Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALIN 29

Ano ang Nangyayari Kapag Namatay Tayo?

Ano ang Nangyayari Kapag Namatay Tayo?

Namatayan ka na ba ng mahal sa buhay? Baka maisip mo: ‘Ano ang nangyayari kapag namatay ang isang tao? Makikita ba natin siyang muli?’ Sa araling ito at sa susunod, tatalakayin natin ang nakakapagpatibay na sagot ng Bibliya.

1. Ano ang nangyayari kapag namatay tayo?

Ikinumpara ni Jesus ang kamatayan sa pagtulog. Ano ang pagkakatulad ng kamatayan sa pagtulog? Kapag natutulog ang isang tao, hindi niya alam ang nangyayari sa paligid niya. Ganiyan din kapag namatay ang isang tao, wala na siyang nararamdaman. Hindi na rin siya nalulungkot, kahit gaano pa niya kamahal ang mga kaibigan at kapamilya niya. “Walang alam ang mga patay,” ang sabi ng Bibliya.​—Basahin ang Eclesiastes 9:5.

2. Paano makakatulong sa atin ang katotohanan tungkol sa kamatayan?

Takót mamatay ang maraming tao. Natatakot din sila sa mga patay! Pero matutulungan tayo ng sinasabi ng Bibliya tungkol sa kamatayan. Sinabi ni Jesus: “Ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:32) Itinuturo ng ilang relihiyon na may kaluluwang nananatiling buháy, o imortal, kapag namatay ang isang tao. Pero kabaligtaran iyan ng itinuturo ng Bibliya. Itinuturo din nito na hindi na nagdurusa ang mga patay. Wala na silang alam sa nangyayari at hindi na nila tayo kayang saktan. Kaya walang dahilan para sambahin o payapain sila. At hindi rin sila kailangang ipanalangin.

Sinasabi ng ilang tao na nakakausap nila ang mga patay. Pero imposible iyon. Gaya ng natutuhan natin, ‘wala nang alam ang mga patay.’ Inaakala nila na nakakausap nila ang mga namatay nilang mahal sa buhay. Pero alam mo ba na ang nakakausap nila ay mga demonyo? Nagpapanggap lang ang mga demonyo bilang mga taong namatay. Dahil alam natin ang katotohanan tungkol sa mga patay, napoprotektahan tayo nito sa mga demonyo. Nagbababala si Jehova sa mga gustong makipag-usap sa mga patay kasi alam niya na mapapahamak tayo kapag nakipag-usap tayo sa mga demonyo.​—Basahin ang Deuteronomio 18:​10-12.

PAG-ARALAN

Alamin pa ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa kamatayan. Patibayin ang pananampalataya mo sa ating Diyos na mapagmahal at hindi nagpapahirap sa mga patay.

3. Ang katotohanan tungkol sa kalagayan ng mga patay

Sa buong mundo, iba-iba ang paniniwala ng mga tao tungkol sa kalagayan ng mga patay. Pero hindi lahat ng iyon ay tama.

  • Ano ang paniniwala ng mga tao sa inyong lugar?

Para malaman kung ano talaga ang itinuturo ng Bibliya, panoorin ang VIDEO.

Basahin ang Eclesiastes 3:20. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:

  • Ayon sa teksto, ano ang nangyayari kapag namatay ang isang tao?

  • May humihiwalay ba sa kaniya na patuloy na nabubuhay?

May sinasabi ang Bibliya tungkol sa kamatayan ng kaibigan ni Jesus na si Lazaro. Habang binabasa mo ang Juan 11:​11-14, pansinin ang sinabi ni Jesus na kalagayan ni Lazaro. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:

  • Saan ikinumpara ni Jesus ang kamatayan?

  • Ano ang itinuturo nito tungkol sa kalagayan ng mga patay?

  • Ano ang nararamdaman mo sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa kamatayan?

4. Makakatulong sa atin ang katotohanan tungkol sa kamatayan

Kapag alam natin ang katotohanan tungkol sa kalagayan ng mga patay, hindi na tayo matatakot sa kanila. Basahin ang Eclesiastes 9:10. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:

  • Kaya ba tayong saktan ng mga patay?

Napoprotektahan tayo ng mga katotohanan sa Bibliya mula sa mga turo na dapat sambahin o payapain ang mga patay. Basahin ang Isaias 8:19 at Apocalipsis 4:11. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:

  • Sa tingin mo, ano kaya ang nararamdaman ni Jehova sa mga tao na sumasamba o humihingi ng tulong sa mga patay?

Napapalaya tayo ng katotohanan tungkol sa mga patay mula sa mga kaugalian at turo na ayaw ni Jehova

5. Nakakagaan ng loob ang katotohanan tungkol sa kamatayan

Itinuturo sa mga tao na kapag namatay sila, paparusahan sila dahil sa nagawa nilang mga kasalanan. Pero nakakagaan ng loob malaman na kapag namatay ang isa, hindi na siya nahihirapan kahit na sobrang samâ ng ginawa niya noon. Basahin ang Roma 6:7. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:

  • Gaya ng nabasa natin sa Bibliya, napawalang-sala na ang isang taong namatay, o napatawad na ang kasalanan niya. Kaya sa tingin mo, nagdurusa pa ba ang mga namatay dahil sa nagawa nilang mga kasalanan?

Habang mas nakikilala natin si Jehova, mas naiintindihan natin na hindi niya papahirapan ang mga namatay. Basahin ang Deuteronomio 32:4 at 1 Juan 4:8. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:

  • Sa mga katangiang ito ng Diyos, naiisip mo ba na hahayaan niyang maghirap ang mga namatay?

  • Napatibay ka ba nang malaman mo ang katotohanan tungkol sa kamatayan? Bakit?

MAY NAGSASABI: “Takót akong mamatay kasi hindi ko alam kung ano ang mangyayari pagkatapos no’n.”

  • Anong mga teksto sa Bibliya ang babasahin mo?

SUMARYO

Kapag namatay ang isang tao, wala na siyang alam sa mga nangyayari. Hindi na siya nagdurusa at hindi na rin niya kayang saktan ang mga nabubuhay.

Ano ang Natutuhan Mo?

  • Ano ang nangyayari kapag namatay tayo?

  • Paano nakakatulong sa atin ang katotohanan tungkol sa kamatayan?

  • Bakit nakakagaan ng loob malaman ang katotohanan tungkol sa kamatayan?

Subukan Ito

TINGNAN DIN

Tingnan kung ano talaga ang kahulugan ng salitang “kaluluwa” na nasa Bibliya.

“Ano ang Kaluluwa?” (Artikulo sa jw.org/tl)

Pinapahirapan ba ng Diyos ang masasama sa impiyerno?

Totoo Bang May Maapoy na Impiyerno? (3:​07)

Tingnan ang naging epekto sa isang lalaki nang malaman niya ang katotohanan tungkol sa kamatayan.

“Humanga Ako sa Malinaw at Makatuwirang Sagot ng Bibliya” (Ang Bantayan, Pebrero 1, 2015)