Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 16

Ano ba Talaga ang Mahalaga?

Ano ba Talaga ang Mahalaga?

Ano ang problema ng lalaking ito?

ISANG araw, may isang lalaki na nakipagkita kay Jesus. Alam niyang napakarunong ni Jesus, kaya sinabi niya sa kaniya: ‘Guro, sabihin mo sa aking kapatid na bigyan naman ako ng ilan sa mga tinataglay niya.’ Inisip ng lalaki na dapat mapasakaniya ang ilan sa mga bagay na iyon.

Kung ikaw si Jesus, ano kaya ang sasabihin mo?— Nakita ni Jesus na may problema ang lalaki. Pero ang problema ay hindi sa kailangan niya ang tinataglay ng kaniyang kapatid. Ang problema ng lalaki ay na hindi niya alam kung ano talaga ang mahalaga sa buhay.

Pag-isipan natin ito. Ano ba ang dapat na pinakamahalaga sa ating buhay? Iyon ba ay ang magkaroon ng magagandang laruan, bagong damit, o mga bagay na katulad nito?— Hindi, may isang bagay na mas higit pang mahalaga. At ito ang aral na gustong ituro ni Jesus. Kaya ikinuwento niya ang tungkol sa isang lalaking nakalimot sa Diyos. Gusto mo bang marinig ito?

Ang lalaking ito ay napakayaman. Mayroon siyang lupain at mga kamalig. Lumago nang husto ang mga pananim niya. Wala nang mapaglagyan sa kaniyang mga kamalig ng lahat ng kaniyang ani. Kaya, ano ang gagawin niya? Buweno, sinabi niya sa kaniyang sarili: ‘Gigibain ko ang aking mga kamalig at magtatayo ako ng mas malalaki pa. Saka ko iimbakin sa mga bagong kamalig na ito ang lahat ng aking mga ani at ang lahat ng aking mabubuting bagay.’

Akala ng mayamang lalaki ay ito na ang matalinong hakbangin. Akala niya’y napakarunong na niya sa pag-iimbak ng maraming bagay. Ang sabi niya sa kaniyang sarili: ‘Nakapag-imbak na ako ng maraming mabubuting bagay. Sapat na sa akin ito sa loob ng maraming taon. Kaya ngayon ay puwede na akong magrelaks. Ako ay kakain, iinom, at magpapakasaya sa aking sarili.’ Pero may mali sa iniisip ng mayamang lalaki. Alam mo ba kung ano iyon?— Wala siyang iniisip kundi ang kaniyang sarili at ang kaniyang kasiyahan. Nalimutan niya ang Diyos.

Ano ang iniisip ng mayamang lalaking ito?

Kaya nagsalita ang Diyos sa mayamang lalaki. Ang sabi niya: ‘Ikaw na lalaking mangmang. Mamamatay ka ngayong gabi. Sino ngayon ang magmamay-ari ng mga bagay na inimbak mo?’ Magagamit pa ba ng mayamang lalaki ang mga bagay na iyon pagkamatay niya?— Hindi na, may iba nang kukuha sa mga iyon. Sinabi ni Jesus: “Gayon ang nangyayari sa taong nag-iimbak ng kayamanan para sa kaniyang sarili ngunit hindi mayaman sa Diyos.”Lucas 12:13-21.

Ayaw mong makatulad ng mayamang lalaking ito, hindi ba?— Ang pangunahing layunin niya sa buhay ay ang magkaroon ng materyal na mga bagay. Iyan ay isang pagkakamali. Gusto niyang magkaroon ng higit at higit pa. Pero hindi siya “mayaman sa Diyos.”

Maraming tao ang katulad ng mayamang lalaking ito. Gusto nila ng higit at higit pa. Pero maaari itong humantong sa malalaking problema. Halimbawa, mayroon kang mga laruan, hindi ba?— Anu-ano ang ilan sa mga laruan mo? Sabihin mo sa akin.— Paano kung ang isa sa iyong mga kaibigan ay may bola o manika o ibang laruan na wala ka? Tama bang kulitin mo ang iyong mga magulang na ibili ka nito?

Maaaring kung minsan ay parang napakaimportante sa iyo ng isang laruan. Pero ano ang nangyayari rito pagkaraan?— Ito’y naluluma. Maaari itong masira, at aayawan mo pa nga ito. Ang totoo, mayroon kang isang bagay na higit pang mahalaga kaysa sa mga laruan. Alam mo ba kung ano ito?

Ano ang taglay mo na mas mahalaga kaysa sa mga laruan?

Ang iyong buhay. Napakahalaga ng iyong buhay dahil kung wala ito, wala kang magagawang anuman. Pero ang iyong buhay ay depende sa paggawa ng mga bagay na nakalulugod sa Diyos, hindi ba?— Kaya huwag nating tularan ang mangmang na mayamang lalaking iyon na nakalimot sa Diyos.

Hindi lamang mga bata ang maaaring makagawa ng mangmang na mga bagay na katulad ng mayamang lalaking iyon. Ginagawa rin ito ng maraming nasa edad na. Ang ilan sa kanila ay gustong magkaroon ng higit at higit pa kaysa sa tinataglay nila. Maaaring may pagkain na sila sa araw na iyon, damit na maisusuot, at tirahan. Pero gusto nila ng higit pa. Gusto nila ng maraming damit. At gusto nila ng mas malalaking bahay. Ang mga bagay na ito ay binibili ng pera. Kaya nagtatrabaho sila nang husto para magkaroon ng maraming pera. At kahit marami na silang pera, gusto nila ng mas marami pa.

Ang ilang nasa edad na ay nagiging lubhang abala sa pagsisikap na magkapera anupat wala na silang panahon sa kanilang pamilya. At wala na silang panahon para sa Diyos. Maiingatan ba silang buháy ng kanilang pera?— Hindi puwede iyon. Magagamit pa ba nila ang kanilang pera kung patay na sila?— Hindi na. Ito ay dahil wala nang anumang magagawa ang patay.Eclesiastes 9:5, 10.

Nangangahulugan ba ito na masamang magkapera?— Hindi naman. Nakabibili tayo ng pagkain at damit kapag may pera. Sinasabi ng Bibliya na ito ay pananggalang. (Eclesiastes 7:12) Pero kung iniibig natin ang pera, magkakaproblema tayo nang malaki. Makakatulad tayo ng mangmang na mayamang lalaking iyon na nag-imbak ng mga kayamanan para sa kaniyang sarili pero hindi mayaman sa Diyos.

Ano ba ang ibig sabihin ng maging mayaman sa Diyos?— Nangangahulugan ito na inuuna natin ang Diyos sa ating buhay. Sinasabi ng ilang tao na sila’y naniniwala sa Diyos. Ang akala nila ay sapat na ang maniwala. Pero sila ba’y talagang mayaman sa Diyos?— Hindi, sila’y katulad ng mayamang lalaki na nakalimot sa Diyos.

Si Jesus ay hindi kailanman nakalimot sa kaniyang Ama sa langit. Hindi niya sinikap na magkaroon ng maraming pera. At wala siyang maraming materyal na mga bagay. Alam ni Jesus kung ano talaga ang mahalaga sa buhay. Alam mo ba kung ano ito?— Ang pagiging mayaman sa Diyos.

Ano ang ginagawa ng batang ito na talagang mahalaga?

Sabihin mo sa akin, paano tayo magiging mayaman sa Diyos?— Maaari tayong maging mayaman sa Diyos sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na nakalulugod sa kaniya. Ang sabi ni Jesus: “Lagi kong ginagawa ang mga bagay na kalugud-lugod sa kaniya.” (Juan 8:29) Natutuwa ang Diyos kapag ginagawa natin ang mga bagay na ipinagagawa niya sa atin. Sabihin mo sa akin, anu-anong bagay ang maaari mong gawin para malugod ang Diyos?— Oo, maaari kang magbasa ng Bibliya, dumalo sa mga Kristiyanong pagpupulong, manalangin sa Diyos, at tumulong sa iba na matuto tungkol sa kaniya. Ang mga bagay na ito ang talagang pinakamahalaga sa buhay.

Dahil si Jesus ay mayaman sa Diyos, iningatan siya ni Jehova. Ibinigay niya kay Jesus ang gantimpala na mabuhay magpakailanman. Kung tayo’y katulad ni Jesus, tayo rin ay iibigin at iingatan ni Jehova. Kaya maging katulad sana tayo ni Jesus at huwag kailanman maging gaya ng mayamang lalaking iyon na nakalimot sa Diyos.

Narito ang ilang teksto sa Bibliya na nagpapakita kung paano magkakaroon ng tamang pangmalas sa materyal na mga bagay: Kawikaan 23:4; 28:20; 1 Timoteo 6:6-10; at Hebreo 13:5.