging ang malaon-nang-ipinangakong Hari nang siya’y iniluklok sa langit.
b Halimbawa, sina Moises, Isaias, Jeremias, Ezekiel, Oseas, Joel, Amos, Obadias, Mikas, at Zefanias ay pawang tumalakay sa temang ito.