Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SEKSIYON 20

Pinatay si Jesu-Kristo

Pinatay si Jesu-Kristo

Isang bagong pagdiriwang ang pinasimulan ni Jesus; ipinagkanulo siya at ipinako sa tulos

TATLO’T kalahating taon nang nangangaral at nagtuturo si Jesus. Alam niyang biláng na ang mga araw niya sa lupa. Ang mga Judiong lider ng relihiyon ay nagsabuwatang patayin siya, pero hindi nila ito magawa sa takot na baka magkagulo ang mga tao, na naniniwalang isa siyang propeta. Samantala, inimpluwensiyahan ni Satanas ang isa sa 12 apostol ni Jesus​—si Hudas Iscariote​—na magtraidor kay Jesus. Inalok ng mga lider ng relihiyon si Hudas ng 30 baryang pilak para ipagkanulo si Jesus.

Sa huling gabi ni Jesus, nakipagtipon siya sa kaniyang mga apostol para ipagdiwang ang Paskuwa. Matapos paalisin si Hudas, pinasimulan niya ang isang bagong pagdiriwang, ang Hapunan ng Panginoon. Kumuha siya ng tinapay, nanalangin, at ipinasa ito sa natirang 11 apostol. “Ito ay nangangahulugan ng aking katawan na siyang ibibigay alang-alang sa inyo,” ang sabi niya. “Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.” Gayundin ang ginawa niya sa kopa ng alak, na sinasabi: “Ang kopang ito ay nangangahulugan ng bagong tipan sa bisa ng aking dugo.”​—Lucas 22:19, 20.

Maraming gustong sabihin si Jesus sa kaniyang mga apostol nang gabing iyon. Binigyan niya sila ng bagong utos​—na ibigin nila ang isa’t isa nang walang halong kasakiman. Sinabi niya: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:34, 35) Pinayuhan niya silang huwag mabagabag sa kapaha-pahamak na mga pangyayaring malapit nang maganap. Taimtim na nanalangin si Jesus para sa kanila. Nag-awitan sila ng mga papuri at saka nagpunta sa hardin ng Getsemani noong gabing iyon.

Habang nasa hardin ng Getsemani, lumuhod si Jesus at ibinuhos sa panalangin ang kaniyang niloloob. Mayamaya, isang grupo ng mga kawal, saserdote, at iba pa ang dumating para arestuhin siya. Nilapitan ni Hudas si Jesus at hinalikan ito para makilala ng grupo kung sino sa mga naroroon si Jesus. Nang gapusin ng mga kawal si Jesus, tumakas ang mga apostol.

Habang nakatayo sa harap ng mataas na hukuman ng mga Judio, ipinakilala ni Jesus ang kaniyang sarili bilang ang Anak ng Diyos. Para sa hukumang iyon, isa siyang mamumusong at nararapat mamatay. Dinala nila si Jesus sa harap ng Romanong gobernador na si Poncio Pilato. Bagaman nakita niyang walang kasalanan si Jesus, ibinigay niya si Jesus sa mga mang-uumog na gustong pumatay sa Kaniya.

Si Jesus ay dinala sa Golgota at ipinako ng mga kawal na Romano sa isang tulos. Bagaman katanghaliang-tapat, biglang nagdilim ang buong paligid. Kinahapunan, namatay si Jesus, at nagkaroon ng isang malakas na lindol. Ang kaniyang mga labí ay inilagay sa isang libingang inuka sa bato. Kinabukasan, ang mga saserdote ay naglagay ng bantay sa pasukan ng libingan para walang makapasok. Makalalabas pa kaya si Jesus sa libingang iyon? Oo. Magaganap ang himala ng mga himala.

​—Batay sa Mateo kabanata 26 at 27; Marcos kabanata 14 at 15; Lucas kabanata 22 at 23; Juan kabanata 12 hanggang 19.

^ par. 15 Para sa higit pang pagtalakay sa kahalagahan ng sakripisyong kamatayan ni Jesus, tingnan ang kabanata 5 ng aklat na Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?