KABANATA 11
“Lahat ng Ginagawa Niya ay Makatarungan”
1, 2. (a) Anong tahasang kawalan ng katarungan ang dinanas ni Jose? (b) Paano itinuwid ni Jehova ang kawalan ng katarungan?
IYON ay isang tahasang kawalan ng katarungan. Ang guwapong kabataan ay wala namang nagawang krimen, subalit nakakulong siya sa bartolina dahil sa maling paratang na tangkang panghahalay. Subalit hindi ito ang unang engkuwentro niya sa kawalan ng katarungan. Ilang taon bago nito, sa edad na 17, ang binatang ito, si Jose, ay ipinagkanulo ng kaniyang sariling mga kapatid, na kamuntik nang pumaslang sa kaniya. Siya’y ipinagbili para maging alipin sa isang banyagang lupain. Doon ay tinanggihan niya ang mga panrarahuyo ng asawa ng kaniyang panginoon. Bumuo ng maling paratang ang tinanggihang babae, at iyan ang dahilan ng kaniyang pagkakapiit. Ang nakalulungkot, tila wala man lamang mamamagitan para kay Jose.
2 Subalit, ang Diyos na “[maibigin sa] katuwiran at katarungan” ay nagmamasid. (Awit 33:5) Kumilos si Jehova upang ituwid ang kawalan ng katarungan, anupat minaniobra niya ang mga pangyayari upang sa dakong huli ay mapalaya si Jose. Bukod diyan, si Jose—ang lalaking itinapon sa bilangguan—ay inilagay nang dakong huli sa isang posisyon na may napakalaking pananagutan at pambihirang karangalan. (Genesis 40:15; 41:41-43; Awit 105:17, 18) Sa wakas, si Jose ay napatunayang walang kasalanan, at ginamit niya ang kaniyang mataas na posisyon upang itaguyod ang layunin ng Diyos.—Genesis 45:5-8.
Si Jose ay di-makatarungang nagdusa sa bilangguan
3. Bakit hindi kataka-taka na tayong lahat ay maghangad na pakitunguhan sa isang makatarungang paraan?
3 Nakaaantig ng ating damdamin ang ulat na iyan, hindi ba? Sino ba sa atin ang hindi nakaranas ng kawalan ng katarungan o hindi naging biktima nito? Oo, hangarin nating lahat na tayo’y pakitunguhan sa isang makatarungan at walang-pinapanigang paraan. Hindi ito nakapagtataka, sapagkat binigyan tayo ni Jehova ng mga katangiang nagpapaaninag ng kaniyang sariling personalidad, at ang katarungan ay isa sa kaniyang mga pangunahing katangian. (Genesis 1:27) Upang makilalang mabuti si Jehova, dapat nating maunawaan ang kaniyang pananaw sa katarungan. Sa gayon ay lalo nating mapahahalagahan ang kaniyang kahanga-hangang mga pamamaraan at mauudyukan tayong maging mas malapít sa kaniya.
Ano ang Katarungan?
4. Mula sa pananaw ng tao, ano ang karaniwang pagkaunawa sa katarungan?
4 Mula sa pananaw ng tao, ang katarungan, ayon sa karaniwang pagkaunawa, ay isa lamang walang-pinapanigang pagkakapit ng mga tuntunin ng batas. Ang aklat na Right and Reason—Ethics in Theory and Practice ay nagsasabi na “ang katarungan ay may kaugnayan sa batas, obligasyon, karapatan, at tungkulin, at inilalapat nito ang hatol alinsunod sa pagkawalang-pinapanigan o pagiging karapat-dapat.” Gayunman, ang katarungan ni Jehova ay hindi lamang basta mekanikal na pagkakapit ng mga regulasyong udyok ng tungkulin o obligasyon.
5, 6. (a) Ano ang kahulugan ng orihinal-na-wikang mga salita na isinaling “katarungan”? (b) Ano ang ibig sabihin na ang Diyos ay makatarungan?
5 Ang lawak at saklaw ng katarungan ni Jehova ay mas mauunawaan kung isasaalang-alang ang orihinal-na-wikang mga salita na ginagamit sa Bibliya. Sa Hebreong Kasulatan, tatlong pangunahing salita ang ginagamit. Ang salita na malimit isaling “katarungan” ay maaari ding isaling “kung ano ang tama.” (Genesis 18:25) Ang dalawa pang salita ay karaniwan nang isinasaling “katuwiran.” Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang salita na isinaling “katuwiran” ay binibigyang-kahulugan bilang ang “katangian ng pagiging tama o makatarungan.” Kung gayon, magkaugnay ang katuwiran at katarungan.—Amos 5:24.
6 Samakatuwid, kapag sinasabi ng Bibliya na ang Diyos ay makatarungan, sinasabi nito sa atin na ang ginagawa niya’y tama at walang pinapanigan at na ginagawa niya ito nang hindi pabago-bago at walang pagtatangi. (Roma 2:11) Ang totoo, mahirap isipin na hindi ito ang kaniyang gagawin. Ang tapat na si Elihu ay nagsabi: “Imposibleng gumawa ng masama ang tunay na Diyos; hinding-hindi gagawa ng mali ang Makapangyarihan-sa-Lahat!” (Job 34:10) Hinding-hindi gagawa ng di-makatarungan si Jehova. Bakit? Sa dalawang mahalagang dahilan.
7, 8. (a) Bakit si Jehova ay hindi maaaring maging di-makatarungan? (b) Ano ang nag-uudyok kay Jehova upang maging matuwid, o makatarungan, sa kaniyang pakikitungo?
7 Una, siya ay banal. Gaya ng napansin natin sa Kabanata 3, si Jehova ay ganap na dalisay at matuwid. Kung gayon, hindi siya maaaring gumawi nang liko, o maging di-makatarungan. Isaalang-alang ang ibig sabihin niyan. Ang kabanalan ng ating Ama sa langit ay nagbibigay sa atin ng matibay na dahilan upang magtiwalang hindi niya kailanman pagmamalupitan ang kaniyang mga anak. Taglay ni Jesus ang ganiyang pagtitiwala. Noong huling gabi ng kaniyang buhay sa lupa, siya’y nanalangin: “Amang Banal, bantayan mo sila [ang mga alagad] alang-alang sa iyong sariling pangalan.” (Juan 17:11) “Amang Banal”—sa Kasulatan, ang anyong iyan ng pagtawag ay kumakapit lamang kay Jehova. Angkop lamang ito, sapagkat walang amang tao ang maipapantay sa Kaniya sa kabanalan. Lubos ang pananalig ni Jesus na magiging ligtas ang kaniyang mga alagad sa mga kamay ng Ama, na ganap na dalisay at malinis at lubusang hiwalay sa lahat ng kasalanan.—Mateo 23:9.
8 Ikalawa, ang di-makasariling pag-ibig ay siyang buod ng personalidad ng Diyos. Ang gayong pag-ibig ay nag-uudyok sa kaniya upang maging matuwid, o makatarungan, sa kaniyang pakikitungo sa iba. Subalit ang kawalang-katarungan sa maraming anyo nito—lakip na ang pagkakapootan ng lahi, diskriminasyon, at pagtatangi—ay madalas na nagmumula sa kasakiman at pagkamakasarili, ang mga kabaligtaran ng pag-ibig. May kinalaman sa Diyos ng pag-ibig, ang Bibliya ay tumitiyak sa atin: “Si Jehova ay matuwid; iniibig niya ang matuwid na mga gawa.” (Awit 11:7) Sinasabi ni Jehova patungkol sa kaniyang sarili: “Ako, si Jehova, ay umiibig sa katarungan.” (Isaias 61:8) Hindi ba’t nakaaaliw na malaman na kinalulugdan ng ating Diyos ang paggawa ng kung ano ang tama, o makatarungan?—Jeremias 9:24.
Ang Awa at ang Perpektong Katarungan ni Jehova
9-11. (a) Ano ang kaugnayan ng katarungan ni Jehova at ng kaniyang awa? (b) Paano nakikita ang katarungan ni Jehova at ang kaniyang awa sa paraan ng kaniyang pakikitungo sa makasalanang mga tao?
9 Ang katarungan ni Jehova, gaya ng lahat ng iba pang pitak ng kaniyang walang-kapantay na personalidad, ay perpekto, na hindi nagkukulang ng anuman. Bilang papuri kay Jehova, si Moises ay sumulat: “Ang Bato, walang maipipintas sa kaniyang mga gawa, dahil lahat ng ginagawa niya ay makatarungan. Isang Diyos na tapat at hindi kailanman magiging tiwali; matuwid at tapat siya.” (Deuteronomio 32:3, 4) Bawat kapahayagan ng katarungan ni Jehova ay walang kapintasan—hindi masyadong maluwag, hindi rin naman masyadong mahigpit.
10 May malapit na kaugnayan ang katarungan ni Jehova at ang kaniyang awa. Ang Awit 116:5 ay nagsasabi: “Si Jehova ay mapagmalasakit at matuwid [“makatarungan,” The New American Bible]; ang Diyos natin ay maawain.” Oo, si Jehova ay kapuwa makatarungan at maawain. Ang dalawang katangiang ito ay hindi magkasalungat. Ang kaniyang pagpapakita ng awa ay hindi naman pagpapagaan ng kaniyang katarungan, na para bang napakahigpit ng kaniyang katarungan kung wala ang awang ito. Sa halip, ang dalawang katangiang ito ay sabay niyang ipinamamalas, kahit sa minsanang pagkilos pa nga. Isaalang-alang ang isang halimbawa.
11 Lahat ng tao ay nagmana ng kasalanan at sa gayo’y karapat-dapat sa kabayaran ng kasalanan—ang kamatayan. (Roma 5:12) Subalit si Jehova ay hindi nalulugod sa kamatayan ng mga makasalanan. Siya’y “isang Diyos na handang magpatawad, mapagmalasakit at maawain.” (Nehemias 9:17) Gayunman, dahil sa siya’y banal, hindi niya maaaring palampasin ang kalikuan. Kung gayon, paano niya maipapakita ang awa sa likas na makasalanang mga tao? Ang sagot ay masusumpungan sa isa sa pinakamahahalagang katotohanan ng Salita ng Diyos: ang paglalaan ni Jehova ng isang pantubos para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Higit pa ang ating matututuhan sa Kabanata 14 tungkol sa maibiging kaayusang ito. Ito ay kapuwa ganap na makatarungan at lubos na maawain. Sa pamamagitan nito, si Jehova ay makapagpapakita ng magiliw na awa sa mga nagsisising makasalanan habang pinananatili ang kaniyang mga pamantayan ng perpektong katarungan.—Roma 3:21-26.
Nakagagalak ng Puso ang Katarungan ni Jehova
12, 13. (a) Bakit ang katarungan ni Jehova ay naglalapít sa atin sa kaniya? (b) Ano ang naging konklusyon ni David hinggil sa katarungan ni Jehova, at paano ito nakaaaliw sa atin?
12 Ang katarungan ni Jehova ay, hindi isang walang-pakiramdam na katangian na nagtataboy sa atin, kundi isang mapagmahal na katangian na naglalapít sa atin sa kaniya. Maliwanag na inilalarawan ng Bibliya ang mahabaging katangian ng katarungan, o katuwiran, ni Jehova. Isaalang-alang natin ang ilan sa nakagagalak-pusong mga paraan ng pagsasagawa ni Jehova ng kaniyang katarungan.
13 Ang perpektong katarungan ni Jehova ay nag-uudyok sa kaniya na magpakita ng katapatan sa kaniyang mga lingkod. Naranasan mismo ng salmistang si David ang pitak na ito ng katarungan ni Jehova. Mula sa kaniyang sariling karanasan at mula sa kaniyang pag-aaral ng mga pamamaraan ng Diyos, ano ang naging konklusyon ni David? Nagpahayag siya: “Iniibig ni Jehova ang katarungan, at hindi niya iiwan ang mga tapat sa kaniya. Palagi silang babantayan.” (Awit 37:28) Tunay ngang nakaaaliw na katiyakan ito! Hinding-hindi kailanman pababayaan ng ating Diyos yaong mga nagtatapat sa kaniya. Kung gayon ay makaaasa tayo sa kaniyang pagiging malapít at sa kaniyang maibiging pangangalaga. Ginagarantiyahan ito ng kaniyang katarungan!—Kawikaan 2:7, 8.
14. Paanong ang pagmamalasakit ni Jehova sa mga mahihirap ang kalagayan ay nakikita sa Kautusan na ibinigay niya sa Israel?
14 Ang katarungan ng Diyos ay may matalas na pakiramdam sa mga pangangailangan ng mga napipighati. Ang pagmamalasakit ni Jehova sa mga mahihirap ang kalagayan ay nakikita sa Kautusan na ibinigay niya sa Israel. Halimbawa, ang Kautusan ay may pantanging paglalaan upang matiyak na napangangalagaan ang mga ulila at mga biyuda. (Deuteronomio 24:17-21) Palibhasa’y alam niya kung gaano kahirap ang magiging buhay ng gayong mga pamilya, si Jehova mismo ang naging makaamang Hukom nila at Tagapagtanggol, ang isa na ‘nagbibigay ng katarungan sa batang walang ama at biyuda.’ a (Deuteronomio 10:18; Awit 68:5) Binabalaan ni Jehova ang mga Israelita na kung bibiktimahin nila ang walang-kalaban-labang mga babae at mga bata, tiyak na pakikinggan niya ang daing ng gayong mga tao. Sinabi niya: “Mag-aapoy ang galit ko.” (Exodo 22:22-24) Bagaman ang galit ay hindi isa sa nangingibabaw na mga katangian ni Jehova, siya’y napupukaw sa matuwid na pagkagalit dahil sa di-makatarungang mga gawa na sinasadya, lalo na kung ang mga biktima ay mahihina at walang kalaban-laban.—Awit 103:6.
15, 16. Ano ang isang tunay na kahanga-hangang katibayan na si Jehova ay walang pinapanigan?
15 Tinitiyak din sa atin ni Jehova na siya’y “hindi nagtatangi o tumatanggap ng suhol.” (Deuteronomio 10:17) Di-gaya ng maraming makapangyarihan o maimpluwensiyang mga tao, si Jehova ay hindi nagpapadala sa materyal na kayamanan o panlabas na anyo. Siya’y ganap na walang kinikilingan o itinatangi. Isaalang-alang ang isang tunay na kahanga-hangang katibayan na si Jehova ay walang pinapanigan. Ang pagkakataong maging tunay niyang mananamba, na may pag-asang buhay na walang hanggan, ay hindi limitado sa iilang piling tao. Sa halip, “tinatanggap niya ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng tama, saanmang bansa ito nagmula.” (Gawa 10:34, 35) Ang kamangha-manghang pag-asang ito ay bukás sa lahat anuman ang kanilang kalagayan sa lipunan, kulay ng kanilang balat, o bansang pinaninirahan nila. Hindi ba’t iyan ang pinakasukdulang antas ng katarungan?
16 May isa pang aspekto ang perpektong katarungan ni Jehova na nararapat nating isaalang-alang at igalang: ang paraan ng kaniyang pakikitungo sa mga sumasalansang sa kaniyang matuwid na mga pamantayan.
Walang Pinaliligtas sa Kaparusahan
17. Ipaliwanag kung bakit ang kawalan ng katarungan sa daigdig na ito ay hindi magdudulot ng kapulaan sa katarungan ni Jehova.
17 Baka ang ilan ay nagtatanong: ‘Yamang hindi kinukunsinti ni Jehova ang kalikuan, paano natin ipaliliwanag ang di-makatarungang pagdurusa at mga tiwaling gawaing palasak na palasak na sa daigdig sa ngayon?’ Ang gayong mga kawalan ng katarungan ay hindi magdudulot ng kapulaan sa katarungan ni Jehova. Ang maraming kawalan ng katarungan sa masamang sanlibutang ito ay bunga ng kasalanan na minana ng mga tao kay Adan. Sa isang daigdig kung saan pinili ng di-perpektong mga tao ang kanilang makasalanang landasin, ang kawalang-katarungan ay laganap—ngunit hindi ito magtatagal.—Deuteronomio 32:5.
18, 19. Ano ang nagpapakitang hindi palaging pahihintulutan ni Jehova yaong kusang lumalabag sa kaniyang matuwid na mga kautusan?
18 Bagaman si Jehova ay nagpapakita ng saganang awa doon sa taimtim na lumalapit sa kaniya, hindi niya palaging pahihintulutan ang isang kalagayang nagdudulot ng kadustaan sa kaniyang banal na pangalan. (Awit 74:10, 22, 23) Ang Diyos ng katarungan ay hindi isa na malilibak; hindi niya hahayaang matakasan ng mga kusang nagkakasala ang di-kaayaayang hatol na nararapat sa kanilang landasin. Si Jehova ay “isang Diyos na maawain at mapagmalasakit, hindi madaling magalit at sagana sa tapat na pag-ibig at katotohanan, . . . pero tinitiyak niyang mapaparusahan ang mga may kasalanan.” (Exodo 34:6, 7) Kasuwato ng mga salitang ito, nasusumpungan ni Jehova kung minsan na kailangang ilapat ang hatol sa mga kusang lumalabag sa kaniyang matuwid na mga kautusan.
19 Halimbawa, isaalang-alang ang pakikitungo ng Diyos sa sinaunang Israel. Kahit naroroon na sa Lupang Pangako, ang mga Israelita ay paulit-ulit pa ring nahuhulog sa kawalang-katapatan. Bagaman ‘sinaktan nila ang damdamin’ ni Jehova dahil sa kanilang tiwaling landasin, hindi niya sila kaagad na itinakwil. (Awit 78:38-41) Sa halip, buong awa siyang nagbigay ng mga pagkakataon upang baguhin nila ang kanilang landasin. Nakiusap siya: “Hindi ako natutuwa kapag namatay ang masama. Mas gusto kong magbago siya at patuloy na mabuhay. Manumbalik kayo, talikuran ninyo ang masamang landasin ninyo, dahil bakit kailangan ninyong mamatay, O sambahayan ng Israel?” (Ezekiel 33:11) Palibhasa’y mahalaga sa kaniya ang buhay, paulit-ulit na isinugo ni Jehova ang kaniyang mga propeta sa pag-asang tatalikuran ng mga Israelita ang kanilang masasamang daan. Subalit, sa pangkalahatan, ang manhid na bayan ay tumangging makinig at magsisi. Nang dakong huli, alang-alang sa kaniyang banal na pangalan at sa lahat ng kinakatawanan nito, ibinigay sila ni Jehova sa mga kamay ng kanilang mga kaaway.—Nehemias 9:26-30.
20. (a) Ano ang itinuturo sa atin ng pakikitungo ni Jehova sa Israel? (b) Bakit nauugnay ang leon sa presensiya at trono ng Diyos?
20 Ang pakikitungo ni Jehova sa Israel ay may malaking naituturo sa atin tungkol sa kaniya. Natututuhan natin na nakikita niya ang lahat ng kalikuan at na siya’y lubhang apektado ng kaniyang nakikita. (Kawikaan 15:3) Nakapagpapalakas-loob ding malaman na hangad niyang maglawit ng awa kung may dahilan para gawin ito. Karagdagan pa, natututuhan natin na ang kaniyang katarungan ay hindi kailanman padalos-dalos. Dahil sa pagtitiis ni Jehova, inaakala ng maraming tao na hindi na siya kailanman maglalapat ng hatol laban sa masasama. Subalit lubhang taliwas iyan sa katotohanan, sapagkat ang pakikitungo ng Diyos sa Israel ay nagtuturo rin sa atin na ang pagtitiis ng Diyos ay may hangganan. Matatag si Jehova ukol sa katuwiran. Di-gaya ng mga tao, na madalas na natatakot sa pagsasagawa ng katarungan, hindi siya kailanman nawawalan ng lakas ng loob na manindigan sa kung ano ang tama. Angkop naman, ang leon bilang sagisag ng may tibay-loob na katarungan ay may kaugnayan sa presensiya at trono ng Diyos. b (Ezekiel 1:10; Apocalipsis 4:7) Kung gayon ay makatitiyak tayo na tutuparin niya ang kaniyang pangako na aalisin niya ang kawalan ng katarungan sa lupang ito. Oo, ang kaniyang paraan ng paghatol ay maaaring buoin gaya ng sumusunod: katatagan kung kailangan, awa kailanma’t maaari.—2 Pedro 3:9.
Pagiging Malapít sa Diyos ng Katarungan
21. Kapag binubulay-bulay natin ang paraan ng pagsasagawa ni Jehova ng katarungan, ano ang dapat nating isipin tungkol sa kaniya, at bakit?
21 Kapag binubulay-bulay natin ang paraan ng pagsasagawa ni Jehova ng katarungan, hindi natin dapat isipin na siya’y isang walang-pakiramdam at malupit na hukom na ang hangarin ay basta na lamang makahatol sa mga nagkakamali. Sa halip, dapat nating isipin na siya’y isang maibigin subalit matatag na Ama na palaging nakikitungo sa kaniyang mga anak sa pinakamabuting paraan. Bilang isang makatarungan, o matuwid, na Ama, pinagtitimbang ni Jehova ang katatagan sa kung ano ang tama at ang magiliw na pagkamahabagin sa kaniyang makalupang mga anak, na nangangailangan ng kaniyang tulong at pagpapatawad.—Awit 103:10, 13.
22. Palibhasa’y inuugitan ng kaniyang katarungan, pinaging posible ni Jehova na tayo’y magkaroon ng anong pag-asa, at bakit niya tayo pinakikitunguhan nang ganito?
22 Kay laking pasasalamat natin na ang katarungan ng Diyos ay hindi lamang yaong basta makahatol lamang sa mga nagkakamali! Palibhasa’y inuugitan ng kaniyang katarungan, pinaging posible ni Jehova na tayo’y magkaroon ng isang tunay na nakapananabik na pag-asa—perpekto at walang-katapusang buhay sa isang daigdig na “matuwid ang lahat ng bagay.” (2 Pedro 3:13) Ang ating Diyos ay nakikitungo sa atin nang ganito sapagkat ang layunin ng kaniyang katarungan ay ang magligtas sa halip na humatol. Tunay kung gayon, ang higit na pagkaunawa sa saklaw ng katarungan ni Jehova ay naglalapít sa atin sa kaniya! Sa susunod na mga kabanata, susuriin pa natin kung paano ipinapakita ni Jehova ang napakahusay na katangiang ito.
a Ang pananalitang “batang walang ama” ay nagpapakitang nagmamalasakit si Jehova hindi lang sa mga batang lalaking walang ama, kundi pati rin sa mga batang babaeng walang ama. Inilakip ni Jehova sa Kautusan ang isang ulat tungkol sa isang hudisyal na pasiya na gumagarantiya ng isang pamana sa walang-amang mga anak na babae ni Zelopehad. Ang kapasiyahang iyan ay nagtatag ng isang pamarisan, anupat itinataguyod ang mga karapatan ng mga batang babaeng walang ama.—Bilang 27:1-8.
b Kapansin-pansin, itinutulad ni Jehova ang kaniyang sarili sa isang leon sa paglalapat ng hatol sa taksil na Israel.—Jeremias 25:38; Oseas 5:14.