Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 40

Kung Paano Pasasayahin ang Diyos

Kung Paano Pasasayahin ang Diyos

ANO ang puwede nating gawin para pasayahin ang Diyos? May maibibigay ba tayo sa kaniya?— Ang sabi ni Jehova: “Akin ang bawat mailap na hayop sa kagubatan.” Sinabi rin niya: “Ang pilak ay akin, at ang ginto ay akin.” (Awit 24:1; 50:10; Hagai 2:8) Pero, mayroon tayong maibibigay sa Diyos. Ano iyon?

Pinapipili tayo ni Jehova kung maglilingkod tayo sa kaniya o hindi. Hindi niya tayo pinipilit na gawin ang gusto niya. Alamin natin kung bakit tayo ginawa ng Diyos sa paraang makapipili tayo kung maglilingkod tayo sa kaniya o hindi.

Marahil ay alam mo kung ano ang robot. Ito ay isang makina na ginawa upang gawin ang anumang gusto ng gumawa nito. Kaya sunud-sunuran lang ang robot. Puwede sanang gawin tayong lahat ni Jehova na gaya ng mga robot. Puwede sanang gawin niya tayo para gawin natin ang lahat lamang ng gusto niya. Pero hindi ito ginawa ng Diyos. Alam mo ba kung bakit?— Buweno, may mga laruang robot. Kapag pinindot mo ang buton, gagawin lamang nito kung ano ang idinisenyo rito ng gumawa ng laruan. Nakakita ka na ba ng ganiyang laruan?— Kadalasan nang nagsasawa ang mga tao sa paglalaro ng isang laruan na gumagawa lamang ng kung ano ang nakaprogramang gawin nito. Ayaw ng Diyos na sundin natin siya dahil tayo ay mga robot na nakaprogramang maglingkod sa kaniya. Gusto ni Jehova na maglingkod tayo sa kaniya dahil iniibig natin siya at dahil gusto natin siyang sundin.

Bakit hindi tayo ginawa ng Diyos na maging gaya ng robot na ito?

Sa palagay mo, ano kaya ang madarama ng ating makalangit na Ama kapag sumusunod tayo sa kaniya dahil sa gusto natin?— Buweno, sabihin mo sa akin, paano naaapektuhan ng iyong paggawi ang iyong mga magulang?— Sinasabi ng Bibliya na ang anak na marunong ay “nagpapasaya sa [kaniyang] ama” pero ang anak na hangal ay “pighati ng kaniyang ina.” (Kawikaan 10:1) Napapansin mo ba na kapag ginagawa mo ang ipinagagawa sa iyo ng iyong tatay at nanay, natutuwa sila?— Pero ano naman kaya ang nadarama nila kapag sinusuway mo sila?

Paano mo pasasayahin kapuwa si Jehova at ang iyong mga magulang?

Isaisip naman natin ngayon ang ating makalangit na Ama, si Jehova. Sinasabi niya sa atin kung paano natin siya pasasayahin. Bakit hindi mo kunin ang iyong Bibliya at buksan ito sa Kawikaan 27:11. Dito ay nagsasalita ang Diyos sa atin: “Magpakarunong ka, anak ko, at pasayahin mo ang aking puso, upang masagot ko siya na tumutuya sa akin.” Alam mo ba ang ibig sabihin ng manuya?— Buweno, baka pagtawanan ka ng isang tao bilang pagtuya sa iyo at sabihing hindi mo naman magawa ang sinabi mong kaya mong gawin. Paano naman kaya tinutuya ni Satanas si Jehova?— Tingnan natin.

Tandaan, natutuhan natin sa Kabanata 8 ng aklat na ito na gusto ni Satanas na siya ang maging Numero Uno at gusto niyang siya ang sundin ng lahat. Sinabi ni Satanas na sumasamba lamang ang mga tao kay Jehova dahil bibigyan sila ni Jehova ng buhay na walang hanggan kung gagawin nila ito. Matapos maudyukan ni Satanas sina Adan at Eva na sumuway kay Jehova, hinamon ni Satanas ang Diyos. Sinabi niya sa Diyos: ‘Naglilingkod lamang ang mga tao sa iyo dahil may nakukuha sila sa iyo. Bigyan mo lamang ako ng pagkakataon, at kaya kong italikod ang sinuman mula sa iyo.’

Matapos magkasala sina Adan at Eva, paano hinamon ni Satanas si Jehova?

Wala nga sa Bibliya ang eksaktong mga salitang ito. Pero kapag binasa natin ang tungkol sa lalaking si Job, maliwanag na si Satanas ay may sinabing ganiyan sa Diyos. Talagang mahalaga, kapuwa kay Satanas at kay Jehova, kung si Job ay tapat sa Diyos o hindi. Buksan natin ang ating Bibliya sa Job kabanata 1 at 2 para makita kung ano ang nangyari.

Pansinin sa Job kabanata 1 na si Satanas ay naroroon mismo sa langit nang makipagkita kay Jehova ang mga anghel. Kaya tinanong ni Jehova si Satanas: “Saan ka nanggaling?” Sumagot si Satanas na siya ay nagmamasid sa palibot ng lupa. Kaya nagtanong si Jehova: ‘Napansin mo ba si Job, na siya ay naglilingkod sa akin at hindi gumagawa ng masama?’Job 1:6-8.

Nangatuwiran agad si Satanas. ‘Sinasamba ka lamang ni Job dahil wala siyang problema. Kung aalisin mo sa kaniya ang iyong proteksiyon at pagpapala, susumpain ka niya nang mukhaan.’ Kaya sumagot si Jehova: ‘Sige, Satanas, gawin mo nang lahat ang gusto mong gawin sa kaniya, pero huwag mong sasaktan si Job mismo.’Job 1:9-12.

Ano ang ginawa ni Satanas?— Ipinanakaw niya sa mga tao ang mga baka at buriko ni Job at ipinapatay ang mga nag-aalaga sa mga ito. Pagkatapos ay kumidlat at tinamaan ang mga tupa at ang mga tagapag-alaga ng mga ito. Pagkaraan naman, may dumating na mga tao at ninakaw naman ang mga kamelyo at pinatay ang mga nagbabantay sa mga ito. Pinakahuli, nagpadala si Satanas ng buhawi na gumiba sa bahay na kinaroroonan ng sampung anak ni Job, at namatay silang lahat. Sa kabila ng lahat ng ito, patuloy pa rin si Job sa paglilingkod kay Jehova.Job 1:13-22.

Nang makita uli ni Jehova si Satanas, ipinaliwanag ni Jehova na si Job ay tapat pa rin. Nangatuwiran si Satanas, na sinasabi: ‘Kung papayag ka lamang na saktan ko ang katawan niya, susumpain ka niya nang mukhaan.’ Kaya pinayagan ni Jehova si Satanas na saktan ang katawan ni Job pero binabalaan siya na huwag nitong papatayin si Job.

Ano ang tiniis ni Job, at bakit ito nakapagpasaya sa Diyos?

Sinaktan ni Satanas si Job anupat nagkasugat-sugat ang kaniyang buong katawan. Napakabaho ng mga ito kung kaya walang gustong lumapit sa kaniya. Maging ang asawa ni Job ay nagsabi sa kaniya: “Sumpain mo ang Diyos at mamatay ka!” Dumalaw ang nagkukunwaring mga kaibigan ni Job at lalo nilang pinalubha ang kaniyang paghihirap sa pagsasabing tiyak na may nagawa siyang napakasasamang bagay kung kaya siya nagkakaganito. Pero, sa kabila ng lahat ng problema at sakit na ipinararanas ni Satanas kay Job, tapat pa ring naglilingkod si Job kay Jehova.Job 2:1-13; 7:5; 19:13-20.

Sa palagay mo, ano ang nadama ni Jehova dahil sa katapatan ni Job?— Pinasaya siya nito dahil masasabi ni Jehova kay Satanas: ‘Tingnan mo si Job! Naglilingkod siya sa akin dahil gusto niya.’ Tutularan mo ba si Job, isang taong maituturo ni Jehova bilang isang halimbawa na nagpapatunay na si Satanas ay isang sinungaling?— Oo, isa ngang pribilehiyo na masagot ang pag-aangkin ni Satanas na maitatalikod niya ang sinuman mula sa paglilingkod kay Jehova. Tiyak na itinuring ito ni Jesus na isang pribilehiyo.

Hindi kailanman hinayaan ng Dakilang Guro na maudyukan Siya ni Satanas na gumawa ng mali. Isipin na lamang kung gaano kasaya ang kaniyang Ama dahil sa kaniyang halimbawa! Maituturo ni Jehova si Jesus at masasagot si Satanas: ‘Tingnan mo ang Anak ko! Napanatili niya ang sakdal na katapatan sa akin dahil iniibig niya ako!’ Isipin mo rin ang kagalakang nadama ni Jesus sa pagpapasaya sa puso ng kaniyang Ama. Dahil sa kagalakang iyan, nagbata pa nga si Jesus ng kamatayan sa isang pahirapang tulos.Hebreo 12:2.

Gusto mo bang makatulad ng ating Dakilang Guro at pasayahin si Jehova?— Kung gayon ay patuloy na alamin kung ano ang gustong ipagawa sa iyo ni Jehova, at pasayahin siya sa paggawa nito!

Basahin ang ginawa ni Jesus para pasayahin ang Diyos at kung ano rin ang kailangan nating gawin, sa Kawikaan 23:22-25; Juan 5:30; 6:38; 8:28; at 2 Juan 4.