KABANATA 29
‘Alamin Ninyo ang Pag-ibig ng Kristo’
1-3. (a) Ano ang nag-udyok kay Jesus upang maghangad na maging katulad ng kaniyang Ama? (b) Anong mga pitak ng pag-ibig ni Jesus ang ating susuriin?
NAKAKITA ka na ba ng isang batang lalaki na nagsisikap na maging katulad ng kaniyang ama? Maaaring ginagaya ng anak na ito ang paraan ng kaniyang ama sa paglakad, pagsasalita, o pagkilos. Sa kalaunan, maaaring manahin pa nga ng bata ang moral at espirituwal na mga pamantayan ng kaniyang ama. Oo, ang pag-ibig at paghangang nadarama ng isang anak sa isang maibiging ama ang nag-uudyok sa bata upang maghangad na maging katulad ng kaniyang ama.
2 Kumusta naman ang ugnayan ni Jesus at ng kaniyang Ama sa langit? “Iniibig ko ang Ama,” minsan ay sinabi ni Jesus. (Juan 14:31) Walang sinuman ang makaiibig kay Jehova nang higit pa kaysa sa Anak na ito, na malaon nang kasa-kasama ng Ama bago pa man lumitaw ang ibang mga nilalang. Ang pag-ibig na iyan ang nag-udyok sa debotong Anak na ito na maghangad na maging katulad ng kaniyang Ama.—Juan 14:9.
3 Sa naunang mga kabanata ng aklat na ito, tinalakay natin kung paano ganap na tinularan ni Jesus ang kapangyarihan, katarungan, at karunungan ni Jehova. Subalit, paano naman kaya ipinamalas ni Jesus ang pag-ibig ng kaniyang Ama? Suriin natin ang tatlong pitak ng pag-ibig ni Jesus—ang kaniyang espiritu ng pagsasakripisyo, ang kaniyang pagiging maawain, at ang kaniyang pagiging handang magpatawad.
‘Walang Pag-ibig na Hihigit Pa Rito’
4. Paano nagpakita si Jesus ng pinakadakilang halimbawa ng pag-ibig na may pagsasakripisyo bilang isang tao?
4 Si Jesus ay nagpakita ng isang namumukod-tanging halimbawa ng pag-ibig na may pagsasakripisyo. Ang pagsasakripisyo ay nangangahulugan ng pag-una sa mga pangangailangan at kapakanan ng iba kaysa sa ating sarili. Paano ipinamalas ni Jesus ang gayong pag-ibig? Siya mismo ay nagpaliwanag: “Walang pag-ibig na hihigit pa kaysa sa pag-ibig ng isa na nagbibigay ng sarili niyang buhay para sa mga kaibigan niya.” (Juan 15:13) Kusang-loob na ibinigay ni Jesus ang kaniyang perpektong buhay para sa atin. Ito ang pinakadakilang kapahayagan ng pag-ibig na nagawa kailanman ng isang tao. Subalit ipinakita ni Jesus sa iba pang paraan ang pag-ibig na may pagsasakripisyo.
5. Bakit ang pag-alis sa langit ay isang maibiging pagsasakripisyo ng kaisa-isang Anak ng Diyos?
5 Sa kaniyang pag-iral bago naging tao, ang kaisa-isang Anak ng Diyos ay may bukod-tangi at nakatataas na posisyon sa langit. Siya ay may matalik na pakikipagsamahan kay Jehova at sa mga espiritung nilalang. Sa kabila ng personal na mga bentahang ito, “iniwan niya ang lahat ng taglay niya at nag-anyong alipin at naging tao.” (Filipos 2:7) Kusang-loob siyang namuhay na kasama ng makasalanang mga tao sa isang mundong “nasa ilalim ng kapangyarihan ng isa na masama.” (1 Juan 5:19) Hindi ba’t iyan ay isang maibiging pagsasakripisyo ng Anak ng Diyos?
6, 7. (a) Sa ano-anong paraan ipinakita ni Jesus ang pag-ibig na may pagsasakripisyo noong kaniyang ministeryo sa lupa? (b) Anong nakaaantig na halimbawa ng mapagsakripisyong pag-ibig ang nakaulat sa Juan 19:25-27?
6 Sa kaniyang buong ministeryo sa lupa, ipinakita ni Jesus ang pag-ibig na may pagsasakripisyo sa iba’t ibang paraan. Wala siyang bahid man lamang ng pagiging makasarili. Abalang-abala siya sa kaniyang ministeryo anupat isinakripisyo niya ang normal na kaginhawahang nakaugalian na ng mga tao. “Ang mga asong-gubat ay may lungga at ang mga ibon sa langit ay may pugad,” ang sabi niya, “pero ang Anak ng tao ay walang sariling bahay na matulugan.” (Mateo 8:20) Bilang isang mahusay na karpintero, maaari sanang magtayo muna si Jesus ng sariling komportableng tahanan o gumawa muna ng magagandang muwebles na maipagbibili upang siya’y magkapera naman. Subalit hindi niya ginamit ang kaniyang kakayahan upang magtamo ng materyal na mga bagay.
7 Ang isang tunay na nakaaantig na halimbawa ni Jesus ng pag-ibig na may pagsasakripisyo ay nakaulat sa Juan 19:25-27. Isip-isipin na lamang ang maraming bagay na tiyak na gumagambala sa isip at puso ni Jesus noong kinahapunang iyon ng kaniyang kamatayan. Habang siya’y naghihirap sa tulos, nasa isip niya ang kaniyang mga alagad, ang pangangaral, at lalo na ang kaniyang katapatan at ang idudulot nito sa pangalan ng kaniyang Ama. Sa katunayan, nakasalalay sa kaniyang mga balikat ang buong kinabukasan ng tao! Gayunman, mga ilang sandali na lamang bago siya mamatay, nagpakita rin ng pagkabahala si Jesus para sa kaniyang inang si Maria, na malamang na isa nang biyuda noon. Hiniling ni Jesus kay apostol Juan na alagaan niya si Maria anupat ituring na parang sarili niyang ina, at kinupkop naman ng apostol si Maria sa kaniyang tahanan. Sa gayon ay inasikaso ni Jesus ang pisikal at espirituwal na kapakanan ng kaniyang ina. Tunay ngang napakagiliw na kapahayagan ng mapagsakripisyong pag-ibig!
“Naawa Siya”
8. Ano ang kahulugan ng salitang Griego na ginamit sa Bibliya upang ilarawan ang pagiging maawain ni Jesus?
8 Gaya ng kaniyang Ama, si Jesus ay maawain. Ang Kasulatan ay naglalarawan kay Jesus bilang isa na nagsisikap makatulong sa mga napipighati sapagkat siya’y lubhang naaantig. Upang ilarawan ang pagiging maawain ni Jesus, ginamit sa Bibliya ang isang salitang Griego na isinaling “naawa.” Sinabi ng isang iskolar: “Naglalarawan ito . . . ng isang damdaming umaantig sa isang tao mula sa kaibuturan ng kaniyang puso. Ito ang pinakamapuwersang salita sa Griego para sa pagkadama ng awa.” Isaalang-alang ang ilang sitwasyon na dito’y naantig si Jesus ng isang matinding awa na siyang nag-udyok sa kaniya upang kumilos.
9, 10. (a) Ano ang sitwasyon noon kung kaya si Jesus at ang kaniyang mga apostol ay humanap ng isang tahimik na lugar? (b) Nang maistorbo ng mga tao ang kaniyang pagbukod mula sa karamihan, ano ang naging reaksiyon ni Jesus, at bakit?
9 Naudyukang tugunan ang espirituwal na mga pangangailangan. Ang ulat sa Marcos 6:30-34 ay nagpapakita kung ano ang pangunahing nag-udyok kay Jesus upang maawa. Ilarawan sa isip ang eksena. Ang mga apostol ay tuwang-tuwa noon, dahil katatapos pa lamang nila sa malawakang paglilibot upang mangaral. Bumalik sila kay Jesus at sabik na ibinalita ang lahat ng kanilang nakita at narinig. Subalit natipon ang napakaraming tao, anupat ni wala man lamang panahon si Jesus at ang kaniyang mga apostol upang kumain. Palibhasa’y likas na mapagmasid, napansin ni Jesus na pagod na ang mga apostol. “Sumama kayo sa akin sa isang lugar na malayo sa mga tao at magpahinga tayo nang kaunti,” ang sabi niya sa kanila. Sakay ng isang bangka, sila’y naglayag patawid sa hilagang dulo ng Lawa ng Galilea sa isang tahimik na lugar. Subalit nakita ng mga tao ang kanilang pag-alis. Nabalitaan naman ito ng iba. Lahat sila ay nagtakbuhan sa may hilagang baybayin at nauna pa nga sa bangka na makarating sa kabilang ibayo!
10 Nagalit ba si Jesus dahil naistorbo ang kaniyang pagbukod mula sa karamihan? Hindi! Naantig ang kaniyang damdamin nang makita ang mga taong ito, na may bilang na libo-libo, na naghihintay sa kaniya. Sumulat si Marcos: “Nakita niya ang napakaraming tao. Naawa siya sa kanila dahil para silang mga tupa na walang pastol. At tinuruan niya sila ng maraming bagay.” Itinuring ni Jesus ang mga taong ito bilang mga indibidwal na may pangangailangan sa espirituwal. Sila ay gaya ng mga tupang nagpapalaboy-laboy na lamang, palibhasa’y walang pastol na umaakay o pumoprotekta sa kanila. Batid ni Jesus na ang karaniwang mga tao ay pinababayaan ng walang-malasakit na mga lider ng relihiyon, na dapat sana’y naging mapagmalasakit na mga pastol. (Juan 7:47-49) Naawa siya sa mga tao, kaya tinuruan niya sila “tungkol sa Kaharian ng Diyos.” (Lucas 9:11) Pansinin na si Jesus ay naawa sa mga tao bago pa man niya makita ang kanilang reaksiyon sa kaniyang ituturo sa kanila. Sa ibang pananalita, ang awa ay hindi resulta ng kaniyang pagtuturo sa mga tao, kundi ang motibo na nag-udyok sa kaniya na gawin iyon.
11, 12. (a) Paano pinakikitunguhan ang mga ketongin noong panahon ng Bibliya, subalit paano tumugon si Jesus nang siya’y lapitan ng isang lalaking “punô ng ketong”? (b) Paano naapektuhan ang ketongin sa paghipo ni Jesus, at paano ito ipinaghalimbawa ng karanasan ng isang doktor?
11 Naudyukang ibsan ang pagdurusa. Batid ng mga taong may iba’t ibang karamdaman na si Jesus ay maawain, kaya naman sila’y lumapit sa kaniya. Kitang-kita ito nang si Jesus, habang sinusundan siya ng mga tao, ay lapitan ng isang lalaking “punô ng ketong.” (Lucas 5:12) Noong panahon ng Bibliya, ang mga ketongin ay ibinubukod upang huwag makahawa sa iba. (Bilang 5:1-4) Gayunman, nang maglaon, ang mga rabinikong lider ay bumuo ng isang walang-awang pananaw sa ketong at nagpataw ng kanilang sariling mabibigat na alituntunin. a Gayunman, pansinin kung paano tinugon ni Jesus ang ketongin: “May lumapit din sa kaniya na isang ketongin, at nakaluhod pa itong nagmakaawa sa kaniya: ‘Kung gugustuhin mo lang, mapagagaling mo ako.’ Naawa siya at hinipo ang lalaki, at sinabi niya: ‘Gusto ko! Gumaling ka.’ Nawala agad ang ketong ng lalaki.” (Marcos 1:40-42) Batid ni Jesus na hindi man lamang dapat na naroroon ang ketongin. Subalit sa halip na itaboy ito, si Jesus ay lubhang naantig anupat gumawa siya ng isang bagay na hindi sukat akalain. Hinipo ni Jesus ang ketongin!
12 Naiisip mo ba ang kahulugan ng paghipong iyon para sa ketongin? Bilang paghahalimbawa, isaalang-alang ang isang karanasan. Ikinuwento ni Dr. Paul Brand, espesyalista sa ketong, ang tungkol sa isang ketongin na ginamot niya sa India. Habang sinusuri niya ito, inakbayan niya ang ketongin at ipinaliwanag sa tulong ng isang interpreter ang paggamot na gagawin sa lalaki. Biglang umiyak ang ketongin. “May nasabi ba akong masama?” tanong ng doktor. Tinanong ng interpreter ang binata sa kaniyang wika at sumagot: “Wala raw po, Doktor. Napaiyak daw po siya dahil inakbayan ninyo siya. Sa loob ng maraming taon ay ngayon lamang daw po may humipo sa kaniya.” Para sa ketonging lumapit kay Jesus, ang paghipo sa kaniya ay may mas malawak pa ngang kahulugan. Pagkatapos ng minsang paghipong iyon, ang karamdamang naging dahilan upang siya’y itakwil ay nawala!
13, 14. (a) Anong prusisyon ang nasalubong ni Jesus pagdating sa lunsod ng Nain, at bakit ito’y isang napakalungkot na sitwasyon? (b) Ang awa ni Jesus ay nag-udyok sa kaniya na gawin ang ano para sa biyuda sa Nain?
13 Naudyukang pawiin ang pamimighati. Si Jesus ay lubhang naantig sa pamimighati ng iba. Halimbawa, isaalang-alang ang nakaulat sa Lucas 7:11-15. Naganap ito nang, sa mga kalahatian ng kaniyang ministeryo, si Jesus ay dumating sa may hangganan ng lunsod ng Nain sa Galilea. Habang papalapit si Jesus sa pintuang-daan ng lunsod, nasalubong niya ang isang prusisyon ng libing. Tunay na napakalungkot ng mga pangyayari. Ang namatay ay nag-iisang anak na lalaki, at ang ina naman nito ay isang biyuda. Malamang na nakasama na rin ang biyuda sa ganitong prusisyon nang mamatay ang kaniyang asawa. Sa pagkakataong ito ay sa kaniyang anak naman, na marahil ay siyang tanging sumusuporta sa kaniya. Kabilang marahil sa mga kasama niyang nakikipaglibing noon ang karagdagang mga mang-aawit ng mga panaghoy at manunugtog ng malulungkot na himig. (Jeremias 9:17, 18; Mateo 9:23) Gayunman, napatitig si Jesus sa namimighating ina, na walang alinlangang naglalakad sa tabi ng hinihigaan ng patay nitong anak.
14 Si Jesus ay “naawa” sa naulilang ina. Sa nakaaaliw na tinig, sinabi niya sa kaniya: “Huwag ka nang umiyak.” Kusa siyang lumapit sa hinihigaan ng patay at hinipo niya iyon. Ang mga tagabuhat—at marahil ang iba pang nakikipaglibing noon—ay napahinto. Sa malakas na tinig, sinabi ni Jesus sa patay: “Lalaki, inuutusan kita, bumangon ka!” Ano kaya ang sumunod na nangyari? “Umupo ang taong patay at nagsalita” na para bang nagising sa mahimbing na pagtulog! Pagkatapos ay isinunod ang isang totoong nakaaantig na pangungusap: “At ibinigay siya ni Jesus sa kaniyang ina.”
15. (a) Ang mga ulat sa Bibliya tungkol sa awa ni Jesus ay nagpapakita ng anong kaugnayan sa pagitan ng pagkaawa at pagkilos? (b) Paano natin matutularan si Jesus sa bagay na ito?
15 Ano ang matututuhan natin sa mga ulat na ito? Sa bawat pangyayari, pansinin ang kaugnayan ng pagkaawa at pagkilos. Hindi maaaring hindi maaawa si Jesus kapag nakikita niya ang malungkot na kalagayan ng iba, at hindi maaaring hindi siya kikilos kapag naaawa siya. Paano kaya natin matutularan ang kaniyang halimbawa? Bilang mga Kristiyano, tayo ay may obligasyon na mangaral ng mabuting balita at gumawa ng mga alagad. Pangunahin nang tayo ay nauudyukan ng pag-ibig sa Diyos. Gayunman, alalahanin natin na ito ay ginagawa rin natin dahil sa awa. Kung tayo ay may empatiya sa mga tao na gaya ni Jesus, mauudyukan tayo ng ating puso na gawin ang lahat ng ating makakaya upang ibahagi ang mabuting balita sa kanila. (Mateo 22:37-39) Kumusta naman ang pagpapakita ng awa sa mga kapananampalatayang nagdurusa o namimighati? Wala tayong kakayahan na makahimalang magpagaling ng karamdaman o bumuhay ng patay. Subalit, maipapakita natin ang awa sa pamamagitan ng pagmamalasakit o paglalaan ng kinakailangang tulong.—Efeso 4:32.
“Ama, Patawarin Mo Sila”
16. Paano nakita ang pagnanais ni Jesus na magpatawad kahit na noong siya ay nasa pahirapang tulos?
16 Ganap na masasalamin kay Jesus ang pag-ibig ng kaniyang Ama sa isa pang mahalagang paraan—siya ay “handang magpatawad.” (Awit 86:5) Ang katangiang ito ay nakita kahit na noong siya ay nasa pahirapang tulos. Nang sapilitang iparanas sa kaniya ang isang nakakahiyang kamatayan, anupat nakabaon ang mga pako sa kaniyang mga kamay at paa, ano ang sinabi ni Jesus? Hiniling ba niya kay Jehova na parusahan ang mga nagpapahirap sa kaniya? Sa kabaligtaran, ganito ang naging mga huling salita ni Jesus: “Ama, patawarin mo sila, dahil hindi nila alam ang ginagawa nila.”—Lucas 23:34. b
17-19. Sa ano-anong paraan ipinakita ni Jesus na pinatawad na niya si apostol Pedro sa pagkakaila sa kaniya nito nang tatlong ulit?
17 Marahil ang isa pa ngang mas nakaaantig na halimbawa ni Jesus ng pagpapatawad ay makikita sa paraan ng pakikitungo niya kay apostol Pedro. Walang kaduda-duda na pinakaiibig ni Pedro si Jesus. Noong Nisan 14, huling gabi ng buhay ni Jesus, sinabi ni Pedro sa kaniya: “Panginoon, handa akong sumama sa iyo sa bilangguan at sa kamatayan.” Subalit ilang oras lamang pagkaraan nito, tatlong ulit na ikinaila ni Pedro na kilala niya si Jesus! Sinasabi sa atin ng Bibliya ang nangyari habang ikinakaila ni Pedro si Jesus sa ikatlong pagkakataon: “Lumingon ang Panginoon at tumitig kay Pedro.” Palibhasa’y nanlupaypay sa bigat ng kaniyang kasalanan, si Pedro ay “lumabas . . . at humagulgol.” Nang mamatay si Jesus sa pagtatapos ng araw na iyon, malamang na naisip ng apostol, ‘Napatawad kaya ako ng aking Panginoon?’—Lucas 22:33, 61, 62.
18 Hindi na kinailangan ni Pedro na maghintay pa nang matagal para malaman ang sagot. Si Jesus ay binuhay-muli noong umaga ng Nisan 16, at maliwanag na noon mismong araw na iyon, siya ay personal na dumalaw kay Pedro. (Lucas 24:34; 1 Corinto 15:4-8) Bakit kaya gayon na lamang ang atensiyong ibinigay ni Jesus sa apostol na siyang mariing nagkaila sa kaniya? Maaaring nais ni Jesus na patibayin ang loob ng nagsisising si Pedro na siya’y iniibig pa rin at pinahahalagahan ng kaniyang Panginoon. Subalit higit pa nga rito ang ginawa ni Jesus upang mapatibay-loob si Pedro.
19 Pagkalipas ng ilang araw, si Jesus ay nagpakita sa mga alagad sa Lawa ng Galilea. Sa pagkakataong ito, tatlong ulit na tinanong ni Jesus si Pedro (na tatlong ulit na nagkaila sa kaniyang Panginoon) hinggil sa pag-ibig ni Pedro sa kaniya. Pagkatapos ng ikatlong tanong, sumagot si Pedro: “Panginoon, alam mo ang lahat ng bagay; alam mong mahal kita.” Tunay naman na yamang nakababasa siya ng puso, alam na alam ni Jesus ang pag-ibig at pagmamahal ni Pedro sa kaniya. Gayunman, binigyan ni Jesus si Pedro ng pagkakataong patunayan ang kaniyang pag-ibig. Bukod diyan, inatasan ni Jesus si Pedro na “pakainin” at “pastulan” ang kaniyang “maliliit na tupa.” (Juan 21:15-17) Bago nito, tumanggap na si Pedro ng isang atas na mangaral. (Lucas 5:10) Subalit ngayon, sa isang pambihirang pagpapakita ng pagtitiwala, binigyan siya ni Jesus ng mas mabigat na pananagutan—pangalagaan ang magiging mga tagasunod ni Kristo. Di-nagtagal, binigyan ni Jesus si Pedro ng isang prominenteng papel sa gawain ng mga alagad. (Gawa 2:1-41) Tiyak na nakahinga si Pedro nang maluwag sa pagkaalam na pinatawad na siya ni Jesus at may tiwala pa rin ito sa kaniya!
‘Alam Ba Ninyo ang Pag-ibig ng Kristo’?
20, 21. Paano natin lubusang ‘malalaman ang pag-ibig ng Kristo’?
20 Tunay ngang napakaganda ng pagkakalarawan ng Salita ni Jehova sa pag-ibig ng Kristo. Kung gayon, paano kaya natin tutugunin ang pag-ibig ni Jesus? Ang Bibliya ay humihimok sa atin na “[alamin] ang pag-ibig ng Kristo, na nakahihigit sa kaalaman.” (Efeso 3:19) Gaya ng nakita natin, ang mga ulat ng Ebanghelyo may kinalaman sa buhay at ministeryo ni Jesus ay may malaking naituturo sa atin tungkol sa pag-ibig ng Kristo. Gayunman, higit pa sa basta pagkatuto lamang ng sinasabi ng Bibliya tungkol sa kaniya ang kailangan upang lubusang “malaman . . . ang pag-ibig ng Kristo.”
21 Ang terminong Griego na isinaling “malaman” ay nangangahulugang makilala sa “praktikal na paraan, sa pamamagitan ng karanasan.” Kung tayo ay nagpapakita ng pag-ibig na gaya ng kay Jesus—anupat mapagsakripisyong naghahandog ng sarili alang-alang sa iba, maawaing tumutugon sa kanilang mga pangangailangan, buong-pusong nagpapatawad sa kanila—kung gayon ay tunay na mauunawaan natin ang kaniyang damdamin. Sa ganitong paraan, sa pamamagitan ng karanasan ay nagagawa nating “malaman . . . ang pag-ibig ng Kristo, na nakahihigit sa kaalaman.” At huwag nating kalilimutan kailanman na habang higit tayong nagiging gaya ni Kristo, lalo tayong napapalapít sa isa na ganap na tinularan ni Jesus, ang ating maibiging Diyos, si Jehova.
a Binanggit ng rabinikong mga alituntunin na dapat ay apat na siko (mga 1.8 metro) ang layo ng sinuman mula sa isang ketongin. Ngunit kapag mahangin, dapat ay di-kukulangin sa 100 siko (mga 45 metro) ang distansiya ng ketongin. Binabanggit sa Midrash Rabbah ang tungkol sa isang rabbi na nagtago mula sa mga ketongin at sa isa pa na nambato sa mga ketongin upang itaboy ang mga ito. Kaya naman, alam ng mga ketongin ang sakit na nadarama ng isang pinandidirihan, hinahamak, at kinasusuklaman.
b Ang unang bahagi ng Lucas 23:34 ay inalis sa ilang sinaunang manuskrito. Gayunman, dahil sa ang mga salitang ito ay makikita sa maraming iba pang mapanghahawakang manuskrito, ang mga ito ay inilakip sa Bagong Sanlibutang Salin at sa marami pang ibang salin. Malamang na ang tinutukoy ni Jesus ay ang mga sundalong Romano na pumatay sa kaniya. Hindi nila alam ang kanilang ginagawa, yamang hindi nila kilala kung sino talaga si Jesus. Baka naiisip din niya ang mga Judio na nagpapatay sa kaniya pero nang maglaon ay nanampalataya sa kaniya. (Gawa 2:36-38) Mangyari pa, ang mga lider ng relihiyon na nagsulsol sa pagpaslang na iyon ang mas higit na dapat sisihin, sapagkat alam nila ang kanilang ginagawa at masama ang kanilang hangarin. Para sa marami sa kanila, wala nang naghihintay na kapatawaran.—Juan 11:45-53.