KABANATA 35
Puwede Tayong Magising Mula sa Kamatayan!
KAPAG namatay tayo, iibigin kaya ng Diyos na buhayin tayong muli?
Si Jesus ay kagayang-gaya ng Diyos na Jehova, na kaniyang Ama. Ibig ni Jesus na tulungan tayo. Nang sabihin sa kaniya ng isang lalaking may ketong, “kung ibig mo lamang, mapalilinis mo ako,” sumagot si Jesus: “Ibig ko.” At pinagaling niya ang ketong ng lalaki.
Natutuhan ni Jesus sa kaniyang Ama ang pagmamahal sa mga bata. Sa dalawang pagkakataon noon, ginamit ni Jehova ang kaniyang mga lingkod para buhaying muli ang maliliit na bata. Nakiusap si Elias kay Jehova na buhaying muli ang anak ng isang babae na naging mabait kay Elias. At gayon nga ang ginawa ni Jehova. Ginamit din ni Jehova ang kaniyang lingkod na
Hindi ba’t napakasarap malaman na mahal na mahal tayo ni Jehova?
Nang nasa lupa si Jesus, ipinakita niya na si Jehova ay may malasakit sa maliliit na bata. Matatandaan mo na si Jesus ay may panahong makipag-usap sa mga bata tungkol sa Diyos. Pero alam mo ba na binigyan ng Diyos si Jesus ng kapangyarihan na bumuhay ng mga bata?
Si Jairo kasama ng kaniyang asawa at kaisa-isang anak ay nakatira malapit sa Dagat ng Galilea. Isang araw nagkasakit nang malubha ang batang babae, at nakita ni Jairo na mamamatay ito. Naisip niya si Jesus, ang kahanga-hangang lalaking ito na nabalitaan ni Jairo na nakapagpapagaling ng mga tao. Kaya hinanap siya ni Jairo. Nakita niya si Jesus sa pampang ng Dagat ng Galilea, habang nagtuturo sa maraming tao.
Nakipagsiksikan si Jairo sa mga tao at sumubsob sa paanan ni Jesus. Sinabi niya kay Jesus: ‘Ang aking maliit na anak na babae ay may malubhang sakit. Puwede bang pumaroon ka at tulungan mo siya? Parang awa mo na.’ Sumama naman agad si Jesus kay Jairo. Ang mga taong dumating para makita ang Dakilang Guro ay sumunod din. Pero pagkatapos ng mahaba-haba nilang paglalakad, may ilang lalaking dumating mula sa bahay ni Jairo at nagsabi sa kaniya: “Ang iyong anak na babae ay patay na! Bakit mo pa aabalahin ang guro?”
Narinig ni Jesus ang sinasabing ito ng mga lalaki. Alam niya kung gaano kalungkot si Jairo sa pagkawala ng kaisa-isa niyang anak.
Kaya sinabi Niya sa kaniya: ‘Huwag kang matakot. Manampalataya ka lamang sa Diyos, at bubuti ang iyong anak.’ Nagpatuloy sila hanggang sa makarating sa bahay ni Jairo. Nadatnan nilang umiiyak ang mga kaibigan ng pamilya. Nalulungkot sila dahil sa pagkamatay ng kanilang munting kaibigan. Pero sinabi ni Jesus sa kanila: ‘Huwag na kayong umiyak. Ang bata ay hindi namatay, kundi natutulog.’Nang sabihin ito ni Jesus, napatawa ang mga tao, dahil alam nilang patay na ang batang babae. Pero, bakit kaya sinabi ni Jesus na siya’y natutulog?
Pinaalis ni Jesus sa bahay ang lahat maliban sa kaniyang mga apostol na sina Pedro, Santiago, at Juan at sa tatay at nanay ng batang babae. Pagkatapos ay nilapitan niya ang bata. Hinawakan niya ito sa kamay at nagsabi: “Dalagita, bumangon ka!” At agad siyang bumangon at naglakad! Tuwang-tuwa ang kaniyang tatay at nanay.
Sa palagay mo, ibig ba ni Jesus na buhaying muli ang mga tao?
Isang babaing nakikipaglibing sa kaniyang anak na lalaki kasama ng isang grupo ng mga tao ang papalabas sa Nain. Patay na ang kaniyang asawa, at ngayon ay namatay naman ang kaniyang kaisa-isang anak. Lungkot na lungkot siya! Maraming taga-Nain ang sumusunod habang inilalabas sa lunsod ang bangkay ng kaniyang anak. Umiiyak ang babae, at walang magawa ang mga tao para aliwin siya.
Nang araw na iyon, nagkataong papasok si Jesus at ang kaniyang mga alagad sa lunsod ng Nain. Malapit sa pintuang-daan ng lunsod, nasalubong nila ang mga tao na maglilibing sa anak ng babae. Nang makita ni Jesus ang umiiyak na babae, nahabag siya rito. Naantig ang puso niya sa labis na pagkalungkot ng babae. Ibig niya itong tulungan.
Kaya sa magiliw pero matatag na paraan na naging dahilan upang makinig ang babae, sinabi niya: ‘Huwag ka nang umiyak.’ Ang kaniyang ikinilos ay naging dahilan para magmasid ang bawat isa nang may pananabik. Habang papalapit si Jesus sa bangkay, malamang na nag-iisip ang lahat kung ano ang gagawin niya. Nagsalita si Jesus, na nag-uutos: “Binata, sinasabi ko sa iyo, Bumangon ka!” Agad siyang umupo! At nagsalita.
Isip-isipin mo ang nadama ng babae! Ano kaya ang madarama mo habang ibinabalik sa iyo ang iyong namatay na minamahal?
Sa panahong iyon, ang ilan sa mga bubuhaying muli ay yaong mga dati na nating kilala, pati na ang mga bata. Makikilala natin sila kung paanong nakilala ni Jairo ang kaniyang anak nang ito’y buhaying muli ni Jesus. Ang iba naman ay mga taong namatay daan-daang taon na ang nakalilipas. Pero hindi sila malilimutan ng Diyos kahit noon pa sila nabuhay.
Hindi ba’t nakatutuwang malaman na ganoon tayo kamahal ng Diyos na Jehova at ng kaniyang Anak na si Jesus?
Tungkol sa kamangha-manghang pag-asa para sa mga patay, pakisuyong basahin ang Isaias 25:8; Gawa 24:15; at 1 Corinto 15:20-22.