ARALIN 49
Paano Magiging Masaya ang Pamilya Mo?—Bahagi 1
Gusto ng mga bagong kasal na magtagal habambuhay ang kagalakang nararamdaman nila. At puwedeng mangyari iyon. Napatunayan iyan ng mga Kristiyanong matagal nang mag-asawa na nagsikap na sundin ang mga payo ng Bibliya.
1. Ano ang payo ng Bibliya para sa mga asawang lalaki?
Inatasan ni Jehova ang mga asawang lalaki na maging ulo ng pamilya. (Basahin ang Efeso 5:23.) Gusto ni Jehova na gumawa sila ng mga desisyon na makakabuti sa pamilya nila. Pinapayuhan sila ng Bibliya: “Patuloy na mahalin ang inyong asawang babae.” (Efeso 5:25) Ano ang ibig sabihin nito? Mabait na pinapakitunguhan ng isang mapagmahal na mister ang misis niya sa bahay at kapag may kasama silang iba. Pinoprotektahan niya ang asawa niya at ginagawa ang lahat para maibigay ang pangangailangan nito sa pisikal at emosyonal. (1 Timoteo 5:8) At ang pinakamahalaga, tinutulungan niya siyang magkaroon ng malapít na kaugnayan kay Jehova. (Mateo 4:4) Halimbawa, puwede silang magkasamang manalangin at magbasa ng Bibliya. Kapag inaalagaan ng asawang lalaki ang asawa niya, naiingatan niya ang kaugnayan niya kay Jehova.—Basahin ang 1 Pedro 3:7.
2. Ano ang payo ng Bibliya para sa mga asawang babae?
Sinasabi ng Bibliya na ang asawang babae ay “dapat magkaroon ng matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki.” (Efeso 5:33) Paano niya ito magagawa? Pinapahalagahan niya ang magagandang katangian ng asawa niya at ang mga pagsisikap nito na pangalagaan siya at ang mga anak nila. Ipinapakita niyang iginagalang niya ito kapag sinusuportahan niya ang mga desisyon ng asawa niya. Mabait din siyang makipag-usap sa mister niya at magaganda ang sinasabi niya tungkol dito, kahit hindi ito mananamba ni Jehova.
3. Paano mapapatibay ng mag-asawa ang pagsasama nila?
Sinasabi ng Bibliya tungkol sa mag-asawa na “ang dalawa ay magiging isang laman.” (Mateo 19:5) Ibig sabihin, dapat nilang gawin ang buong makakaya nila para hindi masira ang pagsasama nila. Magagawa nila ito kung lagi silang magkasama. Makakatulong din kung tapat at may-kabaitan nilang sasabihin sa isa’t isa ang iniisip at nararamdaman nila. Bukod kay Jehova, wala nang mas mahalaga sa kanila kundi ang isa’t isa. At iniiwasan nilang maging sobrang malapít sa hindi nila asawa.
PAG-ARALAN
Tingnan ang mga prinsipyo sa Bibliya na makakatulong para tumibay ang pagsasama ng mag-asawa.
4. Asawang lalaki—mahalin at alagaan ang iyong asawa
Sinasabi ng Bibliya na “dapat mahalin ng mga asawang lalaki ang kanilang asawang babae na gaya ng sarili nilang katawan.” (Efeso 5:28, 29) Ano ang ibig sabihin nito? Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
-
Paano maipapakita ng asawang lalaki na mahal at inaalagaan niya ang kaniyang asawa?
Basahin ang Colosas 3:12. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
-
Paano maipapakita ng asawang lalaki ang mga katangiang ito?
5. Asawang babae—mahalin at igalang ang iyong asawa
Sinasabi ng Bibliya na dapat igalang ng asawang babae ang mister niya kahit hindi ito mananamba ni Jehova. Basahin ang 1 Pedro 3:1, 2. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
-
Kung hindi mananamba ni Jehova ang mister mo, siguradong gusto mo ring maging lingkod siya ni Jehova. Ano kaya ang mas makakatulong sa kaniya: Lagi mo siyang papangaralan? O magiging mabait at magalang kang asawa? Bakit?
Puwedeng makagawa ng magandang desisyon ang isang mag-asawa. Pero minsan, baka hindi gusto ng asawang babae ang desisyon ng asawa niya. Puwede niyang sabihin sa mahinahon at magalang na paraan ang mga naiisip niya. 1 Pedro 3:3-5. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Pero dapat niyang tandaan na ang asawa niya ang binigyan ni Jehova ng responsibilidad na magdesisyon kung ano ang makakabuti sa pamilya nila. Dapat niyang gawin ang buong makakaya niya para suportahan ang desisyon ng asawa niya. Kapag ginawa niya ito, nakakatulong siya na maging masaya ang buong pamilya. Basahin ang-
Ano ang nararamdaman ni Jehova kapag iginagalang ng asawang babae ang asawa niya?
6. Makakayanan ninyo ang mga problema sa inyong pagsasama
Walang perpektong mag-asawa. Kaya dapat silang magtulungan para makayanan ang mga problema nila sa kanilang pagsasama. Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
-
Sa video, ano ang mga palatandaan na lumalayo na ang loob ng mag-asawa sa isa’t isa?
-
Ano ang mga ginawa nila para tumibay muli ang pagsasama nila?
Basahin ang 1 Corinto 10:24 at Colosas 3:13. Sa bawat pagbasa ng teksto, talakayin ang tanong na ito:
-
Paano makakatulong ang payong ito para tumibay ang pagsasama ng mag-asawa?
Sinasabi ng Bibliya na dapat nating igalang ang isa’t isa. Magagawa natin ito kung magiging mabait tayo sa iba at papakitunguhan sila nang may dignidad. Basahin ang Roma 12:10. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
-
Dapat bang maghintayan sa pagpapakita ng paggalang ang mag-asawa? Bakit?
MAY NAGSASABI: “Lumalayo na ang loob namin sa isa’t isa. ’Di na kami gaya ng dati.”
-
Paano mo ipapaliwanag na matutulungan sila ng Bibliya?
SUMARYO
Magiging masaya ang mag-asawa kung mahal at may paggalang sila sa isa’t isa, at kung susundin nila ang mga prinsipyo sa Bibliya.
Ano ang Natutuhan Mo?
-
Ano ang magagawa ng asawang lalaki para maging masaya ang pagsasama nilang mag-asawa?
-
Ano ang magagawa ng asawang babae para maging masaya ang pagsasama nilang mag-asawa?
-
Kung may asawa ka, anong mga prinsipyo sa Bibliya ang makakatulong sa iyo para tumibay ang pagsasama ninyo?
TINGNAN DIN
Ano ang mga puwede mong gawin para maging masaya ang pamilya ninyo?
Sa music video, tingnan kung paano naging masaya ang mga mag-asawa nang sundin nila ang mga payo ng Diyos.
Alamin ang ibig sabihin ng pagpapasakop sa pagkaulo ng asawang lalaki.
“Mga Babae, Bakit Dapat Kayong Magpasakop sa Pagkaulo?” (Ang Bantayan, Mayo 15, 2010)
Paano naayos ng isang mag-asawa ang malalaking problema—kasama na ang pagdidiborsiyo nila?