Ang Kailangan ng mga Anak sa mga Magulang
LAHAT ng magulang ay kasali sa isang pangyayari na hindi lubusang maunawaan ng mga tao. Bawat isa’y nag-aabuloy mula sa kanilang katawan. Resulta nito, ang isang bahagi na nabubuo sa tiyan ng ina ay nagiging isang ganap na taong buháy. Kung gayon, hindi nga kataka-taka na kapag may ipinanganganak na sanggol, ang tawag dito ng mga tao ay “himala ng panganganak.”
Mangyari pa, ang panganganak ay simula pa lamang ng pananagutan ng mga magulang. Sa simula, ang mga sanggol ay halos lubusang nakadepende sa kanilang mga magulang, pero habang sila’y lumalaki, hindi lamang atensiyon sa pisikal ang kailangan nila. Kailangan silang tulungan para sa mental, emosyonal, moral, at espirituwal na paglaki.
Para lumaki nang maayos, kailangang-kailangan ng mga anak ang pag-ibig ng mga magulang. Bagaman mahalaga ang mga salitang lipos ng pagmamahal, kailangan pa ring patunayan ng gawa ang mga salita. Oo, kailangan ng mga anak ang isang magandang halimbawa ng magulang. Kailangan nila ng patnubay sa moral, ng mga simulaing aakay sa kanilang buhay. At kailangan nila ang mga ito mula sa kanilang kabataan, at patuloy. Nakalulungkot na mga bagay ang maaaring mangyari at nangyayari na nga kapag huli na ang lahat bago matulungan ang mga anak.
Ang pinakamaiinam na simulain na maaaring masumpungan ay yaong nasa Bibliya. Ang mga tagubiling nakasalig sa Bibliya ay may namumukod-tanging mga pakinabang. Sa pamamagitan ng gayong mga tagubilin, napag-iisip-isip ng mga bata na ang mga sinasabi sa kanila ay, hindi galing sa tao, kundi galing sa kanilang Maylalang, ang kanilang makalangit na Ama. Dahil dito, ang payo ay nagkakaroon ng awtoridad na di-kayang pantayan.
Pinasisigla ng Bibliya ang mga magulang na pagsikapang ikintal sa isip ng kanilang mga anak ang mga tamang simulain. Gayunman, habang lumalaki ang mga anak, karaniwan nang nahihirapan ang mga magulang na ipakipag-usap sa kanila
ang pinakamahahalagang bagay. Ang aklat na ito na Matuto Mula sa Dakilang Guro ay dinisenyo upang makatulong na huwag mangyari ang gayong situwasyon. Ikaw at ang iyong mga anak ay mapaglalaanan nito ng espirituwal na materyal na mababasa ninyong sama-sama. Bukod diyan, dapat nitong mapasigla na mag-usap ang mga bata at ang kasama nilang bumabasa ng aklat na ito.Mapapansin mo na hinihiling ng aklat na sumagot ang mga bata. Maraming angkop na mga tanong ang inilagay sa nakalimbag na materyal. Kapag sumapit ka sa mga ito, makakakita ka ng isang gatlang (
Pero ang higit na mahalaga, tutulungan ka ng mga tanong na ito na malaman ang nasa isip ng bata. Totoo, maaaring mali ang isagot ng bata. Subalit ang nakalimbag na materyal na kasunod ng bawat tanong ay dinisenyo upang tulungan ang bata na magkaroon ng tamang takbo ng pag-iisip.
Ang isang pantanging katangian ng aklat ay ang mahigit na 230 larawan nito. Karamihan sa mga ito ay may mga kapsiyon na kailangang sagutin ng bata, batay sa kaniyang nakita at nabasa. Kaya repasuhin sa bata ang mga larawan. Maaari itong maging isang mainam na pantulong sa pagtuturo na magdiriin sa mga aral na itinuturo.
Kapag marunong nang bumasa ang bata, himukin mo siyang basahin nang malakas ang aklat. Habang patuloy niyang binabasa ito, lalong naikikintal ang magagandang payo nito sa kaniyang isip at puso. Subalit upang mapatibay ang buklod ng pagmamahalan at paggagalangan ninyong mag-ina o ninyong mag-ama, dapat ninyong basahin ang aklat nang magkasama, at regular ninyong gawin ito.
Sa paraang halos di-kapani-paniwala nitong nakaraang mga taon, ang mga bata ay nakalantad sa bawal na pagtatalik, espiritismo, at iba pang masasamang gawain. Kaya kailangan nila ng proteksiyon, na inilalaan ng aklat na ito sa isang marangal ngunit tuwirang paraan. Gayunman, ang mga bata ay lalo nang kailangang mailapit sa Bukal ng lahat ng karunungan, ang ating makalangit na Ama, ang Diyos na Jehova. Ito ang palaging ginagawa noon ni Jesus, ang Dakilang Guro. Taimtim kaming umaasa na ang aklat na ito ay makatutulong sa iyo at sa iyong pamilya na hubugin ang inyong buhay upang maging kalugud-lugod kay Jehova, para sa inyong walang-hanggang pagpapala.