KABANATA 38
Kung Bakit Dapat Nating Ibigin si Jesus
ISIPIN mong ikaw ay nasa isang bangkang lumulubog. Gusto mo bang may sumagip sa iyo?
Mangyari pa, hindi tayo inililigtas ni Jesus mula sa pagkalunod. Mula saan nga niya tayo inililigtas? Natatandaan mo ba?
Ang Bibliya ay nagsasabi: “Halos walang sinuman ang mamamatay para sa isang taong matuwid; totoo nga, para sa taong mabuti, marahil, ay may mangangahas pa ngang mamatay.” Pero, ipinaliliwanag ng Bibliya na si Jesus ay “namatay para sa mga taong di-makadiyos.” Kabilang dito ang mga taong ni hindi man lamang naglilingkod sa Diyos! Ang sabi pa ng Bibliya: “Samantalang tayo ay mga makasalanan pa [gumagawa pa ng masama], si Kristo ay namatay para sa atin.”
May maiisip ka bang apostol na dati ay gumawa rin ng napakasasamang bagay?
Isipin mo na lamang kung gaano kalaki ang pag-ibig ng Diyos para isugo ang kaniyang Anak upang mamatay para sa ganitong uri ng mga tao! Bakit hindi mo kunin ang iyong Bibliya at basahin ito sa Juan kabanata 3, . Doon ay sinasabi nito: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan [yaong mga taong nakatira sa lupa] anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” talata 16
Pinatunayan ni Jesus na ang pag-ibig niya sa atin ay katulad din ng sa kaniyang Ama. Marahil ay natatandaan mo na sa Kabanata 30 ng aklat na ito, nabasa natin ang tungkol sa mga dinanas ni Jesus nang gabing arestuhin siya. Dinala siya sa bahay ng mataas na saserdoteng si Caifas, at doon Siya nilitis. Iniharap ang mga bulaang saksi na nagsabi ng mga kasinungalingan tungkol kay Jesus, at pinagsusuntok siya ng mga tao. Iyan ay noong ikaila ni Pedro si Jesus. Kunwari ay naroroon tayo at nakikita natin ang nangyayari.
Umaga na. Magdamag na gising si Jesus. Palibhasa’y ilegal ang ginawang paglilitis sa gabi, nagmamadaling ipinatawag ng mga saserdote ang Sanedrin, o mataas na hukuman ng mga Judio, at nagsagawa ng panibagong paglilitis. Dito ay inakusahan na naman nila si Jesus ng mga krimen laban sa Diyos.
Pagkatapos ay ipinagapos ng mga saserdote si Jesus, at dinala nila siya kay Pilato, ang Romanong gobernador. Sinabi nila kay Pilato: ‘Si Jesus ay laban sa pamahalaan. Dapat siyang mamatay.’ Pero nahahalata ni Pilato na nagsisinungaling ang mga saserdote. Kaya sinabi ni Pilato sa kanila: ‘Wala akong makitang pagkakamali sa taong ito. Palalayain ko siya.’ Pero sumigaw ang mga saserdote at ang iba pa: ‘Hindi! Patayin siya!’
Mayamaya, sinubukan uli ni Pilato na sabihin sa mga tao na palalayain niya si Jesus. Pero inudyukan ng mga saserdote ang mga tao na sumigaw: ‘Kung palalayain mo siya, laban ka rin sa pamahalaan! Patayin siya!’ Lalong umingay ang mga tao. Alam mo ba kung ano ang ginawa ni Pilato?
Pumayag na rin siya. Ipinahagupit muna niya si Jesus. Pagkatapos ay ibinigay niya siya sa mga sundalo para patayin. Nilagyan nila ng koronang tinik ang ulo ni Jesus at ginawa siyang katatawanan sa pamamagitan ng
pagyukod sa harapan niya. Pagkatapos ay ipinabuhat nila kay Jesus ang isang malaking poste, o tulos, at dinala siya sa labas ng lunsod sa isang lugar na tinatawag na Pook ng Bungo. Doon ay ipinako nila sa tulos ang mga kamay at paa ni Jesus. Pagkatapos ay itinayo nila ito kung kaya si Jesus ay nakabitin doon. Siya ay duguan. Napakatindi ng sakit.Hindi agad namatay si Jesus. Basta nakabitin lamang siya sa tulos. Ginawa siyang katatawanan ng mga punong saserdote. At ang mga nagdaraan ay nagsabi: “Kung ikaw ay anak ng Diyos, bumaba ka mula sa pahirapang tulos!” Pero alam ni Jesus ang ipinagagawa sa kaniya ng kaniyang Ama kung kaya siya isinugo. Alam niya na dapat niyang ibigay ang kaniyang sakdal na buhay upang magkaroon tayo ng pagkakataong mabuhay magpakailanman.
Talagang ibang-iba si Jesus kay Adan! Si Adan ay hindi nagpakita ng pag-ibig sa Diyos. Sinuway niya ang Diyos. Ni hindi rin nagpakita si Adan ng pag-ibig sa atin. Dahil nagkasala siya, tayong lahat ay ipinanganak sa kasalanan. Pero si Jesus ay nagpakita ng pag-ibig sa Diyos at sa atin. Palagi siyang sumusunod sa Diyos. At ibinigay niya ang kaniyang buhay para maalis niya ang pinsalang ginawa sa atin ni Adan.
Pinasasalamatan mo ba ang kahanga-hangang bagay na ginawa ni Jesus?
Sumulat si apostol Pablo sa mga Kristiyano sa lunsod ng Corinto: “Ang pag-ibig ni Kristo ang pumipilit sa amin na kumilos.” Sa anong uri ng pagkilos tayo inuudyukan ng pag-ibig ni Kristo? Ano sa palagay mo?
May naiisip ka bang paraan na maipakikita mong nabubuhay ka para paluguran si Kristo?
Ang isa pang dahilan kung bakit dapat nating ibigin si Jesus ay dahil sa gusto nating tularan si Jehova. “Iniibig ako ng Ama,” ang sabi ni Jesus. Alam mo ba kung bakit niya iniibig si Jesus at kung bakit dapat na gayundin tayo?
Para lalo nating mapahalagahan si Jesus at ang kaniyang ginawa para sa atin, pakibasa ang Juan 3:35; 15: