Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SEKSIYON 21

Buháy si Jesus!

Buháy si Jesus!

Nagpakita si Jesus sa kaniyang mga tagasunod upang tagubilinan sila at patibayin

NOONG ikatlong araw pagkamatay ni Jesus, nakita ng ilang babaing alagad niya na naalis na ang batong tumatakip sa pasukan ng kaniyang libingan. Wala nang laman ang libingan!

Dalawang anghel ang nagpakita. “Hinahanap ninyo si Jesus na Nazareno,” ang sabi ng isa. “Ibinangon siya.” (Marcos 16:6) Dali-daling umalis ang mga babae para ibalita ito sa mga apostol. Nasalubong nila si Jesus sa daan. “Huwag kayong matakot!” ang sabi niya. “Humayo kayo, iulat ninyo sa aking mga kapatid, upang makaparoon sila sa Galilea; at doon nila ako makikita.”​—Mateo 28:10.

Nang araw ding iyon, dalawang alagad na galing sa Jerusalem ang naglalakad papunta sa nayon ng Emaus. Isang estranghero ang sumabay sa kanila at nagtanong kung ano ang pinag-uusapan nila. Hindi nila siya agad nakilala, pero ang totoo, siya ang binuhay-muling si Jesus. Bakás sa kanilang mukha ang lungkot nang sabihin nilang si Jesus ang pinag-uusapan nila. Ipinaliwanag ng estranghero ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa Mesiyas. Oo, natupad kay Jesus ang mga hula tungkol sa Mesiyas hanggang sa pinakamaliit na detalye nito. * Nang matanto ng mga alagad na ang kanilang kausap ay si Jesus, na binuhay-muli sa espiritu, siya’y naglaho.

Dali-daling bumalik sa Jerusalem ang dalawang alagad. Nadatnan nila ang mga apostol na nagkakatipon sa isang saradong silid. Habang ikinukuwento ng dalawa ang nangyari, nagpakita si Jesus. Gulát na gulát ang mga tagasunod niya at hindi makapaniwala! “Bakit sumisibol sa inyong mga puso ang mga pag-aalinlangan?” ang tanong ni Jesus. “Nakasulat na ang Kristo ay magdurusa at babangon mula sa mga patay sa ikatlong araw.”​—Lucas 24:38, 46.

Sa loob ng 40 araw matapos siyang buhaying-muli, nagpakita si Jesus sa kaniyang mga alagad sa iba’t ibang pagkakataon. Minsan, nagpakita siya sa mahigit 500 katao! Malamang na sa pagkakataong ito niya ibinigay ang malaking atas na ito: “Humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa,  . . na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo. At, narito! ako ay sumasainyo sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.”​—Mateo 28:19, 20.

Sa kaniyang huling pakikipagpulong sa 11 tapat na apostol, nangako si Jesus: “Tatanggap kayo ng kapangyarihan kapag dumating sa inyo ang banal na espiritu, at kayo ay magiging mga saksi ko . . . hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Pagkatapos, si Jesus ay itinaas, at natakpan ng ulap habang umaakyat sa langit.

—Batay sa Mateo kabanata 28; Marcos kabanata 16; Lucas kabanata 24; Juan kabanata 20 at 21; 1 Corinto 15:5, 6.

^ par. 6 Para sa ilang halimbawa ng mga hula tungkol sa Mesiyas na natupad kay Jesus, tingnan ang Seksiyon 14, Seksiyon 15, at Seksiyon 16 ng brosyur na ito, gayundin ang artikulong “Si Jesu-Kristo—Ang Ipinangakong Mesiyas” sa apendise ng aklat na Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?