KABANATA 21
Isinisiwalat ni Jesus ang “Karunungan ng Diyos”
1-3. Paano tumugon ang dating mga kapitbahay ni Jesus sa kaniyang pagtuturo, at bakit?
NATIGILAN ang mga naroroon. Ang binatang si Jesus ay nakatayo sa harap nila sa sinagoga at nagtuturo. Kilala nila siya—sa kanilang lunsod siya lumaki, at sa loob ng maraming taon ay kasama nila siyang nagtrabaho bilang isang karpintero. Marahil ang iba sa kanila ay nakatira sa mga bahay na doo’y katulong si Jesus sa pagtatayo, o maaaring binubungkal nila ang kanilang mga lupang sinasaka sa pamamagitan ng mga araro at pamatok na ginawa mismo ng kaniyang mga kamay. a Subalit paano kaya sila tutugon sa turo ng dating karpinterong ito?
2 Karamihan sa mga nakikinig ay namangha, anupat nagtanong: “Saan nakuha ng taong ito ang ganitong karunungan?” Subalit sinabi rin nila: “Siya ang karpintero na anak ni Maria.” (Mateo 13:54-58; Marcos 6:1-3) Nakalulungkot, ang dating mga kapitbahay ni Jesus ay nangatuwiran, ‘Ang karpinterong ito ay kagaya lamang natin na tagarito.’ Sa kabila ng karunungan sa kaniyang mga salita, tinanggihan nila siya. Wala silang kamalay-malay na ang karunungang ibinabahagi niya ay hindi sa kaniya.
3 Saan kaya kinuha ni Jesus ang karunungang ito? “Ang itinuturo ko ay hindi galing sa akin,” ang sabi niya, “kundi sa nagsugo sa akin.” (Juan 7:16) Ipinaliwanag ni apostol Pablo na si Jesus ang “nagsiwalat sa atin ng karunungan ng Diyos.” (1 Corinto 1:30) Ang sariling karunungan ni Jehova ay isinisiwalat sa pamamagitan ng kaniyang Anak, si Jesus. Ito’y talagang totoo kung kaya nasabi ni Jesus: “Ako at ang Ama ay iisa.” (Juan 10:30) Suriin natin ang tatlong pitak na doo’y kinakitaan si Jesus ng “karunungan ng Diyos.”
Ang Kaniyang Itinuro
4. (a) Ano ang tema ng mensahe ni Jesus, at bakit iyan ay napakahalaga? (b) Bakit ang payo ni Jesus ay palaging praktikal at sa ikabubuti ng kaniyang mga tagapakinig?
4 Una, isaalang-alang ang itinuro ni Jesus. Ang tema ng kaniyang mensahe ay “ang mabuting balita ng Kaharian.” (Lucas 4:43) Iyan ay napakahalaga dahil sa papel na gagampanan ng Kaharian sa pagpapabanal sa pangalan ni Jehova—kasama na ang reputasyon niya bilang matuwid na Tagapamahala—at pagbibigay ng namamalaging mga pagpapala sa mga tao. Sa kaniyang pagtuturo, nag-alok din si Jesus ng matalinong payo para sa araw-araw na pamumuhay. Pinatunayan niyang siya ang inihulang “Kamangha-manghang Tagapayo.” (Isaias 9:6) Sa katunayan, paano nga ba hindi magiging kamangha-mangha ang kaniyang payo? Taglay niya ang malalim na kaalaman sa Salita at kalooban ng Diyos, matalas na pagkaunawa tungkol sa mga tao, at matinding pag-ibig sa mga tao. Kaya naman, ang kaniyang payo ay palaging praktikal at sa ikabubuti ng kaniyang mga tagapakinig. Binigkas ni Jesus ang mga “salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan.” Oo, kapag sinunod natin ang kaniyang mga payo, magkakaroon tayo ng buhay na walang hanggan.—Juan 6:68.
5. Ano ang ilang paksang tinalakay ni Jesus sa Sermon sa Bundok?
5 Ang Sermon sa Bundok ay isang napakagandang halimbawa ng walang katulad na karunungang masusumpungan sa mga turo ni Jesus. Ang sermong ito, gaya ng nakaulat sa Mateo 5:3–7:27, ay malamang na aabutin lamang ng 20 minuto kung bibigkasin. Gayunman, ang payo nito ay laging napapanahon—angkop pa rin ngayon gaya noong una itong ibinigay. Tinalakay ni Jesus ang napakaraming iba’t ibang paksa, lakip na yaong tungkol sa kung paano mapapabuti ang pakikisama sa iba (5:23-26, 38-42; 7:1-5, 12), kung paano makakapanatiling malinis sa moral (5:27-32), at kung paano magkakaroon ng isang makabuluhang buhay (6:19-24; 7:24-27). Subalit hindi lamang sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagapakinig kung ano ang landas ng karunungan; ipinakita rin niya ang mga ito sa pamamagitan ng pagpapaliwanag, pangangatuwiran, at paghaharap ng katibayan.
6-8. (a) Anong nakakakumbinsing mga dahilan ang ibinibigay ni Jesus upang maiwasan ang pag-aalala? (b) Ano ang nagpapakita na nasasalamin sa payo ni Jesus ang karunungan mula sa itaas?
6 Halimbawa, isaalang-alang ang matalinong payo ni Jesus kung paano haharapin ang pag-aalala tungkol sa materyal na mga bagay, gaya ng sinasabi sa Mateo kabanata 6. “Kaya sinasabi ko sa inyo: Huwag na kayong mag-alala kung ano ang kakainin o iinumin ninyo, o kung ano ang isusuot ninyo,” ang payo ni Jesus sa atin. (Talatang 25) Ang pagkain at damit ay pangunahing mga pangangailangan, at likas lamang na mabahala tungkol sa pagkakaroon ng mga ito. Subalit sinabihan tayo ni Jesus na “huwag . . . mag-alala” tungkol sa mga bagay na ito. b Bakit?
7 Nagbigay si Jesus ng mga nakakukumbinsing dahilan kung bakit hindi dapat mag-alala ang mga alagad niya. Yamang si Jehova ang nagbigay sa atin ng buhay at ng katawan, hindi ba niya kayang maglaan ng pagkain at damit na kailangan natin? (Talata 25) Kung ang Diyos ay naglalaan ng pagkain sa mga ibon at dinaramtan niya ng kagandahan ang mga bulaklak, lalo pa ngang pangangalagaan niya ang mga taong sumasamba sa kaniya! (Talata 26, 28-30) Sa totoo lang, ang di-kinakailangang pag-aalala ay talaga namang walang mararating. Hindi nito mapahahaba ang ating buhay kahit kapiraso. c (Talata 27) Paano natin maiiwasan ang pag-aalala? Pinapayuhan tayo ni Jesus: Patuloy na unahin sa buhay ang pagsamba sa Diyos. Yaong mga gumagawa nito ay makapagtitiwala na lahat ng kanilang pangangailangan sa araw-araw ay “ibibigay” sa kanila ng kanilang Ama sa langit. (Talata 33) Sa dakong huli, nagbigay si Jesus ng napakapraktikal na mungkahi—mamuhay nang paisa-isang araw lang. Bakit natin idaragdag ang mga álalahanín bukas sa mga álalahanín sa araw na ito? (Talata 34) Bukod diyan, bakit mag-aalala sa mga bagay na maaaring hindi naman kailanman mangyayari? Ang pagsunod sa gayong matalinong payo ay makapagliligtas sa atin sa napakaraming dalamhati sa maigting na sanlibutang ito.
8 Maliwanag na ang payong ibinigay ni Jesus ay praktikal pa rin sa ngayon gaya noong ibinigay ito halos 2,000 taon na ang nakalilipas. Hindi ba’t iyan ay katibayan ng karunungan mula sa itaas? Maging ang pinakamahusay na payo mula sa mga tagapayo ay naluluma at sa maikling panahon ay binabago o pinapalitan. Gayunman, ang mga turo ni Jesus ay hindi naluluma. Subalit hindi natin dapat pagtakhan iyan, sapagkat ang Kamangha-manghang Tagapayong ito ay nagsalita ng “mga pananalita ng Diyos.”—Juan 3:34.
Ang Kaniyang Paraan ng Pagtuturo
9. Ano ang sinabi ng ilang sundalo tungkol sa pagtuturo ni Jesus, at bakit hindi ito kalabisan?
9 Ang ikalawang pitak na doo’y nasasalamin kay Jesus ang karunungan ng Diyos ay ang paraan niya ng pagtuturo. Minsan, ang ilang sundalo na ipinadala upang arestuhin siya ay bumalik nang hindi siya kasama, na sinasabi: “Wala pang sinuman ang nakapagsalita nang tulad niya.” (Juan 7:45, 46) Hindi ito kalabisan. Sa lahat ng taong nabuhay kailanman, si Jesus, na “mula . . . sa itaas,” ang may pinakamalaking deposito ng kaalaman at karanasan na mapagkukunan. (Juan 8:23) Talagang nagturo siya sa paraang di-magagawa ng sinumang tao. Isaalang-alang ang dalawa lamang sa mga paraan ng marunong na Gurong ito.
“Namangha ang mga tao sa paraan niya ng pagtuturo”
10, 11. (a) Bakit hindi natin mapigilang humanga sa paggamit ni Jesus ng mga ilustrasyon? (b) Ano ba ang mga ilustrasyon, at anong halimbawa ang nagpapakitang napakabisa sa pagtuturo ng mga ilustrasyon ni Jesus?
10 Mabisang paggamit ng mga ilustrasyon. “Itinuro ni Jesus sa mga tao ang lahat ng ito sa pamamagitan ng mga ilustrasyon,” ang sabi sa atin. “Sa katunayan, hindi siya nagtuturo sa kanila nang walang ilustrasyon.” (Mateo 13:34) Talagang hindi natin mapigilang humanga sa kaniyang walang-katulad na kakayahang magturo ng malalalim na katotohanan sa pamamagitan ng mga bagay na nakikita sa araw-araw. Magsasakang nagtatanim ng mga binhi, babaeng naghahandang gumawa ng tinapay, mga batang naglalaro sa pamilihan, mga mangingisdang humihila ng lambat, pastol na naghahanap ng nawawalang tupa—ito ang mga bagay na madalas na nakikita ng kaniyang mga tagapakinig. Kapag ang mahahalagang katotohanan ay iniugnay sa mga bagay na pamilyar, ang mga katotohanang iyan ay mabilis at malalim na napapaukit sa isip at puso.—Mateo 11:16-19; 13:3-8, 33, 47-50; 18:12-14.
11 Si Jesus ay madalas na gumamit ng mga ilustrasyon, maiikling kuwento na pinagkukunan ng moral o espirituwal na mga katotohanan. Yamang ang mga kuwento ay mas madaling maunawaan at matandaan kaysa sa malalalim na ideya, ang mga ilustrasyon ay tumutulong upang maingatan ang turo ni Jesus. Sa maraming ilustrasyon, inilarawan ni Jesus ang kaniyang Ama sa pamamagitan ng buhay na buhay na mga ilustrasyon na mahirap malimutan. Halimbawa, sino nga ba ang hindi makauunawa sa punto ng ilustrasyon tungkol sa nawalang anak—na kapag ang isang naligaw ng landas ay nagpakita ng tunay na pagsisisi, si Jehova ay maaawa at magiliw na tatanggaping muli ang isang iyon?—Lucas 15:11-32.
12. (a) Sa anong paraan gumamit si Jesus ng mga tanong sa kaniyang pagtuturo? (b) Paano pinatahimik ni Jesus ang mga kumukuwestiyon sa kaniyang awtoridad?
12 Mahusay na paggamit ng mga tanong. Si Jesus ay gumamit ng mga tanong upang ang kaniyang mga tagapakinig ay mapakilos na gumawa ng sarili nilang konklusyon, suriin ang kanilang mga motibo, o gumawa ng mga pasiya. (Mateo 12:24-30; 17:24-27; 22:41-46) Nang kuwestiyunin ng mga lider ng relihiyon kung siya ba’y may bigay-Diyos na awtoridad, sumagot si Jesus: “Ang awtoridad ba ni Juan na magbautismo ay galing sa langit o sa mga tao?” Palibhasa’y nagulat sa tanong, nangatuwiran sila sa isa’t isa: “Kung sasabihin natin, ‘Sa langit,’ sasabihin niya, ‘Kung gayon, bakit hindi kayo naniwala sa kaniya?’ Pero maglalakas-loob ba tayong sabihing ‘Sa mga tao’?” Gayunman, “natatakot sila sa mga tao dahil lahat ng ito ay naniniwalang talagang propeta si Juan.” Kaya sumagot sila: “Hindi namin alam.” (Marcos 11:27-33; Mateo 21:23-27) Sa isang simpleng tanong, napatahimik sila ni Jesus at nabunyag ang pandaraya sa kanilang puso.
13-15. Paano nasasalamin sa ilustrasyon tungkol sa mabuting Samaritano ang karunungan ni Jesus?
13 Kung minsan, pinagsasama ni Jesus ang mga paraan sa pamamagitan ng pagsisingit ng pumupukaw-kaisipang mga tanong sa kaniyang mga ilustrasyon. Nang magtanong kay Jesus ang isang Judio na eksperto sa Kautusan kung ano ang kailangan para magkaroon ng buhay na walang hanggan, binanggit ni Jesus sa kaniya ang Kautusang Mosaiko, na nag-uutos na ibigin ang Diyos at ang kapuwa. Sa kagustuhang mapatunayan na siya’y matuwid, ang lalaking ito ay nagtanong: “Sino ba talaga ang kapuwa ko?” Sumagot si Jesus sa pamamagitan ng pagkukuwento. Isang lalaking Judio ang mag-isang naglalakbay noon nang bigla siyang salakayin ng mga magnanakaw, anupat iniwan siyang halos patay na. May dumating na dalawang Judio, ang una’y saserdote at ang sumunod ay Levita. Hindi siya pinansin ng dalawang ito. Subalit isang Samaritano naman ang dumating sa eksena. Dahil sa awa, maingat niyang ginamot ang mga sugat ng lalaki at dinala ito sa ligtas na lugar sa isang bahay-tuluyan na doo’y maaari siyang magpagaling. Sa pagtatapos ng kuwento, tinanong ni Jesus ang nagtanong sa kaniya: “Sa tingin mo, sino sa tatlong ito ang naging kapuwa sa lalaking nabiktima ng mga magnanakaw?” Napilitang sumagot ang lalaki: “Ang nagpakita ng awa sa kaniya.”—Lucas 10:25-37.
14 Paano nasasalamin sa ilustrasyon ang karunungan ni Jesus? Noong kapanahunan ni Jesus, ikinakapit ng mga Judio ang katagang “kapuwa” doon lamang sa mga sumusunod sa kanilang mga tradisyon—tiyak na hindi sa mga Samaritano. (Juan 4:9) Kung sa kuwento ni Jesus ay ang Samaritano ang biktima at ang Judio ang tumulong, maaalis ba niyan ang pagtatangi? Buong karunungang binalangkas ni Jesus ang kuwento upang lumabas na ang Samaritano ay magiliw na nagmalasakit sa Judio. Pansinin din ang tanong na iniharap ni Jesus sa pagtatapos ng kuwento. Ibinaling niya ang pansin sa katagang “kapuwa.” Sa diwa, ganito ang tanong ng lalaki: ‘Sino ang dapat kong pagpakitaan ng pag-ibig sa kapuwa?’ Subalit ito ang itinanong ni Jesus: “Sino sa tatlong ito ang naging kapuwa?” Itinuon ni Jesus ang pansin, hindi sa tumanggap ng kabaitan, ang biktima, kundi sa nagpakita ng kabaitan, ang Samaritano. Ang isang tunay na kapuwa ay yaong unang nagpapakita ng pag-ibig sa iba anuman ang kanilang pinagmulan. Wala nang hihigit pa sa paraang ito ni Jesus ng pagdiriin ng kaniyang punto.
15 Kataka-taka ba na ang mga tao’y humanga sa ‘paraan ng pagtuturo’ ni Jesus at maakit sa kaniya? (Mateo 7:28, 29) Minsan, “napakaraming tao” ang namalaging kasama niya sa loob ng tatlong araw kahit wala nang makain ang mga ito!—Marcos 8:1, 2.
Ang Kaniyang Paraan ng Pamumuhay
16. Sa anong paraan nagbigay si Jesus ng “praktikal na katunayan” na siya’y inuugitan ng karunungan ng Diyos?
16 Ang ikatlong pitak na doo’y nasasalamin kay Jesus ang karunungan ni Jehova ay ang kaniyang paraan ng pamumuhay. Ang karunungan ay praktikal; ito’y mabisa. “Sino sa inyo ang marunong?” ang tanong ng alagad na si Santiago. Pagkatapos ay sinagot niya ang kaniyang tanong, na sinasabi: “Hayaang ang kaniyang tamang paggawi ang magbigay ng praktikal na katunayan nito.” (Santiago 3:13, The New English Bible) Ang paraan ng pagkilos ni Jesus ay nagbigay ng “praktikal na katunayan” na siya’y inuugitan ng karunungan ng Diyos. Isaalang-alang natin kung paano niya itinanghal ang mahusay na pagpapasiya, kapuwa sa kaniyang paraan ng pamumuhay at sa pakikitungo niya sa iba.
17. Anong mga pahiwatig mayroon na si Jesus ay talagang timbang sa kaniyang buhay?
17 Napapansin mo ba na ang mga taong walang mahusay na pagpapasiya ay madalas na di-makatuwiran? Oo, kailangan ang karunungan upang maging timbang. Sa pagpapakita ng makadiyos na karunungan, si Jesus ay ganap na timbang. Higit sa lahat, inuna niya ang espirituwal na mga bagay sa kaniyang buhay. Siya’y naging abalang-abala sa paghahayag ng mabuting balita. “Ito ang dahilan kung bakit ako dumating,”ang sabi niya. (Marcos 1:38) Mangyari pa, hindi materyal na mga bagay ang pinakamahalaga sa kaniya; sa wari’y iilan-ilan lamang ang pag-aari niya sa materyal. (Mateo 8:20) Subalit, hindi naman niya pinagkaitan ang sarili niya. Gaya ng kaniyang Ama, ang “maligayang Diyos,” si Jesus ay isang masayahing tao, at nagdaragdag siya ng kagalakan sa iba. (1 Timoteo 1:11; 6:15) Nang siya’y dumalo sa isang handaan sa kasal—na karaniwan nang isang okasyon ng tugtugan, awitan, at kasayahan—naroroon siya hindi upang palungkutin ang okasyon. Nang maubusan ng alak, ang tubig ay ginawa niyang mainam na alak, isang inumin na “nagpapasaya sa puso ng tao.” (Awit 104:15; Juan 2:1-11) Pinaunlakan ni Jesus ang maraming paanyaya sa kainan, at madalas niyang ginagamit ang pagkakataong iyon upang magturo.—Lucas 10:38-42; 14:1-6.
18. Paano nagpakita si Jesus ng di-mapipintasang paghatol sa mga pakikitungo niya sa kaniyang mga alagad?
18 Si Jesus ay nagpakita ng di-mapipintasang paghatol sa kaniyang pakikitungo sa iba. Ang kaniyang kaunawaan tungkol sa mga tao ay nagbigay sa kaniya ng maliwanag na pagkakilala sa kaniyang mga alagad. Alam na alam niyang sila’y hindi perpekto. Gayunman, nakikita niya ang kanilang magagandang katangian. Nakikita rin niya ang potensiyal ng mga taong ito na inilapit ni Jehova. (Juan 6:44) Sa kabila ng kanilang mga pagkukulang, ipinakita ni Jesus na may tiwala siya sa kanila. Bilang patunay, ipinagkatiwala niya ang isang mabigat na pananagutan sa kaniyang mga alagad. Inatasan niya silang mangaral ng mabuting balita, at may tiwala siya sa kanilang kakayahan na matutupad ang atas na iyan. (Mateo 28:19, 20) Ang aklat ng Mga Gawa ay nagpapatunay na buong katapatan nilang ipinagpatuloy ang iniutos niya sa kanila na gawin. (Gawa 2:41, 42; 4:33; 5:27-32) Kung gayon, maliwanag na naging marunong si Jesus sa pagtitiwala sa kanila.
19. Paano ipinakita ni Jesus na siya’y “mahinahon at mapagpakumbaba”?
19 Gaya ng ating napansin sa Kabanata 20, iniuugnay ng Bibliya ang kapakumbabaan at kahinahunan sa karunungan. Mangyari pa, si Jehova ang nagpapakita ng pinakamainam na halimbawa sa bagay na ito. Subalit kumusta naman si Jesus? Nakapagpapasigla ng puso ang kapakumbabaang ipinakita ni Jesus sa pakikitungo sa kaniyang mga alagad. Bilang isang perpektong tao, siya’y nakatataas sa kanila. Gayunman, hindi niya hinamak ang kaniyang mga alagad. Hindi niya kailanman hinangad na ipadama sa kanila na sila’y mahinang klase o walang kakayahan. Sa kabaligtaran, naging makonsiderasyon siya sa kanilang mga limitasyon at matiisin sa kanilang mga pagkukulang. (Marcos 14:34-38; Juan 16:12) Hindi ba’t kapansin-pansin na maging ang mga bata ay naging palagay sa piling ni Jesus? Tiyak na sila’y naging malapít sa kaniya sapagkat nadama nilang siya’y “mahinahon at mapagpakumbaba.”—Mateo 11:29; Marcos 10:13-16.
20. Paano ipinakita ni Jesus ang pagkamakatuwiran sa pakikitungo sa babaeng Gentil na may anak na sinasaniban ng demonyo?
20 Si Jesus ay nagpakita ng makadiyos na kapakumbabaan sa isa pang mahalagang paraan. Siya’y makatuwiran, o mapagparaya, kapag nagiging angkop ito dahil sa awa. Halimbawa, alalahanin nang pakiusapan siya noon ng isang babaeng Gentil na pagalingin ang kaniyang anak na babae na sinasaniban ng demonyo. Sa tatlong iba’t ibang paraan, ipinahiwatig ni Jesus sa pasimula na hindi niya ito tutulungan—una, sa pamamagitan ng di-pagsagot sa kaniya; ikalawa, sa tuwirang pagsasabi na siya’y isinugo, hindi para sa mga Gentil, kundi para sa mga Judio; at ikatlo, sa pagbibigay ng ilustrasyon na may kabaitang nagpapakita ng gayunding punto. Gayunman, nagpumilit ang babae, na nagpapatunay sa pambihirang pananampalataya nito. Sa liwanag ng di-pangkaraniwang kalagayang ito, paano tumugon si Jesus? Ginawa niya mismo ang isang bagay na ipinahiwatig niyang hindi niya gagawin. Pinagaling niya ang anak ng babae. (Mateo 15:21-28) Kahanga-hangang pagpapakumbaba, hindi ba? At tandaan, ang kapakumbabaan ang ugat ng tunay na karunungan.
21. Bakit tayo dapat na magsikap na tularan ang personalidad, pagsasalita, at pamamaraan ni Jesus?
21 Kay laking pasasalamat natin na isinisiwalat sa atin ng mga Ebanghelyo ang mga salita at pagkilos ng pinakamarunong na tao na nabuhay kailanman! Alalahanin natin na si Jesus ay isang perpektong larawan ng kaniyang Ama. Sa pagtulad sa personalidad, pagsasalita, at pamamaraan ni Jesus, malilinang natin ang karunungan mula sa itaas. Sa susunod na kabanata, ating makikita kung paano natin maikakapit ang makadiyos na karunungan sa ating buhay.
a Noong panahon ng Bibliya, ang mga karpintero ay inuupahan sa pagtatayo ng mga bahay, paggawa ng mga muwebles, at paggawa ng mga gamit sa pagsasaka. Si Justin Martyr, ng ikalawang siglo C.E., ay sumulat tungkol kay Jesus: “Kinaugalian na niyang magtrabaho bilang isang karpintero kasama ng mga lalaki, na gumagawa ng mga araro at pamatok.”
b Ang pandiwang Griego na isinaling “mag-alala” ay nangangahulugang “guluhin ang isip.” Gaya ng pagkakagamit sa Mateo 6:25, ito’y tumutukoy sa pagkabahala na may halong takot na gumugulo o humahati sa isip, anupat nawawalan tuloy ng kagalakan sa buhay.
c Sa katunayan, ipinapakita ng siyentipikong pagsasaliksik na ang sobrang pag-aalala at stress ay makapaglalagay sa atin sa panganib na magkaroon ng sakit sa puso at ng marami pang karamdaman na maaaring magpaikli ng buhay.