Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 46

Pinuksa ng Tubig ang Isang Sanlibutan—Mauulit Kaya Ito?

Pinuksa ng Tubig ang Isang Sanlibutan—Mauulit Kaya Ito?

MAY narinig ka na bang nagsabi ng tungkol sa katapusan ng sanlibutan?— Talagang marami na sa ngayon ang nag-uusap tungkol dito. Iniisip ng ilang tao na mapupuksa ang sanlibutan sa isang digmaan na ang gagamitin ng tao ay mga bomba nuklear. Sa palagay mo, hahayaan na lang ba ng Diyos ang tao na sirain ang ating magandang lupa?

Gaya ng natutuhan natin, may binabanggit sa Bibliya tungkol sa katapusan ng sanlibutan. “Ang sanlibutan ay lumilipas,” ang sabi ng Bibliya. (1 Juan 2:17) Sa palagay mo, ang katapusan ba ng sanlibutan ay katapusan ng lupa?— Hindi, sinasabi ng Bibliya na ginawa ng Diyos ang lupa “upang tahanan,” oo, upang manirahan dito ang mga tao at masiyahan. (Isaias 45:18) Sinasabi ng Awit 37:29: “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.” Kaya naman sinasabi rin ng Bibliya na ang lupa ay mananatili magpakailanman.Awit 104:5; Eclesiastes 1:4.

Kaya nga kung ang katapusan ng sanlibutan ay hindi katapusan ng lupa, ano ang ibig sabihin nito?— Masasagot natin ito kung susuriin natin ang nangyari noong panahon ni Noe. Nagpaliwanag ang Bibliya: “Ang sanlibutan ng panahong iyon ay dumanas ng pagkapuksa nang apawan ito ng tubig.”2 Pedro 3:6.

May nakaligtas ba sa katapusan ng sanlibutan noong Delubyong iyon, o malaking Baha, noong panahon ni Noe?— Sinasabi ng Bibliya na “iningatang ligtas [ng Diyos] si Noe, isang mangangaral ng katuwiran, kasama ng pitong iba pa nang magpasapit siya ng delubyo sa isang sanlibutan ng mga taong di-makadiyos.”2 Pedro 2:5.

Anong sanlibutan ang pinuksa noong panahon ni Noe?

Kung gayon, anong sanlibutan ang napuksa? Ang lupa ba, o ang masasamang tao?— Sinasabi ng Bibliya na iyon ay ang “sanlibutan ng mga taong di-makadiyos.” At pansinin, si Noe ay tinawag na “mangangaral.” Sa palagay mo, ano kaya ang ipinangaral niya?— Binabalaan ni Noe ang mga tao tungkol sa katapusan ng “sanlibutan ng panahong iyon.”

Nang banggitin ni Jesus ang tungkol sa malaking Baha, sinabi niya sa kaniyang mga apostol ang ginagawa noon ng mga tao bago dumating ang katapusan. Ito ang sinabi niya sa kanila: “Noong mga araw na iyon bago ang baha, na kumakain at umiinom [ang mga tao], ang mga lalaki ay nag-aasawa at ang mga babae ay ibinibigay sa pag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa arka; at hindi sila nagbigay-pansin hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat.” Saka sinabi ni Jesus na gayundin ang gagawin ng mga tao bago ang katapusan ng sanlibutang ito.Mateo 24:37-39.

Ipinakikita sa atin ng mga salita ni Jesus na may matututuhan tayong mga aral mula sa ginagawa ng mga tao bago ang Baha. Sa pagbasa sa Kabanata 10 ng aklat na ito, natatandaan mo ba kung ano ang ginawa ng mga taong iyon?— May mga lalaking mga maton at gumagawa ng mararahas na bagay. Pero ang maraming iba pa, sabi ni Jesus, ay basta hindi na lamang nakinig noong utusan ng Diyos si Noe para mangaral sa kanila.

Kaya dumating ang panahon na sinabi ni Jehova kay Noe na pupuksain Niya ang masasamang tao sa pamamagitan ng isang baha. Aapawan ng tubig ang buong lupa, maging ang mga bundok. Pinagawa ni Jehova si Noe ng isang malaking arka. Katulad ito ng isang malaki at mahabang kahon, o kaban, gaya ng makikita mo kung titingnan mo uli ang larawan sa pahina 238.

Pinagawa ng Diyos si Noe ng arka na sapat ang laki para siya at ang kaniyang pamilya at ang marami sa mga hayop ay ligtas na magkasya sa loob nito. Nagtrabaho nang husto si Noe at ang kaniyang pamilya. Pumutol sila ng malalaking puno, at sinimulan nilang buuin ang arka na ginagamit ang mga kahoy. Inabot ito ng napakaraming taon dahil sa sobrang laki ng arka.

Natatandaan mo ba kung ano pa ang ginawa ni Noe sa loob ng mga taóng iyon habang ginagawa niya ang arka?— Siya ay nangaral, anupat nagbababala sa mga tao tungkol sa darating na Baha. Mayroon ba sa kanila na nakinig? Walang nakinig sa kanila maliban sa pamilya ni Noe. Ang iba’y abalang-abala sa paggawa ng ibang mga bagay. Natatandaan mo ba kung ano ang ginagawa nila ayon kay Jesus?— Abala sila sa pagkain at pag-inom at pag-aasawa. Hindi nila naisip na sila’y napakasama, at wala silang panahon para makinig kay Noe. Kaya tingnan natin ang nangyari sa kanila.

Pagpasok ni Noe at ng kaniyang pamilya sa loob ng arka, isinara ni Jehova ang pinto nito. Hindi pa rin naniniwala ang mga tao sa labas na darating ang Baha. Pero biglang-bigla, pumatak ang tubig mula sa langit! Hindi ito basta pangkaraniwang ulan lamang. Para itong ibinubuhos! Di-nagtagal at ang tubig ay naging gaya ng malaking ilog, na napakaingay. Naitutumba nito ang malalaking puno at naigugulong ang malalaking bato na parang mga graba lamang. At ano ang nangyari sa mga tao sa labas ng arka?— Ang sabi ni Jesus: “Dumating ang baha at tinangay silang lahat.” Namatay ang lahat ng mga taong nasa labas ng arka. Bakit?— Gaya ng sabi ni Jesus, “hindi sila nagbigay-pansin.” Hindi sila nakinig!Mateo 24:39; Genesis 6:5-7.

Bakit hindi dapat na puro pagsasaya na lamang ang ating isipin?

Tandaan na sinabi ni Jesus na ang nangyari sa mga taong iyon ay isang aral para sa atin sa ngayon. Anong aral ang puwede nating matutuhan?— Buweno, napuksa ang mga tao hindi lamang dahil sa sila’y masama kundi dahil din sa marami ang abalang-abalang kung kaya wala silang panahon na matuto tungkol sa Diyos at tungkol sa gagawin niya. Kailangan tayong mag-ingat para huwag mapatulad sa kanila, hindi ba?

Sa palagay mo, pupuksain kaya uli ng Diyos ang sanlibutan sa pamamagitan ng baha?— Hindi, nangako ang Diyos na hindi na. Ang sabi niya: “Ang aking bahaghari ay ibinibigay ko sa ulap, at ito ay magiging tanda.” Sinabi ni Jehova na ang bahaghari ay magiging tanda na “ang tubig ay hindi na magiging delubyo na lilipol sa lahat ng laman.”Genesis 9:11-17.

Kaya makatitiyak tayo na kahit kailan ay hindi na pupuksain ng Diyos ang sanlibutan sa pamamagitan ng baha. Pero, gaya ng nakita natin, talagang may binabanggit sa Bibliya tungkol sa katapusan ng sanlibutan. Kung pupuksain na ng Diyos ang sanlibutang ito, sino kaya ang ililigtas niya?— Ang mga tao ba na lubhang interesado sa ibang bagay anupat ni ayaw nilang matuto tungkol sa Diyos? Ang mga tao bang palaging abalang-abala kung kaya hindi makapag-aral ng Bibliya? Ano sa palagay mo?

Gusto nating mapabilang sa mga ililigtas ng Diyos, hindi ba?— Hindi ba’t napakaganda sana kung ang ating pamilya ay magiging tulad ng kay Noe nang sa gayon ay iligtas tayong lahat ng Diyos?— Para tayo makaligtas sa katapusan ng sanlibutan, kailangan muna nating maintindihan kung paano ito pupuksain ng Diyos at kung paano niya itatatag ang kaniyang matuwid na bagong sanlibutan. Tingnan natin kung paano niya ito gagawin.

Sinasagot tayo ng Bibliya sa Daniel kabanata 2, talata 44. Binabanggit sa tekstong ito ang tungkol sa atin mismong panahon nang sabihin nito: “Sa mga araw ng mga haring iyon ay magtatatag ang Diyos ng langit ng isang kaharian [o, pamahalaan] na hindi magigiba kailanman. At ang kaharian ay hindi isasalin sa iba pang bayan. Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.”

Naiintindihan mo ba iyan?— Sinasabi ng Bibliya na pupuksain ng pamahalaan ng Diyos ang lahat ng pamahalaan sa lupa. Bakit?— Kasi, ayaw nilang sumunod sa Isa na ginawa ng Diyos na Hari. At sino siya?— Oo, si Jesu-Kristo!

Pupuksain ni Jesu-Kristo, piniling Hari ng Diyos, ang sanlibutang ito sa Armagedon

May karapatan ang Diyos na Jehova na magpasiya kung anong uri ng pamahalaan ang dapat mamahala, at pinili niya ang kaniyang Anak na si Jesus para maging Hari. Di-magtatagal at ang pinili ng Diyos na Tagapamahala, si Jesus-Kristo, ay mangunguna sa pagpuksa sa lahat ng pamahalaan ng sanlibutang ito. Sa Bibliya, sa Apocalipsis kabanata 19, talata 11 hanggang 16, inilalarawan siya habang ginagawa niya ito, gaya nga ng ipinakikita sa larawang ito. Sa Bibliya, ang digmaan ng Diyos na pupuksa sa lahat ng pamahalaan ng sanlibutan ay tinatawag na Har–Magedon, o Armagedon.

Sinasabi ng Diyos na pupuksain ng kaniyang Kaharian ang mga pamahalaan ng tao. Pero tayo ba ang inuutusan niyang gumawa nito?— Hindi, sa Bibliya, ang Armagedon ay tinatawag na “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” (Apocalipsis 16:14, 16) Oo, ang Armagedon ay digmaan ng Diyos, at ginagamit niya si Jesu-Kristo para pangunahan ang makalangit na mga hukbo sa pakikipaglaban. Malapit na kaya ang digmaan ng Armagedon? Tingnan natin kung paano natin malalaman.

Basahin nating magkasama ang tungkol sa panahon na aalisin na ng Diyos ang lahat ng masasama at ililigtas naman ang mga naglilingkod sa kaniya, sa Kawikaan 2:21, 22; Isaias 26:20, 21; Jeremias 25:31-33; at Mateo 24:21, 22.