Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 8

Mas Mataas ang Iba Kaysa sa Atin

Mas Mataas ang Iba Kaysa sa Atin

NATITIYAK kong sasang-ayon ka na ang iba ay mas mataas, o mas dakila at mas malakas, kaysa sa ating dalawa. May naiisip ka ba kung sino?— Ang Diyos na Jehova. Kumusta naman ang kaniyang Anak, ang Dakilang Guro? Mas mataas ba siya kaysa sa atin?— Siyempre naman.

Si Jesus ay namuhay na kasama ng Diyos sa langit. Siya ay isang espiritung Anak, o anghel. Gumawa ba ang Diyos ng iba pang mga anghel, o espiritung mga anak?— Oo, milyun-milyon ng mga ito ang ginawa niya. Ang mga anghel na ito rin ay mas mataas at mas malakas kaysa sa atin.Awit 104:4; Daniel 7:10.

Natatandaan mo ba ang pangalan ng anghel na nakipag-usap kay Maria?— Iyon ay Gabriel. Sinabi niya kay Maria na ang kaniyang magiging anak ay yaong Anak ng Diyos. Inilagay ng Diyos ang buhay ng kaniyang espiritung Anak sa tiyan ni Maria upang si Jesus ay maisilang bilang isang sanggol sa lupa.Lucas 1:26, 27.

Ano ang malamang na sinabi nina Maria at Jose kay Jesus?

Naniniwala ka ba sa himalang iyan? Naniniwala ka bang si Jesus ay namuhay na kasama ng Diyos sa langit?— Sinabi ni Jesus na gayon nga. Paano nalaman ni Jesus ang mga bagay na ito? Kasi, noong bata pa siya, malamang na sinabi ni Maria sa kaniya kung ano ang sinabi ni Gabriel. Gayundin, maaaring sinabi ni Jose kay Jesus na ang Diyos ang tunay niyang Ama.

Nang bautismuhan si Jesus, ang Diyos ay nagsalita pa nga mula sa langit, na nagsasabi: “Ito ang aking Anak.” (Mateo 3:17) At noong gabi bago siya mamatay, nanalangin si Jesus: “Ama, luwalhatiin mo ako sa iyong piling ng kaluwalhatiang tinaglay ko sa iyong piling bago pa ang sanlibutan.” (Juan 17:5) Oo, hiniling ni Jesus na ibalik siya upang mamuhay muli na kasama ng Diyos sa langit. Paano kaya siya makapamumuhay roon?— Tanging kung gagawin siyang muli ng Diyos na Jehova na isang di-nakikitang espiritung persona, o anghel.

Gusto kong itanong sa iyo ngayon ang isang mahalagang tanong. Ang lahat ba ng anghel ay mabuti? Ano sa palagay mo?— Buweno, may panahon noon na silang lahat ay mabuti. Ito’y dahil si Jehova ang lumalang sa kanila, at lahat ng kaniyang ginagawa ay mabuti. Pero naging masama ang isa sa mga anghel. Paano ito nangyari?

Para masagot iyan, dapat muna nating balikan ang panahon nang gawin ng Diyos ang unang lalaki at babae, sina Adan at Eva. May nagsasabi na ang kuwento tungkol sa kanila ay gawa-gawa lamang. Pero alam ng Dakilang Guro na ito ay totoo.

Nang gawin ng Diyos sina Adan at Eva, inilagay niya sila sa isang magandang hardin sa isang lugar na tinatawag na Eden. Iyon ay isang parke, isang paraiso. Puwede sana silang magkaroon noon ng maraming anak, isang malaking pamilya, at mamuhay sa Paraiso magpakailanman. Pero may isang mahalagang aral na dapat nilang matutuhan. Napag-usapan na natin ito. Tingnan natin kung naaalaala pa natin ito.

Paano maaari sanang nabuhay magpakailanman sina Adan at Eva sa Paraiso?

Sinabi ni Jehova kina Adan at Eva na maaari nilang kainin ang lahat ng prutas na gusto nila mula sa mga punungkahoy sa hardin. Pero may isang punungkahoy na mula roon ay hindi sila dapat kumain. Sinabi ng Diyos sa kanila ang mangyayari kung kakain sila. Ang sabi niya: “Tiyak na mamamatay ka.” (Genesis 2:17) Kung gayon, ano ang aral na kinailangang matutuhan nina Adan at Eva?

Ang aral ng pagiging masunurin. Oo, ang buhay ay nakasalalay sa pagiging masunurin sa Diyos na Jehova! Hindi sapat para kina Adan at Eva na basta lamang sabihing susunod sila sa kaniya. Kailangang ipakita nila ito sa pamamagitan ng kanilang mga gawa. Kapag sinunod nila ang Diyos, kanilang maipakikita na mahal nila siya at gusto nilang siya ang maging Tagapamahala nila. Sa gayon ay makapamumuhay sila magpakailanman sa Paraiso. Pero kapag kumain sila mula sa punungkahoy na iyon, ano ang ipakikita nito?

Ipakikita nito na hindi nila talaga pinasasalamatan ang ibinigay sa kanila ng Diyos. Susundin mo kaya si Jehova kung naroroon ka noon?— Sa simula, sumunod naman sina Adan at Eva. Pero may isang mas mataas sa kanila na dumaya kay Eva. Nakumbinsi siya nito na sumuway kay Jehova. Sino ito?

Sino ang nagpangyaring magsalita ang serpiyente kay Eva?

Sinasabi ng Bibliya na isang serpiyente, o ahas, ang nakipag-usap kay Eva. Pero alam mo namang hindi nakapagsasalita ang serpiyente. Kaya paano ito nakapagsalita?— Ginawa ng isang anghel na kunwari’y ang serpiyente ang nagsasalita. Pero ang anghel talaga ang nagsasalita. Ang anghel na ito ay nagsimulang mag-isip ng masasamang bagay. Gusto niyang siya ang sambahin nina Adan at Eva. Gusto niyang sundin nila ang kaniyang sinasabi. Gusto niyang siya ang maging Diyos.

Kaya ang masamang anghel na ito ay nagpasok ng mga maling ideya sa isip ni Eva. Sa pamamagitan ng serpiyente, sinabi niya sa kaniya: ‘Hindi sinabi sa iyo ng Diyos ang totoo. Hindi kayo mamamatay kung kakain kayo mula sa punungkahoy na iyan. Magiging marunong kayo na gaya ng Diyos.’ Maniniwala ka kaya sa sinabi ng tinig na iyon?

Nagsimulang magnasa si Eva ng isang bagay na hindi ibinigay sa kaniya ng Diyos. Kinain niya ang bunga mula sa ipinagbabawal na punungkahoy. Pagkatapos ay binigyan niya si Adan. Hindi pinaniwalaan ni Adan ang sinabi ng serpiyente. Pero mas matindi ang paghahangad niya na makasama si Eva kaysa sa kaniyang pag-ibig sa Diyos. Kaya kumain na rin siya mula sa punungkahoy.Genesis 3:1-6; 1 Timoteo 2:14.

Ano ang resulta?— Sina Adan at Eva ay naging di-sakdal, tumanda, at namatay. At dahil sila’y di-sakdal, lahat ng kanilang anak ay hindi rin mga sakdal at sa wakas ay tumanda at namatay. Hindi nagsinungaling ang Diyos! Ang buhay ay talagang nakasalalay sa pagiging masunurin sa kaniya. (Roma 5:12) Sinasabi sa atin ng Bibliya na ang anghel na nagsinungaling kay Eva ay tinatawag na Satanas na Diyablo, at ang iba pang mga anghel na naging masama ay tinatawag na mga demonyo.Santiago 2:19; Apocalipsis 12:9.

Ano ang nangyari kina Adan at Eva matapos na suwayin nila ang Diyos?

Naiintindihan mo na ba kung bakit naging masama ang mabuting anghel na ginawa ng Diyos?— Iyon ay dahil nagsimula siyang mag-isip ng masasamang bagay. Gusto niyang maging Numero Uno. Alam niyang sinabi ng Diyos kina Adan at Eva na magkakaroon sila ng mga anak, at gusto niyang lahat sila ay sumamba sa kaniya. Gusto ng Diyablo na suwayin ng bawat isa si Jehova. Kaya sinisikap niyang magpasok ng masasamang ideya sa ating mga isip.Santiago 1:13-15.

Sinasabi ng Diyablo na wala raw naman talagang umiibig kay Jehova. Sinasabi niyang ikaw raw at ako ay hindi umiibig sa Diyos at na talagang hindi natin gustong sumunod sa sinasabi ng Diyos. Sinasabi niya na sumusunod lamang daw tayo kay Jehova kapag ang lahat ay nangyayari ayon sa gusto natin. Tama ba ang Diyablo? Ganoon nga ba tayo?

Sinabi ng Dakilang Guro na ang Diyablo ay sinungaling! Pinatunayan ni Jesus na talagang iniibig niya si Jehova sa pamamagitan ng pagsunod sa Kaniya. At si Jesus ay hindi sumusunod lamang sa Diyos kapag madali ito. Ginawa niya ito sa lahat ng panahon, kahit na sinisikap ng ibang tao na gawing mahirap ito para sa kaniya. Nanatili siyang tapat kay Jehova hanggang kamatayan. Kaya naman binuhay siyang muli ng Diyos upang mabuhay magpakailanman.

Kaya sino ang masasabi mong pinakamahigpit nating kaaway?— Oo, si Satanas na Diyablo. Nakikita mo ba siya?— Siyempre hindi! Pero alam nating umiiral siya at na siya ay mas mataas at mas malakas kaysa sa atin. Pero, sino ang mas mataas kaysa sa Diyablo?— Ang Diyos na Jehova. Kaya alam nating maipagtatanggol tayo ng Diyos.

Basahin ang tungkol sa Isa na dapat nating sambahin: Deuteronomio 30:19, 20; Josue 24:14, 15; Kawikaan 27:11; at Mateo 4:10.