Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 6

Pagpuksa—“Si Jehova ay Isang Malakas na Mandirigma”

Pagpuksa—“Si Jehova ay Isang Malakas na Mandirigma”

1-3. (a) Anong panganib ang hinarap ng mga Israelita sa kamay ng mga Ehipsiyo? (b) Paano nakipaglaban si Jehova para sa kaniyang bayan?

 NASUKOL ang mga Israelita—nakulong sila sa pagitan ng matatarik na dalisdis ng bundok at ng dagat na di-kayang tawirin. Ang hukbo ng mga Ehipsiyo, na malupit at walang pakundangan kung pumatay, ay nagmamadali sa pagtugis, anupat determinadong lipulin sila. a Gayunman, hinimok ni Moises ang bayan ng Diyos na huwag mawalan ng pag-asa. “Si Jehova mismo ang makikipaglaban para sa inyo,” tiniyak niya sa kanila.​—Exodo 14:14.

2 Lumilitaw na tumawag si Moises kay Jehova, at tumugon ang Diyos: “Bakit tumatawag ka pa sa akin? . . . Itaas mo ang tungkod mo at iunat mo ang iyong kamay sa ibabaw ng dagat at hatiin iyon.” (Exodo 14:15, 16) Gunigunihin ang sumunod na mga pangyayari. Agad na inutusan ni Jehova ang kaniyang anghel, at ang haliging ulap ay lumagay sa likuran ng Israel, na marahil ay lumatag na parang pader at hinarang ang lumulusob na mga Ehipsiyo. (Exodo 14:19, 20; Awit 105:39) Iniunat ni Moises ang kaniyang kamay. Dahil sa malakas na hangin, ang dagat ay nahati. Ang tubig ay naipong gaya ng pader at nagbukas ng isang daan na may sapat na luwang upang magkasya ang buong bansa!—Exodo 14:21; 15:8.

3 Yamang napaharap sa ganitong pagtatanghal ng kapangyarihan, dapat sana ay inutusan na ng Paraon ang kaniyang pangkat na umurong. Subalit nag-utos ang palalong Paraon na lumusob sila. (Exodo 14:23) Sumugod ang mga Ehipsiyo patungo sa sahig ng dagat para tumugis, subalit di-nagtagal at ang kanilang pagsalakay ay nauwi sa pagkakagulo nang magsimulang magtanggalan ang mga gulong ng mga karwahe nila. Nang ang mga Israelita ay ligtas na sa kabilang ibayo, nag-utos si Jehova kay Moises: “Iunat mo ang kamay mo sa ibabaw ng dagat para bumalik sa dati ang tubig at malunod ang mga Ehipsiyo, kasama ang kanilang mga karwaheng pandigma at mga kabalyero.” Bumagsak ang mga pader na tubig, anupat nalunod ang Paraon at ang kaniyang hukbo!—Exodo 14:24-28; Awit 136:15.

4. (a) Ano ang pinatunayan ni Jehova sa Dagat na Pula? (b) Ano ang maaaring maging reaksiyon ng ilan sa paglalarawang ito kay Jehova?

4 Ang pagliligtas sa bansang Israel sa Dagat na Pula ay isang napakahalagang pangyayari sa kasaysayan ng pakikitungo ng Diyos sa sangkatauhan. Doon ay pinatunayan ni Jehova na siya’y isang “malakas na mandirigma.” (Exodo 15:3) Subalit, ano ang reaksiyon mo sa paglalarawang ito kay Jehova? Totoo, gayon na lamang ang sakit at hirap na idinulot ng digmaan sa sangkatauhan. Maaari kayang ang kapangyarihang pumuksa ng Diyos ay makahadlang pa nga sa halip na makaganyak sa iyo na mapalapít sa kaniya?

Sa Dagat na Pula, pinatunayan ni Jehova na siya’y isang “malakas na mandirigma”

Pakikidigma ng Diyos Kontra sa mga Alitan ng Tao

5, 6. (a) Bakit angkop lamang na ang Diyos ay tawaging “Jehova ng mga hukbo”? (b) Paano naiiba ang pakikidigma ng Diyos sa pakikidigma ng tao?

5 Mga 260 ulit sa Hebreong Kasulatan at 2 ulit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang Diyos ay binigyan ng titulong “Jehova ng mga hukbo.” (1 Samuel 1:11) Bilang Kataas-taasang Tagapamahala, si Jehova ay namumuno sa pagkalaki-laking hukbo ng mga anghel. (Josue 5:13-15; 1 Hari 22:19) Ang kakayahang pumuksa ng hukbong ito ay nakamamangha. (Isaias 37:36) Ang pagpuksa sa mga tao ay hindi magandang isipin. Gayunman, dapat nating tandaan na ang pakikidigma ng Diyos ay di-gaya ng alitan ng tao. Maaaring idahilan ng mga lider ng militar at politika na ang kanilang pananalakay ay may marangal na motibo. Subalit ang pakikidigma ng tao ay kadalasan nang dahil sa kasakiman at pagkamakasarili.

6 Sa kabaligtaran, si Jehova ay hindi pinakikilos ng di-mapigilang emosyon. Sinasabi ng Deuteronomio 32:4: “Ang Bato, walang maipipintas sa kaniyang mga gawa, dahil lahat ng ginagawa niya ay makatarungan. Isang Diyos na tapat at hindi kailanman magiging tiwali; matuwid at tapat siya.” Hinahatulan ng Bibliya ang di-mapigil na galit, kalupitan, at karahasan. (Genesis 49:7; Awit 11:5) Kaya si Jehova ay hindi kailanman kumikilos nang walang dahilan. Bihira lamang niyang gamitin ang kaniyang kapangyarihang pumuksa at ginagamit lamang ito kapag wala nang ibang solusyon. Ito’y gaya ng sinabi niya sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Ezekiel: “‘Natutuwa ba ako kapag namatay ang masama?’ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova. ‘Hindi ba mas gusto kong talikuran niya ang kaniyang landasin at patuloy siyang mabuhay?’”—Ezekiel 18:23.

7, 8. (a) Ano ang inakala ni Job tungkol sa kaniyang mga pagdurusa? (b) Paano itinuwid ni Elihu ang pag-iisip ni Job hinggil sa bagay na ito? (c) Anong aral ang matututuhan natin mula sa karanasan ni Job?

7 Kung gayon, bakit ginagamit ni Jehova ang kapangyarihang pumuksa? Bago sumagot, alalahanin muna natin ang matuwid na si Job. Ang hamon ni Satanas ay kung mananatiling tapat si Job—sa totoo, ang bawat tao—sa ilalim ng pagsubok. Sinagot ni Jehova ang hamong iyan sa pamamagitan ng pagpapahintulot kay Satanas na subukin ang katapatan ni Job. Bilang resulta, si Job ay dumanas ng sakit, pagkaubos ng kayamanan, at pagkamatay ng kaniyang mga anak. (Job 1:1–2:8) Palibhasa’y hindi alam ang nasasangkot na mga isyu, inakala ni Job na ang kaniyang pagdurusa ay di-makatarungang parusa ng Diyos. Tinanong niya ang Diyos kung bakit Niya siya “pinupuntirya,” o “itinuturing na kaaway.”​—Job 7:20; 13:24.

8 Isang nakababatang lalaki na nagngangalang Elihu ang naglantad ng kamalian ng pangangatuwiran ni Job, na sinasabi: “Talaga bang kumbinsido kang tama ka kaya sinasabi mo, ‘Mas matuwid ako sa Diyos’?” (Job 35:2) Oo, isang kamangmangan na isiping mas marunong tayo kaysa sa Diyos o ipalagay na siya’y kumilos nang hindi makatarungan. “Imposibleng gumawa ng masama ang tunay na Diyos; hinding-hindi gagawa ng mali ang Makapangyarihan-sa-Lahat!” sinabi ni Elihu. Nang dakong huli ay sinabi niya: “Hindi natin kayang unawain ang lahat ng bagay tungkol sa Makapangyarihan-sa-Lahat; napakalakas ng kapangyarihan niya, at hinding-hindi niya lalabagin ang kaniyang katarungan at saganang katuwiran.” (Job 34:10; 36:22, 23; 37:23) Makatitiyak tayo na kapag nakipaglaban ang Diyos, may mabuti siyang dahilan. Saliksikin natin ang ilang dahilan kung bakit ang Diyos ng kapayapaan kung minsan ay gumaganap ng papel ng isang mandirigma.​—1 Corinto 14:33.

Kung Bakit Napipilitang Makipaglaban ang Diyos ng Kapayapaan

9. Bakit nakikipaglaban ang Diyos ng kabanalan?

9 Matapos purihin ang Diyos bilang isang “malakas na mandirigma,” si Moises ay nagpahayag: “Sino sa mga diyos ang gaya mo, O Jehova? Sino ang gaya mo, na walang katulad sa kabanalan?” (Exodo 15:11) Sumulat din si propeta Habakuk: “Napakadalisay ng iyong mga mata para tumingin sa masasamang bagay, at hindi mo matitiis ang kasamaan.” (Habakuk 1:13) Bagaman si Jehova ay isang Diyos ng pag-ibig, siya ay isa ring Diyos ng kabanalan, katuwiran, at katarungan. Kung minsan, ang mga iyan ang nagiging dahilan kung bakit napipilitan siyang gumamit ng kaniyang kapangyarihang pumuksa. (Isaias 59:15-19; Lucas 18:7) Kaya hindi narurungisan ng Diyos ang kaniyang kabanalan kapag siya’y nakikipaglaban. Bagkus, siya’y nakikipaglaban sapagkat siya’y banal.​—Exodo 39:30.

10. Paano lamang malulutas ang alitan na inihula sa Genesis 3:15, at anong mga pakinabang ang idudulot nito sa matuwid na sangkatauhan?

10 Isaalang-alang ang nangyari matapos na ang unang mag-asawang tao, sina Adan at Eva, ay maghimagsik laban sa Diyos. (Genesis 3:1-6) Kung kukunsintihin niya ang kanilang kalikuan, pahihinain ni Jehova ang kaniyang sariling posisyon bilang Kataas-taasan. Bilang isang matuwid na Diyos, naobliga siyang sentensiyahan sila ng kamatayan. (Roma 6:23) Sa unang hula sa Bibliya, sinabi niya na magkakaroon ng alitan sa pagitan ng kaniyang mga lingkod at ng mga kampon ng “ahas,” si Satanas. (Apocalipsis 12:9; Genesis 3:15) Sa dakong huli, ang alitang ito ay malulutas lamang sa pamamagitan ng pagdurog kay Satanas. (Roma 16:20) Subalit ang paghatol na iyan ay magbubunga ng dakilang pagpapala para sa matuwid na sangkatauhan, anupat aalisin ang impluwensiya ni Satanas sa lupa at bubuksan ang daan tungo sa isang pangglobong paraiso. (Mateo 19:28) Hangga’t hindi pa iyon nagaganap, yaong mga pumapanig kay Satanas ay patuloy na magiging banta sa pisikal at espirituwal na kapakanan ng bayan ng Diyos. Paminsan-minsan, kakailanganing kumilos ni Jehova para sa bayan niya.

Kumikilos ang Diyos Upang Alisin ang Kasamaan

11. Bakit naobliga ang Diyos na magpasapit ng isang pangglobong delubyo?

11 Ang Delubyo noong panahon ni Noe ay isang halimbawa ng gayong pagkilos. Sinabi sa Genesis 6:11, 12: “Ang lupa ay nasira sa paningin ng tunay na Diyos, at ang lupa ay napuno ng karahasan. Oo, tiningnan ng Diyos ang lupa at nakitang ito ay nasira; napakasama ng ginagawa ng lahat ng tao sa lupa.” Pababayaan kaya ng Diyos na ubusin ng masasama ang kahuli-hulihang bakas ng moralidad na natitira sa lupa? Hindi. Naobliga si Jehova na magpasapit ng isang pangglobong delubyo upang alisin sa lupa yaong mga desididong gumawa ng karahasan at imoralidad.

12. (a) Ano ang inihula ni Jehova tungkol sa “supling” ni Abraham? (b) Bakit dapat lipulin ang mga Amorita?

12 Katulad ito ng paghatol ng Diyos sa mga Canaanita. Isiniwalat ni Jehova na mula kay Abraham, darating ang isang supling na sa pamamagitan nito ay pagpapalain ng lahat ng pamilya sa lupa ang kanilang sarili. Kasuwato ng layuning iyan, ipinasiya ng Diyos na ibigay sa mga inapo ni Abraham ang lupain ng Canaan, isang lupaing tinatahanan ng isang bayan na tinatawag na mga Amorita. Paano maipagmamatuwid ng Diyos ang sapilitang pagpapaalis sa bayang ito mula sa kanilang lupain? Inihula ni Jehova na ang pagpapaalis na ito ay hindi magaganap hanggang sa makalipas ang mga 400 taon—hanggang sa ‘umabot sa sukdulan ang kasalanan ng mga Amorita.’ b (Genesis 12:1-3; 13:14, 15; 15:13, 16; 22:18) Sa loob ng panahong iyon, patuloy na lumalalim ang pagkakalubog ng mga Amorita sa moral na kabulukan. Ang Canaan ay naging isang lupain ng idolatriya, pagpatay, at malalaswang gawain sa sekso. (Exodo 23:24; 34:12, 13; Bilang 33:52) Pinatay pa nga ng mga naninirahan sa lupain ang mga bata sa apoy bilang paghahain. Ihahantad ba ng isang banal na Diyos ang kaniyang bayan sa gayong kasamaan? Hindi! Sinabi niya: “Marumi ang lupain, at paparusahan ko ang mga nakatira dito dahil sa kasalanan nila, at isusuka sila ng lupain.” (Levitico 18:21-25) Gayunman, hindi pinatay ni Jehova ang mga tao nang walang patumangga. Ang mga Canaanita na nakaayon sa katuwiran, gaya ni Rahab at ng mga Gibeonita, ay pinaligtas.​—Josue 6:25; 9:3-27.

Pakikipaglaban Alang-alang sa Kaniyang Pangalan

13, 14. (a) Bakit obligado si Jehova na pakabanalin ang kaniyang pangalan? (b) Paano nilinis ni Jehova ang kaniyang pangalan mula sa pang-aalipusta?

13 Sapagkat si Jehova ay banal, ang kaniyang pangalan ay banal. (Levitico 22:32) Tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na manalangin: “Pakabanalin nawa ang pangalan mo.” (Mateo 6:9) Ang paghihimagsik sa Eden ay lumapastangan sa pangalan ng Diyos, anupat inilagay sa pag-aalinlangan ang reputasyon at paraan ng pamamahala ng Diyos. Hinding-hindi mapalalampas ni Jehova ang gayong paninirang-puri at paghihimagsik. Obligado siyang linisin ang kaniyang pangalan mula sa pang-aalipusta.​—Isaias 48:11.

14 Isaalang-alang nating muli ang mga Israelita. Hangga’t mga alipin pa sila sa Ehipto, ang pangako ng Diyos kay Abraham na sa pamamagitan ng kaniyang supling, pagpapalain ng lahat ng pamilya sa lupa ang kanilang sarili ay waring walang saysay. Subalit sa pamamagitan ng pagliligtas sa kanila at pagtatatag sa kanila bilang isang bansa, nilinis ni Jehova ang kaniyang pangalan mula sa pang-aalipusta. Sa gayon ay tinawag ni propeta Daniel ang kaniyang Diyos sa panalangin: “O Diyos naming Jehova, ikaw na naglabas sa iyong bayan mula sa Ehipto gamit ang iyong makapangyarihang kamay at gumawa ng pangalan para sa iyong sarili.”​—Daniel 9:15.

15. Bakit iniligtas ni Jehova ang mga Judio mula sa pagkabihag sa Babilonya?

15 Kapansin-pansin, nanalangin nang ganito si Daniel sa isang panahon na noo’y kinailangan ng mga Judio na kumilos muli si Jehova alang-alang sa Kaniyang pangalan. Ang masuwaying mga Judio ay bihag naman ngayon sa Babilonya. Ang kanilang sariling kabiserang lunsod, ang Jerusalem, ay nasa kagibaan. Batid ni Daniel na ang pagbabalik sa mga Judio sa kanilang bayang tinubuan ay magpapadakila sa pangalan ni Jehova. Sa gayon ay nanalangin si Daniel: “O Jehova, magpatawad ka. O Jehova, magbigay-pansin ka at kumilos! Huwag kang magpaliban, alang-alang sa iyong sarili, O Diyos ko, alang-alang sa iyong pangalan na itinatawag sa iyong lunsod at bayan.”​—Daniel 9:18, 19.

Pakikipaglaban Alang-alang sa Kaniyang Bayan

16. Ipaliwanag kung bakit ang pagnanais ni Jehova na ipagtanggol ang kaniyang pangalan ay hindi nangangahulugang siya’y walang malasakit at makasarili.

16 Ang pagnanais ba ni Jehova na ipagtanggol ang kaniyang pangalan ay nangangahulugang siya’y walang malasakit at makasarili? Hindi naman, sapagkat sa pagkilos na kasuwato ng kaniyang kabanalan at pag-ibig sa katarungan, pinoprotektahan niya ang kaniyang bayan. Isaalang-alang ang kabanata 14 ng Genesis. Doon ay mababasa natin ang tungkol sa apat na haring sumasalakay na dumukot sa pamangkin ni Abraham na si Lot, kasama ang pamilya ni Lot. Sa tulong ng Diyos, lubusang nilupig ni Abraham ang mga puwersang mas malalakas sa kaniya! Ang ulat ng tagumpay na ito marahil ang siyang unang napatala sa “aklat ng Mga Digmaan ni Jehova,” na malamang na isang aklat na nag-ulat din sa ilang sagupaang militar na hindi nakarekord sa Bibliya. (Bilang 21:14) Marami pang tagumpay ang sumunod.

17. Ano ang nagpapakita na si Jehova ay nakipaglaban para sa mga Israelita pagkapasok nila sa lupain ng Canaan? Magbigay ng mga halimbawa.

17 Nang malapit nang pumasok ang mga Israelita sa lupain ng Canaan, tiniyak sa kanila ni Moises: “Ang Diyos ninyong si Jehova ay nasa unahan ninyo at ipaglalaban niya kayo, gaya ng nakita ninyong ginawa niya sa Ehipto.” (Deuteronomio 1:30; 20:1) Mula sa kahalili ni Moises, si Josue, at patuloy hanggang sa panahon ng mga Hukom at mga paghahari ng tapat na mga hari ng Juda, tunay ngang nakipaglaban si Jehova para sa kaniyang bayan, anupat binigyan sila ng maraming kahanga-hangang tagumpay laban sa kanilang mga kaaway.​—Josue 10:1-14; Hukom 4:12-17; 2 Samuel 5:17-21.

18. (a) Bakit tayo makapagpapasalamat na si Jehova ay hindi nagbago? (b) Ano ang mangyayari kapag umabot na sa sukdulan ang alitan na inilarawan sa Genesis 3:15?

18 Hindi nagbago si Jehova; ni nagbago man ang kaniyang layunin na gawing isang mapayapang paraiso ang planetang ito. (Genesis 1:27, 28) Kinapopootan pa rin ng Diyos ang kasamaan. Kasabay nito, mahal na mahal niya ang kaniyang bayan at malapit na siyang kumilos alang-alang sa kanila. (Awit 11:7) Sa katunayan, ang alitan na inilarawan sa Genesis 3:15 ay inaasahang sasapit sa isang madula at marahas na pagbabago sa malapit na hinaharap. Upang mapabanal ang kaniyang pangalan at maprotektahan ang kaniyang bayan, si Jehova ay minsan pang magiging isang “malakas na mandirigma”!—Zacarias 14:3; Apocalipsis 16:14, 16.

19. (a) Ilarawan kung bakit ang paggamit ng Diyos ng kapangyarihang pumuksa ay magpapalapít sa atin sa kaniya. (b) Ano ang dapat na maging epekto sa atin ng pagnanais ng Diyos na makipaglaban?

19 Isaalang-alang ang isang ilustrasyon: Halimbawang sinisibasib ng isang mabagsik na hayop ang pamilya ng isang lalaki at nakisangkot ang lalaki sa paglalaban at napatay niya ang mabangis na hayop. Aasahan mo ba na mayayamot ang kaniyang asawa at mga anak sa kaniyang ginawa? Sa kabaligtaran, aasahan mo na maaantig ang kanilang damdamin dahil sa kaniyang mapagsakripisyong pag-ibig sa kanila. Sa katulad na paraan, hindi tayo dapat mayamot sa paggamit ng Diyos ng kapangyarihang pumuksa. Ang kaniyang pagnanais na ipaglaban tayo ay dapat na magpasidhi ng ating pag-ibig sa kaniya. Ang ating paggalang sa kaniyang walang-limitasyong kapangyarihan ay dapat na tumindi rin. Sa gayon, “maaaring malugod ang Diyos sa ating sagradong paglilingkod sa kaniya nang may makadiyos na takot at paggalang.”​—Hebreo 12:28.

Maging Malapít sa “Malakas na Mandirigma”

20. Kapag nababasa natin ang mga ulat sa Bibliya hinggil sa pakikidigma ng Diyos na maaaring hindi natin lubos na nauunawaan, ano ang dapat na maging reaksiyon natin, at bakit?

20 Mangyari pa, hindi sa bawat pangyayari ay ipinaliliwanag sa Bibliya ang lahat ng detalye ng mga pasiya ni Jehova hinggil sa kaniyang pakikidigma. Subalit palagi tayong makatitiyak sa bagay na ito: Si Jehova ay hindi kailanman gumagamit ng kapangyarihang pumuksa sa isang walang-katarungan, walang-patumangga, o malupit na paraan. Kadalasan, ang pagsasaalang-alang sa konteksto ng isang ulat sa Bibliya o ilang impormasyon sa likod nito ay makatutulong sa atin na magkaroon ng tamang pananaw sa mga bagay-bagay. (Kawikaan 18:13) Kahit wala sa atin ang lahat ng detalye, ang basta pagkatuto ng higit pa tungkol kay Jehova at pagbubulay-bulay sa kaniyang mahahalagang katangian ay makatutulong sa atin na malutas ang anumang pag-aalinlangan na maaaring bumangon. Kung gagawin natin ito, mapag-uunawa natin na may sapat na dahilan tayo upang magtiwala sa ating Diyos na si Jehova.​—Job 34:12.

21. Bagaman siya’y isang “malakas na mandirigma” kung minsan, ano nga ba ang talagang likas na hilig ni Jehova?

21 Bagaman si Jehova ay isang “malakas na mandirigma” kapag hinihingi ng pagkakataon, ito’y hindi nangangahulugang siya’y talagang likas na mahilig makipagdigma. Sa pangitain ni Ezekiel tungkol sa makalangit na karo, si Jehova ay inilalarawan bilang nakahanda na sa paglaban sa kaniyang mga kaaway. Gayunman, nakita ni Ezekiel ang Diyos na napalilibutan ng isang bahaghari—isang sagisag ng kapayapaan. (Genesis 9:13; Ezekiel 1:28; Apocalipsis 4:3) Maliwanag, si Jehova ay mahinahon at mapagpayapa. “Ang Diyos ay pag-ibig,” isinulat ni apostol Juan. (1 Juan 4:8) Lahat ng katangian ni Jehova ay umiiral na may perpektong pagkakatimbang. Kung gayon, kay laking pribilehiyo natin na mapalapít sa gayong makapangyarihan subalit maibiging Diyos!

a Ayon sa Judiong istoryador na si Josephus, ang mga Hebreo ay “tinugis ng 600 karwahe kasama ang 50,000 mangangabayo at lubhang nasasandatahang impanteriya (infantry) na umaabot sa 200,000.”​—Jewish Antiquities, II, 324 [xv, 3].

b Malamang, kabilang sa terminong “mga Amorita” rito ang lahat ng mga tao ng Canaan.​—Deuteronomio 1:6-8, 19-21, 27; Josue 24:15, 18.