SEKSIYON 2
Maging Tapat sa Isa’t Isa
“Ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.”—Marcos 10:9
Hinihiling ni Jehova na maging tapat tayo. (Awit 18:25) Mahalaga ito lalo na sa mag-asawa, dahil kung hindi tapat, mahirap magtiwala. At napakahalaga ng tiwala para lumago ang pag-ibig.
Sa ngayon, napakadaling mawala ng katapatan sa asawa. Para maingatan ang inyong pagsasama, kailangan mong gawin ang dalawang bagay.
1 GAWING PRIYORIDAD ANG IYONG ASAWA
ANG SABI NG BIBLIYA: ‘Tiyakin ang mga bagay na higit na mahalaga.’ (Filipos 1:10) Ang pagsasama ninyong mag-asawa ang isa sa pinakamahalaga sa iyong buhay. Dapat itong maging priyoridad.
Gusto ni Jehova na ibigay mo ang iyong atensiyon sa iyong asawa at ma-enjoy ninyo ang buhay nang magkasama. (Eclesiastes 9:9) Malinaw na ayaw ni Jehova na ipagwalang-bahala mo ang iyong kabiyak. Dapat kayong humanap ng mga paraan para mapasaya ang isa’t isa. (1 Corinto 10:24) Ipadama mo sa iyong asawa na kailangan mo siya at mahalaga siya sa iyo.
ANG PUWEDE MONG GAWIN:
-
Tiyakin na lagi kayong magkasama, at na ibinibigay mo sa kaniya ang iyong buong atensiyon
-
Laging isiping “kami” sa halip na “ako”
2 INGATAN ANG IYONG PUSO
ANG SABI NG BIBLIYA: “Ang bawat isa na patuloy na tumitingin sa isang babae upang magkaroon ng masidhing pagnanasa sa kaniya ay nangalunya na sa kaniya sa kaniyang puso.” (Mateo 5:28) Kung ang isa ay patuloy na nag-iisip ng imoral na mga bagay, para na rin siyang nagtataksil sa asawa niya.
Sinabi ni Jehova na “ingatan mo ang iyong puso.” (Kawikaan 4:23; Jeremias 17:9) Para magawa ito, dapat mong bantayan ang iyong mata. (Mateo 5:29, 30) Tularan ang patriyarkang si Job, na naging determinadong huwag tumingin nang may pagnanasa sa ibang babae. (Job 31:1) Maging determinadong umiwas sa pornograpya. At paglabanan ang anumang romantikong damdamin sa hindi mo asawa.
ANG PUWEDE MONG GAWIN:
-
Ipakita sa iba na tapat ka sa iyong asawa
-
Isipin ang madarama ng asawa mo, at tapusin agad ang anumang damdamin o kaugnayan sa iba na makasasakit sa iyong asawa