Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 21

Dapat ba Tayong Magyabang?

Dapat ba Tayong Magyabang?

ANO ba ang ibig sabihin ng magyabang? Alam mo ba?— Heto ang isang halimbawa. Nasubukan mo na bang gumawa ng isang bagay na doo’y hindi ka masyadong sanáy? Baka sinubukan mong sipain ang isang bola ng soccer. O baka sinubukan mong magluksong-lubid. May nagsabi ba ng, “Ha! Ha! Ha! Mas magaling ako riyan kaysa sa iyo”?— Buweno, nagyayabang ang taong iyon.

Ano ang nararamdaman mo kapag may gumagawa nito? Gusto mo ba ito?— Kung gayon, ano sa palagay mo ang mararamdaman ng iba kung ipagyayabang mo ang iyong sarili?— Isang kabaitan ba na sabihin sa iba, “Mas magaling ako sa iyo”?— Gusto ba ni Jehova ang mga taong gumagawa nito?

Ang Dakilang Guro ay may kilalang mga tao na nag-iisip na sila’y mas magaling kaysa sa iba. Ipinagyayabang nila, o ipinaghahambog, ang kanilang sarili at hinahamak ang iba. Kaya isang araw ay nagkuwento si Jesus para ipakita sa kanila na maling-mali nga na ipagyabang ang kanilang sarili. Pakinggan natin ito.

Ang kuwento ay tungkol sa isang Pariseo at isang maniningil ng buwis. Ang mga Pariseo ay mga guro ng relihiyon, madalas na umaarteng mas matuwid o mas banal kaysa sa ibang tao. Ang Pariseo sa kuwento ni Jesus ay umakyat sa templo ng Diyos sa Jerusalem para manalangin.

Bakit nalugod ang Diyos sa maniningil ng buwis pero hindi sa Pariseo?

Sinabi ni Jesus na isang maniningil ng buwis ang umakyat din sa templo para manalangin. Hindi gusto ng karamihan ng mga tao ang mga maniningil ng buwis. Pakiramdam nila ay dinadaya sila ng mga maniningil ng buwis. At totoo naman na maraming maniningil ng buwis ang hindi palaging tapat.

Sa templo, nagsimulang manalangin sa Diyos ang Pariseo nang ganito: ‘O Diyos, nagpapasalamat ako sa iyo na hindi ako makasalanan na gaya ng ibang tao riyan. Hindi ako nandaraya ng mga tao o gumagawa ng iba pang masasamang bagay. Hindi ako gaya ng maniningil ng buwis na iyon. Ako ay isang matuwid na tao. Dalawang beses sa isang linggo na hindi ako kumakain para mas marami akong panahon na isipin ka. At ibinibigay ko sa templo ang ikasampu ng lahat ng bagay na aking nakukuha.’ Talagang akala ng Pariseo ay mas magaling siya kaysa sa iba, hindi ba?— At sinabi rin niya ito sa Diyos.

Pero hindi ganito ang maniningil ng buwis. Ni hindi man lamang siya makatingin sa langit habang nananalangin siya. Nanatili siyang nakatayo sa malayo habang nakatungo. Lungkot na lungkot ang maniningil ng buwis dahil sa kaniyang mga kasalanan, at dinadagukan niya ang kaniyang dibdib dahil sa matinding lungkot. Hindi niya sinabi sa Diyos kung gaano siya kabuti. Sa halip, nanalangin siya: ‘O Diyos, maging mabait ka sana sa akin na isang makasalanan.’

Sino sa dalawang lalaking ito sa palagay mo ang nakalulugod sa Diyos? Ang Pariseo ba, ang nag-aakalang siya ay napakagaling? O ang maniningil ng buwis, ang nalulungkot dahil sa kaniyang mga kasalanan?

Sinabi ni Jesus na ang maniningil ng buwis ang nakalulugod sa Diyos. Bakit? Nagpaliwanag si Jesus: ‘Sapagkat ang bawat isa na nagpipilit na magmukhang mas magaling siya kaysa sa ibang tao ay ibababa. Ngunit siya na nagpapakababa sa kaniyang sariling paningin ay itataas.’Lucas 18:9-14.

Anong aral ang itinuturo ni Jesus sa kaniyang kuwento?— Itinuturo niya na maling isipin na tayo ay mas magaling kaysa sa iba. Maaaring hindi naman natin sinasabing mas magaling tayo, pero sa ating ikinikilos, maaaring naipakikita nating gayon nga ang ating iniisip. Kumilos ka na ba nang ganiyan?— Pansinin si apostol Pedro.

Nang sabihin ni Jesus sa kaniyang mga apostol na siya ay iiwan nilang lahat kapag siya’y hinuli, nagyabang si Pedro: ‘Kahit na iwan ka nilang lahat, hinding-hindi ko ito gagawin!’ Pero nagkamali si Pedro. Sobra kasi ang tiwala niya sa kaniyang sarili. Iniwan din niya si Jesus. Pero, bumalik siya, gaya ng mapag-aaralan natin sa Kabanata 30 ng aklat na ito.Mateo 26:31-33.

Tingnan natin ang isang modernong halimbawa. Maaaring ikaw at ang iyong kaklase ay tinatanong sa paaralan. Paano kung nakasagot ka agad, pero ang iyong kaklase ay hindi? Mangyari pa, natutuwa ka kapag alam mo ang sagot. Pero isang kabaitan ba na ikumpara mo ang iyong sarili doon sa mabagal sumagot?— Tama bang palabasin mong mas magaling ka at ang iyong kaklase ay hindi?

Ganiyan ang ginawa ng Pariseo. Ipinagyabang niya na mas magaling siya kaysa sa maniningil ng buwis. Pero sinabi ng Dakilang Guro na mali ang Pariseo. Totoo nga na may taong mas mahusay sa isang bagay kaysa sa iba. Pero hindi ibig sabihin nito na mas mabuting tao na nga siya.

Nagiging mas mabuting tao ka ba kung mas marami kang alam kaysa sa iba?

Kaya kung mas marami tayong alam kaysa sa iba, magandang dahilan na ba ito para magyabang?— Pag-isipan mo ito. Tayo ba ang gumawa ng ating utak?— Hindi, ang Diyos ang nagbigay ng utak sa bawat isa sa atin. At karamihan ng ating alam ay natutuhan natin sa iba. Maaaring nabasa natin ito sa isang aklat. O baka may nakapagbalita nito sa atin. Kung nalutas man natin mismo ang isang problema, paano natin ito nagawa?— Oo, sa pamamagitan ng paggamit ng utak na ibinigay sa atin ng Diyos.

Kapag nagsisikap na mabuti ang isang tao, isang kabaitan na magsabi ka ng isang bagay na magpapalakas-loob sa kaniya. Sabihin mo sa kaniya na nagustuhan mo ang kaniyang ginawa. Baka matulungan mo pa nga siya na pagbutihin pa ito. Ganiyan ang gusto mong gawin ng mga tao sa iyo, hindi ba?

Bakit maling magyabang kung tayo ay mas malakas kaysa sa ibang tao?

Ang ilang tao ay mas malakas kaysa sa iba. Paano kung mas malakas ka kaysa sa iyong kapatid? Dahilan na ba ito para magyabang ka?— Hindi. Ang pagkaing kinakain natin ang tumutulong para tayo lumakas. At ang Diyos ang nagbibigay ng sikat ng araw at ulan at lahat ng iba pang kailangan para tumubo ang mga pagkain, hindi ba?— Kung gayon, ang Diyos ang dapat nating pasalamatan kung tayo ay lumalakas.Gawa 14:16, 17.

Walang may gusto sa atin na marinig ang sinuman na ipinagyayabang ang kaniyang sarili, hindi ba?— Alalahanin natin ang mga salita ni Jesus: ‘Kung ano ang ibig ninyong gawin ng ibang tao sa inyo, gayundin ang gawin ninyo sa kanila.’ Kung gagawin natin iyan, hindi tayo kailanman magiging gaya ng Pariseo na ipinagyabang ang kaniyang sarili ayon sa kuwento na isinalaysay ng Dakilang Guro.Lucas 6:31.

Minsan ay may tumawag kay Jesus na mabuti. Sinabi ba ng Dakilang Guro, ‘Oo, ako ay mabuti’?— Hindi. Sa halip, sinabi niya: “Walang sinumang mabuti, maliban sa isa, ang Diyos.” (Marcos 10:18) Kahit na sakdal ang Dakilang Guro, hindi niya ipinagyabang ang kaniyang sarili. Sa halip, ibinigay niya ang lahat ng papuri sa kaniyang Ama, si Jehova.

Kung gayon, mayroon ba tayong maipagyayabang?— Oo, mayroon. Maipagyayabang natin ang ating Maylalang, ang Diyos na Jehova. Kapag nakikita natin ang magandang paglubog ng araw o ang iba pang kamangha-manghang nilalang, masasabi natin sa iba, ‘Ang ating kahanga-hangang Diyos, si Jehova, ang gumawa nito!’ Lagi tayong maging handang magsalita tungkol sa dakilang mga bagay na nagawa na at gagawin pa ni Jehova.

Ano ang ipinagyayabang ng batang ito?

Basahin ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa pagyayabang, o paghahambog, at alamin kung paano natin maiiwasang ipagyabang ang ating sarili: Kawikaan 16:5, 18; Jeremias 9:23, 24; 1 Corinto 4:7; at 13:4.