Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 3

Ang Isa na Gumawa ng Lahat ng Bagay

Ang Isa na Gumawa ng Lahat ng Bagay

Sino ang gumawa ng lahat ng bagay na may buhay?

MAY alam akong isang bagay na kahanga-hanga. Gusto mo bang marinig iyon?— Tingnan mo ang iyong kamay. Ibaluktot mo ang iyong mga daliri. Dumampot ka ng isang bagay. Ang iyong kamay ay maraming nagagawa, at mahusay nitong nagagawa ang mga ito. Alam mo ba kung sino ang gumawa ng ating mga kamay?

Oo, ang Isa ring ito ang gumawa ng ating bibig, ng ating ilong, at ng ating mga mata. Ito ang Diyos, ang Ama ng Dakilang Guro. Hindi ba tayo natutuwa na binigyan tayo ng Diyos ng mga mata?— Nakikita natin ang maraming bagay sa pamamagitan ng mga ito. Natitingnan natin ang mga bulaklak. Natitingnan natin ang kulay-berdeng damo at kulay-asul na kalangitan. Baka makakita pa nga tayo ng maliliit na ibong tumutuka ng pagkain na gaya ng nasa larawan. Talaga namang kahanga-hangang makita ang mga bagay na gaya nito, hindi ba?

Pero sino kaya ang gumawa ng mga bagay na ito? Tao ba ang gumawa sa kanila? Hindi. Ang mga tao ay nakagagawa ng bahay. Pero walang taong makagagawa ng damong tumutubo. Ang mga tao ay hindi makagagawa ng inakay, bulaklak, o anumang bagay na may buhay. Alam mo na ba iyon?

Ang Diyos ang isa na gumawa ng lahat ng mga bagay na ito. Ang Diyos ang gumawa ng langit at lupa. Ginawa rin niya ang mga tao. Nilalang niya ang unang lalaki at ang unang babae. Ito ang itinuro ni Jesus, ang Dakilang Guro.Mateo 19:4-6.

Paano nalaman ni Jesus na ang Diyos ang gumawa ng lalaki at babae? Nakita ba ni Jesus na ginawa ito ng Diyos?— Oo, nakita niya. Si Jesus ay kasama ng Diyos nang gawin ng Diyos ang lalaki at babae. Si Jesus ang unang persona na ginawa ng Diyos. Si Jesus ay isang anghel noon, at siya ay nakatira sa langit kasama ng kaniyang Ama.

Iniulat sa atin ng Bibliya na sinabi ng Diyos: “Gawin natin ang tao.” (Genesis 1:26) Alam mo ba kung sino ang kausap ng Diyos?— Kausap niya ang kaniyang Anak. Kausap niya ang isa na nang maglaon ay bumaba sa lupa at naging si Jesus.

Hindi ba’t kapana-panabik iyan? Isip-isipin na lamang! Kapag tayo ay nakikinig kay Jesus, tayo ay tinuturuan ng isa na kasama ng Diyos nang gawin ng Diyos ang lupa at ang lahat ng iba pang bagay. Maraming natutuhan si Jesus sa paggawang kasama ng kaniyang Ama sa langit. Hindi nga kataka-taka na si Jesus ay maging isang Dakilang Guro!

Sa palagay mo kaya ay malungkot ang Diyos sa kaniyang pag-iisa bago niya gawin ang kaniyang Anak?— Hindi. Buweno, kung hindi siya malungkot, bakit siya gumawa ng iba pang bagay na may buhay?— Ginawa niya ito dahil siya ay Diyos ng pag-ibig. Gusto niyang may iba pang mabuhay at lumigaya. Dapat nating pasalamatan ang Diyos dahil binigyan niya tayo ng buhay.

Nakikita ang pag-ibig ng Diyos sa lahat ng kaniyang ginawa. Ginawa ng Diyos ang araw. Ang araw ang nagbibigay sa atin ng liwanag at patuloy na nagpapainit sa atin. Ang lahat ng bagay ay magiging malamig at walang mabubuhay sa lupa kung wala tayong araw. Hindi ka ba natutuwa na ginawa ng Diyos ang araw?

Ginawa rin ng Diyos ang ulan. Maaaring kung minsan ay ayaw mo ng ulan dahil hindi ka makapaglaro sa labas kapag umuulan. Pero tumutulong ang ulan para lumago ang mga bulaklak. Kaya kapag nakakakita tayo ng magagandang bulaklak, sino ang pasasalamatan natin para sa mga ito?— Ang Diyos. At kanino tayo magpapasalamat kapag kumakain tayo ng masasarap na prutas at gulay?— Dapat nating pasalamatan ang Diyos sapagkat ang kaniyang araw at ulan ang nagpapatubo sa mga ito.

Halimbawang may magtanong sa iyo, ‘Ginawa ba ng Diyos ang tao at gayundin ang mga hayop?’ Ano ang sasabihin mo?— Tama ngang sabihin: “Opo, ginawa ng Diyos ang tao at ang mga hayop.” Pero ano kaya kung may hindi naniniwala na Diyos talaga ang gumawa sa mga tao? Ano kaya kung sabihin niyang ang tao ay galing sa mga hayop? Aba, hindi iyan ang itinuturo ng Bibliya. Sinasabi nito na nilalang ng Diyos ang lahat ng bagay na may buhay.Genesis 1:26-31.

Yamang may gumawa ng bahay, sino naman ang gumawa ng mga bulaklak, ng mga punungkahoy, at ng mga hayop?

Pero baka may magsabi sa iyo na hindi siya naniniwala sa Diyos. Ano kung gayon ang sasabihin mo?— Bakit hindi mo ituro ang isang bahay? Tanungin mo ang taong iyon: “Sino po kaya ang gumawa ng bahay na iyon?” Alam ng lahat na may gumawa niyaon. Imposible namang ginawa ng bahay ang sarili nito!Hebreo 3:4.

Pagkatapos ay isama mo ang taong iyon sa isang hardin at ipakita mo sa kaniya ang isang bulaklak. Itanong mo sa kaniya: “Sino po kaya ang gumawa nito?” Hindi tao ang gumawa nito. At kung paanong hindi ginawa ng bahay ang sarili nito, hindi rin ginawa ng bulaklak ang sarili nito. May gumawa nito. Ang Diyos.

Hilingin mo sa taong iyon na huminto muna at makinig sa awit ng isang ibon. Pagkatapos ay tanungin mo siya: “Sino po kaya ang gumawa sa mga ibon at nagturo sa kanila na umawit?” Ang Diyos. Ang Diyos ang isa na gumawa ng langit at lupa at lahat ng mga bagay na may buhay! Siya ang Isa na nagbibigay ng buhay.

Pero, baka may magsabi naman na naniniwala lamang siya sa kaniyang nakikita. Baka sabihin niya: ‘Kung hindi ko nakikita, hindi ko pinaniniwalaan.’ Kaya may mga tao na nagsasabing hindi sila naniniwala sa Diyos dahil hindi nila siya nakikita.

Totoo naman na hindi natin nakikita ang Diyos. Ang sabi ng Bibliya: ‘Walang tao ang maaaring makakita sa Diyos.’ Walang lalaki, babae, o bata sa lupa ang maaaring makakita sa Diyos. Kaya walang sinuman ang dapat sumubok na gumawa ng larawan o imahen ng Diyos. Sinabi pa nga ng Diyos sa atin na huwag gumawa ng imahen niya. Kaya naman, hindi matutuwa ang Diyos kung may gayong mga bagay tayo sa ating bahay.Exodo 20:4, 5; 33:20; Juan 1:18.

Pero kung hindi natin nakikita ang Diyos, paano natin malalaman na talaga ngang may Diyos? Pag-isipan ito. Nakikita mo ba ang hangin?— Hindi. Walang sinuman ang maaaring makakita sa hangin. Pero nakikita mo ang nagagawa ng hangin. Nakikita mong gumagalaw ang mga dahon kapag nahihipan ng hangin ang mga sanga ng isang punungkahoy. Kaya naniniwala kang may hangin.

Paano mo nalalamang may hangin?

Nakikita mo rin ang mga bagay na ginawa ng Diyos. Kapag nakakakita ka ng isang may-buhay na bulaklak, o ibon, nakikita mo ang isang bagay na ginawa ng Diyos. Kaya naniniwala ka na talagang may Diyos.

Baka may magtanong sa iyo, ‘Sino ba ang gumawa ng araw at ng lupa?’ Ang sabi ng Bibliya: “Nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa.” (Genesis 1:1) Oo, ginawa ng Diyos ang lahat ng mga kahanga-hangang bagay na ito! Ano ang masasabi mo tungkol diyan?

Hindi ba’t napakasarap mabuhay? Naririnig natin ang magagandang awit ng mga ibon. Nakikita natin ang mga bulaklak at ang iba pang mga bagay na ginawa ng Diyos. At nakakain natin ang mga pagkaing ibinibigay sa atin ng Diyos.

Dapat nating ipagpasalamat sa Diyos ang lahat ng bagay na ito. Higit sa lahat, dapat tayong magpasalamat sa kaniya dahil sa pagbibigay niya sa atin ng buhay. Kung talagang pinasasalamatan natin ang Diyos, mayroon tayong gagawin. Ano iyon?— Makikinig tayo sa Diyos, at gagawin natin ang sinasabi niya sa atin sa Bibliya. Sa paraang iyan ay maipakikita natin na iniibig natin ang Isa na gumawa ng lahat ng bagay.

Dapat tayong magpasalamat sa Diyos sa lahat ng kaniyang ginawa. Paano? Basahin ang nakasulat sa Awit 139:14; Juan 4:23, 24; 1 Juan 5:21; at Apocalipsis 4:11.