Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 9

Malapit Na Ba ang Katapusan ng Mundo?

Malapit Na Ba ang Katapusan ng Mundo?

1. Saan natin puwedeng malaman ang mangyayari sa hinaharap?

NAKAPANOOD ka na ba ng balita at nasabi mo, ‘May pag-asa pa kayang bumuti ang sitwasyon?’ Sa dami ng trahedya at kalupitan sa ngayon, naniniwala ang ilan na malapit na ang katapusan ng mundo. Totoo ba iyon? Puwede kaya nating malaman ang mangyayari sa hinaharap? Oo. Hindi ito kayang hulaan ng tao, pero kaya ng Diyos na Jehova. Sa Bibliya, sinasabi niya sa atin ang magiging kinabukasan natin at ng lupa.—Isaias 46:10; Santiago 4:14.

2, 3. Ano ang gustong malaman ng mga alagad ni Jesus, at ano ang isinagot ni Jesus sa kanila?

2 Kapag nababasa natin sa Bibliya ang tungkol sa katapusan ng mundo, hindi ito tumutukoy sa katapusan ng planetang Lupa kundi sa katapusan ng kasamaan. Itinuro ni Jesus sa mga tao na mamamahala ang Kaharian ng Diyos sa buong lupa. (Lucas 4:43) Gustong malaman ng mga alagad niya kung kailan darating ang Kaharian ng Diyos, kaya tinanong nila si Jesus: “Kailan mangyayari ang mga ito, at ano ang magiging tanda ng presensiya mo at ng katapusan ng sistemang ito?” (Mateo 24:3) Hindi nagbigay ng eksaktong petsa si Jesus, pero sinabi niya sa kanila ang mangyayari bago ang katapusan ng mundo. Nangyayari na ngayon ang sinabi ni Jesus.

3 Sa kabanatang ito, pag-uusapan natin ang mga ebidensiya na nabubuhay na tayo sa panahon bago ang katapusan ng mundo. Pero alamin muna natin ang digmaang nangyari sa langit para maintindihan natin kung bakit napakasama ng kalagayan sa mundo.

ISANG DIGMAAN SA LANGIT

4, 5. (a) Ano ang nangyari sa langit nang maging Hari si Jesus? (b) Ayon sa Apocalipsis 12:12, ano ang mangyayari sa lupa kapag inihagis na dito si Satanas?

4 Sa Kabanata 8, natutuhan natin na naging Hari si Jesus sa langit noong 1914. (Daniel 7:13, 14) Sa aklat ng Apocalipsis, mababasa natin ang nangyari: “Sumiklab ang digmaan sa langit: Si Miguel [o, Jesus] at ang mga anghel niya ay nakipagdigma sa dragon [si Satanas], at ang dragon at ang mga anghel nito ay nakipagdigma.” * Natalo sa digmaan si Satanas at ang kaniyang mga demonyo at inihagis sila sa lupa. Tiyak na napakasaya ng mga anghel! Pero kumusta naman ang mga tao dito sa lupa? Sinasabi ng Bibliya na darami ang problema ng mga tao. Bakit? Kasi galit na galit ang Diyablo, “dahil alam niyang kaunti na lang ang panahong natitira sa kaniya.”—Apocalipsis 12:7, 9, 12.

5 Ginagawa ng Diyablo ang lahat para guluhin ang mundo. Galit na galit siya dahil kaunti na lang ang panahong natitira sa kaniya bago siya alisin ng Diyos sa lupa. Pag-usapan natin ang sinabi ni Jesus na mangyayari sa mga huling araw.—Tingnan ang Karagdagang Impormasyon 24.

ANG MGA HULING ARAW

6, 7. Ano ang masasabi natin tungkol sa digmaan at taggutom ngayon?

6 Digmaan. Sinabi ni Jesus: “Maglalabanan ang mga bansa at mga kaharian.” (Mateo 24:7) Mas marami ang namatay sa digmaan sa panahon natin kaysa sa ibang panahon sa kasaysayan. Ayon sa report ng Worldwatch Institute, mahigit 100 milyon na ang namatay sa digmaan mula noong 1914. Mahigit triple ang dami ng namatay sa digmaan sa loob ng 100 taon mula 1900 hanggang 2000 kaysa sa namatay sa loob ng 1,900 taon bago nito. Isipin na lang ang pagdurusa ng milyon-milyon dahil sa digmaan!

7 Taggutom. Sinabi ni Jesus: “Magkakaroon ng taggutom.” (Mateo 24:7) Kahit mas mataas ngayon ang produksiyon ng pagkain, marami pa rin ang walang sapat na pagkain. Bakit? Dahil wala silang pambili ng pagkain o lupang mapagtatamnan. Wala pang isang dolyar kada araw ang pinagkakasya ng mahigit isang bilyong tao para mabuhay. Sinasabi ng World Health Organization na milyon-milyong bata ang namamatay taon-taon dahil sa kakulangan ng pagkain.

8, 9. Ano ang nagpapakitang natutupad na ang hula ni Jesus tungkol sa lindol at sakit?

8 Lindol. Inihula ni Jesus: “Magkakaroon ng malalakas na lindol.” (Lucas 21:11) Sa ngayon, inaasahang magkakaroon ng malalakas na lindol taon-taon. Mula noong 1900, mahigit dalawang milyon na ang namatay dahil sa lindol. At kahit nakatulong ang teknolohiya para malaman nang mas maaga kung may lindol, marami pa rin ang namamatay.

9 Sakit. Inihula ni Jesus na magkakaroon ng mga “epidemya.” Maraming sakit ang mabilis na kumakalat at nakamamatay. (Lucas 21:11) Kahit alam na ng mga doktor kung paano gamutin ang maraming sakit, may mga sakit pa rin na hindi nila kayang gamutin. Ayon sa isang report, milyon-milyon ang namamatay taon-taon dahil sa mga sakit na gaya ng tuberkulosis, malarya, at kolera. Pero nakatuklas pa ang mga doktor ng 30 bagong sakit, at ang ilan sa mga ito ay wala pang gamot.

ANG MAGIGING UGALI NG TAO SA MGA HULING ARAW

10. Paano natutupad sa ngayon ang 2 Timoteo 3:1-5?

10 Sinasabi ng Bibliya sa 2 Timoteo 3:1-5: “Sa mga huling araw, magiging mapanganib at mahirap ang kalagayan.” Sinabi ni apostol Pablo ang magiging ugali ng maraming tao sa mga huling araw. Sinabi niyang ang mga tao ay magiging

  • makasarili

  • maibigin sa pera

  • masuwayin sa magulang

  • di-tapat

  • walang pagmamahal sa pamilya

  • walang pagpipigil sa sarili

  • marahas at agresibo

  • maibigin sa kaluguran kaysa sa Diyos

  • nagkukunwaring makadiyos pero hindi naman sumusunod sa kaniya

11. Ayon sa Awit 92:7, ano ang mangyayari sa masasama?

11 Marami na bang ganiyan sa lugar ninyo? Marami nang ganiyan sa buong mundo. Pero malapit nang kumilos ang Diyos. Nangangako siya: “Kahit na ang masasama ay sumisibol na gaya ng panirang-damo at umuunlad ang lahat ng gumagawa ng mali, malilipol [o, mapupuksa] sila magpakailanman.”—Awit 92:7.

MAGANDANG BALITA SA MGA HULING ARAW

12, 13. Ano ang natutuhan natin sa tulong ni Jehova sa panahon ng mga huling araw?

12 Inihula ng Bibliya na sa mga huling araw, ang mundo ay mapupuno ng pagdurusa. Pero sinasabi rin ng Bibliya na may magagandang bagay na mangyayari.

“Ang mabuting balitang ito tungkol sa Kaharian ay ipangangaral sa buong lupa.”—Mateo 24:14

13 Pagkaunawa sa Bibliya. May isinulat si propeta Daniel tungkol sa mga huling araw. Sinabi niya: “Sasagana ang tunay na kaalaman.” (Daniel 12:4) Tutulungan ng Diyos ang kaniyang bayan na mas maintindihan ang Bibliya. Kitang-kita iyan mula pa noong 1914. Halimbawa, itinuro niya sa atin ang kahalagahan ng pangalan niya at ng layunin niya para sa lupa pati na ang katotohanan tungkol sa pantubos, sa nangyayari kapag namatay tayo, at sa pagkabuhay-muli. Natutuhan natin na Kaharian ng Diyos lang ang makakalutas sa lahat ng problema natin. Natutuhan din natin kung paano magiging maligaya at kung paano mamumuhay nang nakalulugod sa Diyos. Pero ano ang ginagawa ng mga lingkod ng Diyos sa natutuhan nila? Sinasagot iyan ng isa pang hula.—Tingnan ang Karagdagang Impormasyon 21 at 25.

14. Saan ipinangangaral ang mabuting balita ng Kaharian? Sino ang nangangaral nito?

14 Pangangaral sa buong mundo. Tungkol sa mga huling araw, sinabi ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito tungkol sa Kaharian ay ipangangaral sa buong lupa.” (Mateo 24:3, 14) Ang mabuting balita tungkol sa Kaharian ay ipinangangaral na sa mahigit 230 lupain at sa mahigit 700 wika. Oo, sa buong mundo, tinutulungan ng mga Saksi ni Jehova mula sa “lahat ng bansa at tribo” ang mga tao na maintindihan kung ano ang Kaharian at kung ano ang gagawin nito para sa sangkatauhan. (Apocalipsis 7:9) At ginagawa nila ito nang walang bayad. Kahit inuusig sila at marami ang galít sa kanila, hindi mapapahinto ang gawaing pangangaral, gaya ng inihula ni Jesus.—Lucas 21:17.

ANO ANG GAGAWIN MO?

15. (a) Naniniwala ka bang nabubuhay na tayo sa mga huling araw, at bakit? (b) Ano ang mangyayari sa mga masunurin at hindi masunurin kay Jehova?

15 Naniniwala ka bang nabubuhay na tayo sa mga huling araw? Maraming hula sa Bibliya tungkol sa mga huling araw ang natutupad na. Di-magtatagal, ipapatigil na ni Jehova ang pangangaral ng mabuting balita at darating “ang wakas.” (Mateo 24:14) Ano ang wakas na ito? Ito ang Armagedon—ang pagpuksa ng Diyos sa lahat ng kasamaan. Gagamitin ni Jehova si Jesus at ang makapangyarihang mga anghel niya para puksain ang sinumang ayaw sumunod sa Kaniya at sa Anak niya. (2 Tesalonica 1:6-9) Pagkatapos, hindi na madadaya ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo ang mga tao. At makikita ng lahat ng sumusunod sa Diyos at tumatanggap sa Kaharian niya ang katuparan ng lahat ng pangako niya.—Apocalipsis 20:1-3; 21:3-5.

16. Dahil napakalapit na ng wakas, ano ang kailangan mong gawin?

16 Malapit nang magwakas ang mundong ito na pinamamahalaan ni Satanas. Kaya napakahalagang itanong sa sarili, ‘Ano ang kailangan kong gawin?’ Gusto ni Jehova na matuto ka pa mula sa Bibliya. Kailangan mong seryosohin ang pag-aaral mo ng Bibliya. (Juan 17:3) Ang mga Saksi ni Jehova ay may mga pulong na idinaraos linggo-linggo para tulungan ang mga tao na maintindihan ang Bibliya. Regular na daluhan ang mga pulong na iyon. (Basahin ang Hebreo 10:24, 25.) Kapag nalaman mo na may mga dapat kang baguhin, huwag magdalawang-isip na gawin iyon. Habang ginagawa mo iyan, lalo kang mapapalapít kay Jehova.—Santiago 4:8.

17. Bakit magugulat ang karamihan ng tao kapag dumating ang wakas?

17 Sinabi ni apostol Pablo na ang pagpuksa sa masasama ay darating sa panahong di-inaasahan ng karamihan ng tao, gaya ng “magnanakaw sa gabi.” (1 Tesalonica 5:2) Inihula ni Jesus na marami ang hindi magbibigay-pansin sa mga ebidensiya na nabubuhay na tayo sa mga huling araw. Sinabi niya: “Ang presensiya ng Anak ng tao [o, mga huling araw] ay magiging gaya noong panahon ni Noe. Noong panahong iyon bago ang Baha, ang mga tao ay kumakain at umiinom, ang mga lalaki at babae ay nag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa arka, at hindi sila nagbigay-pansin hanggang sa dumating ang Baha at tinangay silang lahat. Magiging gayon ang presensiya ng Anak ng tao.”—Mateo 24:37-39.

18. Anong babala ang ibinigay ni Jesus sa atin?

18 Nagbabala si Jesus na hindi tayo dapat magpokus sa “sobrang pagkain, sobrang pag-inom, at mga álalahanín sa buhay.” Sinabi niya na bigla na lang darating ang wakas, “gaya ng bitag.” Sinabi rin niya na “darating ito sa lahat ng naninirahan sa buong lupa.” At idinagdag pa niya: “Manatili kayong gisíng, na nagsusumamo [o, buong pusong nananalangin] sa lahat ng panahon para makaligtas kayo mula sa lahat ng ito na kailangang maganap at makatayo kayo sa harap ng Anak ng tao.” (Lucas 21:34-36) Bakit napakahalagang makinig sa babala ni Jesus? Dahil napakalapit nang puksain ang masamang sistema ni Satanas. Ang mga sinang-ayunan lang ni Jehova at ni Jesus ang makakaligtas at mabubuhay magpakailanman sa bagong sanlibutan.—Juan 3:16; 2 Pedro 3:13.

^ par. 4 Ang Miguel ay isa pang pangalan ni Jesu-Kristo. Para sa detalye, tingnan ang Karagdagang Impormasyon 23.